Chapter 9 - Unexpected Visit

2183 Words
Halos lumawit na ang dila ni Lloydie nang marating ang pinakadulo ng daan na tila sinadya yatang tirahan ng mga taong ayaw man lang ng mga bisita. Ilang oras din ang byahe niya para lang sundin ang utos ng matandang si Lola Gloria. “Sa wakas. Siguro ay ito na ‘yong bahay na tinutukoy ni Lola,” hinihingal pang sabi ng binata na halos nanunuyo na ang lalamunan sa uhaw. Kahit yata laway niya ay wala na siyang malunok. Abala naman si Liza sa pagko-kompyut ng mga numero na nasa listahan niya. Ganito siya kapag pumapatay ng oras. Sa halip na gumamit ng calculator ay ima-mano-mano na lamang niya. At nang matapos niyang i-compute ang listahan ng pamimilihin niya ay napalinga siya sa may bakuran. “L-Lloydie?” usal niya habang namumuo ang linya sa kaniyang mga noo at naniningkit ang mga mata sa pagkilala sa binatang nasa harap ng bakod niya. Namilog pa ang bibig niya nang makilala ito. May kulang-kulang na anim na talampakan ang tangkad ng lalaki at may dala itong tila banig na hinabi upang maging isang malaking bag. Mayroon din itong classic straw hat at nakaputing damit na binalumbon ang manggas hanggang siko. Napangiti si Liza nang masiguro niyang ito na nga ang binata. Halos matapilok pa siya sa pagbaba sa hagdanan nang dali-dali niya itong pinuntahan sa gate. “Lloydie,” kalabit ni Liza sa binata na napitlag din naman sa ginawa niya dahil sa pagkagulat nito. Tila naging magugulatin na ang binata. Hindi naman ito ganoon sa probinsiya. Kung sabagay ay ganoon ito kapag naroon siya. “Ay kalabaw!” umalpas sa bibig na sambit nito. “Kalabaw ka riyan, si Elizabeth ‘to,” natatawang may pag-iling pa na sabi ni Liza pagharap ng binata. “Elyang!” Halos mapatalon sa tuwa ang binata na yumakap sa dalaga. Hindi naman na nakapalag pa si Liza at hinayaan na lamang niya na yakapin siya nito. Sa tagal nilang hindi nagkita ay tila nasabik ang binata sa kaniya. At nang matapos ay agad di naman itong bumitiw. “Liza na lang ang itawag mo sa’kin. Wala naman tayo sa probinsiya e, ‘kaw naman. Tara pasok,” saad niya at niyaya ang binata sa loob para papasukin sa bahay. Agad naman siyang sinundan ni Lloydie. “Aba, hindi pa rin nagbabago ang karisma mo sa mga hayop a,” pangangantiyaw ni Liza sa binata nang lapitan ito ni Batik at ikiskis ang katawan nito sa may paanan na parang pusa lang. First time itong makita ni Batik ngunit tila matagal na silang magkakilala ng alaga ni Liza. “Aba naman, siyempre,” pagmamalaki pang sambit nito na ngiting-ngiti. Na-miss din niya ang lalaking ito. Hindi yata nito alam ang salitang simangot kung makangiti. “Ang kyut mo naman. Kasing kyut ng may-ari. Ano’ng pangalan mo?” Tumahol-tahol naman ito na tila sinasabi ang pangalan sa binata. “Sige ka. Kapag iyan e sumagot nga, baka manakbo ka pauwi ng probinsiya,” malokong sabi niya sa binata na tatawa. Kapag talaga ito ang kausap niya ay hindi nawawalan ng oras na hindi siya napatatawa nito. Kahit ito rin naman ay natawa sa sinabi niya. “Aba, e, mainam kung sasagot siya. Magkakasundo kami. Tiyak iyon,” saad naman nito. Pumuslit ang malakas na halakhak ng dalaga. Mukhang matatapos ang araw na puno ng tawanan. “Siya si Batik,” pakilala niya sa alagang aso. Tumango-tango rin naman ang binata. “Teka, Lloydie. Ano nga pala ang dahilan at napadpad ka sa rito sa Maynila?” Napahinto ito sa paghaplos sa aso at saka tumingala sa dalaga. Alanganging ngumiti at mayamaya ay tumayo bago inilapag ang bag na straw. “Loyloy na lang. Mas sanay ako sa ganiyang pangalan,” pakiusap niya pagharap sa dalaga. Napangiwi naman si Liza rito. Kung siya ay ayaw ipabanggit ang tawag ng mga taga probinsiya, ito naman ay malugod na ipinangangalandakan ang pangalan nito. “Ang bantot naman kasi ng Loyloy e. Parang luslos,” kagat ang ibabang labi na sabi ni Liza dahil sa pagpipigil ng tawa. Natawa na lang din naman ang binata. Maloko pa rin ang dalaga base sa pagkakilala niya rito. “Ay siya, sige. Ikaw ang bahala kung ano ang gusto mo,” sabi na lang ni Lloydie. Nakatawa pa rin ang binata sa kaniya. Sa totoo lang naman din kasi ay wala siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Ang mahalaga ay malaya niyang nagagawa o nasasabi ang gusto niya. Hindi naman din ang mga tao ang magpapakain sa kaniya kung hindi ay sarili niya. “At bakit ka nga narito?” pag-uulit ni Liza sa naunang tanong niya. “E, nami-miss ka na raw ni Lola Goyang. Ako lang naman daw ang maaasahan niyang makadadalaw sa iyo rito. At magbaka-sakali na rin daw ako na maghanap ng trabaho rito,” napapakamot pang sabi ng binata. “Naniwala ka naman kay Lola Goyang. Alam mo naman iyon, kahit kakikita lang sa akin niyon ng ilang minuto ay miss na ako kaagad niyon.” Napapaisip siya na napakamasunurin pa rin talaga ni Lloydie. Kahit noong mga bata pa lang sila ay ganoon na ito. Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagbabago. “Gusto mo bang magmerienda muna? At saka napakainit naman niyang suot mo. Hindi ka naman mag-aararo e. Magpalit ka kaya muna,” napa-paypay sa sarili na sabi niya sa binata kahit may ceiling fan naman na naka-on. Parang siya ang naiinitan para sa binata. Patirik na ang araw dahil halos magtatanghali na rin siyang nagising kanina. At plano niyang mamalengke sa hapon. Pero baka isama niya si Lloydie para naman may magbitbit ng pamimilihin niya. “Sige. Saan ba ang banyo rito?” tanong ng binata. Itinuro ni Liza ang banyo na katapat lamang ng kusina nang pa-nguso. Agad namang kumuha ng damit na pagpapalitan si Lloydie. Habang nagpapakit ng damit ang binata ay tumayo na rin siya para maghanda ng merienda na kakainin ng binata. May iniluto siyang biko kahapon at hanggang ngayon ay hindi pa niya nauubos. Tamang-tama at paborito iyon nito. Naghanda na rin siya ng buko juice na nasa tetra pack na nabili niya sa convenience store. “Kain ka muna. I’m sure na-miss mo ang biko,” saad niya nang makalabas ng banyo ang binata. At agad namang natawa ito sa sinabi niya. “Paanong mami-miss e halos araw-arawin ni Lola Goyang ang pagpapadala ng biko sa kapatid mo sa bahay,” napapakamot sa ulo na sabi nito. Siya rin naman ay napakamot sa ulo. Balak talaga yata siya nitong ipamigay sa mga Magdiwang—ang apelyido ni Lloydie. “Si Lola Goyang talaga. Hindi pa rin ba siya tumitigil na ibenta ako sa sa’yo?” naiiling pang sabi niya. Kababata niya si Lloydie at sabay silang lumaki sa probinsiya. Kung hindi pa siya nakaalis roon ay tiyak na nakapag-asawa na siya nang maaga. Ang laging turan ng matanda ay nais nitong magka-apo siya bago man lang bawian ng buhay. Ngunit ilang taon na rin itong umaasa sa kaniya pero wala pa rin at wala siyang balak. “Kahit naman ibenta ka niya sa akin e hindi kita bibilhin. Daig mo pa ang barko sa pag-ugong kapag natutulog e,” saad nito sabay halakhak. Halos matisod ito sa pagtakbo nang habulin niya ito. Alam nitong babatukan niya ito dahil sa sinabi. Nang makarating sa puno sa labas ng bahay ay napaupo na lang ang dalawa roon. Para pa rin silang mga bata na naghahabulan sa tuwing aasarin siya nito dahil sa paghilik niya. Naalala pa niya nang makatulog sila sa ilalim ng punong mangga, naramdaman na lang niyang may kung anong kumikiliti sa ilong niya. Iyon pala ay pinasakan ito ng d**o ng binata para magising siya dahil hindi nito matiis ang hilik niya. “Maayos naman pala ang bahay mo rito. Mabuti at safe ka. May katabi ka pang bahay. Siguradong walang masamang loob na papasok sa bahay mo,” saad ni Lloydie habang nagmamasid sa paligid at sinsipat ang bakuran. Napangiwi naman si Liza. Kung alam lang nito ang nangyaring nakawan sa bahay niya ay tiyak na mag-aalala ito. Wala naman na siyang balak pang sabihin iyon dito. Tiyak na mag-aalala lang ito sa kaniya at baka ito pa mismo ang mag-uwi sa kaniya sa probinsiya. Gusto niya rin namang umuwi pero sa paraan na may maipagmamalaki na siya. Ayaw rin naman niyang may masabi ang mga Magdiwang sa kaniya na nilalapitan niya si Lloydie para lang makaangat sa buhay. May kaya ang pamilya ni Lloydie pero kapag para sa kaniya ay hindi sinusuportahan sng binata ng pamilya nito. Ngunit dahil mag-best friend ang lola nila ay hindi maiwasan na magkasama-sama pa rin ang mga ito. At isa pa ay gusto niya ring iwasan ang baklang bakulaw. Hindi rin siya natuwa na may kapitbahay siyang abnormal. Mabuti na lamang at wala ito kaya walang mambu-buwiset sa kaniya ngayon. Nakahinga siya nang maluwag sa isiping iyon. Pero hindi rin naman niya sigurado na wala ito. Napalingon siya sa bahay nito at napadako ang mga mata niya sa may bintana nito. Napakunot ang noo niya nang may biglang umalis sa bintana. Hindi siya sigurado kung ang lalaki ang nakita niya dahil mabilis pa sa alas-kuwatro na nawala ang kung ano o sino mang nakasilip sa bintana kanina. “Siya nga pala, gusto mo bang sumama?” tanong niya sa binata. “Saan?” agad na balik na tanong naman nito. “Mamamalengke kasi ako. Eksakto namang dumating ka kanina,” sagot niya rito. Agad naman itong tumango. Marahil ay sabik din na libutin ang lugar niya. Tulad noon ay lagi rin silang magkasama nito noong mga bata pa sila. Kahit madalas siyang asarin nito ay bibihira siyang mapikon dahil nasanay na siya. Isa pa ay ipinagtanggol siya nito sa mga makukulit na lalaki sa probinsiya. “Tara,” excited na sabi nito. At ito na ang naunang nagbukas ng gate niya. Pero siya ang pinauna nitong lumabas. Pakiramdam niya ay magugustuhan nito ang pananatili sa lugar na iyon. Ngunit hindi si Liza nang makasalubong nila ang best friend niyang makulit. “Hala!” bulalas nito na ikinapiksi ng dalawa. “Hindi mo naman sinabi sa akin na may jowa ka na pala,” nanlalaki ang mga matang sabi ni Luisa. Napangiwi si Liza sa sinabi nito at napahalakhak naman si Lloydie. Tila natuwa sa sinambit ng dalagang wari niya ay makakasundo niya. “Ito? Jowa ko?” natatawang tanong niya rito. “Oo. Bakit? Hindi ba?” balik na tanong ni Luisa sa kaniya. “Hindi.” Seryoso niyang tiningnan si Lloydie nang sumagot siya. Nakatikom naman ang bibig ni Lloydie na kanina ay tatawa-tawa. “Tara nga at samahan mo kaming mamalengke,” yaya niya rito sabay hatak ng braso nito. Alam niyang papunta ito sa bahay niya kaya naman isasama na lamang niya ito. Baka kung ano pa ang sabihin nito sa kapitbahay niya. Alam niya na maari siyang ibenta nito kahit anong oras sa binata lalo pa at may gusto ito sa kapitbahay niya. “Puwede naman akong maghintay sa bahay. Kayo na lang ng hindi mo pa jowa pero mukhang magiging jowa ko,” pagtanggi nito sa dalaga na pilit iniaalis ang pagkakahawak niya rito. “Hindi. Sasama ka sa ayaw at sa gusto mo. At hindi ko jowa o magiging jowa si Lloydie. Gusto mo iyo na,” buong tanggi pa ni Liza. Tila lumiwanag naman ang mga mata ng dalaga sa narinig. “Talaga? Puwede kami?” excited na tanong nito. At kahit kailan ay wala talaga itong kahihiyan. Agad itong kumapit sa braso ng binata dama ang matitigas nitong muscles na alaga sa pagta-trabaho sa bukid. “Ay ang tigas, best,” sambit nitong parang inaasinan na bulate sa kilig habang pinipisil-pisil pa at sinasabayan ang paglalakad nito patungo sa sakayan ng tricycle. Eksakto namang may nagbaba ng pasahero kaya inalok sila ng driver. “Sakay kayo?” tanong ni Manong Driver. “Palengke ho?” Tumango naman ito sa kanila at katulad kanina at nakakapit pa rin si Luisa sa braso ng binata. “Hep!” awat ni Liza nang pasakay na sa loob si Lloydie dahil hatak nito ni Luisa na nakasakay na rin sa loob. “Sa likod ka po, baka naman naisip mong babae ako,” sabi niya rito. Napakamot na lang sa ulo si Lloydie. Wala naman siyang intensiyon na sa likod pasakayin ang dalaga. Nais nga sana niya itong katabi pero hatak-hatak siya ng isa. “Hey! Hindi puwede. Bisita mo siya kaya rito siya sa loob,” angil naman ni Luisa na hatak pa rin si Lloydie. Hindi na alam ng binata kung ano ang gagawin niya kay Luisa. Mukhang ito pa ang magiging hadlang para maka-porma siya sa kababata niya. Walang nagawa si Liza kung hindi ay pagbigyan na ang best friend niya dahil nakatingin na ang driver sa kanila. Kulang na lang ay tanungin sila nito kung sasakay ba sila o hindi. Ang ending ay sa likod siya sumakay. Magkatabi naman ang dalawa sa loob at nakakapit pa rin sa braso si Luisa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD