LOVAN

1199 Words
Pinagmasdan ni Lovan ang sarili sa salamin pagkatapos niyang isuot ang wig at ilagay ang malaking nunal sa pisngi na malibang sobrang itim ay may buhok pa sa gitna. Natuon ang pansin niya sa wig na para nang pugad ng ibon sa kapal niyon malibang magaspang at buhaghag pero hindi halatang wig dahill gawa iyon sa totoong buhok. Sunod niyang sinipat ang suot na damit, long sleeve shirt 'yon na dull ang kulay at paldang bulaklaking lampas binti ang haba dahilan upang matawag siyang manang ng kahit sinong nakakakilala sa kanya. Muli niyang pinasadahan ng tingin ang sariling repleksyon sa salamin bago dinampot sa ibabaw ng tokador ang paboritong shoulder bag, kulay peach iyon at may logong 'MICHAEL KORS' sa harapan, saka nagmamadaling lumabas ng kwarto, pababa ng hagdanan dere-deretso sa labas ng bahay hanggang mapatapat sa garage ngunit nang mapansing wala doon ang hinahanap ay bigla siyang nanlumo. "Ma! Napansin niyo po ba ang motor ko?" usisa niya sa madrastang nagdidilig ng mga halaman sa kanilang bakuran, malapit sa garage. Napaharap ito sa kanya, sandaling itinigil ang ginagawa. "Ginamit ni Madison. Hindi ba nagpaalam sa'yo?" sagot nitong nakakunot ang noo. Wala siyang nagawa kundi ang pumalatak na lang. Wala namang silbi kung magagalit siya. Sa bahay na 'yon, kahit ano'ng magustuhan ng kanyang kinakapatid, pag-aari man nito o hindi, basta't ginamit, walang sinumang pwedeng tumutol kahit siya pa. Gano'n na ang kalakaran sa bahay na 'yon mula nang mamatay ang kanyang mama at nag-asawang muli ang ama sa isang dalagang inang isang taon lang ang tanda ng anak sa kanya, iyon nga si Madison na halos lahat yata ng gamit niya'y kinaiinggitan nito at gustong angkinin. Pero dahil sa ayaw niya ng gulo ay siya na lang ang laging nagpaparaya. Kahit naman magsumbong siya sa kanyang papa'y si Madison pa rin ang kakampihan nito, kahit baligtarin ng huli ang pangyayari, walang ibang paniniwalaan ang ama kundi ang salita ng kinakapatid. Napabuntung-hininga na lang siya nang pilit na umukilkil sa isip ang dahilan kung bakit pinapangit niya ang sariling mukha at ginustong pang-manang na damit ang lagi nang isuot. Ayaw na niyang maalala ang lahat tutal ay pitong taon na rin naman niyang ginagawa iyon, nakasanayan na niya. Pilit na sumilay ang isang matamis na ngiti sa mga labi nang bumaling sa madrastang nakakunot pa rin ang noo nang mga sandaling iyon. "Nakalimutan ko po, nagpaalam pala siya kagabing gagamitin ang motor ko ngayon," aniya na lang saka akmang magmamano sa ginang nang biglang bumukas ang gate, pumasok doon si Francis, ang jowa ng kinakapatid. Eksakto namang palabas na rin ng bahay ang kanyang papa, naka-office attire ito at nagmamadaling lumapit sa nakaparada nitong Toyota Wigo, last year lang iyon binili ngunit hindi siya makasakay roon kahit isang beses lang, may claustrphobia kasi siya. Takot siyang sumakay sa ganoong mga sasakyan. Kaya nga noong buhay pa ang kanyang mama'y binilhan siya nito ng Rusi Gala na motor para magamit niya sa pagpunta sa school, hanggang ngayon ay iyon pa rin ang kanyang gamit. Kung tutuusin ay luma na iyon pero dahil sa magaling siyang mag-alaga ng gamit at para pa rin iyong bago kung tignan, dahil sa nasira kahapon ang kotse ni Madison kaya iyon na lang ang pinag-interesan nitong gamitin, siya tuloy ang nawalan ng motor ngayon. "Uncle Miguel! Good morning ho," magalang na bati ni Francis sa kanyang ama. Tila maamong tuta ang binata habang palapit sa kanila, natuon ang pansin sa kanyang iniiwas agad ang tingin dito. "Francis, napaaga ata ang pagbisita mo?" puna ng kanyang papa saka sumulyap sa kanya. "Aalis na po ako Ma, Papa," paalam niya sa dalawa, nagmano muna sa madrasta, sunod sa ama saka humakbang na agad palayo sana kay Francis ngunit hinawakan nito agad ang kanyang braso. "Sa akin ka na sumabay. Dinala ko rin ang motor ko," kaswal nitong wika, para bang siya ang nobya nito at hindi si Madison. "Sige na, Lovan. Tutal ay wala naman dito ang motor mo, ginamit ni Madison," susog ng ama saka pumasok na sa loob ng sasakyan. Subalit agad niyang hinablot ang braso mula sa binata. "Nasa labas na si Lenmark, hinihintay ako," pasimple niyang saad, hindi ipinahalatang kinakabahan siya sa mariing titig ng binata sa kanya. Ngumisi ito, inilapit ang mukha sa kanya. "Ano kaya kung sabihin ko sa papa mong hindi si Madison ang gusto ko, kundi ikaw?" Namula agad ang kanyang pisngi kasabay ng panlalaki ng mga mata lalo na nang tumawa ito nang malakas, dahilan upang mapatingin ang kanyang madrasta sa di-kalayuan sa kanila. "Baliw!" mahina niyang sambit saka nagmadaling lumampas dito deretso sa labas ng gate, laking pasalamat niya nang makita doon ang kaibigang si Lenmark na halatang siya ang hinihintay bitbit na ang helmet na kanyang gagamitin. Tumakbo na siya palapit rito at mabilis na umangkas sa likod nito, pinaharurot naman agad ng binata ang sasakyan, hindi na hinintay na maayos niya ang pagkakabit ng helmet makalayo lang sa lugar na iyon. Kapitbahay nila si Lenmark, ito lang ang pinakamalapit niyang kaibigan sa kanilang lugar ngunit dahil sa madalas siyang isumbong noon ni Madison na may relasyon sila ng binata, napilitan itong magpanggap na bakla para lang makalapit sa kanya at maprotektahan siya mula sa mga manyak na manliligaw ni Madison na ewan ba kung bakit ganoong mga klase ng lalaki ang kinukuha nitong maging nobyo. Tulad na lang kay Francis. Alam ng buong subdivision na adik ang lalaking iyon. Mula nang dalhin ito ng dalaga sa kanilang bahay ay lalo lang gumulo ang kanyang mundo dahil lingid kay Madison, nililigawan din siya ng lalaki, inaalam lahat ng impormasyon sa kanya. Araw-araw itong tumatawag sa kanyang phone, paiba-iba ang number na gamit, kung papaanong nalalaman nito ang kanyang number ay hindi niya alam. Alam din nito kung saan siya nagtatrabaho. Minsan na siyang nagsumbong sa ama nang puntahan siya ng binata doon at pilitin siyang sumakay sa motorsiklo nito ngunit hindi siya pumayag kaya pinagbantaan siyang gagahasain kapag nagpatuloy siya sa pagpapakipot. Subalit sa halip na paniwalaan ng ama'y siya pa ang pinagalitan, hindi raw siya marunong tumanaw ng utang na loob. Ang binata na nga raw ang nagmamalasakit sa kanya, ipinapahiya pa niya. "Lovan, ano kaya kung umupa ka na lang ng bahay na malapit sa pinagtatrabahuan mo nang hindi ka na umuuwi sa Bacoor," suhestyon ni Lenmark ilang segundo pagkatapos huminto ang motor nito sa harap ng GIO Enterprise kung saan siya nagtatrabaho. Bumaba siya sa motor saka ibinigay ang helmet sa binata ngunit iniiwas agad ang tingin dito. "Naku, 'wag kang mag-alala sa'kin. Si Francis lang 'yon. Kaya ko ang sarili ko," kampante niyang sagot, napilitang bumaling at ngumiti sa binata ngunit sa isip ay aaminin niyang iyon talaga ang balak niya. Hinawakan nito ang kanyang kamay. "Nag-aalala lang ako para sa'yo. Paano kung may masama na siyang gawin sa sunod? Alam mo namang hindi lahat ng oras ay nariyan ako sa tabi mo para protektahan ka," anang binata, bakas nga sa mukha at boses ang pag-aalala. Napayuko siya, dahan-dahang binawi ang kamay mula rito, sandaling napabuntung-hininga bago nag-angat ng mukha at nakangiti nang tumitig sa dito. "Pag-iisipan ko," an'ya sabay hawak nang mahigpit sa shoulder bag at nagpaalam nang papasok sa building.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD