CHAPTER 18: ZERO VISIBILITY

1122 Words
Sabrina’s POV ​ Dapat ay alas-kuwatro pa lang ng madaling-araw ay bumibiyahe na kami pa-Batangas. Naka-ready na ang mga van, gising na ang buong production crew, at nakabihis na ako. Pero bago pa man maisakay ang mga racks ng damit sa sasakyan, isang malaking sakuna ang sumalubong sa amin sa loob ng atelier. ​Dahil sa nagbabadyang masamang panahon, nagkaroon ng mahinang tagas ang aircon unit sa storage room kung saan nakasabit ang mga pinaka-delikadong silk gowns na gagamitin ko para sa shoot. Tatlong gowns ang nabasa, at ang isa doon ay ang mismong main lookbook dress na gawa sa mamahaling crepe de chine—isang tela na mabilis masira at magmantsa kapag natuyuan ng dumi ng tubig. ​ Noong mga oras na iyon, nakita ko kung paano magwala ang perfectionist side ni Eli. ​ Hindi pwedeng basta-basta plantsahin ang damit; kailangang dumaan sa mabilisang dry cleaning, muling tahiin ang mga bahaging lumaylay dahil sa bigat ng tubig, at i-re-examine ang bawat tahi. Bilang head designer, tumanggi si Eli na umalis kami hangga't hindi perpekto ang bawat piraso. ​Kaya naman ang dapat sanang maagang biyahe ay nakansela. Buong maghapon kaming na-trap sa mainit at abalang atelier. Habang si Eli at ang mga assistant niya ay halos magkandarapa sa pag-aayos ng mga gowns, ako naman ay naiwang balisa sa isang tabi—lalong pinapahirapan ng mga banta at screenshots na patuloy na sine-send ni Chloe sa phone ko simula pa kaninang alas-sais ng umaga. ​ "Alas-singko na ng hapon, guys. Ang wardrobe team at associates, mauna na kayo sa mga van. Double check the racks, make sure walang maiiwang piraso ng damit," mariin at sa wakas ay pagod na utos ni Eli sa buong Torres Atelier team habang pababa kami sa parking lot. ​ Sa wakas, pagkatapos ng mahigit labintatlong oras na delay, handa na kaming bumiyahe. Pero ang katawan ko ay parang lantang gulay na bago pa man magsimula ang shoot. ​ "Sabrina, sa SUV ka na sumabay sa akin. Masikip na sa van ng production," pormal na sabi ni Eli, nang hindi man lang tumitingin sa mga mata ko. Diretso niyang binuksan ang trunk ng kanyang luxury SUV para ilagay ang mga gamit ko bago siya sumakay sa driver's seat. ​ Lumunok ako at sumakay sa passenger seat. Kung sa van ako sumakay, baka kahit papaano ay may ibang taong pwedeng mag ingay. Pero dito sa loob ng SUV niya, ang katahimikan ay parang isang mabigat na pader. Pinasibad niya ang sasakyan palabas ng Makati, sumusunod sa convoy ng mga van ng team namin. Doon na nagsimula ang totoong parusa. ​ Dahil Biyernes ng hapon at weekend getaway ng mga tao, sinalubong agad kami ng mala-impiernong traffic pa-SLEX. Parang parking lot ang kalsada. Para mas lalong maging kumplikado, biglang bumuhos ang isang napakalakas na ulan. Ang langit na kanina lang ay makulimlim ay tuluyan nang nagdilim, tila ba nakikisabay sa bigat ng nararamdaman ko. ​ Sa loob ng sasakyan, walang nagsasalita. Tanging ang marahas na tunog lang ng windshield wipers at ang malamig na hangin ng aircon ang namamayani. Para basagin ang nakabibinging katahimikan, ini-on ni Eli ang stereo ng sasakyan. ​Isang pamilyar na intro ng gitara ang dahan-dahang umalingawngaw sa loob ng SUV. ​ “Bakit ’di maamin ang nararamdaman? Di makalapit sadyang nanginginig na lang…” ​Halos mapigtas ang hininga ko nang marinig ang emosyonal na boses ni Zel Bautista. Bulong ng December Avenue. Sa dinami-rami ng kanta sa playlist niya, bakit ito pa ang tumugtog? ​ “...Mga kamay na sabik sa piling mo. At ang iyong mga matang walang mintis sa pagtigil ng aking mundo..” ​ Nangilid ang mga luha sa mata ko kaya mabilis akong humarap sa bintana, pilit na pinapanood ang mga patak ng ulan na gumugulong sa salamin. Ang sakit. Sobrang sakit ng bawat linya dahil parang isinulat ’yon para sa aming dalawa ngayon. Magkasama kami sa loob ng sasakyang ito, ilang pulgada lang ang agwat ng mga balikat namin, pero pakiramdam ko ay milyun-milyong kilometro ang layo niya sa akin. May lihim na pagmamahal ako sa kanya na hindi ko maamin dahil sa takot, habang siya naman... patuloy na nagtatayo ng pader. ​Napatingin ako kay Eli sa gilid ng aking mga mata habang mahigpit ang hawak niya sa manibela. Igting ang kanyang panga, seryoso ang tingin sa kalsada, at nakita ko ang marahang pagbaba-taas ng kanyang dibdib habang sumasabay ang kanta sa emosyon sa loob ng sasakyan. ​ “Ako'y alipin ng pag ibig mo.Handang ibigin ang sang tulad mo.Hangga't ang puso mo'y sa akin lang…di ka na malilinlang….” ​Handa akong maging alipin mo,Eli,kung papayagan mo lang ako... bulong ko sa sarili ko, habang unti-unting nadudurog ang puso ko sa takot na baka kapag nalaman niya ang pusta, tuluyan na niyang ibaon ang anumang nararamdaman niya para sa akin. ​ Dalawang oras. Tatlong oras. Apat na oras. ​ Nang makalabas kami ng expressway at pumasok na sa mga palikot-likot na madidilim na daan ng Batangas, mas lalong lumala ang panahon. Ang ulan ay naging isang ganap na bagyo. Ang malalakas na hampas ng hangin ay nagpapaduyan sa mismong SUV namin. Dahil sa tindi ng ulan, zero visibility na sa unahan. Halos hindi na makita ang linya ng kalsada. ​ Napahawak ako nang mahigpit sa dashboard nang biglang mag-preno si Eli dahil sa isang malabong aninag ng sasakyan sa harap. ​ "Damn it," mahina ngunit mariing mura ni Eli, mas lalong humigpit ang hawak sa manibela habang binabagalan ang takbo. Hininaan niya rin ang volume ng stereo para mas makapagtutok sa daan. ​Isang mahinang kulog ang gumuhit sa kalangitan. Nararamdaman ko na naman ang unt-unting panginginig ng mga kamay ko sa takot. Pinilit kong itago 'yon sa pamamagitan ng paghalukipkip at pag-iwas ng tingin. Ayokong mapansin niya. Ayokong magmukhang mahina sa harap niya pagkatapos niya akong tratuhin ng malamig buong araw. ​ Hatinggabi na nang tuluyang pumasok ang SUV ni Eli sa arko ng eksklusibong beach resort sa Batangas, kasunod ng mga van ng team. Ang buong paligid ay nababalot ng kadiliman at ng galit ng kalikasan. Pagod, gutom, at emosyonal na lantang-lanta na ako nang sa wakas ay i-park niya ang sasakyan sa harap ng lobby. ​ "Baba na tayo," maikli niyang sabi bago pinatay ang makina, tuluyang pinapatay ang kanta na nag-iwan ng matinding kirot sa aming dalawa. ​ Bumaba ako na mabigat ang mga paa. Habang naglalakad kami para pumasok sa lobby ng resort, ang tanging tumatakbo na lang sa isip ko ay ang makahiga at umiyak para ilabas ang lahat ng takot ko kay Chloe at ang sakit ng cold treatment ni Eli. Pero hindi ko alam, ang pinakamatinding pagsubok ng gabing ito ay naghihintay pa lang sa amin sa front desk.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD