Mabilis ang pagpapatakbo ni Calvin sa kanyang sasakyanhabang papunta sila sa Dy Group of Companies. Parang galit na galit ito dahil sa nangyari sa mansyon ng nobya.
“Tart. Ano ba?!” sigaw ni Sky at kinakabahan sa mabilis na pagpapatakbo ng nobyo “Dahan-dahan lang” pero hindi kumibo si Calvin sa kanya at pinagpatuloy ang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan “Ano ba?! Gusto mo bang mamatay ako? ITIGIL MO’TO!!”
Pumreno kaagad si Calvin ng kanyang sasakyan. Buti na lang ay nakasuot silang dalawa ng seatbelt at baka tumilapon sila dahil sa sobrang lakas ng preno nito.
Tumingin siya kay Sky na parang nagagalit ito sa kanyang nakita kanina sa mansyon “Bakit hindi mo sinabi sa akin na andito na pala sa Pilipinas ang ex mo..?”
“Tart. Pasensiya na kung hindi ko nasabi sa’yo agad na nandito siya, dahil ako rin naman ay nagulat eh” paliwanag ni Sky “Kahapon ng umaga ko lang din siya nakita sa mansyon”
“Kahapon pa..?” ulit ni Calvin “E anong ginawa mo buong maghapon sa mansyon? Magkasama kayo..? Anong ginawa niyo..?”
“Wala siyempre. Umiiwas nga ako sa kanya eh. Naalala mo? Tinawagan kita kahapon?? Ang sabi ko na magkita tayo pero ang sabi mo sa akin ay hindi ka pwede dahil may pasok ka pa”
“Talaga..?”
“Oo naman. Hindi ka ba naniniwala sa akin?”
“Naniniwala naman. Pasensiya na Tart” doon na kumalma ang mukha ni Calvin sa paliwanag sa kanya ng nobya “Sobrang nagulat lang kasi ako dahil nakauwi na dito sa Pilipinas ang ex mo”
“Tart” sabay himas ng balikat ni Calvin “Don’t worry, hindi siya makasisira sa atin”
“I know. May tiwala naman ako sa’yo pero wala akong tiwala sa kanya” sambit niya “Alam ko kasi na mahal ka pa rin niya. Dahil iyan ang nakikita ko kanina sa mga mata niya”
“Hayaan mo na siya Tart, okay? Huwag mo na siyang isipin. Ikaw ang mahal ko”
Ngumiti naman si Calvin sa sinabi sa kanya ng kanyang nobya “I know Tart. Mahal na mahal din kita” biglang may sumagi isipan ni Calvin dahil nagtataka ito sa ginawa ng kanyang nobya kahapon. “Tart, diba sabi mo kahapon umalis ka?”
“Oo Tart. Nagdinner ako kagabi”
“May kasama ka?”
“Yes Tart. Bakit mo naman natanong yan?”
“Wala naman. Nagtataka lang ako dahil hindi mo rin binanggit sa akin ito” sagot ni Calvin “Sino ba kasama mo kagabi?”
“Ahmm. Si Mike Tart. Ang pinsan ko”
“What?! Magkasama kayo kagabi?
“Oo. Bakit? Masama ba?”
“Ano ba ginawa ninyo?”
“Nagdinner nga. Tapos umuwi”
“Yun lang..? Wala na kayong ginawang iba?”
“Wala na Tart. Bakit naman?”
“Wala naman. Nagtatanong lang ako Tart”
Hindi na sumagot si Sky dahil nakarating na sila sa gusali ng Dy Group of Companies. Kaagad niyang inayos ang kanyang sarili bago siya makababa.
“Sige Tart. Pasok na ako sa trabaho” paalam niya kay Calvin at hinalikan niya ito sa labi
“Mag-ingat ka” tanging sambit ni Calvin na parang naiinis.
Napansin naman ito ni Sky pero hindi niya na lang tinanong ang nobyo dahil late na talaga siya sa trabaho. Binuksan ang pintuan ng sasakyan at kaagad bumaba at isinara.
Walang sabi-sabi ay kaagad umalis si Calvin na hindi tinitignan ang kanyang nobya.
***
Samantala. Sa bahay ni Mike.
Hindi pumasok si Mike sa kanyang opisina at nandoon lang siya bahay, nakahandusay sa sahig at nakatulala sa hangin.
Nagsisisi pa rin siya kasi sa ginawa niya sa kanyang partner na si Anthony na pagkuha ng imbestigador para tiktikan siya sa ginawa niya maghapon. Hindi niya inaasahan na magba-backfire sa kanya ang kanyang ginawa.
Kinuha niya ang kanyang telepono na nasa kanyang tabi. Tinignan kung nagtext o tumawag ang kanyang mahal. Pero wala.
***
Samantala. Sa lugar ng trabaho ni Anthony.
Unang araw sa trabaho ni Anthony at tambak ang kanyang mesa ng mga papeles na kanyang gagawin pero hindi niya pa ito naumpisahan dahil may bumabagabag sa kanyang isip. Ito ay ang tungkol sa nalaman niya sa kaibigan at assistant ng kanyang ex na si Lucas.
Habang nakatulala ito sa upuan ay may biglang lumapit sa kanya na babae.
“Baks… okay ka lang?” sambit ni Grace na kanyang kaibigan at kasama sa trabaho.
Napatingin naman siya sa kaibigan “Oo baks. Okay lang ako. Meron lang kasi akong iniisip”
“Tungkol naman saan? Ahh. Alam ko na” dugtong niya sa kaibigan “Tungkol naman ba ‘to kahapon? Sa nalaman mo?”
“Oo” tanging sagot niya
“E ano ba ang talaga ang nalaman mo mula kay Lucas?”
“He’s engaged. Sa kanyang male partner ngayon”
“What?? E paano ang kanyang asawa..?? Sino nga ba yun? Si Bek?”
“Oo siya. Well ang sabi ni Lucas sa akin kahapon ay matagal na silang hiwalay” kuwento ni Anthony sa kanya “Napawalang-bisa ang kasal nilang dalawa dahil nagfile si George ng annulment para sa grounds ng insanity or pagkabaliw ni Bek”
“Oo nga naman. Baliw talaga yon eh” pagkumpirma ni Grace “Naalala mo yon nung nag-eskandalo siya nung nakita niya kayo sa mall? My gosh! Nakakahiya”
“Hay naku baks. Huwag mo nang ipaalala sa akin yan. Naiinis lang ako eh”
“Okay baks. Sorry” dugtong nito “Pero infairness baks noh. Nakahanap na din si George ng taong magpapasaya sa kanya”
“Oo nga eh” buntong-hininga ni Anthony “Swerte talaga ng partner niya at future mapapangasawa niya. Buti pa nga siya eh. Kasi naranasan niya na ipaglaban siya ni George at ang pagmamahalan nila. Ako noon, hindi eh”
Napatitig ng mabuti si Grace sa kanyang kaibigan dahil nagdadrama na naman ito. “Uy baks. Don’t tell me na hindi ka pa nakakapag-move-on kay George? Ilang taon na ang nakalipas oh”
“Parang hindi pa eh. Mahal ko pa rin siya siguro” sagot ni Anthony
“Mahal?” ulit ni Grace “E kung mahal mo pa si George, paano naman ang partner mo ngayon? Anong pangalan niya ba yon?”
“Michael…”
“Oh si Michael. Paano siya..?”
“Hindi ko alam eh” sagot niya kay Grace “Isa pa yon. Parang praning kasi. Nakakainis”
“Ganon? Hindi mo alam? Alam mo baks, kung ako sa’yo ha. Kung hindi ka naman masaya sa kanya, hiwalayan mo na siya. Huwag mo lang siya paasahin sa wala”
Ilang saglit din ang pananahamik ni Anthony dahil napaisip siya sa pinayo sa kanya ni Grace.
“Hmmm. Sige. Susubukan ko baks”
“Tama yan, baks. Maawa ka sa tao. Huwag mong gawin sa kanya ang ginawa sa’yo ng ex mo”
“Sige”
“Sana pakinggan mo ang pinayo ko sa’yo ha” dugtong ni Grace sa sinabi niya “Oh pano, balik na ako sa pwesto ko. Baka makita tayo ni boss na nag-uusap”
“Okay baks. Salamat pala dahil tinulungan mo ako na makapasok dito ha”
“Ano ka ba. Huwag ka nang magpasalamat. Magkaibigan tayo noh” sabay ngiti ni Grace “Sige baks. Alis na ako”
“Sige”
“Pag-isipan mo yan”
Hindi na sumagot si Anthony sa huling sinabi ni Grace sa kanya. Kaagad naman ito bumalik sa trabaho para ipagpatuloy na nga ang kanyang maraming gawain.
Magkalipas ang ilang oras ay bumalik muli si Grace sa kanyang mesa.
“Baks..” panimula nito
“Oh bakit? May problema ba?” tanong naman ni Anthony
“Wala naman. Pero may naghahanap kasi sa’yo sa baba”
“Sino..??”
“Si Michael. Partner mo”
“Bakit siya nandito?” sabay kunot ng kanyang noo at parang nagulat dahil nalaman nga ni Mike kung nasaan siya nagtatrabaho “At paano niya nalaman na nandito ako nagtatrabaho?”
“Eeehhh. Baks. Pasensiya na” sabay yuko ni Grace “Tumawag siya kasi kanina sa Messenger ko eh. Tinanong niya kasi sa akin kung nasaan tayo nagtatrabaho”
“Oh tapos? Sinabi mo agad?”
“Hindi. Hindi baks. Ayaw ko sanang sabihin sa kanya pero pinilit niya ako eh” kwento ni Grace sa kanya “Pasensiya na talaga. Naawa kasi ako sa kanya dahil sobra siyang nagmamakaawa sa akin. Kaya sinabi ko na lang”
“Hay naku. Ikaw talaga. Huwag ka nang magsorry dahil natapos na” hinga ng malalim ni Anthony “Sige na… bababa na ako sa kanya” dugtong niya na tila nabigo sa kaibigan.
Kaagad siyang tumayo sa kanyang upuan at lumakad dumerecho sa elevator para kausapin nga si Mike na naghihintay sa kanya sa ibaba.
***
Samantala.
Hindi mapakali si Mike habang nakatayo siya at naghihintay sa kanyang partner na si Anthony. Nagdesisyon siya kasi na puntahan na lang ito sa trabaho para kausapin muli ng masinsinan dahil hindi talaga siya mapakali sa kanilang bahay na hindi sila nagiging maayos na dalawa.
“Anong kailangan mo?” matigas na tono ni Anthony na papalapit at kakalabas lang mula sa elevator.
“Babe…” sambit ni Mike
“Bakit nga..? What do you want?”
“Andito lang naman ako para humingi ako ng tawad sa’yo. Babe” panimula ni Mike “Sorry na babe oh. Pinagsisihan ko na ang ginawa ko sa’yo. Alam ko na napasorba ako sa ginawa ko sa’yo. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon para magbago oh”
“What..?? Seryoso ka…??” kunot ng noo ni Anthony “Pumunta ka lang dito sa trabaho ko para istorbohin lang ako para lang sa ganyan?? Sa walang ka-kwentang bagay?? Talaga? Seryoso ka?”
“Oo babe” sabay bagsak ng mukha ni Mike “Hindi kasi ako mapakali eh. Hindi ako makakilos ng maayos at hindi ako makakain dahil sa away natin. Please babe, patawarin mo na ako”
“You’re just wasting my time, Mike. Busy ako ngayon sa trabaho. Mag-uusap na lang tayo mamaya sa bahay. Huwag dito”
“Babe. Please” sabay hawak ni Mike sa kanyang braso.
“Huwag mo akong hawakan”
“Parang awa mo na babe oh. Patawarin mo na ako” pagmamakaawa pa rin ni Mike sa kanya.
“I said, mamaya na sa bahay” ulit niya at parang naiinis na ito sa pagiging makulit ni Mike “Isa pa ha, baka gusto mo na mag-eskandalo ako dito at mabisto ng lahat ang totoo mong pagkatao”
Doon na lang binatawan ni Mike si Anthony at hindi na lang sumagot sa pagbabanta sa kanya. Kaagad naman tumalikod sa kanya ang kanyang partner at iniwan siya na nakatulala at basa ng luha ang kanyang pisngi.
***
Sa opisina ng DGC.
Nasa mesa si Jeff ng kanyang opisina at may mga pinipirmahan na mga papeles. Sakto din na pumasok ang assistant niya na si Gwen.
“Sir Jeff..” panimula ni Gwen “Tinawagan ko na po ang Teng Prime Holdings pero sabi ng assistant ni Sir Mike ay hindi daw siya nakapasok ngayong araw”
“Ha? Bakit daw?”
“Hindi din daw niya sinabi Sir eh”
“Naku. Pano ‘to. May meeting kasi kami mamaya tungkol sa Breweries eh” dugtong ni Jeff at sumulyap muli siya kay Gwen “Gwen, paki-tawagan muli ang opisina nila. Sabihin mo na importante na pumunta siya mamaya sa meeting”
“Okay po. Masusunod Sir”
“Thank you, Gwen. Pwede ka nang lumabas” dugtong niya
Kaagad naman lumabas ang kanyang assistant sa kanyang opisina. Pagkatapos ng ilang saglit ay pumasok naman ang kanyang anak.
“Hello Papa” bati ni Sky sa kanya
“Oh Sky. Andito ka na pala”
“Opo Papa. Kanina pa ako nandito. Naisipan ko lang na bisitahin kita” sambit ni Sky habang lumalakad siya palapit sa mesa ng ama. Doon niya nakita na parang may iniisip ito na malalim “Okay ka lang po ba Papa?”
“Hindi anak eh” buntong-hininga ni Jeff “Naisip ko lang kasi ang pinsan mo na si Mike”
“Si Mike? Bakit po Papa? Ano ba ang nangyari sa kanya?”
“Wala naman. Pero nag-aalala kasi ako sa kanya. May meeting kasi kami mamaya pero ang sabi ni Gwen sa akin ay hindi daw siya pumasok sa trabaho at hindi din nila alam kung ano ang rason sa kanyang pag-absent” kuwento niya sa anak “Baka may alam ka tungkol sa pinsan mo, anak”
“Ganon ba Papa..?” dugtong niya habang inaalala niya ang naging usapan nila nung nasa restaurant sila ng kanyang pinsan “Hmmm. May naikuwento siya sa akin kagabi tungkol sa kanila ng asawa niya. Meron lang silang problemang dalawa”
“Talaga anak? Kaya pala hindi siya pumasok sa opisina niya” sambit ni Jeff “Anak? Pwede ba humingi ako sa’yo ng pabor?”
“Sure Papa. Ano po yon?”
“Pwede mo bang siyang puntahan sa bahay niya at kausapin? Alam mo naman na tayo na lang ang kapamilya niya. Kailangan niya ng makakausap sa kanyang problema ngayon”
“Sige po. Wala pong probema Papa” sang-ayon ni Sky sa pakiusap ng ama “Kailan ba?”
“Mamaya na siguro anak. Kung okay lang sa’yo” sagot ni Jeff “Gusto ko sana na ako pupunta pero marami pa akong gagawin pagkatapos ng opisina”
“Sige po Papa. Don’t worry. Ako na lang kakausap sa kanya. Sige po. Babalik na ako sa opisina ko”
“Sige anak. Maraming salamat talaga”
Kaagad lumakad patungo sa pintuan si Sky para makabalik na sa kanyang opisina. Samantala si Jeff naman ay nasa mesa niya pa rin at pinagpatuloy na ang kanyang trabaho na hindi natapos.
***
Dakong alas-siyete ng gabi ay nasa sala si Mike, nakaupo sa sahig habang nakasandal sa gilid ng sofa at hawak-hawak ang isang bote ng alak. Parang marami na ang kanyang nainom dahil sa mga nakakalat na mga bote na walang laman sa kanyang tabi.
Tulala si Mike habang dumadaloy ang kanyang mga luha sa pisngi niya. Parang tinakloban siya ng langit dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya pinapatawad ng kanyang partner.
Hindi niya namalayan na may nakapasok na pala na tao sa kanyang bahay. At lumalakad at papalapit patungo sa kanya.
Itutuloy…