"Nasaan ba kasi tayo?" Tanong na lang ng dalaga sa kasama niyang binata dahil halos mag sa-sampung minuto na silang naglalakad. Pero sa sampung minuto nilang paglalakad ay pa ulit-ulit lang yung sinasagot ng binata.
"Basta."
O di kaya'y,
"Kalma lang po tayo."
Minsa'y,
"Haha, malapit na po."
Imbes na mainis ang babae ay napapa-ngiti na lang siya ng patago. Kapag nga kasama niya ito ay palagi lang tumitibok ng napakabilis yung puso niya. Lalo na kapag nagkakatinginan silang dalawa at nalulunod siya sa kulay tsokolateng mga mata ng binata, at kapag ngini-ngitian siya nito.
Naramdaman ng babae na para bang umaakyat na sila, kaya labis siyang nagtaka.
"U-uy!" Muntikan na siyang madulas kung hindi lamang siya nasalo ng binatang kanina pa nakaalalay sa kaniya dahil nakapiring yung mga mata niya.
"Haha, dahan-dahan kasi. Ayos ka lang?" Pa-ngiti-ngiti pang tanong ng binata, pero hindi maitatagong medyo nag-alala ito.
"O-oo, malapit na ba tayo? Kanina pa tayo naglalakad."
"Andito na tayo."
Inalalayan ng binata ang kasama niyang dalaga na makatayo ng mabuti at dahan-dahang tinatanggal ang pagkakatali ng panyo na kanina pa nakatakip sa mga mata ng kasama nito. At hindi maalis-alis ang ngiti sa labi niya.
"Pagka-bilang ko ng tatlo, saka mo imulat yung mga mata mo ah. 'Wag madaya." Babala ng binata sa babae sabay tawa ng konti.
"Sige na nga." Ngiti-ngiting sagot nito.
Nang tuluyan nang matanggal ay sinunod nga ng babae ang sinabi ng lalaki at hindi ito inimulat ang mga mata agad.
"Isa,"
Nakakunot pa rin ang noo ng babae habang iniisip kung ano nanamang pakulo nitong kasama niya, pero hindi pa rin na-aalis ang ngiti sa mukha niya.
"Dalawa,"
Isang bilang na lang at tuluyan niya nang malalaman kung ano nga ito.
"Tatlo."
Tuluyan na nga niyang inimulat ang kanyang mga mata, sa una'y hindi niya pa masyadong nakikita dahil na rin sa matagal na pagkatakip ng mata niya. 'Di kalaunan ay nakita na nga niya ito, at tuluyan siyang namangha sa ganda ng tanawin na nakikita niya.
Pero imbes na matuwa ay umiyak ito, pero ang makikita sa mga mata niya ay pasasalamat.
*//*