Halos mag-iisang oras na simula ng maghintay si Cassandra ng jeep sa waiting shed ng isang barangay hall malapit sa palengke nila pero wala pa ring dumadaang pampasaherong jeep na puwede niyang sakyan papauwe. Nabilang na nga ata niya ng paulit-ulit ang mga piraso ng mga sangkap na pinabili sa kanya ng kanyang Nanay para sa ititinda nitong espasol.
Napakainit pa naman ng panahon, buti at may dala siyang panyo na pamunas ng pawis. Nang wala na talaga siyang makitang dumadaang sasakyang pampasahero ay nagpasya na siyang maglakad-lakad, tutal ay may dala naman siyang payong na pananggalang sa init ng araw.
Binitbit na niya ang basket na dala niya saka siya nag-umpisang maglakad pauwe ng kanilang bahay. Nakakailang metro na siya ng nilalakad ng biglang nahulog ang dala niyang bimpo. Nabigla siya at agad siyang yumuko na hindi tinitingnan ang mga sasakyang dumadaan sa kalsada ng nga oras na iyon. Kaya ganon na lang ang hiyaw niya ng bigla siyang businahan ng malakas ng isang itim na kotse pagkatapos niyang damputin ang bimpo niya sa gilid ng kalsada. Kinabahan siya, halos manginig siya sa takot ng businahan siya ng malakas ng mismong driver nito at iginilid ang sasakyan nito. At ganon na lang ang gulat niya ng mapagtanto kung sino ang lalakeng bumaba ng kotse.
Renzo?!
Nagpatuloy ito sa paglakad hanggang sa makita na niya ito ng malapitan.
"Hey, nagpapakamatay ka ba?" sarkastiko nitong tanong sa kanya.
Katulad ng una nilang pagkikita ay masungit pa rin ito sa kanya. Hindi siya agad nakasagot sa tanong nito at napangunahan na naman siya ng kaba.
"Wait...parang natatandaan kita." Bahagya pang inilagay ni Renzo ang hinlalaki nito sa ibabaw ng baba nito. Wala na siyang balak magsalita at alam naman niyang matatandaan siya nito kahit papaano. Kaya bahala na ito kung ano man ang gusto nitong sabihin sa kanya. Hindi naman talaga niya naisip na baka masagasahan siya dahil sa pagdampot niya ng nalaglag niyang bimpo sa daan.
"Ikaw yung nagdadala ng gatas sa bahay, right?" napangiwi na lang siya ng sa wakas ay maalala na nito kung saan sila unang nagkita.
"O-opo,ako po iyon." sagot niya kay Renzo.
"Okay…ano ba ang nangyari at balak mo pa atang magpasagasa sa gilid ng daan?" Sa pagkakataong iyon ay mas malumanay na itong magsalita sa kanya.
"Bale...nahulog po kasi sa daan ang bimpo ko sir kaya pinulot ko, hindi ko naman po alam na bigla kayong darating sakay ng kotse nyo." Pagtatapat niya.
"Next time, mag-iingat ka at puwede kang maaksidente sa ginagawa mo." Pangaral nito sa kanya.
"O-po sir...pasensya na talaga." Hingi muli niya ng dispensa sa nangyari at nagmamadali niyang binitbit muli ang dala niyang basket. Hindi na siya dapat magtagal sa lugar na iyon at nakakahiya na ang mga pinaggagawa niya.
Dahil sa kinakabahan siya habang kaharap niya si Renzo ay mas pinili na niyang tumalikod dito para umalis. At ihahakbang pa lang niya ang isa niyang paa ay bigla itong nagsalita muli.
"Where are you going?" Napaharap siyang muli dito at naapatitig sa mukha nito.
"P-po?"
"Saan ka pupunta, if you want ihahatid na kita? Baka mamaya kung ano pang mangyari sa iyo." Nakangiti na ang mga mata at labi nito ng sabihin sa kanya iyon ni Renzo.
Totoo ba ang narinig niya mula rito, baka naman nagkakamali lang siya? At muli niya itong tiningan na hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon ng mukha nito.
"H-hindi po… okay lang po ako sir." Tanggi niya sabay iling ng kanyang ulo.
"I insist." maawtoridad na saad ni Renzo sa kanya. Kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang pumayag sa inooffer nito pagkatapos nitong buksan ang pinto sa gawing passenger seat ng kotse nito. At pagkatapos nitong isara ang pinto ng sasakyan ay nagmamadali itong bumalik sa loob ng koste na dala nito. Nakita pa niyang bahagya itong nakangiti matapos nitong isara ang pinto ng kotse nito. Nagtaka naman siya sa ginawa nito.
"Saan ka nakatira?" Tanong nito sa kanya habang sinusuot nito ang sariling seatbelt.
"U-uwe na po ako sa bahay namin sa Banlic." Alangan niyang sagot kay Renzo na nakatitig pa rin sa kanya.
"Okay, ihahatid na kita sa bahay ninyo at doon din naman ang way ko para sunduin si Jopany." Ang tinutukoy nito ay ang bunso nitong kapatid.
"Salamat po..." Napayuko pa siya sa hiya dahil medyo malayo ang bahay nila pero ihahatid pa rin siya nito hanggang doon.
"Wear your seatbelt." Paalala nito sa kanya. Nakalimutan niyang magsuot ng seatbelt kaya ibinaba niya ang nasa hita niyang basket para hilahin ang seatbelt na pinapasuot nito sa kanya.
Hindi niya agad nahila ang seatbelt sa magkabilang dulo dahil masyado itong mahigpit at parang nawala ang lahat ng lakas niya para magsuot ng seatbelt na sinasabi nito.
Nang makita nitong nahihirapan siya sa pagsusuot ay dumukwang na ito palapit sa kanya para ito na ang magsuot sa kanya.
Amoy na amoy niya ang pabangong gamit nito ng bigla ay maramdaman niya ang pagdantay ng damit nito sa kanyang balat. Kakaiba ang bangong taglay nito at halos nakalimutan na niya ang sitwasyon nilang dalawa ng mga oras na iyon.
Nagtama pa ang mga mata nila ni Renzo bago muling isinandal nito ang likod sa upuan, at nagdulot iyon ng kakaibang pakiramdam sa kanya.
Nakita niya ang paghigpit ng hawak ni Renzo sa manubela nito pagkatapos siya nitong suotan ng seatbelt.
Bakit ba kasi hindi siya marunong magsuot ng seatbelt na iyon!? Napahiya naman siya sa sarili niya at nakaramdam siya bigla ng lungkot sa katotohanang iyon.
Habang nasa biyahe sila ay nanibago ang kanyang pakiramdam. Kung kanina ay init na init siya, ngayon naman ay giniginaw na ata siya dahil sa lakas ng aircon ng kotse nito. Maging ang mabangong amoy nito ay nagustuhan din niya.
"Cassandra right?" bigla ay tanong ni Renzo sa kanya.
Napalingon siya sa gawi nito saka siya sumagot. "Opo sir."
"Don't call me sir, hindi mo naman ako amo." Agad ay sagot nito sa kanya habang nakangiti.
Bakit nga ba ganon ang tawag niya kay Renzo samantalang hindi naman siya nito empleyado? Oh dahil sa anak ito ni Sir Ramon na dinadalhan niya ng gatas sa bahay ng mga Sebastian? Pwede naman hindi ba?
"O-okay po..." Muli na naman itong napangiti sa sagot niya kaya kinabahan naman siyang muli. May nasabi siyang kakatuwa? At isa pa, hindi siya sanay sa uri ng pakikipag-usap nito sa kanya.
"Ilang taon ka na ba, bakit kailangan mong mag 'opo' sa akin? Mukhang hindi naman nalalayo ang edad mo sa akin di’ba?" Paniniguro ni Renzo sa kanya. Biente anyos na siya noong nakaraang buwan at alam niyang bata pa siya kung maituturing pero hindi naman siya ganoong ka immature mag-isip gaya ng iba.
"Twenty na po ako." Nakita niyang napatango ito pagkatapos niyang sagutin ang tanong nito sa kanya.
“Not bad, ako naman ay twenty five." Sagot naman nito sa kanya habang diretso ang mga mata nito sa pagmamaneho.
"...see, hindi naman ako ganon katanda hindi ba? Kaya h'wag muna akong i 'po', okay? Just call me Renzo." Pagpapakilala nito sa kanya.
Napatango na lang siya bilang sagot sa nirerequest nito sa kanya. Sa totoo lang ay parang asiwa siyang tawagin lang ito sa totoo nitong pangalan. Para siyang nawawala sa sarili kapag binabanggit niya sa isip ang pangalan nito, paano pa kaya kung sa personal na niya iyong sasabihin? Napanguso na lang siya sa isipin iyon.
Habang nasa biyahe siya ay manaka-naka na tinatanong siya ni Renzo tungkol sa mga personal na bagay tungkol sa kanya.Halimbawa ay kung saan siya nag-aaral ng college? Sinabi niya na hindi siya nakapag-aral ng college pero kahit ganoon ay hindi naman siya mangmang na walang alam. Maging ang mga magulang niya ay tinanong nito at ang huli nitong tinanong ay kung may boyfriend daw ba siya ngayon na mas lalo niyang ikinagulat.
"Wala po akong boyfriend, at hindi po iyon ang priority ko ngayon." Tahasan niyang sabi kay Renzo na ikinagulat din nito.
"Okay, manliligaw? Do you have?" Walang kaabog-abog na tanong nito sa kanya muli.
Kahit papaano ay may mga nangliligaw naman sa kanya. Iyon nga lang ay wala talaga siyang balak na magboyfriend sa ngayon lalo na at iniisip niya ang kalagayan ng pamilya niya sa kasalukuyan.
"Mayroon naman po," hindi nagtagal ay sagot niya kay Renzo. At hindi nakaligtas sa kanya ang biglang pagkunot ng noo nito dahil sa sinabi niya.
Pagkatapos ng huling tanong nito sa kanya tungkol sa kanyang tirahan ay hindi na siya nito muling kinausap. Nagulat na lang siya ng inihinto na nito ang kotse sa tapat ng tarangkahan ng kanilang bahay.
Nakita pa niya sa labas ng kotse ang mga batang saglit na tumigil sa paglalaro para titigan ang kotseng sinasakyan nila.
"Saan ang bahay nyo?" Napalingon siya sa gawi ni Renzo pagkatapos niyang hawakan ang basket na dala niya. Itinuro naman niya ang gawi kung saan nakatayo ang simpleng tahanan nila. Gawa ito sa kalahating bato at sawali.
"Doon po ang bahay namin." Nakita niyang tinitigan saglit ni Renzo ang kanilang bahay at saka muling ibinalik ang tingin sa kanya.
"...salamat po pala sa paghahatid." Sunod niyang hinawakan ang seatbelt na nakakabit sa katawan niya. Pero sa pagkakataong iyon ay natanggal na niya ng mabilis ang pagkaka-lock nito.
"You're welcome." Nakangiting sagot nito sa kanya at pagkatapos ay tuluyan na siyang bumaba sa kotse nito. Saglit siyang naghintay sa gilid ng bakod nila hanggang maibaling nito ang sinasakyan nitong kotse. Nang lumakad na siya papasok ng kanilang bahay ay bumusina pa si Renzo bago ito tuluyang lumayo. Napangiti na lang siya pagkatapos niyang maalala ang nangyari sa kanila kanina.