Chapter 04

2404 Words
HINDI AGAD dalawin ng antok si Zebianna nang gabing iyon. Siguro dahil na rin sa pag-iisip niya tungkol sa pag-alis kinabukasan. Hindi na nga siya nagrereklamo na animo para siyang isang bilanggo sa apat na sulok ng silid nila ng kaniyang Nanay Agatha, tapos ngayon, balak pa siyang dalhin sa malayo ni Shantal Samarro. “I hate your face, Zebianna…” naalala pa ni Zebianna na wika ni Shantal sa kaniya. Maingat siyang bumangon mula sa pagkakahiga at maingat din ang bawat kilos nang bumaba siya sa double deck na kaniyang kinahihigaan. Pinagmasdan pa niya ang kaniyang ina na nakahiga pa rin patalikod kaya hindi niya makita ang mukha nito. Malungkot ba ito na aalis siya? Hindi niya alam dahil hindi ganoon ang nakita niya rito kanina. O baka naman itinatago lang nito sa kaniya para hindi siya malungkot lalo? Malungkot na ipinasya muna ni Zebianna na lumabas sa silid nila. Unang beses niya na lumabas doon na wala namang gagawin. Gusto lang niyang pumunta sa may labas at magpahangin. May ilaw naman doon na puwede niyang buksan. Magpapaantok na rin dahil hindi siya makatulog. Maingat din nang lumabas si Zebianna na silid na gamit nilang mag-ina. Daig pa niya ang isang magnanakaw dahil sa paghakbang papunta sa may kusina. Doon kasi siya dadaan para makarating siya sa kinaroroonan ng back door. Nasa gitna na siyang banda ng kusina nang bigla namang bumukas ang ilaw roon. Sa gulat ay para ba siyang itinulos sa kaniyang kinatatayuan. Dahil medyo nakayuko kaya naman nakasabog ang mahaba niyang buhok sa buong mukha niya. “Who are you?” Lalong natigilan si Zebianna nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Huminga muna siya nang malalim bago ipinasya na umayos ng tayo at humarap sa pinanggalingan ng boses na iyon. Lihim na natigilan na naman si Zebianna nang makita ang binatilyo na si Azriel. Kahit na nasa iisang bubong sila, sa loob ng mahigit tatlong taon ay literal na hindi niya ito nakita. Dahil hindi siya pinalalabas sa silid nila ng kaniyang ina. At hindi niya mapigilan ang pag-usbong lalo ng lihim na paghanga rito. Dahil may ibang-lahi si Azriel kaya naman sobrang guwapo nito. Lalo na ngayon na kinse anyos na ito. Lalo itong tumangkad at lumakas ang s*x appeal. Sigurado siya na napakaraming babae ang humahanga rito sa Mori High Academy kung saan ito nag-aaral ng high school. “S-Sir Azriel,” kandautal pa niyang bulalas. “Si Zebianna po ito,” aniya na medyo nagbaba ng tingin dahil hindi niya matagalan ang pagtitig nito sa kaniya. “Gabi na. Bakit nasa labas ka pa?” Paano kung isumbong siya nito sa mama nito na nakita siya nito na lumabas? Pero paalis na rin naman siya bukas ng umaga. Tiyak na wala na siya roon kung magalit man ang ina nito. “Magpapahangin lang po sana sa labas,” amin niya sa balak na gawin. “May kailangan po ba kayo?” aniya na ibinalik ang tingin dito. “Kukunin ko po,” buluntaryo pa niya. “I can manage,” ani Azriel na nilampasan na si Zebianna. Dumiretso ito sa may kinaroroonan ng refrigerator. Nahabol naman ni Zebianna ng tingin si Azriel. Isang hinga pa nang malalim bago niya ipinasya na ituloy na ang paglabas sa may back door. Naupo siya sa pahabang upuan na nasa may laundry area. Nakabukas na rin ang ilaw doon kaya maliwanag. Tumanaw siya sa malayo. Kapag umalis na siya bukas, hindi na niya lalo makikita pa ang mga tao roon. Sigurado siya na makakalimutan din siyang lalo ng mga anak ni Ma’am Tami. Baka pati ang napakabait sa kaniya na si Ma’am Tami ay makalimutan na rin siya. Apat na taon siyang mag-aaral sa High School sa isang Catholic School for girls. Matagal din siyang mawawala. Wala siyang ideya sa magiging buhay niya roon. Pero siguro iyon na rin ang mas okay dahil makakalayo na siya sa anino ni Shantal Samarro. Hindi na siya nenerbiyusin oras na marinig niya ang boses nito. Habang nakatitig si Zebianna sa malayo ay unti-unti niyang tinatanggap sa sarili ang nalalapit niyang pag-alis bukas. Kaysa naman para lang siyang preso sa lugar na iyon, tiyak na kahit paano ay makakaramdam siya ng kalayaan sa bagong lugar na titirhan niya. Dahil walang Shantal Samarro sa paligid. Napakurap si Zebianna nang biglang may humarang na baso ng gatas sa kaniyang harapan. Napakurap-kurap din siya nang makita ang kamay ni Azriel na nakahawak doon. Nang tumingin siya kay Azriel ay medyo ibinaba naman nito ang kamay na may hawak na baso na may lamang gatas. “Siguradong hindi ka dalawin ng antok. Drink this,” wika pa nito. May hawak din ito sa isa nitong kamay na gatas. Hindi rin ba ito makatulog? Lihim pa siyang napalunok bago tinanggap ang ibinigay nitong baso na may lamang gatas. “Salamat po, Sir Azriel,” nahihiya niyang wika. Halos mapigil pa ni Zebianna ang kaniyang paghinga nang maupo pa sa may tabi niya si Azriel. Bakit hindi ito pumasok at sa loob na lamang uminom ng gatas nito? Tatambay ba ito roon kasama siya? Nanibago siya bigla. Lalo na at ngayon lang ulit niya ito nakita. Tahimik na ininom niya ang gatas na ibinigay nito. Maligamgam iyon kaya naman hindi siya nahirapan na inumin. Bigla ay natuwa ang puso niya dahil ipinagtimpla siya nito ng gatas kahit na hindi naman siya humihingi. Baka naman gusto lang nito ng kasama sa pag-inom niyon? Kung ano pa man ang dahilan nito ay masaya siya. At babaunin niya ang saya na iyon sa pag-alis bukas. Kahit paano, naibsan na ang lungkot na nararamdaman niya. “Bakit hindi ka lumalabas ng kuwarto ninyo?” Lihim na namang nagulat si Zebianna dahil sa biglaang pagsasalita ni Azriel. Hinahanap ba siya nito? Pero imposible naman. Tumikhim si Azriel nang balingan ito ni Zebianna. “Tinatanong lang din nina Ken,” tukoy nito sa kapatid ni Samarrah. “Hindi puwede, eh,” aniya na nagbawi ng tingin. “Hindi puwede? Why not?” “Basta bawal akong lumabas sa kuwarto namin. Lalabas lang ako kung pupunta ako sa school.” “Hindi ka ba naiinip?” Nakakatuwa na kinakausap siya ni Azriel ng ganoon. Na para bang isang kaibigan. First time in history. At lalo siyang natutuwa dahil naaalala siya nina Kennedy. “Hindi. Nasanay na rin ako. Saka wala naman akong magagawa dahil ‘yon ‘yong utos din sa akin ng nanay ko.” At mas mahigpit na utos ng mama mo… dugtong niya sa kaniyang isipan. Gusto niyang sabihin dito ang nalalapit niyang pag-alis sa mansiyon na iyon. Pero hindi naman niya magawa dahil baka hindi naman iyon big deal kung malaman pa ni Azriel. At kung malaman din naman nito, tiyak naman niya na hindi pa rin magbabago ang desisyon ng ina nito na iritable sa pagmumukha niya sa hindi niya malaman na dahilan. Hindi naman siya pangit para kairitahan ang pagmumukha. Pero inis na inis sa kaniya ang ina ni Azriel. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon sa kaniya si Shantal. Pero kahit ang ina niya ay hindi alam kung bakit. Pasalamat na lang talaga siya dahil hindi kaugali ni Azriel ang ina nito. Humigpit na naman ang kapit ni Zebianna sa hawak niyang baso. Muli niyang tiningnan si Azriel. “Puwede mo po ba akong ikumusta kina Ma’am Tami? Sa kanilang lahat. K-kahit ‘wag na kay Samarrah. Siguradong maiinis lang siya,” aniya na nagbaba ng tingin. Bumaling din ng tingin sa kaniya si Azriel. “Bakit hindi ikaw ang mangamusta sa kanila? Sa darating na weekend, narito silang lahat. Wedding anniversary nina Lola Anna at Lolo Geoffredo.” Oo nga pala, malapit na ang wedding anniversary ng mga magulang nina Ma’am Shantal at Ma’am Tami. Ngunit wala na siya sa araw na iyon. “O-okay.” Hindi na niya iginiit pa kay Azriel na ikumusta siya sa mga pinsan nito at tito’t tita. Gusto lang naman niya na malaman nina Ma’am Tami na naaalala pa rin niya ang mga ito. May kurot na naman sa kaniyang puso dahil hindi magawang makausap kahit si Ma’am Tami na walang ginawa kung hindi ang puro kabutihan para sa kaniya. Sayang, hindi na naman niya ito magagawa pang makausap. Muli siyang uminom ng gatas sa hawak niyang baso. “Daig mo pa ang nahanginan, Zebianna.” Dahil sa sinabing iyon ni Azriel kaya muli siyang napatingin dito. Kumunot pa ang noo ni Azriel nang makita ang kulay puti na guhit sa may itaas ng labi ni Zebianna. Sumenyas ito na lumapit siya rito. Napakurap tuloy siya. “H-ho?” “Come closer.” Come closer? Pero bakit? Nang hindi siya kumilos para lumapit kay Azriel ay ito na ang umisod palapit sa kaniya. Napakurap-kurap pa si Zebianna nang punasan ni Azriel, gamit ng kamay nito, ang kaniyang nguso na may bakas ng gatas. “May amos ka kasi,” kaswal pa nitong wika. Habang si Zebianna naman ay para bang ipinako sa kinauupuan dahil sa gulat. Napapalunok na nagbawi siya ng tingin. Napahid din niya ang nguso niya. Ang kabog sa dibdib niya ay kay bilis. Ramdam pa rin niya ang mainit na palad ni Azriel na dumikit sa nguso niya. Mukhang na-distract ito sa hitsura niya kaya ito na ang nagpunas sa amos niya ng dahil sa iniinom na gatas. Tumikhim siya. “A-ano ho ‘yong sinabi mo kanina na daig ko pa ang nahanginan?” mabilis niyang pag-iiba. Muli itong sumulyap sa kaniya. “The last time I saw you, maliit na payat ka. Tapos ngayon, para kang nahanginan na biglang laki. What I mean to say is, hindi ka na mukhang batang paslit katulad noong huling kita ko sa iyo.” Pansin din pala nito ang pisikal na pagbabago niya? Simula kasi noong magkaroon siya ng buwanang dalaw ay ramdam niya ang bilis ng kaniyang pagtangkad. Kung iyon ang nais tukuyin ni Azriel. May dibdib na nga rin siya kaya palagi siyang nakasuot ng bra dahil halata na iyon. Kaunti na lang, dalagang-dalaga na siyang tingnan. May katangkaran din siya at sabi ng nanay niya ay tatangkad pa raw siya. Kimi siyang ngumiti. “Ikaw rin naman, Sir Azriel. Tumangkad ka rin po lalo.” Nang makita ni Zebianna ang amusement ni Azriel habang pinagmamasdan siya ay napapahiyang nagbawi siya ng tingin. Ipinasya na rin niya na ubusin ang lamang gatas ng kaniyang baso. “Salamat po pala sa gatas,” aniya nang maubos iyon. Muli niyang pinahiran ng kamay ang kaniyang nguso at baka may bakas na naman na gatas. “Kailangan ko na pong pumasok sa loob at baka mapansin ni nanay na wala ako sa higaan ko,” aniya na tumayo na. Napatingin siya sa hawak na baso ni Azriel na wala na ring laman. Inilahad niya ang kamay sa harapan nito. “Huhugasan ko na rin po ‘yan, Sir Azriel,” aniya rito. “Okay,” anito na ibinigay na rin sa kaniya ang hawak nitong baso. Tumayo na rin ito at sumunod sa kaniya sa loob ng kusina. Nang hayunin niya ang lababo para hugasan ang mga baso ay si Azriel na ang nagpatay ng ilaw sa labas at nag-lock sa back door. “Aakyat na ako sa taas,” paalam pa nito sa kaniya. Pinagbigyan ni Zebianna ang sarili na lingunin si Azriel. Kahit sa huling pagkakataon ay masilayan man lang niya ito. Gumuhit ang ngiti niya sa labi. “Sige po. Salamat po ulit sa gatas.” Tumango lang ito sa kaniya bago siya tinalikuran. Inihatid niya ito nang tingin. Pero nang makitang palingon ito sa kaniya ay agad siyang nagbawi ng tingin at nagpatuloy sa paghuhugas ng baso. Napabuntong-hininga lamang siya nang maramdaman na wala na sa kusina ang presensiya ni Azriel. Ganoon pa man ay masaya siya dahil may masaya siyang alaala bago umalis. Kinabukasan ay maaga siyang ginising ng kaniyang ina para maghanda sa kaniyang pag-alis. Pinaghanda rin siya nito ng kaniyang almusal. “Nanay, hindi ka po ba malulungkot na aalis ako?” hindi niya napigilang itanong sa ina. “Ano bang klaseng tanong ‘yan, Zebby? Kumain ka na at mamaya lang ay darating na ang sundo mo.” Animo may bikig sa lalamunan niya nang iwan siya sa silid nila ng kaniyang ina. At bago siya tuluyang umalis nang dumating ang sundo niya nang umagang iyon ay niyakap pa niya ang kaniyang ina na abala sa kusina. Niyakap niya ito buhat sa likuran nito. “Mag-ingat ka po palagi rito, ‘Nay. K-kapag nakaramdam po kayo ng pagod, mamahinga ka kahit saglit. Sorry po kung… kung may time na napasakit ko ang inyong ulo. ‘Nay, mahal na mahal ko po kayo. Ma-mi-miss ko rin po kayo,” garalgal na wika ni Zebianna habang walang humpay sa pagtulo ang kaniyang mga luha. Nang hindi siya lingunin man lang ng kaniyang ina ay masakit sa loob na bumitiw na siya sa pagkakayakap dito. Malungkot na pinagmasdan niya ang likuran nito. Nakita pa niya ang pagyugyog ng mga balikat nito. Sigurado siya na umiiyak ito pero ayaw ipakita sa kaniya. “Zebianna, bilisan mo.” Parang lalong nawasak ang puso niya nang marinig ang boses ni Shantal. “Bye, ‘Nay,” paalam niya rito. Nagbawi na siya ng tingin habang sige ang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Ang sakit-sakit lang na wala siyang kahit na ano na narinig mula sa kaniyang ina bago siya umalis. Ni hindi niya magawang tingnan si Shantal nang utusan siya nito na dumaan sa likod ng bahay palabas ng gate ng mansiyon. Sa labas ng gate ay nakaabang ang isang kotse na kulay itim. Tented din ang bintana niyon. “Alam mo na naman kung saan ihahatid ang bata na ‘yan. Hinihintay na rin ‘yan sa pupuntahan ninyo,” narinig pa ni Zebianna na wika ni Shantal nang pasakay na siya sa kotse na kulay itim. Nang makapasok sa may backseat ay agad ding isinara ni Shantal ang pinto na pinasukan niya. Luhaan pa rin nang mapatingin siya sa mansiyon. Hindi niya alam kung makakatapak pa ba ulit siya roon o makikita pa niya ang mga tao roon. Diyos lang ang nakakaalam. Lalong napaiyak si Zebianna nang magsimula ng umandar ang kotse papalayo sa kinalakihang bahay. Kaysa makaramdam ng tampo sa kaniyang ina, inisip na lang ni Zebianna na ayaw lang siyang makikitang umalis ni Nanay Agatha kaya ni hindi ito nagpaalam sa kaniya nang maayos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD