Chapter 3

2074 Words
Tatlong araw pa lamang ako sa tahanan ng aking tiyahin nang makatanggap kami ng magandang balita. Nakahanap na ang pinsan ko ng maaari niyang pagpasukan sa akin. Ngunit dahil nga sa wala pa akong gaanong karanasan sa trabahong balak ko talagang pasukan, tinanggap ko na ang unang trabaho na nakuha ng pinsan ko para sa akin. Maganda rin iyon dahil ang magiging boss ko raw ay isa ring Filipino. Makalipas ang isang buwan ng paglalakad sa lahat-lahat ng kakailanganin ko sa aking pag-alis sa tulong na rin ng aking tiyahin ay dumating ang araw na lumabas ako sa aking bansa. Dumating ako sa bansa na aking magiging tahanan sa loob ng dalawang taon ayon sa pinirmahan kong kontrata. Sinundo ako ng pinsan ko sa airport at dinala muna sa kanyang apartment. "Welcome to your new home and country, Insan!" muli niyang bati sa akin nang pumasok na kami sa kanyang apartment. "Salamat, Insan. Salamat sa lahat ng tulong ninyo sa akin ni Tiya Lumen." Hindi matatawaran ang excitement na nararamdaman ko dahil tila nakikita ko na ang magandang bukas para sa amin ng pamilya ko ngayong narito na ako sa banyagang bansa. "Ano ka ba, Insan? Sino pa ba ang tutulungan namin kundi kayo na kadugo namin?" Kinambatan niya ako kaya sumunod ako sa kanya papuntang kusina. "Alam kong ginutom ka sa biyahe at hindi masyadong nakakain sa eroplano dahil excited ka na makarating dito kaya heto, ipinagluto kita ng mga pagkain dito para masanay ka na sa mga pagkaing magiging laman ng tiyan mo sa loob ng dalawang taon. Upo na," pag-iimbita niya sa akin na namamangha sa mga pagkaing nasa mesa. Habang kumakain na kami at sarap na sarap sa pagkaing inihanda niya para sa akin ay hindi ko na napigilan pa ang magtanong. "Gaano ba kalayo rito ang papasukan kong department store, Insan? At talaga bang may magiging tuluyan ako roon?" "Nasa isang oras ang biyahe, Insan. At oo, may sariling apartment kayo na empleyado nila. Sila ang magbabayad sa renta ninyo at hindi iyon ibabawas sa sahod ninyo. Kaya nga iyon ang napili kong trabaho para sa'yo dahil bukod sa mas mataas ang sahod kumpara sa mga trabahong narito sa lugar ko, may mga makakasama ka pang Pinoy roon. Kung hindi lang mataas na ang posisyon ko sa pinapasukan kong kumpanya ngayon, balak ko ring lumipat ng trabaho sa kabilang siyudad," pagkumpirma niya sa mga itinatanong ko. "Pagtiyagaan mo na muna ang unang magiging trabaho mo. Kapag nakita nilang masipag ka at mapagkakatiwalaan, sa loob ng anim na buwan ay maaaring sa loob na ng opisina ang maging trabaho mo at hindi na sa department store," dagdag pa niya. Napangiti ako sa tinuran niya. "Kahit janitorial job, tatanggapin ko. Ang mahalaga ay may trabaho na naghihintay sa akin, Insan. Napakahirap na ng buhay sa Pilipinas kaya sa pagpunta ko rito ay isang pagkakataon na sa aking maiangat ang kabuhayan namin paunti-unti tulad ng sa inyo," determinado kong saad. Tumango siya sa akin. "Oo, ilang taon din akong nagsumikap rito bago naramdaman nila Papa at Mama ang pagbabago sa buhay namin. Dito, basta masipag ka at mapagkakatiwalaan, maraming trabaho ang pwede nilang ibigay sa'yo. Makuha mo lang ang loob ng mga tao rito, magiging kaibigan mo sila nang matagal. Siya nga pala, Insan, hindi ka ba talaga nagpapatubo ng balbas o bigote man lang?" tanong niya sabay titig sa mukha ko. Natawa ako sa katanungan niyang iyon. "Hindi ko bagay ang mga iyon, Insan!" Muli akong natawa habang iniisip ko ang magiging itsura ko kapag may bigote o balbas ako. Ngunit natahimik ako nang mapansin kong titig na titig pa rin siya sa akin. "Bakit, Insan? May problema ba? Requirement ba sa papasukan ko ang may bigote o balbas?" nagtataka kong tanong sa kanya. "Ah, hindi! Hindi naman. Ngayong natitigan kita nang matagal, napatunayan kong maganda nga talaga ang lahi natin bukod pa sa malalakas nating s*x appeal." Sabay kaming natawa sa birong totoo na sinabi niya. Nang mahimasmasan kami ay nagseryoso siya. "Pero, Insan, dito sa bansang ito, maaaring ikapahamak natin ang gandang lalaki nating ito," walang ngiting tila babala niya sa akin. Natigilan ako at ako naman ang napatitig sa kanya. "Hindi naman siguro bago sa'yo ang mga lalaking napagsasamantalahan ng kapwa nila lalaki, 'di ba? Hindi lang sa bansang ito kundi pati na rin sa ibang bansa." Kinilabutan ako sa patutunguhan ng pinag-uusapan namin. Bigla ring nanuyo ang lalamunan ko kaya tumango na lamang ako sa kanya. "Kaya ingatan mo ang sarili mo, Mikoy. Huwag kang basta magtitiwala. 'Wag kang basta sasama lalo na kung banyaga at hindi mo pa lubos na kakilala. Maging mga kapwa galing sa bansa natin, Mikoy, ay huwag mong basta-basta pagkakatiwalaan. Mabuti na ang nag-iingat kesa maranasan mong maoperahan sa labasan ng dumi mo." "M--maoperahan?" halos mapugto ang hininga kong tanong. Tumango siya sa akin bago sumagot. "Hindi naman kaila sa'yo ang size ng kalalakihan dito, Mikoy. Taga-rito man o mga bisita sa bansang ito. Ilang mga nurses na Pinay ang nakakuwentuhan ko at makakapagpatunay na may mga biktima talaga ng pagsasamantala sa kalalakihan sa bansang ito. Kaya mag-iingat ka. At kung pwede ay magpatubo ka ng bigote lalo na ng balbas. Itago mo muna ang gandang lalaki mo, Insan para babae ang unang makinabang!" pagpapatawa niya upang mapagaan ang tensiyonado naming usapan. Napatawa na rin ako sa pagpapakenkoy niya at nabawasan naman kahit papano ang bigat sa dibdib ko. Hanggang sa paghatid niya sa akin sa aking magiging silid ay hindi naalis sa aking isipan ang babala niyang iyon kaya naman maging sa aking paghiga ay dala ko iyon. Nakakakilabot na isiping napagsasamantalahan ang isang lalaki ng mga banyaga. Halos hindi ko ma-imagine na papasok sa aking likuran ang pag-aari ng isang lalaki. Naaalala ko tuloy ang naging pangyayari sa pagitan namin ni Gabriel noon. Nang dumaan sa gitna ng likuran ko ang mga daliri niya ay alam ko nang iyon talaga ang target niya nang gabing iyon - ang pasukin ako roon. Kaya naman labis ang aking pagtanggi, ang aking takot. Hindi ko kakayanin sa isip at damdamin na papasukin ako roon. At iyong sinabi niya noong huling magkausap kami... Kinilabutan ako nang maaalala ko ang bawat kataga na kanyang sinambit sa araw na iyon at ang tila pagsumpa niya sa akin. Isinumpa ba ako ni Gabriel sa mga oras na iyon dahil sa labis niyang pagdaramdam sa akin? Hindi. Hindi naman siguro. At hindi. Hindi ko hahayaang mangyari sa akin ang sinabi niya. Hindi ako patol sa kapwa ko lalaki hindi lang dahil sa ipinagbawal iyon sa bansang kinaroroon ko kundi dahil na rin sa personal na takot ko. Ipinapangako ko na hinding-hindi ko hahayaang magmahal ako ng isang lalaki bukod kay Gabriel. Hinding-hindi ako magpapadala sa tukso lalo na sa tawag ng laman. Kinaumagahan ay dumaan muna kami sa trabaho ni Manuel dahil nag-file siya ng leave of absence. Inilibot niya ako sa mga pasyalan sa lugar na nadaraanan namin papunta sa city kung saan ako magtratrabaho. Labis akong nag-enjoy sa pamamasyal namin lalo na sa mga lugar na unang beses kong masisilayan. Napatunayan ko rin kung gaano kaasenso ang bansang kinaroroonan ko ngayon at kung gaano sila kayaman. Nakakalula rin ang kanilang kultura. Halos limang oras ang ginugol namin sa biyahe dahil sa pamamasyal naming iyon ngunit bahagyang pagod lang ang nararamdaman ko. At sa mga oras na iyon ng pamamasyal namin, hindi maipagkakaila ang malalagkit na mga tingin na ibinabato ng ilang kalalakihan sa amin. Aminado naman kasi na talagang magagandang lalaki kaming magpinsan at hindi iyon pagmamayabang kundi pagsasabi lang ng totoo. May isang grupo pa nga ng foreigners na tinangka na magpakilala sa amin. Mabuti na lang at may malapit na pulis na hindi kami iniwanan hanggang sa makaalis ang grupong iyon. "Iyon ang sinasabi ko sa'yo, Mikoy. Iyong mga pangyayaring iyon." Napalingon ako kay Manuel na kasalukuyang nagmamaneho ng sasakyan patungo sa mall na papasukan ko. "A-ano ang gagawin ko kapag may mga ganong insidente sa trabaho ko, Manuel?" Nanuyo ang lalamunan ko kaya ilang beses akong lumunok. "Maging mapagmatyag ka sa paligid mo, Mikoy. Matuto kang gawing triple ang iyong pakiramdam. Mararamdaman mo naman ang mga malisyosong tingin at paramdam ng mga tao sa paligid mo. Umiwas ka. Gawin mo ang lahat para makaiwas ka. Huwag mong hahayaang mag-isa ka lang sa isang lugar lalo na sa iyong pag-uwi kung ayaw mong hindi lang tagalabas ng dumi ang maging gamit ng butas sa likuran mo. At kung may pagkakataon ka, mag-aral ka kung paano maipagtatanggol ang sarili mo," mahabang bilin niya. "Iyon ba ang ginawa mo para makaiwas ka sa mga pangyayaring iyon, Manuel?" Nakita kong naningkit ang mga mata ni Manuel kahit na wala naman kaming nakasalubong para masilaw siya. Malakas siyang bumuntonghininga bago itinigil sa isang ligtas na lugar ang kanyang sasakyan. "Sinasabi ko ang mga babalang ito para hindi mo maranasan ang naranasan ko, Mikoy." Nanlaki ang mga mata ko at tila may sumasakal sa aking kamay nang marinig ko ang sumunod na tinuran ng pinsan ko. "Minsan na akong..." Bumagsak pareho ang mga balikat naming dalawa. "Sino...?" nangangatal kong tanong. "Hindi ko alam kung sino, Insan. Maraming bisita noong gabing iyon na anibersaryo na kumpanya. Unang taon ko rin noon rito. Hindi ko makontrol ang pag-inom ng alak dahil sa kasiyahang nangyayari noong gabing iyon. Hilong-hilo na ako noon nang may matangkad na lalaking nagdala sa akin sa isang tagong lugar. Ni hindi ko matandaan ang itsura lalo na ang mukha niya. Ang alam ko lang ay napakatangkad niya." Halos mamuti na ang kamay ni Manuel na nakahawak sa manibela dahil sa tindi ng emosyong nararamdaman niya habang nagkukuwento sa akin. "'Wag mo nang ituloy..." "Hindi, Insan. Kailangan ko itong ikuwento sa'yo dahil matagal na itong narito sa dibdib ko. Hindi ko nasabi sa mga magulang ko lalo na sa mga kakilala ko rito. Sa'yo ko lang ito ipapaalam upang magsilbing babala sa'yo." Tumango ako sa kanya bilang hudyat na maiintindihan ko ang anumang sasabihin pa niya. "Ginamit ako noong gabing iyon at basta na lang iniwan sa lugar ng taong iyon, Mikoy. Halos hindi ako makatayo ng ilang oras dahil sa sobrang hapdi ng likuran ko dala ng mga sugat na ginawa niya roon kaya nanatili ako roon ng buong araw na tinitiis ang gutom at uhaw. Nang kinaya ko na ay saka lang ako umalis at bumalik sa apartment ko. Iniisip ko nga kung mabuti ba o masama nang iniwian niya akong humihinga pa." Natawa siya nang pagak sa bahaging iyon ng kanyang pagkukuwento. "Magmula noon ay hindi ko na hinahayaang malasing ako o mapag-isa sa labas pagsapit ng dilim. Sapat na ang karanasang iyon para sobrang matuto akong pangalagaan ang sarili ko. Lumapit rin ako sa isang espesyalista upang magpagamot sa trauma na naranasan ko. At sa tulong niya ay unti-unti akong bumalik sa dati hanggang sa natanggap ko na sa sarili ko ang masama na karanasang iyon." Sa kabila ng pait ng karanasang ikinuwento niya ay nakita ko ang pagsilay ng matamis na ngiti sa mga labi niya. "Mukhang espesyal sa'yo ang espesyalistang iyon, Insan," may dudang sambit ko. "Oo, espesyal talaga si Dr. Armand. Nobyo ko na siya ngayon, Mikoy." Sa pagkakataong iyon ay napanganga ako sa kanya. Ang aking macho na pinsan ay may karelasyong lalaki? "Teka, hindi ba at bawal rito ang relasyon na sinasabi mo, Manuel? Hindi ba kayo natatakot?" "Bawal kung mahuhuli, Mikoy. Isa pa, malakas ang impluwensiya ng pamilya ni Armand sa bansang ito. Ilan sa mga kamag-anak niya ay malalapit sa hari kaya hindi magiging problema kung sakaling malalaman nila ang relasyon namin." Napatango ako sa kanya. Mapili rin pala sa paparusahan ang batas dito. "Magkikita kami paghahatid ko sa'yo sa mall. Sa condo niya ako matutulog ngayong gabi." Hindi na ako makapagsalita pa hanggang sa paandarin niya ulit ang sasakyan. Hindi ako makapaniwala na ang macho na pinsan ko ay may karelasyon na lalaki at may nangyayari pang seksuwal sa kanila. Pero sino ako para manghusga sa kanya? Hindi ba at muntik ko na ring pasukin ang ganong klase ng relasyon noon na isa sa dahilan din kaya umalis ako sa aming bansa? "Mikoy, wag mo na lang munang mababanggit kay Mama lahat ng ipinaalam ko sa'yo ngayon. Ako ang magsasabi sa kanila pagdating ng tamang panahon." Umaasa ang mga matang saglit siyang sumulyap sa akin. "Makakaasa ka, Manuel," pangako ko sa kanya at sinarili na lang ang iba pang mga bagay na gumugulo sa isipan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD