Hindi mapigilan ang ingay ng kasiyahan sa loob ng malaking bahay ng pamilya ng mga Merlin.
Kumukutitap ang mga ilaw, umaalingawngaw ang musika, at halos mapuno ng halakhakan ang bawat sulok ng tahanan. Sa gabing iyon, ipinagdiriwang ang isang tagumpay na matagal nilang hinintay, ang pagiging numero unong top notcher ni Sharina sa kanilang paaralan.
“Para kay Sharina!” sigaw ng isa sa mga bisita habang itinaas ang baso.
“Siyempre! Karapat-dapat lang sa kanya iyan!” sagot naman ng isa pa.
Ngunit sa gitna ng engrandeng selebrasyon, may isang bagay na tila pilit tinatakpan, ang pagkawala ni Olivia. Isang pangalan na hindi binanggit. Isang presensyang parang kusang binura sa isipan ng lahat. Ang mga magulang ni Sharina ay abala sa pagtanggap ng mga bisita. Ang kanyang ina ay walang tigil sa pagngiti, habang ang ama naman ay panay ang pakikipagkamay sa mga kasosyo sa negosyo. Para bang walang kahit anong mali at walang nangyari sa pamilyang ito.
At si Marlon..
Sa umpisa, tahimik lang siyang nakaupo sa isang sulok. Hawak ang baso ng alak, nakatingin sa kawalan. Hindi niya alam kung bakit siya nandito. Hindi niya maintindihan kung bakit tila napakadaling kalimutan ng lahat ang kapatid niya.
"Marlon, insan ikaw ba yan? hindi ako sana'y na ganyang kapangit ang itsura mo kapag nakasimangot" mariing sinabi ni Leo, ang malapit na kamag anak ng pamilya.
"Leo, alam mo naman nalulugkot pa rin ako sa pagkawala ng kapatid ko. Kahit ang mga awtoridad wala pa ring maibigay na bagong impormasyon."
"Naiitindihan kita insan, hindi lang naman ikaw ang nawalan. Pero, huwag mong kalimutan na may isa ka pang kapatid. Si Sharina! ganito talaga ang buhay, hindi pweding tumigil. Mali ito, pero ito ang realidad, katulad mo. umaasa din naman akong makakabalik na din dito ang pinsan kong si Olivia." sinabi ni Leo sabay tapik sa balikat ni Marlon.
"Hindi ko lang kasi makuhang magsaya, kaya nandito ako sa gilid. Ayaw ko makita ng iba ang totoong nararamdaman ko"
"Nandito lang ako insan.. dito na lang muna ako para may kasama ka" sunod na sinabi ni Leo.
Tumango lang si Marlon.
Si Olivia.
Nasaan ka na ba mahal kong kapatid? bulong ni Marlon.
Ngunit sa bawat lagok ng alak, unti-unting naglalaho ang kanyang pag-iisip. Ang sakit, ang tanong, ang pangamba—lahat ay tinatabunan ng init ng inumin. Hanggang sa tuluyan na siyang nalunod dito.
Napansin iyon ni Sharina mula sa malayo.
Tahimik lang siyang nakamasid, tila ba may binibilang na oras. Nakasuot siya ng eleganteng damit, bagay sa kanya ang tagumpay. Ngunit sa kanyang mga mata, may kung anong hindi maipaliwanag, isang lalim na hindi nababasa ng kahit sino. Unti-unting natapos ang kasiyahan. Isa-isang nagsiuwian ang mga bisita. Humina ang musika. Namatay ang ilaw sa sala, maliban sa iilang ilaw na nagbibigay pa rin ng kaunting liwanag.
At doon nagsimula ang tunay na gabi.
Nakita ni Sharina si Marlon na hirap na hirap maglakad paakyat ng hagdan. Halos hindi na nito maayos ang sarili. Walang direksyon ang kanyang mga hakbang, at sa bawat galaw ay halatang wala na itong kontrol.
Tahimik niya itong sinundan, nang may maingat sa kanyang bawat hakbang.
Hanggang sa makarating sila sa kwarto ni Marlon. Bumagsak si Marlon sa kama, walang kalaban-laban. Napapikit siya agad, tila ba sumuko na ang kanyang katawan sa pagod at kalasingan.
Lumapit si Sharina.
Saglit siyang tumayo sa gilid ng kama, pinagmamasdan ang lalaking nakahiga. Ang mukha nito ay puno ng pagod, ngunit may bakas pa rin ng lungkot, isang lungkot na hindi kayang itago kahit sa pagtulog.
Dahan-dahan siyang umupo sa gilid ng kama.
“Marlon…” mahina niyang bulong.
Walang tugon.
Lumapit pa siya.
“Hindi mo siya kayang hanapin…” dagdag niya, halos parang kinakausap ang sarili.
Saglit siyang tumigil.
Pagkatapos, pumikit.
At sa isang iglap, tila ba may desisyong tuluyan nang nabuo sa kanyang isipan.
Humiga siya sa tabi ni Marlon.
At sa gabing iyon, ang katahimikan ang naging saksi sa isang pangyayaring magpapabago sa lahat.