CHAPTER 6

2319 Words
So, totoo pala ang tsismis ng mga Marites dito sa lugar namin? Na may naghahatid-sundo sa aking kotse, na may mayaman at matandang lalaki akong manliligaw. Pagak akong natawa sa loob-loob ko at saka pa tumingala sa kalangitan. Kasabay nito ang pagbuga ko sa usok ng sigarilyong hinithit ko. Ang hirap din pala minsang magtago at ilihim iyong mga bagay na ayaw mong malaman ng ibang tao. "How is she?" Dinig kong pagtatanong ng lalaking nasa tabi ko, kaya ay nilingon ko ito. Wala sa sarili nang mapagmasdan ko ang bandang leeg niya kung saan bulgar na nagtataas-baba ang adams apple niya, tanda nang malalim niyang paghinga. Nagbaba pa ako ng tingin sa necktie niyang wala sa ayos. Nakatupi rin ang sleeve nito hanggang sa kaniyang siko dahilan para masilayan ko ang full tattoo niya sa kaniyang braso. Maging ang paunang tatlong butones ng panloob niyang white polo ay nakatanggal, kaya abot-tanaw ko ang dibdib niya. Kumikinang pa sa paningin ko ang nakalaylay na dogtag sa kaniyang leeg. Hindi lang siya mayamang lalaki, gangster din siya. Umimpis ang labi ko para itago ang paghagikhik ko, baka masakal niya ako bigla nang wala sa oras. Katulad ko ay nakasandal din siya sa malamig na pader mula sa 'di kataasang building na kinaroroonan namin. Naroon kami sa tabi ng kalsada, gilid mismo ng isang convenience store habang parehong may hawak-hawak na yosi. Panay ang hithit at buga namin doon na halos mapuno ng usok ang paligid naming dalawa. Wala na rin kaming naging pakialam sa kung sino man, o kahit sa mga taong dumaraan sa harapan namin. Napahinga ako nang malalim bago itinaktak ang sarili kong yosi sa gilid. Nagbaba pa ako ng tingin sa mga paa kong paulit-ulit na tumatapik sa patag na lupa. Sa suot naming pormal, nagmukha lang kaming nag-cut ng oras sa trabaho. "Just like the usual, she's fine," sagot ko at saka pa mapait na napangiti. "Malapit na ang graduation niya..." "Should I come?" aniya sa malamig na tono— iyan na ang normal niyang boses. Dagli akong umiling. "Huwag, baka mapagkamalan ka niyang ikaw ang tatay niya sa oras na magpunta ka roon." "What do you mean?" Nilingon niya ako, ang buong atensyon niya ay nasa akin na. Samantala ay nananatili akong nakaharap sa kalsada. "Nabanggit niya sa akin kagabi 'yung pangungulila nito sa ama niya. Nasabi rin ni Anna na gusto niya itong makita kahit sa graduation day man lang," mahabang palatak ko habang walang mababakas na emosyon sa mukha ko. Ganoon pa man ay halos nagkukumahog ang dibdib ko sa malakas na pagtibok ng puso ko. Napanguso ako sa kawalan, wala na iyong presensya ni Andrew ngunit para pa rin akong hinahabol ng mga kabayo. "What did you say?" dagdag na tanong niya. Nilingon ko ito. "Kanina ka pa english nang english diyan, tantanan mo na ako at dumudugo na ang ilong ko." Sa sinabi ko ay malakas siyang humalakhak, akala mo ay walang dinaramdam na problema sa buhay kung kaya ay inismiran ko ito. Mayamaya lang nang itapon niya ang naubos niyang sigarilyo sa likod. "Bigyan mo ng chance 'yung bata. Iparanas mo rin sa kaniya kung paano magmahal si Andrew... bilang ama sa kaniya." Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko. Madali kasing sabihin, pero ang hirap pala. Tingin ko naman ay hindi hinahanap ni Drew ang bata, naging sapat na sa kaniya na may anak kami ngunit wala naman akong nakitang effort na gusto niyang makita si Anna. Baka nga matagal na rin niyang ibinaon sa limot ang anak namin, katulad kung paano niya iwan sa nakaraan ang pagmamahal niya sa akin. Sa katotohanang iyon ay naging kibit ang balikat ko, kapagkuwan ay napaismid. "Sige na, lumayas ka na at baka pagpiyestahan na naman ako nina Aling Lukring," saad ko at saka pa umahon sa pagkakasandal ko. Itinapon ko na rin ang upos ng sigarilyo ko at minabuting apak-apakan. Siya namang harap ko rito at tiningala siya. Inaayos na rin niya ang black tuxedo niya. Mayamaya lang nang tumuwid siya ng tayo sa harapan ko. "Kailangan mo ba ng pera?" alanganing sambit niya, marahil sa ilang beses na itinatanong niya iyon sa akin ay ilang ulit din akong tatanggi. Umiling-iling ako. "Hindi na. Actually, bukas ay papasok na ulit ako sa Dela Vega Publishing House. May trabaho na ulit ako." "All right. Good to know then." Tumango-tango siya bago hinawakan ang balikat ko at saka pa masuyo iyong pinisil. Tipid siyang ngumiti. "I'll go ahead." "Ingat." Matapos iyon ay pinanood ko lang din siyang pumasok sa kotse niya. Nang umandar ang engine ay kaagad niya rin iyong pinausad. Maang ko itong sinundan ng tingin hanggang sa tuluyan iyong mawala sa paningin ko. Napabuntong hininga ako, kalaunan nang mag-umpisa rin akong bumalik sa kaninang nilakaran ko. Mahigpit ang kapit ko sa box ng cake na dala-dala ko habang marahan na naglalakad sa gilid ng kalsada. Nang makapasok pa sa bahay ay bumungad sa paningin ko si Annalisa na siyang abala ulit sa kaniyang binabasa. Nang madaanan ko ang kusina ay inilapag ko lang doon ang box at dumeretso ng lakad patungo sa sala. Doon lang din niya ako napansin. Tiningala niya ako, kasabay nang tipid niyang pagngiti. Inabot din niya ang isa kong kamay at saka pa nagmano, rason iyon para umalpas ang labis na tuwa sa mukha ko. Mula pa sa pahabang upuan ay umusog siya ng kaunti upang bigyan ako ng espasyo para makaupo ako roon. Nangingiti ko siyang binalingan. Halos umasim pa ang mukha niya nang walang sabi-sabing pinanggigilan ko ang pisngi niya. "Mama!" pagtili ni Anna, kasabay nang malakas kong paghagalpak ng tawa. "Ang cute mo talaga! Kaya love na love kitang bata ka," giit ko habang patuloy pa rin na pinipisil ang mukha niya. "Mama! Ma—masakit na! Tama na!" Natawa ako, hindi nagtagal ay tumigil din ako ngunit ang buhok naman niya ang pinagdiskitahan ko. Ginulu-gulo ko iyon kung kaya ay mas lalo lang din siyang tumili. Ganoon pa man ay nagmukha lang iyong musika sa pandinig ko. Ang marinig ang nakahahalinang pagtawa niya ay pakiramdam kong nasa langit ako at lulan ng mga ulap. Minsan sa sobrang busy ko nitong mga nakaraang araw ay nakalimutan ko nang mangulit sa kaniya. Isabay pa na nawalan ako ng trabaho at kinailangan kong maghanap ng trabaho sa buong maghapon, na hindi ko napapansing nawawalan na rin ako ng oras sa anak ko. Kaya kailangan kong bumawi ngayon. "Hindi na ako bata," angil ni Anna nang pakawalan ko siya, humalukipkip pa siya sa harapan ko dahilan para matawa ulit ako. "Ten ka pa lang, matagal pa bago ka mag-eighteen. So, bata ka pa ring maituturing," palatak ko naman. "Pero ayokong maging bata. Hindi naman masaya maging bata." Sa sinabi ni Annalisa ay napatitig ako sa mukha niya. Hindi masaya ang maging bata? Paano pa ako na lagpas na sa kalendaryo ang edad? Anong ibig niyang sabihin? Naku, huwag niyang mahangad-hangad na tumanda kaagad. Ako na ang magsasabi na mahirap— sobrang hirap, masakit din. Minsan ay parang gusto ko na lang din maging bata ulit. Gusto kong bumalik sa pagiging bata. Iyong tipo na hindi mo na kailangang isipin pa iyong mga resposibilidad at obligasyon mo. Bagkus ay gusto mo na lang maglaro nang maglaro at matulog maghapon. Nakakapagod maging matanda, bukod sa problema ay pati wrinkles ko ay dumadami na rin. Kung pwede lang din naman na maibalik ang dati, matutuwa talaga ako, pero sa ngayon na naramdaman ko nang masaya pala na magkaroon ng anak ay hindi ko na hinangad pa. Pasalamat na lang din ako na nabiyayaan ako ng Annalisa sa buhay. Wala man noon si Andrew bilang gabay at suporta sa akin habang nagpapagaling ako ay naging sapat na sa akin ang reyalisasyong nariyan si Anna. Sa tuwing maririnig ko noon ang pagtangis niya ay nabubuhayan ako ng loob. Mas lalo akong binibigyan ng dahilan na lumaban sa buhay na hanggang ngayon— ano pa man ang dumaang problema ay kaya ko iyong lusutan at solusyunan. Ang dami ko nang naranasan, hindi pwedeng sumuko ako ng ganoon na lang kadali. Ngayon pa ba? Ngayon na ang dami ko nang napatunayan sa mundo, hindi lang bilang ina at ama ni Annalisa, kung 'di babae rin na kayang makipagsapalaran. "Hmm, sabi mo ay cute ako," untag ni Anna kung kaya ay maagap akong tumango. "Kaya love mo ako, tama ba?" Muli akong tumango. "Oo, love na love. Higit kanino man, mahal na mahal kita." "Ibig sabihin lang ay hindi cute si Papa?" Bumagsak ang panga ko, napipilan ko pang tinitigan si Anna habang hinahanap sa mukha niya kung saan nanggaling ang tanong na iyon. Hindi ako nakaimik dahil masyado akong nabigla sa kung paano niya naisingit ang ama niya sa usapan namin. "Bakit mo naman natanong?" mahinang banggit ko ngunit naging sapat na para marinig niya. "Kasi kung cute siya, dapat ay love mo rin siya. Kaya naisip ko na baka pangit siya," palatak niya habang pigil na pigil sa dalawang mata niya ang mga emosyon niya. "Kaya hindi mo siya love. Iniisip ko rin kung ano ba ang itsura niya." Minsan talaga ay mas matalino pa ang mga bata. Mas magaling pa ang mga logic nila kaysa sa matatanda. Huminga ako nang malalim bago inabot ang ulo nito at saka pa maigi siyang pinagmasdan. "Kamukhang-kamukha mo siya," panimula ko habang inisa-isang sipatin ng tingin ang bawat facial features niya— para ko lang kaharap ngayon si Andrew. "Hmm? Eh, 'di mukha akong lalaki?" takang pagtatanong niya, kaya natawa ako. Hindi ko alam kung nagpapatawa siya, pero masasabi kong havey. Maipagmamalaki ko pa rin na may namana siya sa akin bukod sa pagiging babae at ilang ugali niya, hindi nakaligtas ang dugong baliw sa kaniya. "Basta kapag may nakita kang lalaki na kamukhang-kamukha mo, siya na 'yon. Siya na ang Papa mo," pahayag ko. Lumabi naman siya. "Hindi na ako makapaghintay na makita siya. Sana ay masaya siya kapag nakita niya ako, kasi ako ay masaya na kahit iniisip ko pa lang." Alam ko na balang-araw ay darating din ang araw na iyon, kailangan ko na lang ang maghintay. Kung hindi man ay ako na ang gagawa ng paraan. Pangit din palang ka-bonding ang tadhana, tch. Kinabukasan nang bumalik sa dati ang gawi ko. Mas maaga ako ngayong nagising dahil hindi na lang si Anna ang papasok. Kagigising ko lang ngunit buhay na buhay na kaagad ang katawang lupa ko. Iyong tipong hindi ko na kailangan pang maligo dahil maging ang dugo ko ay buhay na buhay din, pero hindi naman pwede kung kaya ay napilitan pa rin akong maligo kahit malamig. Nang matapos pa ay naghanap ako ng magandang isusuot. Sa tagal ko nang nagtatrabaho sa Dela Vega Publishing House ay purong formal at casual ang mga naging damit ko. Iyong iba rito ay paulit-ulit ko nang naisuot ngunit wala naman iyong problema sa akin. Madalian ko pang isinuot ang nahugot kong white pencil skirt at floral formal blouse na kulay maroon. Pinaresan ko lang din iyon ng two inches heels, kasama ng light make up na palagi kong ginagawa. Maigi ko ring tinuyo ang buhok ko upang matalian ko iyon dahil masyadong mahangin sa labas. Mahirap magsuklay kung mahaba ang buhok. Mayamaya lang nang maging okay na ang lahat. Kinuha ko lang din ang bag ko at deretso nang lumabas ng bahay. Nauna na sa akin si Anna, kaya mag-isa ako ngayong nagpara ng jeep. Sa biyahe ay para akong nalulula. Malakas ang pagkabog ng puso ko sa hindi malamang rason. Though, aminado naman ako na excited ako. Iyon ay dahil alam kong may aasahan na akong sahod sa tuwing akinse at katapusan ng buwan. Sa wakas ay hindi na ako tambay. Napanguso ako, kinatagalan nang magpara ako sa tapat ng malaking building ng Dela Vega Publishing House. Tiningala ko pa ito nang makatuntong ako sa tapat nito bago pinausad ang mga paa papasok sa loob ng lobby. Sa ganap na alas otso ng umaga ay bumungad sa akin ang palagi ko ring nakasanayan noon. Marami ang taong nag-stampede sa elevator area sa sobrang dami ng empleyado nina Marvin at Sir Melvin. Kaya naghintay pa ako ng ilang minuto bago ako nakasakay at nakapasok sa loob ng siksikang elevator. Iba't-iba ang department na pinanggalingan ng nga taong naroon. Kaniya-kaniya rin sila ng mundo habang nakatingala sa monitor ng elevator. Hindi pa nagtagal nang muling bumukas iyon sa 10th floor. Maagap akong bumaba at naging abot hanggang langit ang ngiti ko nang tahakin ko ang daan papasok sa department. Kaagad ko ring pinuntahan ang table ko. Tuwang-tuwa pa ako nang yakapin ko ang swivel chair ko. "Oh, my gosh! Na-miss ko kayo, mabuti at hinintay ninyo ako," bulong ko at saka pa nilinis ang table ko gamit ang tissue paper. Prente akong naupo sa pwesto ko, kasabay nang malakas kong pagbuga sa hangin. Nagawa ko pang pagtuunan ng pansin ang paligid. Sinisipat ko ng tingin kung tama bang may nagbago ngunit ganoon pa rin naman. Puti ang dingding, tambak na mga folders at paperworks sa mga lamesa, maingay na xerox machine at sabay-sabay na mga yabag ng sapatos. Kabi-kabilaan din ang mahihinang bulungan— goodness, ito talaga 'yung na-miss ko sa trabaho. "Elsa," untag sa akin ng lalaking kararating lang, sa biglaan niyang pagma-materialize sa harapan ko ay literal na nagulat ako. "Huwag ka namang manggulat. Ang ganda ng bungad mo sa akin," palatak ko ngunit seryoso lang siyang nakatitig sa akin. "Sumama ka sa akin mamaya sa airlines, pinapasunod tayo ni Sir Melvin doon dahil kailangan niya raw ng tulong," anang Andrew dahilan para umawang ang labi ko. "Huh? Dalawa lang tayo?" Nangunot ang noo ko. "Bakit naman? I mean, bakit ako at hindi si Jinky? Siya na lang, para maging kumportable ka rin." Bumuntong hininga si Andrew. Ngumuso bago nagsalita. "Maging kumportable ka na rin sa akin, lalo pa at nagbalik ka na sa trabaho. Huwag mo nang isipin ang nakaraan natin, Elsa."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD