[SIMON]
“BAKIT KA ba tumatawa?” tanong ko kay Evan na nakatingin lang sa cellphone niya at tumatawa sa bawat segundong tinitignan niya ang kaniyang cellphone. Ano ba ang pinapanood niya at hindi niya ako marinig? “Ano ba ‘yang pinapanood mo at kanina ka pa tawa nang tawa?”
“Wala naman,” sagot niya bago tinignan muli ang cellphone at humagikhik ng tawa. Wala tapos gan’yan siya umasta? “Huwag mo nang alamin, baka matawa ka rin…”
Kaagad kong kinuha ang kaniyang cellphone na ikinagulat niya. Kahit gulat siya ay tumatawa pa rin siya habang tinitignan ang reaksiyon ko nang kunin ko ang kaniyang cellphone. “Akala ko nanonood ka ng kung anong bastos,” ani ko nang tignan ang video na tinitignan niya. Napadalawang tingin ako nang ma-realize ko na ang tinitignan niyang video ay… “Ano ‘to? Bakit may video ako habang umiiyak?”
“Ngayon mo lang ba na-realize na kanina pa ‘yan ang tinatawanan ko,” aniya at tumawa pa nang mas malakas pa sa tawa niya kanina lang. Dahil sa tawa niya ay pinagtinginan siya ng mga tao na bumibili sa kalapit lang na tindahan. Minsan, nakakahiya rin ‘tong maging kaibigan, e. Pero wala akong magagawa, siya na lang ang nag-iisang kaibigan na mayroon ako. “Cute mo pala kapag naiyak, Simon. Para kang bata na nawawala sa park.”
“Saan mo ‘yan nakuha?” tanong ko sa kaniya. Hindi na rin ako galit sa kumuha ng video na ‘yan kasi okay lang naman ‘yong mukha ko ro’n, pogi pa rin. “Pogi pa rin naman ako kahit umiiyak, e. Anong nakakatawa diyan? Tawa ka nang tawa habang nakaburol pa ‘yong lolo mo.”
“Ako ang kumuha nito,” ani Evan. Sabi ko na nga ba, e. Hindi na dapat ako nagtanong kung sino ang kumuha ng video. “Pinagtitinginan ka kasi ng mga tao kagabi sa burol ni tatang, tapos parang hindi mo naman ramdam na may nakatingin sa ‘yo. Alam mo ba na sa ‘yong iyak ‘yong pinakamalakas?”
“Alam ko naman na sa ‘kin ‘yong pinakamalakas na iyak at ako ‘yong pinagtitinginan ng mga tao kagabi,” sagot ko sa kaniya. “Wala naman akong magagawa, ‘yon ang binigay na trabaho sa ‘kin. Alangan namang tumawa ako kung binayaran ako para umiyak. Wala na akong choice kung hindi lakas pa lalo ang iyak ko kasi bayad na ako, ‘di ba, Evan?”
May pagka-sarkastiko sa sinabi kong ‘yon kay Evan. “Oo na, oo na. Hindi na nga po lalaban,” sagot ni Evan sa ‘kin. Tutuloy si Evan sa baryo sa buong panahon na nakaburol si tatang at kaagad ring aalis papuntang Maynila para sa trabaho niya.
Wala akong raket ngayong araw kaya nandito lang kami nitong kaibigan kong si Evan sa tapat ng tindahan, kumakain ng biskuwit at humihigop ng malamig na softdrinks. Hindi na ako naghanap pa ng raket ngayong araw para magpahinga kasi kasiya naman sa isang linggo ang nakuha ko sa pagiging crying man sa burol ni Tatang Isko. Pero hindi ako petiks lang, ngayong araw lang ako magpapahinga at raraket ulit bukas. Hindi porke may sapat na pera pa kami sa isang linggo ay dapat na akong magsawalang-kibo pero gusto ko ring pagpahingahin ang sarili ko, kaya hindi muna ako kumayod ngayong araw.
Gusto ko ring makasama si Evan, na nag-iisa kong kaibigan magmula pagkabata. Noong bata kami hanggang magbinata, kapag uuwi siya galing Maynila ay maliligo kami sa ilog, hubo’t hubad kaya alam naming ang kung anong mayro’n sa isa’t-isa. Hindi na rin kami nahihiya no’n, e, halos sabay kami sa mga bagay na ginagawa namin, kahit sa pagpapatuli. Pero ngayong lumaki na kami, hindi na namin ‘yon ginagawa. Bukod sa maraming isyu tungkol sa ‘ming dalawa na kesyo magjowa raw kami, hindi na rin kami makaligo sa ilog nang hubo’t hubad dahil maraming tao na rin ang bumibisita ro’n para maligo at maglaba. Nakakahiya kaya ‘yon.
Nilingon ni Evan ang tingin sa ‘kin nang mapansin na natahimik ako. “Natahimik ka yata?” tanong niya na ikinagulat ko. “Wala kang trabaho ngayong araw? Parang ngayon lang kita nakita na petiks, ah?”
“Hindi sa petiks, nagpapahinga lang ngayong araw,” sagot ko sa kaniya. “May panggastos pa naman kami, ‘yong bayad mo sa ‘kin sa pag-iyak sa burol ni tatang. Salamat pala ro’n, ah. Laking tulong din no’n.”
“Wala ‘yon, Simon. Magkaibigan tayo, kaya hanggang makakatulong ako, tutulungan kita,” aniya at ngumiti sa ‘kin. Medyo gago lang ‘to si Evan pero may puso rin kahit papaano. “At saka, ayos ‘yan nang makapagpahinga ka rin. Tignan mo ‘yang biceps mo, humahabol na sa biceps ko. Siguro kailangan ko nang magpatuloy sa gym ulit next week.”
Napailing ako. “E, ‘yang mga muscles mo sa katawan, dala ng pag-gym mo. Sa ‘kin, dala ng pagkakayod. ‘Yan lang yata ang pagkakaiba nating dalawa, Evan.”
Tinawanan niya lang ako. “Sorry na.”
“Ewan ko sa ‘yo, Evan,” ani ko at tumawa na lang rin kasama niya. “‘Yon palang mga kaibigan mo…” Bakit ko nga ba tinatanong ‘to kay Evan? “Paano mo sila naging kaibigan? Mukhang mga sosyal tignan, ah.”
“Ba’t mo natanong, Simon? Nagseselos ka ba sa kanila?” tanong niya na tila inaasar-asar ako. Nagtatanong lang naman, e. Ano bang masama ro’n? “Huwag kang magselos sa kanila, kahit tanungin ako kung sino ang pipiliin ko, ikaw ang pipiliin kong maging kaibigan. Pero, mayayaman talaga ‘yon. Mga kaibigan ko sila no’ng college at hanggang ngayon, kaibigan ko pa rin sila. Sosyal silang tignan kasi magaganda at may tatak ang mga gamit.”
Napatango ako. “Oh…”
“Anong klaseng reaksiyon ‘yan?” tanong niya bago ako tinignan simulo ulo hanggang paa. Ano na naman kaya ang binabalak nito? “Alam mo, pogi ka naman, Simon, kulang ka lang sa sense of fashion. Kung bibihisan ka at aayusan ang buhok at mukha mo, mukha ka na ring mamahalin…”
Binigyan ko lang siya ng pekeng ngiti. “Tinatanong ko ba?”
“Share ko lang naman. Ang bad mo sa ‘kin,” parang bata niyang ani. “Pero seryoso nga, pogi ka siguro kapag naayusan ka. Ano ‘yong sabi mo sa ‘kin? Half-Japanese ka, ‘di ba? Kaya hindi na rin ako magtataka na maganda ang genes mo.”
“Oo, ‘yong tunay kong tatay ay hapon, nakuwento ko na ‘yan sa ‘yo, ‘di ba?” tanong ko sa kaniya na tinanguan niya lang. “Wala na rin akong balita sa kung anong ginagawa no’n.”
“Ba’t tayo umabot sa topic na gan’yan?” tanong ni Evan nang mapansin niya siguro na medyo bumaba ang mood nang magsalita ako. “Pero promise ‘to, Simon. Dadalhan kita ng mga damit sa sunod na pag-uwi ko galing sa Maynila. Ayusan mo rin kasi ‘yang sarili mo. Hindi mo na naiintindi ang sarili mong katawan dahil puspos ka sa pagtatrabaho.”
Ngumiti ako. “Hindi mo naman kailangang gawin ‘yan para sa ‘kin, pero salamat…”
“Hindi ko naman kailangang gawin pero gusto kong gawin ‘yon para sa ‘yo, Simon.” Kaya kami napagkakamalang may relasiyon, e, dahil sa pagka-clingy niya sa ‘kin. Pero siguro lumaking mag-isa si Evan kaya ganiyan na lang maghanap ng kinakapatid at siguro nahanap niya sa ‘kin. Mas matanda siya sa ‘kin ng dalawang taon pero para lang kaming magka-edad kung magturingan. “Kung hindi mo kayang alagaan ang sarili mo, hayaan mo akong alagaan ka. Para ka na ring nakababatang kapatid para sa ‘kin.”
Dahil sa sinabi niyang ‘yon ay bigla kaming dalawang natahimik. Walang ano-ano ay may biglang babaeng sumigaw sa malapit lang sa ‘min. “Evan!” ani ng babae. Hindi na ako magtataka kung ang sumigaw ay si tita, nanay ni Evan. Mabait naman ‘yon si tita, ang kaso lang ay sobrang ingay. Kapag sumigaw siya ay puwedeng umabot hanggang sa kabilang baranggay.
Tumayo si Evan at inubos ang softdrink na iniinom niya sana at saka tinapik ang balikat ko nang marahan bago ngumiti. “Si mama na ‘yon, Simon,” aniya nang marahan. Tumango lang ako sa kaniya at nginitian siya. “Mauna na muna ako, Simon. Alam mo naman si mama, susuyurin no’n ang baranggay, mahanap lang ako.”
“Sige lang,” ani ko at tumayo na rin. “Uuwi na rin ako sa bahay at iidlip. Hapon na naman. Bibisita ako mamaya sa burol ni tatang, sunduin mo na lang ako. Kita-kits.”
---
“IS THAT your friend, Evan?” tanong ng isang lalaki habang tumitingin ako. Isa siya sa mga lalaking dinala ni Evan sa burol ni Tatang Isko, sa gabing humagulgol rin ako. Kanina pa niya ako tinitignan simula ulo hanggang paa. “I mean; I just find it odd…”
Tumango ang isa pang lalaking nakaakbay do’n sa isang lalaki sa sinabi nito. “I agree,” sabi niya. Ano bang odd sa ‘kin? “He really looks cheap. Who would have thought you’d be friend with someone like him?”
Hindi man ako nakapagtapos ng pag-aaral, nakaka-intindi pa rin naman ako ng ingles, at alam kong hinuhusgahan na nila ako sa nakikita nila. Sino ba naman kasi ang mag-aakala? Hindi ko naman masisisi si Evan kung nagbago na siya ng style niya noong makatikim siya ng hangin sa Maynila, at kung titignan, ibang-iba na siya sa dating siya manamit… pero para sa ‘kin, wala naman siyang pinagkaiba.