Kaunti lamang ang pumunta at nag-alay ng kanilang pakikiramay sa burol ni Daniel Basco. Ito na ang kahulihulihang araw ng kanyang burol ngunit ang “guest book” sa harapan ng kapilya ay hanggang sa ikalawang pahina pa lamang ang laman. Bagama’t si Daniel ay anak ng isang senador, ang dahilan at mga pangyayari na ikinasanhi ng kanyang pagkakapaslang ay nakasira sa kanyang pangalan at sa reputasyon ng kanyang ama. Si Daniel ay napatay habang nagsasagawa ng isang karumaldumal na krimen.
Apat na araw pa lamang ang nakalilipas ng si Daniel at ilan sa kanyang mga kaibigan ay pilitang pumasok sa tahanan ng kanyang kapit-bahay upang halayin ang kanyang kaibigang babae at ang nanay nito. Habang sinasagawa ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan ang panghahalay, narinig ng iba pa nilang mga kapit-bahay ang sigawan ng mga biktima. May isa sa mga kapit-bahay ang tumawag agad sa police station. Nang dumating ang mga pulis, tapos na ang panghahalay ngunit naabutan nila si Daniel sa aktong pagpatay sa mag-ina. Ang mga kaibigan ni Daniel ay sumuko ngunit si Daniel ay bumunot ng baril at itinutok ito sa mga pulis. Bago nakilala ng mga pulis ang anak ng senador, nakapagpaputok na sila at napatay si Daniel. Isang tama ng bala sa ulo ang nakadali sa kanya.
Napakaraming krimen na kinasasangkutan ng mga batang tulad ni Daniel na mula sa mga prominenteng pamilya at politiko, pero hindi naman nauuwi sa ganito. Kung si Daniel ay sumuko, maaaring pagalawin ang salapi at impluwensya para patahimikin ang sabi-sabi, burahin ang balita at pagtakpan ang pangyayari. Pero ngayon, huli na ang lahat. Wala ng magagawa si Senador Freddie Basco sa hatol ng tadhana. Laganap na ang balita, ang katotohanan. Kaya’t ang dumalaw lamang ay iilan-ilan; mga malapit na kaibigan, mga kamag-anak at mga negosyanteng nakatanggap ng pabor mula sa senador.
Kadalasan, ang burol ay napupuno sa kahuluhulihang gabi. Ngunit sa gabing iyon, konti lamang; ang senador, ang kanyang mga “bodyguard”, ang kanyang batang kasintahan, mga ilang taga media at isang mamang nakaitim na barong na nakaupo sa may dulong upuan.
Nilapitan ng senador at ng kanyang mga “bodyguard” ang mamang naka itim upang kilalanin siya at alamin ang kanyang kaugnayan at pakay sa kanyang pagdalaw. Ngunit bago man makalapit ng tuluyan and senador, tumayo ang mama at bumati. “Magandang gabi po Senador. Ako po ay nakikiramay sa inyong pagpipighati.”
Kinamayan ng senador ang mama at inalok siya ng makakain at maiinom. Ngunit hindi pinansin ng mama ang alok ng senador. Ang mama ay may inabot na libro sa senador. Ito ay makapal masyado para maging isang “mass card”.
Habang iniinspeksyon ng senador ang libro, nagsalita na naman ang mama, “Alam kong mahal na mahal n’yo ang inyong anak. Siguro naman wala na kayong pagdududa kung saan siya napunta. Siya ay kasalukuyang nasa ika-limang palapag ng impyerno. Pero, maaari niyo pa siyang makita at madalaw kahit kelan niyo gusto. Paki basa lang po ang ika-siyam na tsapter ng libro, yung may pamagat na Balon.” Pagkatapos magsalita ng mama, nagsimula na siyang lumakad palabas ng kapilya. Ngunit bago siya lumabas sa pinto inulit niya, “Senador, tandaan n’yo po, Balon.”
Gusto pang usisain ng senador ang patungkol sa mga nabanggit ng mama, kaya’t sinabi niya sa kanyang mga “bodyguard” na habulin ang mama at dalhin ito sa harapan niya. Tumakbo ang mga “bodyguard” palabas ng kapilya ngunit hindi na nila inabutan ang mama. Parang bulang nawala ang mama pagkatapos niyang makalabas sa pinto ng kapilya.
Tinignan ng senador ang libro ng matagal at pagkatapos ay inilapit ito sa kanyang dibdib. Bakas sa kanyang mga mata ang pag-asa.
Nang matapos mailibing ang mga labi ni Daniel, Hindi nag-aksaya ng panahon ang senador at agad niyang binasa at pinag-aralan ang librong iniabot sa kanya ng mamang naka itim sa burol ni Daniel. Ang libro ay kulay itim din tulad ng suot ng mama. Walang kahit anong nakasulat o marka sa harapan at likuran.
Ang senador ay interesado lamang sa isang tsapter, yung Balon. Ang tsapter na iyon ay patungkol sa pagdalaw sa mga taong nasintensyahan sa impyerno. Gusto kaagad malaman ng senador ang detalye sa pagdalaw. Ngunit, tulad ng ibang mga tsapter sa librong itim, ang pangunahing pahina lamang ang may nakasulat. Ang kasunod ay mga blangkong pahina. Hindi agad nilalahad ang mga detalye. May kabayaran ang mga impormasyon. Ang demonyo ay hindi tumatanggap ng salapi. Ang tinatanggap lamang ay mga kasalanan.
Para malaman ang buong detalye ng pagdalaw, kailangan ng senador pumili ng isang kasalanan mula sa isang listahan. At sa mga nakalistang mga kasalanan, ang napili ng senador ay ang ika-labing apat; panghahalay, “rape”.
Habang ang batang kasintahan ng senador ay nanonood ng telebisyon sa sala, siya ay hinawakan ng senador sa bohok at kinaladkad papunta sa kuwarto. Kahit na payag naman ang kasintahan sa bawat kagustuhan ng senador, siya pa rin ay binugbog at sinaktan. Pinunit ng senador ang damit ng kanyang kasintahan at hiniga siya sa kama upang halayin.
Ngunit ng makita ng senador na tila hindi lumalaban ang kanyang kasintahan, siya ay tumigil. Nagduda ang senador na baka hindi ikonsidera ng librong itim na ito ay isang panghahalay. Kailangan niya ng ibang hahalayin.
Inutusan ng senador ang kanyang mga “bodyguard” na kunin si Angelika sa “maids’ room”. Si Angelika and pinakabatang katulong sa bahay ng senador. Pumasok ang mga “bodyguard” sa silid ng katulong at kinaladkad si Angelika papunta sa kuwarto ng senador. Naglaban si Angelika kaya’t siya ay binugbog ng senador. Sinampal siya ng paulit-ulit. Isang suntok sa tiyan ang nagpatigil sa panlalaban ni Angelika. Pagkatapos nito, hindi na niya kayang pigilan ang senador. Si Angelika ay hinubaran at ginahasa ng senador sa harap ng kanyang mga “bodyguard” at kasintahan.
Pagkatapos ng panggagahasa, pinalabas ng senador ang lahat sa kanyang kuwarto. Tinulungan ng mga “bodyguard” si Angelika na makatayo mula sa kama ng senador. Inabutan ng isa sa mga “bodyguard” si Angelika ng tuwalya upang ibalot sa kanyang hubad na katawan. Ang isang bodyguard naman ang kumausap kay Angelika at nagsabi na huwag magsusumbong kahit kanino. Inabutan si Angelika ng salapi. Hindi kayang pigilan ni Angelika ang kanyang mga luha habang tinatanggap niya ang pera. Si Angelika ay labing walong gulang pa lamang. Siya ay ipinagkatiwala ng kanyang ina na dati ring katulong sa bahay ng senador. Kung sakasakaling magrereklamo ang ina ni Angelika, ito ay aabutan rin ng pera upang matahimik.
Nang makalabas na ang lahat sa kuwarto, binalikan ng senador ang librong itim. Lumabas na ang mga detalye ng pagdalaw sa mga pahinang kanikanina lamang ay blangko.
Ang sabi doon ay mayroon daw isang balong napakalalim na hinukay ng mga Espanyol na nakarating sa Pilipinas mula pa sa pinakaunang ekspedisyon. Ang balong ito ay isang daanan patungo sa impyerno. Isang pinto na puwede ring lusutan ng mga kaluluwang ipinatatawag at pinapayagang makalabas ng panandalian. Sinabi ng libro kung saan matatagpuan ang malalim na balong ito. At sinabi rin ang kinaukulang kabayaran; isang putol na ulo kada isang oras ng pagdalaw.
Si Senador Freddie Basco ay hindi mamamatay tao at hindi pa rin direktang nakapagpautos ng pagpatay, pero hindi rin siya isang reypist bago siya napilitang pagsamantalahan si Angelika. Alas onse pa lamang ng gabi, may panahon pa upang humanap ng bibiktimahin ang mga “bodyguard” ng senador. Ang utos ng senador ay simple, humanap ng pupugutan ng ulo.
Ang mga “bodyguard” ng senador ay mga eksperto na sa pagsasagawa ng anumang krimen na ipinag-uutos sa kanila. Mayroon silang kakayahang gawin ang mga ito ng malinis, pulido at walang huli. Noong gabing iyon nilabas nila ang “van” upang maghanap ng puwedeng pugutan.
Kahit hating gabi na, marami pa ring mga batang “sampaguita vendors” na pagala-gala sa lansangan upang ubusin ang kanilang mga kahulihulihang mga panindang sampaguita. Alam ng mga “bodyguard” kung ano ang kanilang gagawin.
Nang mahinto ang kanilang sasakyan sa isang “traffic light” sa kanto, binuksan ng “bodyguard” ang kanyang pintuan upang tawagin ang isang “sampaguita vendor”. Sinabi ng “bodyguard” na bibilhin na niya lahat ng paninda na ikinatuwa naman ng dalaga sapagat makakauwi na siya pag nabenta na lahat ng kanyang paninda. Ngunit, humihingi pa ng tawad ang “bodyguard”. Sinasadya niyang patagalin ang pagbili upang abutan sila ng “green light”.
Nang mag “green light” na at kailangan ng umandar ang kanilang sasakyan, sinabi ng “bodyguard” na sumakay na ang dalaga para makapagpatuloy sila sa pag-uusap tungkol sa presyo ng sampaguita. Dahil gusto naman ng dalaga na matuloy ang bentahan, sumakay siya.
Pagsakay ng dalaga, sinara agad ng “bodyguard” ang pinto ng “van” at biglang binugbog ang dalaga. Ang dalaga ay sinikmuraan. At ng ito ay napaluhod, sinakal ng bodyguard ang dalaga sa leeg hanggang siya ay namatay.
Walang nakakita sa mga pangyayari sa loob ng “van” dahil ito ay “tinted”. Kung may nakakita man, iisipin na lamang na ito ay isang “prostitute” na sumama sa isang kliyente.
Doon nila pinugutan ng ulo ang “sampaguita vendor” sa bahay ng senador. Ang ulo ay inilagay sa sako at ipinasok sa “freezer”. Ang katawan naman ay nilagay sa isang drum at binuhusan ng semento. Pagtuyo, ito ay itatapon sa dagat.
Pagkatapos ng lahat, nagpahinga na ang mga “bodyguard”. Mamaya na lamang nila irereport sa senador ang kanilang misyon habang nag-aalmusal.
Noong hapon na iyon, nagtungo na agad ang senador kasama ang kanyang mga “bodyguard” sa balon. Pagkatapos ng dalawang oras na pagmamaneho, nakarating na sila sa balon.
Maganda at malinis ang balon. Berdeng berde ang mga damo’t halaman sa paligid nito. Mayroon pang sementadong lakaran mula sa kalsada patungo sa balon. Sa mga nagdaang panahon, mayroong mga taong naatasan upang pangalagaan ang balon. Ang responsibilidad na ito ay pinasapasa sa mga henerasyong nagdaan. Mga prominanteng pamilya ang nangalaga sa balon.
Iniutos ng senador na ihulog ang sako na may lamang ulo sa balon. Hindi pa kaya ng senador gawin iyon kaya’t iniutos na lamang. Hindi pa rin kaya ng senador na tignana ang putol na ulo kaya’t ito’y nanatiling nasa sako hanggang sa naitapon sa balon.
Walang nangyari. Kumunot ang noo ng senador at medyo nag-init. Nang makailang sandali, tumaas ang tubig sa balon. Nang ito ay tanaw na, nalaman nilang hindi tubig, kung hindi dugo ang laman ng balon. Kumukulo ang dugong umaangat mula sa balon kaya’t ng maramdaman ang init, ang senador at ang kanyang mga “bodyguard” ay umatras.
Umapaw ang dugo sa balon ng may isang pigura na gumapang papalabas. Ito ay isang mama na nababalot sa malapot na dugo. Nang tumulo ang malapot na dugo mula sa mukha ng mama, nakilala niya ito, si Daniel.
Ang kanyang buhok ay sunog na at ang kanyang mga mata ay puro itim na lamang, permanenteng nakabukas dahil ang talukap ay hiniwa na. May bakal na kuwelyo sa kanyang leeg na nakakabit sa isang makapal na kedena mula sa balon. Nang magsumulang lumapit ang senador, biglang hinatak muli si Daniel pabalik sa balon at tuluyang lumubog sa dugo.
Napakaikli ng uang pagbisita sa balon. Isang sulyap lamang ang ibinigay sa senador at bigla na lang hinatak pabalik sa impiyerno ang anak niyang si Daniel. Hindi maintindihan ng senador kung ano ang nangyari.
Mayroon tinig na nagmula sa likuran ng senador, “Kailangan, kayo po mismo Ginoong Senador ang pupugot ng ulo. Bale wala ang isang kasalanan kung ipinag-utos lamang.” Ang mamang nakaitim na nag-abot ng librong itim ay nagpaliwanag.
“At kailangan, gising ang mga pupugutan. Napakagandang tignan ang mga mukha ng mga pugot na ulo kung nakalarawan pa rin ang takot sa kanilang mga mata. Iba ang itsura ng isang ulong nakaramdam ng paghiwa ng malamig na talim sa kanyang mga ugat sa leeg.” Ito ay nakangiting idinagdag ng mama.
Pagkatapos sabihin ito, umalis na ang mama. Hindi na pinahabol ng senador ang mama upang usisain. Maliwanag ang hinihiling ng balon.
Nang makita ng senador ang kalagayan ng kanyang anak, hindi niya maubos isipin kung anong hirap ang dinaranas ni Daniel sa impyerno. Hindi kakayanin ng sino mang ama na makita ang kanyang anak sa ganoong kalagayan. Kaya’t noong gabing iyon, inutusan ng senador ang kanyang mga galamay na lumabas muli at humanap ng pupugutan. Ngunit ngayon, ang senador mismo ang mananaga.
Alas tres na ng umaga. Wala ng “sampaguita vendor” na gumagala sa lansangan. Ang laman na lamang ng mga kalsada ay mga empleyado ng mga “call center” na papunta na at papauwi mula sa kanilang trabaho. Sinubukan ng mga bodyguard na magsakay ng iba sa kanila. Ngunit, walang kumagat sa kanilang paen. Kadudaduda ang kanilang mga itsura, hindi mapagkakatiwalaan. Ang susunod na puwedeng biktimahin ay ang mga taong nakatira sa kalsada. May mga taong walanag tinutuluyan at natutulog sa lansangan. Nakakuha ang mga “bodyguard” ng isang mag-asawa mula sa isang “waiting shed”.
Dalawang supot ng pagkain at dalawang lata ng inumin lamang ang kinailangan upang makonbinsing sumama ang mag-asawa sa mga “bodyguard”. Kahit may pagdududa, sumama na rin ang mag-asawa dahil sa matinding gutom. Walang nakakaalam kung kalian sila huling kumain.
Pinatapos ng mga “bodyguard” ang mag-asawang kumain bago sila inumpisahang igapos. Sinubukang ipagtanggol ng lalaki ang kanyang asawa ngunit, sa isang hampas ng baril, siya ay bumagsak agad. Itinali ang kanilang mga kamay at paa na parang mga hayop na nahuli sa kagubatan. Tinakpan din ng teyp ang kanilang mga bibig. Nang sila ay makarating sa bahay ng senador, ang mag-asawa ay binuhat at ibinaba sa sahig ng garahe. Pumasok ang isang “bodyguard” sa bahay upang tawagin ang senador. Kailangang mapugutan agad ng ulo ang mag-asawa bago sumikat ang araw.
Paglabas na paglabas ng senador, inabutan agad siya ng itak. Ang lalaki ay iniupo sa silya at iniyuko ang ulo sa lamesang kahoy. Hawak ng isang “bodyguard” ang buhok ng lalaki upang hindi ito makaiwas sa itak. At ang isang “bodyguard” naman ay nakawak sa bewang ng lalaki upang hindi ito makapagpumiglas. Inangat ng senador ang itak ngunit hindi niya ito kayang ituloy.
Sinukluban ng sako ang ulo ng lalaki upang ang nito'y hindi makita ng senador. Kinumutan naman ang likod ng lalaki para batok na lamang ang makikita sa kanya, ang batok na dapat bagsakan ng itak.
Itinaas ng senador ang itak. Ngunit ng kanyang itaga, sa balikat lamang tumama. Malamang sa sobrang nerbyos, nanginginig o maaaring nakapikit pa ang senador. Itinaas muli ang itak at tinaga. Hindi pa naputol ang ulo ng lalaki. Kulang pa ang lakas na ginamit ng senador. Kinailangan ng isa pang taga bago tuluyang humiwalay ang ulo ng lalaki sa kanyang katawan.
Inihanda ng mga “bodyguard” ang susunod na pupugutan, ang asawa. Ganoon din ang kanilang ginawa, may sako at may kumot. Gumaling ang senador sa kanyang pag-aasinta at lumakas din ang kanyang pananaga. Napugutan niya ang babae sa isang pagbagsak ng itak.
Tinali ang mga sakong naglalaman ng mga ulo ng mag-asawa at inilagay ang mga ito sa “freezer”. Ang mga katawan naman ay nilagay ulit sa drum, sinementohan at itatapon muli sa dagat.
Nang ang senador ay naghuhugas na ng kanyang mga kamay, nakita niya sa salamin, na punong-puno na pala ng dugo ang kanyang mukha. Pamilyar ang mukhang nakita niya sa salamin. Ang kanyang itsura ay walang pinagkaiba sa itsura ni Daniel, ng ito ay gumagapang papalabas sa balon.
Nasiyahan ang impyerno sa mga ulong inihulog ng senador sa balon. Agad-agad tumaas muli ang lamang dugo at umapaw kasama ang pag-ahon ni Daniel mula sa balon.
Nang makalabas ng tuluyan si Daniel sa balon, kahindikhindik ang nakita ng senador. Ang ari at dalawang paa ng kanyang anak ay putol na. Gumapang na lamang si Daniel papalabas at nakaupong sumandal sa balon.
Hiningi ng senador ang “jacket” ng isa niyang “boduguard” upang ibalot sa hubad na katawan ng kanyang anak. Ngunit si Daniel ay napasigaw sa hapdi ng pagdampi ng tela sa kanyang sunog na balat. Natuklap at sumama pa ang kapirasong balat sa “jacket” ng ito ay inalis.
Hindi nakapagsalita ang senador. Ano nga ba ang puwedeng sabihin sa mga pagkakataong iyon? Ni hindi niya masabi ang nakasanayang “Kamusta ka?” sapagkat iyon ay lalabas lamang na isang pang-iinsulto sa nakikitang kalagayan ni Daniel. Hinayaan na lamang ng senador na magsalita ang kanyang anak. Napakahirap intindihin dahil ang pananalita ni Daniel ay gumugulong na lamang. Bawat pantig ay halatang napakasakit bigkasin dahil ang dila niya ay sunog na rin.
Ang kalagayan ni Daniel ay isang patunay sa lupit ng mga parusang ipinapatang ng impyerno. Sa mga kasalanan ni Daniel, siya ay nasa ikalimang palapag kung saan kasama niya ang mga taong pumatay at nanghalay ng paulit-ulit, mga mamamatay tao na walang kabusugan sa dugo.
Ang unang ginawa kay Daniel ay sinunog ang kanyang mga paa upang ipakita at ipadama sa kanya ang kawalang-hanggan ng kanyang mga sasapiting hirap sa impyerno. Pagkatapos ay ipinakakagat at ipinakakain sa aso ang kanyang ari upang ipadama sa kanya ang kawalan ng halaga ng kanyang pagkatao.
Hinihimatay sa sakit si Daniel tuwing matatapos siyang lapain ng aso. At, sa tuwing paggising ni Daniel, burado na ang alaala ng mga kaparusahang nangyari. Ito ay uulitin na naman hanggang siya ay himatayin ulit. Ang bawat pagsusunog at pangangagat ay bago, damang-dama, di inaasahan at nakahihimatay.
Alam ng senador na ang krimen na ikinamatay ng kanayang anak ay hindi ang kaunaunahang krimen na ginawa ni Daniel. Nagbulag-bulagan ang senador sa napakaraming pinatay at hinalay ni Daniel. Si Daniel ay gumamit ng droga na siya lamang tanging nakakapagpalakas sa sikmura ng isang kriminal sa pagsasagawa ng mga karumaldumal na krimen. Ang droga ang kasangkapan ng demonyo upang saniban ang tao at utusan siyang gawin ang mga ito.
Ang kapangyarihan at impluwensya ng senador ang siyang nagdala sa kanyang anak sa ganoong kalagayan. Dahil sa proteksyon ng pera’t katungkulan, nagkaroon si Daniel ng pagkakataong isagawa ang utos ng demonyo at siguruhin ang kanyang puwesto sa isa sa pinakamainit na lugar sa impyerno.
Mabuti na lamang at ang impyerno ay tumatanggap ng kabayaran. Biglang napasigaw ang senador, “Handa akong pumatay at maghulog ng dalawampu’t apat na ulo sa balon araw-araw upang maiwas ang aking anak sa kanyang mga paghihirap!”
Nang marinig ng mga “bodyguard” ang sinabi ng senador, sila ay napatingin sa isa’t isa. Pagkatapos nilang makita ang katotohanan at kasiguruhan ng impyerno, hindi na nila kayang ipagpatuloy ang mga masamang gawain para sa senador. Hindi na nila kaya pang ipagpatuloy na ipagkalulo ang kanilang mga kaluluwa sa demonyo. Binunot ng mga “bodyguard” ang kanilang mga baril at itinutok sa senador. Unti-unti silang umatras. At nang makalayo, bigla silang tumakbo papalayo sa senador, kay Daniel at sa balon.
Nang matapos ang ikalawang oras ng pagdalaw, hinatak si Daniel ng kadena pabalik sa loob ng balon. Natuklap ang balat ni Daniel sa likuran at naiwan sa pader ng balon na kanyang kinasasandalan. Ang huling tinig na narinig ng senador ay “Dad!” bago tuluyang lumubog si Daniel sa kumukulong dugo ng balon.
Napaluhod ang senador. Tila nawawala na siya sa sarili. Nakakabaliw isipin kung anong hirap ang sinasapit ng kanyang anak sa impyerno sa mga sandaling iyon. Tutuparin ng senador ang kanyang naipangako sa kanynag anak. Dalawampu’t apat na ulo ang aasahan ng balon sa kanyang pagbabalik.
May malaking problema ang senador, ngayong wala na sa kanyang serbisyo ang kanyang mga “bodyguard”. Nasa senador na ang lahat ng salapi at kapangyarihan ngunit, hindi niya taglay ang galing ng kanyang mga “bodyguard” sa pagsasagawa ng mga krimeng kinakailangan. Isa lamang ang maaari niyang gawin, gamitin ang kanyang salapi upang mapapunta niya ang ang kanyang dalawampu’t apat na bibiktimahin sa kanyang bahay.
Bago umuwi ang senador, nagdaan muna siya sa isang liblib ngunit, kilalang lugar upang upahan ang serbisyo ng isang bugaw. Kinausap niya ang pinuno ng sindikato na humahawak sa mga “prostitutes” doon. Ang sabi ng senador, kailangan niya ng dalawampu’t apat na babae sa kanyang bahay bago mag alas tres ng umaga. Medyo mahirap humagilap ng ganoong karaming babae sa loob ng dalawang oras lalo’t lalo nang ang karamihan sa kanilang mga hawak na babae ay nakalabas na kasama ang mga kliyente. Ngunit, napakalaking pera ang handang ibayad ng senador kaya’t ito ay gagawan ng paraan. Ito ay pipilitin at sisiguruhin. Nagbigay ng paunang bayad ang senador at umuwi na upang makapaghanda.
Dalawampu’t apat na babae ang dumating sa bahay ng senador. May kasamang tatlong lalaki na pinasama ng sinidikato para kolektahin ang kabuuang bayad at bantayan ang mga babae. Binayaran ng senador ang balanse at dinagdagan pa ng ilang libo pero, may kasamang kahilingan. Hiniling niya na umalis na ang mga lalaki at kalimutan na ang lahat ng nangyari noong gabing iyon. Sa laki ng halagang ibinigay ng senador, natural lamang na pumayag at umalis agad ang mga bantay na lalaki.
Gusto ng mga babae na magpatutog ng musika para sumaya ang kanilang pagtitipon. Hindi pumayag ang senador dahil tulog na raw ang mga kapit-bahay at baka mabulabog. Naglabas na lamang siya ng mga botelya ng mamahaling alak at hinikayat ang lahat na uminom. Puwedeng ubusin ang kahit ilang bote ng mamahaling “champaigne”, hanggat sa kaya. Paglipas ng ilang saglit nakatulog ang mga babae. Nilagyan ng senador ang mga botelya ng gamot na pampatulog bago pa makarating ang mga babae sa kayang bahay.
Alas seis na ng gabi nang magising ang mga babae at nakagapos na silang lahat. Nakateyp din ang kanilang mga bibig. Kinailangang antayin ng senador na magising ang mga babae bago sila pugutan dahil, gaya ng sinabi ng mamang naka itim, gustong makita ng demonyo ang sindak sa mukha ng mga ulong ihuhulog sa balon.
Binuhat ng senador ang kanyang unang pupugutan at dinala sa garahe. Iniupo ang babae sa silya. At tangan ang buhok, sinubsob ang mukha sa lamesa. Nagpupumiglas ang babae at hindi kaya ng senador panatilihing nakatigil ang ulo para asintahin ng itak. Ibinagligtad ng senador ang pagkakaupo ng babae. Pinatalikod niya sa lamesa at hinatak ang buhok paatras para isandal ang liluran mg ulo nito sa lamesa. Mas mahirap magpumiglas sa ganoong posisyon. Paharap na niyang tatagain ang babae, sa leeg at hindi na sa batok.
Isang hataw lang ang kinailangan ng senador at naputol agad niya ang ulo ng babae. Matapang na ang sikmura ng senador at kaya na niyang harapin at titigan sa mata ang kanyang pinupugutan.
Paghampas ng itak sa lamesa ay sabay na narinig ng senador ang sigaw ng mga babae mula sa pinto ng garahe. Napasigaw si Angelika at ang kanyang inang si Maria sa kanilang nakita.
Si Maria ay nagpunta sa tahanan ng senador noong hapong iyon para sunduin ang kanyang anak. Pagkatapos malamang ni Maria ang panggagahasa ng senador sa kanyang anak, agad-agad siyang lumuwas ng maynila upang kunin na niya si Angelika.
Tumakbo sila Maria at Angelika palabas ng garahe. Hinabol ng senador ang mag-ina at muntik na rin niya silang maabutan at mataga kung hindi lamang siya nadulas sa dugong nakakalat sa sahig. Nang nakatayo ang senador, hinabol niyang muli ang mag-ina.
Ang senador ay umabot sa “gate” ng kaniyang bahay at siya ay nakita ng ilan sa kanyang mga kapit-bahay. Ang damit ng senador ay punong-puno ng dugo, magulo ang kanyang buhok at may hawak pa na itak na puro dugo rin. Siya ay larawan ng isang baliw na nagwawala, nag-aamok at walang kaduda-dudang pumapatay.
Sa pagkakataong iyon, nakatakas na rin ang mga babaeng kanina lang ay nakagabos sa kaniyang sala. Sila rin ay tumatakbo papalabas. Biglang Nalunod ang tahulan ng mga aso sa sigawan ng mga babae ng makita nila ang pugot na ulo ng kanilang kasama nang sila ay papalabas. Lalong kumaripas sa pagtakbo ang mga babae palabas ng gate. Hindi nagawang pigilan ng senador ang mga babae dahil lalo pang dumami ang mga kapit-bahay na nagsipaglabas upang tunghayan ang eksena sa bahay ng senador.
Wala ng nagawa ang senador kung hindi kunin ang nag-iisang ulo na kanyang napugot, sumakay sa kotse at magmadali patungo sa balon.
Napakalalim na ng problema ng senador. Ano mang dami ng kayang salapi, kahit anong taas pa ng kanyang katungkulan sa lipunan, hindi na niya maaaring takasan ang batas na uusig sa kanya. Hindi niya kayang gawin ang krimen ng kasing-linis ng pamamaraan ng kanyang mga “bodyguard”. Ito na ang kahuli-hulihang pagdalaw ng senador sa balon. At, isang ulo lamang ang kanyang maihuhulog. Isang oras lang silang magkakasama ni Daniel.
Bago maihulog ng senador ang ulo sa balon, meron nanamang tinig na nagmula sa kaniyang likuran. Ang mamang naka itim ay mayroong panukala.
Sabi niya, “Senador, kuing kayo ay susuko, makukulong kayo. Mag-aantay kayo ng mahabang panahon hanggang dumating ang takdang oras na susunduin kayo ng mga demonyo upang dalhin sa impyerno. Kung kayo ay manlalaban o tatakbo, kayo ay maaaring mapatay at mapapadali ang inyong pagpunta sa impyerno. Kahit na anong mangyari sa dalawang ito, sa ika-apat na papalapag po lamang kayo aabot, hindi sa ika-limang palapag kung saan naroon si Daniel.”
Nagtanong ang senador, “Paano ako makakarating sa ikalimang palapag. Gusto kong makasama ang aking anak.”
Sumagot ang mamang naka itim, ”Ah…, kung ganoon, kailangan niyo pang pumatay ng isa pa. Kailangan niyong kitilin ang inyong buhay upang maging karapatdapat kayo sa ika-limang palapag.” Nagulat ang senador, “Ano, kailangan kong magpakamatay?”
Ang tugon ng mama, “Kung hindi kayo sigurado, bakit hindi niyo ihulog sa balon ang ulo na inyong hawak at tanungin niyo si Daniel kung ano ang nais niyang gawin niyo?” At idinagdag pa ng mama ang isang paalaala, “Senador, tandaan niyo po, isang oras lamang ang meron kayo upang makapagdesisyon.”
Nang hinulog ng senador ang ulo sa balon, agad nakalabas si Daniel. Isinalaysay ng senador ang mga pangyayari at tinanong niya si Daniel kung ano ang kanyang payo.
Sinabi ni Daniel na gusto niyang makasama ang kanyang ama sa impyerno. Pilit niyang kinukumbinse ang kanyang ama na magpakamatay upang sila ay magkasama. Isinisi pa ni Daniel ang kanyang sinapit sa kapabayaan ng senador. Ang senador daw ay hindi naging mabuting ama kaya’t siya ay nalulong sa droga at nakagawa ng mga karumaldumal na krimen. Ginamit ni Daniel ang lahat ng puwedeng argumento mula sa iba’t ibang anggulo para makumbinsi ang kanyang ama. Ngunit, bago pa man narinig ng senador ang mga pahayag ni Daniel, ang kanyang desisyon ay malinaw na. Ang nakita lamang ng senador kay Daniel ay ang mukha ng isang anak na nagmamakaawang makasama ang kanyang ama sa pinaka mapait at masaklap na walang hangganan.
May baong patalim si Daniel mula sa balon at ito ay inabot niya sa kanyang ama. Itinitok ng senador ang talim sa kayang dibdib at isinaksak diretso sa kanyang puso.
Agad na hinatak muli ng kadena si Daniel pabalik sa balon. Inalalayan naman ng mamang naka itim ang kaluluwa ni Senador Freddie Basco patayo mula sa kaniyang pagkakahiga, pahiwalay sa bangkay na nakalugmok sa tabi ng balon.
Nang makatayo na, dinala si Freddie Basco papunta sa balon at ikinabit ang kuwelyong bakal sa kanyang leeg. Tinanong ni Freddie, “Ako ba ay dadalhin na sa ika-limang palapag ng impyerno?” Ang sagot ng mama ay, “Oo.” Ang kasunod na katanungan, “Makakasama ko na ba ang aking anak?” Ang naging kasagutan ng mama ay hindi niya inaasahan, “Si Daniel ay malilipat na sa ika-apat na palapag kung saan gagaan ang kanyang mga parusa. Sa impyerno puwedeng pag-usapan ang lahat ng bagay. Ang kasunduan naming ni Daniel ay simple. Kung ikaw ay kanyang makukumbinse na magpatiwakal, pagagaanin naming ang kayang mga parusa. Si Daniel ay pumayag. Handa niyang ipagkalulo ang iyong kaluluwa para gumaan ang kaniyang mga parusa. Sa lahat ng kanyang mga naging kasalanan, ito ang aming paborito.”
Pagkatapos nito, hinatak na papasok sa balon si Freddie Basco at tuluyan na siyang lumubog sa kumukulong dugo ng balong napakalalim. Ang mamang naka itim ay may hawak na namang libro. Sinilip niya ang kanyang orasan at nagmamadaling naglakad papalayo sa balon.