Sa dami ng sinabi ni Anna ay wala akong naging sagot. Gulat na gulat ako sa naging emosyon niya at ito ang unang pagkakataon na narinig ko siyang naglabas ng hinanakit. Hindi ko alam na ganoon na pala ang nararanasan niya sa school. Hindi ko alam na ganito na pala ang saloobin niya.
Ang akala ko ay okay pa kami, akala ko ay ayos lang kung hindi man niya makita si Andrew, o malaman kung sino ba ang ama niya. Nagbulag-bulagan ako sa sarili kong anak para sa pansarili kong kapakanan.
"I'm sorry..." nahihirapan kong sinabi dahil sa paninikip ng dibdib ko. "Sorry, anak—"
"Ayos lang talaga, Ma. Huwag mo akong pansinin. Naiintindihan ko naman na simula nang isilang ako ay wala na talaga akong nakilalang ama," dagdag ni Annalisa habang pinipilit niyang papatagin ang sarili.
Kumurap-kurap din siya para ang nagbabadyang mga luha ay hindi tuluyang tumulo. Pilit ang naging ngiti niya sa akin, animo'y ako pa itong gusto niyang i-comfort at palakasin ang loob.
Napahinga ako nang malalim bago napayuko sa kawalan ko nang masasabi. Ewan ko, gusto kong aluhin si Anna at bigyan siya ng pag-asa ngunit saan ko nga ba huhugutin ang pag-asang iyon kung wala naman talaga?
Maski sa sarili ko ay natanggap ko nang hindi na kami magkakabalikan ni Andrew, pero totoo na nagbibigay pa rin siya ng suporta at sustento. Noong iwan ko si Andrew, inamin kong buntis na ako ng mga panahon na 'yon.
Noong umalis naman ako at sumama sa isang lalaki patungo sa States ay hinintay ko na munang ipanganak ko si Annalisa bago ko inialay ang buhay ko para sa operasyon. Para just in case na magkaproblema, ako lang iyong mawawala.
Kahit papaano ay may maiiwan pa rin na taong magpapaalala kay Andrew. Kahit papaano ay may babalik pa rin sa kaniya, pero dahil malaki ang pananalig ko ay nagkaroon ng himala. Naisip ko noon na babawi ako kay Andrew, babalik ako at saka ako hihingi ng patawad.
Ipapaliwanag ko ang lahat ng nangyari, kung bakit din pinili kong sumama sa iba at isipin ang sarili kong kapakanan. Ngunit natapos ang nangyari noong gabing iyon sa Isla Mercedes, natanto kong baliwala na ako kay Andrew. Wala na akong halaga sa kaniya.
Nasabi ko na iyong paliwanag ko, pero wala namang nangyari. Nagmistulang lang siyang bingi at patay-malisya. Hindi ko nga alam kung paano pang kapal ng mukha naming dalawa ngayon na nagkakaharap pa kami. At kung papaanong nasisikmura niya ako.
Iyon bang para lang kaming masokista na nagkakasakitan, pero sa lagay ko na naramdaman ko na iyong iba't-ibang klase ng sakit ay nasanay na lang ako. Na-immune na lang 'yung sistema ko sa paulit-ulit na sakit. Hindi na bago, parang normal na lang sa akin na masaktan nang ilang beses.
Hindi ko na kinukwestiyon ang Diyos kung bakit ganito at ganiyan, kasi aminado naman ako na ako ang may kagagawan kung bakit ito ang kinahinatnan ng buhay ko. Sa akin pa rin babagsak ang sisi. Ako pa rin iyong ituturo ng lahat kung bakit nagkaganito.
"Tapos na ho ako," anang Annalisa dahilan para mabalik ako sa reyalidad.
Napakurap-kurap ako sa kawalan, kapagkuwan ay tiningala ito nang tumayo siya. Buhat na nito ang pinagkainan niyang plato na dinala niya sa lababo, roon ko natanto na natapos na pala itong kumain.
Samantala ay hindi ko na naituloy ang pagkain ko, ni hindi ko manguya iyong natitira sa bibig ko kung kaya ay minabuti kong uminom ng tubig. Dali-dali ko pa siyang nilingon nang lumapit ito sa gawi ko.
Inabangan ko ang gagawin niya at nagulat ako nang tapikin niya ako sa balikat. Nagawa pa niya akong yakapin mula sa likod ko at saka ako dinampian ng halik sa pisngi. Maang akong napatitig sa nakangiti nitong mukha ngunit gaano man kalawak ang pagkakangiti niya ay hindi naman iyon umaabot sa dalawang mata nito.
Ibig sabihin lang ay hindi siya totoong masaya, lahat nang ipinapakita nito sa akin ngayon ay purong pagpapanggap. Kilala ko ang anak ko, alam ko na hindi siya iyong tipo ng masiyahing tao.
Introvert pang maituturing si Anna. Hindi siya madalas nagpapakita ng emosyon, kung gawin man niya ay hindi mo masasabi kung tunay ba o hindi. Para siyang yelo, malamig at matigas ang puso.
Wala pa sa sarili nang matawa ako sa katotohanan na sa akin nito namana ang ugaling iyon. Pareho kaming magaling magtago ng totoong emosyon at nararamdaman, pareho naming ipinapakitang okay at ayos lang ang lahat.
But we know deep inside our heart, masakit— sobrang sakit pala.
"Mag-aaral na muna po ako. Maghuhugas ako ng plato kapag natapos na kayo," segunda nito bago ako pinakawalan.
Akmang tatalikod si Annalisa nang mabilis kong hinawakan ang braso niya, rason para mapahinto ito at saka pa ako unti-unting nilingon mula sa pagitan ng kaniyang leeg at balikat. Wala na iyong pilit niyang ngiti, pero mabilis niyang ibinalik para ipakita sa akin.
"Bi—bigyan mo lang ako ng oras, hahanapin ko pa ang tatay mo. Bigyan mo ako ng oras, Anna. Pasensya na talaga, pero promise, magkikita rin kayo balang-araw," sambit ko na hindi ko mawari kung bakit napakasinungaling ko pagdating kay Annalisa. "Kaunting panahon lang ang kailangan ko..."
Para maihanda ko rin ang sarili sa kung ano man ang patutunguhan nitong desisyon ko.
Umalpas ang mas malaking ngiti sa kaniya. "Maghihintay ako, Ma."
"Salamat," buntong hininga ko.
Kalaunan nang tuluyan siyang makapagpaalam. Naiwan ako roong natulala sa nakatalikod niyang pigura hanggang sa makapasok ito sa kwarto. Hirap akong napalunok, kasabay nang pagkagat ko sa pang-ibabang labi ko na halos magdugo iyon.
Sa lahat ng kinatatakutan kong tao, si Annalisa iyon. Ang hirap aminin sa kaniya ang totoo, palibhasa ay nasanay ako na hindi niya hinahanap si Andrew sa akin. Binigyan ako nito ng rason na huwag na siyang ipapakilala kay Andrew.
Although yes, ginawa ko naman ang lahat sa abot na makakaya ko para lang magkalapit kami ni Andrew ngunit sadyang umayaw na ito. Marahil ay natatakot na siya na maiwanan ulit, kaya ayaw na niya akong bigyan ng tyansa.
Ngunit para sa hiling ni Annalisa, susubukan ko ulit na lapitan at suyuin si Andrew. Kahit pagbigyan niya lang ako sa araw mismo ng graduation ng anak nito. Kahit iyon na lang at pagkatapos no'n ay pwede na niyang gawin lahat ng gusto nito.
Palalayain ko na siya sa puso ko. Hindi ko na ito pipigilan pa, bagkus ay magiging masaya na lang din ako sa pipiliin nitong buhay kahit hindi na kami ni Annalisa ang dahilan ng kasiyahan niya. Kahit hindi na rin ako ang gusto nitong makasama habambuhay.
Umawang ang labi ko nang maging sunud-sunod ang paglanghap ko sa hangin. Sa kadahilanang kinakapos ako ng hininga ay bulgar na nagtataas at baba ang dibdib ko, rinig ko rin ang bawat pagbuntong hininga ko. Iyon lang ngunit hirap na hirap na ako.
Hindi ko na nagawang tapusin pa ang pagkain ko dahil nawalan na rin ako ng ganang ipagpatuloy pa iyon. Hindi ko na inabala pa si Annalisa sa pag-aaral nito at ako na lang ang naghugas ng mga plato.
Bandang alas dies ng gabi nang minabuti kong mahiga na. Naroon ako sa sala at naglatag lang ako ng banig at sapin bilang higaan ko. Si Annalisa naman ay nasa loob ng kwarto at mag-isang natutulog.
Nang magkaroon siya ng sariling isip ay binigyan ko na ito ng space, ganoon pa man ay hindi pa rin naman ako nakalilimot na ipaalalang nandito ako bilang ina niya na palaging nakagabay sa kaniya.
Kinaumagahan nang magising ako sa ganap na alas siete. Maagap akong tumayo at nag-inat ng mga kamay sa ere. Sa palaging nakagawian tuwing may pasok si Annalisa ay maaga akong nagluluto ng pagkain at babaunin niya sa school.
Mabilis lang din na nagdaan ang oras, nakaalis na ito kung kaya ay ako na lang ang naiwan sa bahay. Ewan ko kung anong gagawin ko, wala akong ibang mapuntahan o pwedeng gala dahil nagtitipid din ako. Hindi pwedeng maubos ang ipon ko nang wala pa akong nahahanap na trabaho.
Huminga ako nang malalim, minabuti ko na lang din na maglinis ng bahay sa umagang iyon. Inayos ko lang ang ibang gamit at nagpalit ng mga kurtina, punda at kumot na siyang nilabhan ko rin kaagad.
Habang nagsasampay pa ay panay ang pag-ring ng cellphone ko na naroon sa loob ng bahay, kaya ay naisipan ko itong silipin. Halos nangunot pa ang noo ko nang mapansing number na naman ni Chloe ang nakareshistro sa screen ng cellphone ko.
Napakamot ako sa ulo bago napatitig doon dahil alanganin pa ako kung sasagutin ko ang tawag nito. The last time na sinagot ko siya ay pinahamak niya ang lalamunan ko. Don't tell me, mag-aaya na naman itong kumain ng carbonara na may bagoong.
Shít, ayoko na talaga! Layuan mo na ako, Buttercup! Baka mabaliw na talaga ako nito.
Tangkang papatayin ko ang linya nang magkusa rin iyong mamatay, saka ko natanto na nakailang missed call na pala ito sa akin. Teka, ano bang mayroon? Ganoon ba kaimportante na kailangan niya ng kasama sa kung ano man ang kakainin niya?
Diyos ko talaga, kapag ito ay carbonara na naman na may bagoong ay mag-friendship over na lang kaming dalawa. A-attend pa rin naman ako ng binyag kung sakali. Napairap ako sa ere, mayamaya lang nang halos mabitawan ko ang cellphone ko nang muli iyong magwala.
Sa pagkakataong iyon ay nagpaubaya na ako. "Hello, Buttercup. Hinahanap na ba ako ni Professor Utonium?"
"Huh? Pinagsasabi mo riyan? Sinong Professor Uto— Utot?" naguguluhang banggit ni Chloe sa kabilang linya dahilan para humagalpak ako ng tawa.
"Hindi ba ay Powerpuff girls tayo? Siya 'yung professor na nakaimbento sa atin. Ano ba, mareng Chloe at parang hindi ka updated! Ipapaalala ko lang sa 'yo na ikaw pa rin si Buttercup, buntis nga lang," kunwaring pagmamaktol ko.
Well, ganito talaga ako. Kailangan ko kasing maging masaya at ayokong ikulong ang sarili sa kalungkutan. Ayokong may nakakakita na mahina ako, kasi hindi rin ako sanay na palaging nagmumukmok. Ganoon din ang ibang tao, may expectation sila sa akin; kailangan ay palagi akong masaya.
As long as may dahilan ako na sumaya, why not 'di ba? We only live once, as well as we only die once. So, kapag namatay ka ay hindi ka na pwedeng mabuhay pa. Kung ma-reincarnate ka man, swertehan na lang kung tao ka pa rin at hindi hayop o alikabok.
"Pero seryoso na, bakit ka napatawag? Kung patungkol 'yan sa carbonara, huwag mo na lang akong kunin na ninang," dagdag ko.
Natawa ito. "Hindi, hindi ito tungkol sa cravings ko. Bali kasi, hindi ka raw ma-contact ni Andrew E."
"Huh?"
Nangunot ang noo ko, hindi pa maiwasan na mangatog ang dalawang tuhod ko sa katotohanan na hinahanap ako ni Andrew Evangelista. O kung hindi man ay bakit niya ako maiisipang tawagan, aber?
"Pinapatawagan ka niya sa akin, since may kailangan siyang i-discuss sa 'yo," paliwanag ni Chloe. "Call time daw ay after lunch, magkita kayo sa office niya sa pub house."
"Hi—hindi ba niya nabanggit kung para saan?" Like hello? Bakit ako hahanapin ng dagang 'yon? Maniningil na ba siya sa gas na ipinanghatid niya sa akin kahapon?
"Nope, pero hulaan mo na lang. Total ay Marites ka naman at paladesisyon," tumatawang banggit nito, rason para mapaismid ako.
"Wow, nagsalita ang buntis na Marites."
Sabay kaming nagtawanan, ilang saglit pa nang tuluyan nitong ibaba ang linya. Kaagad ko ring tinapos ang mga sinampay ko at dali-daling naligo, nang matapos pa ay nagsuot lang ako ng pormal na damit.
Isang pares ng pencil skirt at white blouse na tinernuhan ko ng flat shoes. Maigi ko ring tinuyo ang buhok kong umabot hanggang sa baywang ko, kapagkuwan ay naglagay lang ng kaunting make up.
Hindi ako naghahanda sa kung ano man ang plano ni Andrew. Bagkus ay gusto ko lang na magmukha akong presentable sa paningin ng iba, lalo rin at babalik ako ng Dela Vega Publishing House. Nakakahiya naman na makita ako ng mga naging katrabaho ko na hindi maayos.
So yeah, sana ay kagatin niyo— I mean ni Andrew. Huwag sana niyang lagyan ng malisya itong pagpapaganda ko. Kung may pagkakataon din ako mamaya ay baka simulan kong banggitin sa kaniya ang patungkol sa hiling ni Annalisa.
Napanguso ako habang pinagmamasdan ang sarili sa maliit na salamin mula sa sala. Nang malingunan pa ang orasan ay napansin kong alas dose na ng tanghali. Natapos na rin akong kumain kung kaya ay dumeretso na akong lumabas ng bahay.
"Uy, Elsa, balita ko ay natanggal ka raw sa trabaho mo? Tama ba na dahil may nangyari sa inyo ng boss mo?" Dinig kong wika ni Aling Puring nang madaanan ko ang tindahan nito.
Nakita ko pang naroon ang ilan niyang karilyeho sa pagiging tsismosa. Sandali akong huminto para bigyan sila ng pansin, saka pa tipid na napangiti.
"Saan niyo po napulot 'yan?" takang pagtatanong ko, hindi ako aware na nakalandian ko pala si Sir Melvin.
"Ang galing talaga nito ni Elsa, oh! Huwag mo nang itanggi, atin-atin lang naman 'to. Promise, hindi namin ipagkakalat," dagdag ni Aling Lukring na wala ng ngipin sa harap.
Mapakla akong natawa. "Kahit ikalat niyo na lang po, samahan niyo na rin ng ebidensya."
Tunay na bilog nga ang mundo, kung ano iyong ginagawa mo ay siya ring babalik sa 'yo— kaya simula ngayon, magbabagong buhay na talaga ako. Iiwan ko na si Jinky sa pagiging Marites, kailangan ko nang magpakabait.
"Naku, patawa ka talaga, Elsa. Hindi ba nga ay may naghahatid sa 'yo roon sa kanto natin na pangmayamang kotse? Sabi pa ni Lukring, matandang lalaki ang naghahatid sa 'yo. Siya ba ang boss mo?" segunda ni Aling Budjing.
Kailangan ko na talagang magbalik-loob, mukhang silang tatlo ang magiging future namin nina Jinky at Chloe kapag hindi pa kami tumigil sa katsitsismis. Oh, no! Ayokong maging kamukha ni Aling Lukring.
Powerpuff girls, old version.
Napangiwi ako, kapagkuwan ay madalian silang nilayasan. Wala ng sali-salita nang tinalikuran ko sila at mabilis pa sa kidlat na naglakad palayo. Nang makalabas pa sa eskinita ay nakahinga ako nang maluwang.
Nailing-iling na lamang ako sa kawalan bago nagpara ng jeep na deretsong patungo sa Dela Vega Publishing House. Kinatagalan ay natanaw ko rin ang matayog at mataas na building nito, saka naman ako nagpababa sa tapat no'n.
Dahan-dahan akong naglakad papasok sa loob. Mabuti na lang at nakilala ako ng guard at ng receptionist kung kaya ay pinaunlakan nila akong dumeretso sa elevator area. Maagap naman akong pumasok sa isang bakante nang bumukas iyon.
Sa loob ay para akong hihimatayin dahil sa sobrang kaba, paulit-ulit ko pang kinakabisado ang maaari kong sabihin kay Andrew hinggil sa nalalapit na graduation ni Annalisa— kailangan ko siyang mapapayag.
Well, kailangan talaga niyang pumayag kung 'di ay habambuhay na nitong hindi makikita si Annalisa. Tch, nagpakawala ako nang maraming buntong hininga, kasabay nang pagbukas ng elevator sa 10th floor.
Kaunting lakad pa ang ginawa ko hanggang sa makatuntong ako sa tapat ng opisina ni Andrew. Tatlong katok ang ginawa ko bago nagpasyang buksan ang pinto at saka naman bumungad sa akin ang mukha niya.
"Andrew..." bulong ko sa hangin.