Chapter 4

2207 Words
Matuling lumipas ang mga panahon, isa na siyang ganap na FA. Unti-unti na din niyang natutupad ang kanyang mga pangarap. Masayang-masaya siya sa mga kaganapan sa kanyang buhay. Nakakapag-usap pa rin sila ng regular ng kanyang best friend kahit na hindi ito nakauwi noong mamatay ang mga magulang niya, dahil sa commitments nito sa Paris. Palagi din niyang dinadalaw ang mga ninong, at ninang niya sa tuwing umuuwi siya ng Pilipinas. “Ninong, ninang, yuhuuuu!” tawag niya sa mga ito. Kararating lang niya mula sa kanyang huling biyahe. Medyo may jetlag pa siya ngunit pinilit niyang mapuntahan agad ang mga ito. May pinadala kasi ang hitad niyang best friend, noong magkita sila sa Paris nang minsang mag-overnight sila doon. “Oh Maggy, anak nakauwi ka na pala. Hindi ka nagpasabi naipagluto ka sana namin.” Nagmano siya sa ninang niya saka inilapag ang maletang bitbit niya. “Oh anak, naglayas ka ba?” sabi naman ng ninong niya nang makapasok ito sa bahay ng mga ito. “Si Ninong talaga. Padala po iyan ni Charlie. Nagkita kami noong mag-overnight kami sa Paris,” nagmano siya sa ninong niya. “Hala sige maupo ka muna diyan, at maghahanda muna ako ng makakain. Dito ka na din maghapunan ha?” sabi ng ninang niya habang naglalakad pabalik sa kusina. “Sige po ninang. Na-miss ko na din naman ang luto niyo,” pahabol na sagot niya dito. “Kumusta naman ang trabaho mo hija. Baka naman pinapabayaan mo na ang sarili mo ha? Mumultuhin kami ng mga magulang mo,” pabirong tanong ng kanyang ninong, na ngayon ay unti-unting inilalabas ang laman ng maleta. “Naku ninong okay naman po. Enjoy na enjoy po ako sa mga napupuntahan kong lugar. Saka ‘wag po kayong mag-alala, inaalagaan ko po ng mabuti ang sarili ko,” nakangiting saad niya dito. “Mabuti naman kung ganoon anak. Ayaw lang namin na magkakasakit ka. Eh wala pa bang nag-aalaga sa iyo?” tumaas baba pa ang mga kilay nito na tila nanunukso. “Ninong talaga! Wala pa po. Busy po ako sa trabaho, saka wala pa naman po sa isip ko iyan. Saka na po siguro ‘pag nagsawa na ako kakagala, at ‘pag napirmi na ako dito sa Pinas,” natatawang sagot niya sa ninong niya. “Naku hija, baka tumandang dalaga ka niyan? Kita mo ang anak kong dalawa, may mga nobyo na. Mukhang mauunahan ka pa ng mga iyon.” Napangiti na lang siya sa ninong niya. Napaka-cool nito kaya parang barkada lang ang turingan nilang mag-aama. “Hayaan mo ninong darating din ako diyan, relax ka lang,” biro pa niya dito. Natawa naman ang ninong niya, at saka ipinagpatuloy na ang pagkutingting sa mga padala ng best friend niya. Nakakatuwang itinuring siyang kapamilya ng mga ito simula nang mawala ang mga magulang niya. Sila na ang umalalay sa kanya ng mga panahong nagluluksa pa siya. At hanggang ngayon ay nakagabay pa din ang mga ito gaya ng lola niya. “Ninang the best po talaga ang bicol express mo!” Sunod-sunod na pagsubo ang ginawa niya. Natatawang inabutan naman siya ng tubig ni Chammy, ang bunsong kapatid ni Charlie. “Ate, hinay-hinay madami pang niluto si mama saka wala naman si kuya, kaya wala kang kaagaw.” “Oo nga ate Maggy, ang takaw-takaw mo pero ‘di ka naman nataba,” dagdag pa ni Camille. “Hindi ko alam kung ikatutuwa ko ba iyang sinasabi mo Camille, o ikaiinis?” ngumunguya pa nyang sabi. “Aba ate, ikatuwa mo dahil complement iyon!” agad namang sagot nito. Nagtawanan sila sa defensive na sagot nito. “Oo na. Maraming thanks sa compliment kapatid. Pero may sinabi sa akin si ninong. May mga Boyfriend na daw kayong dalawa?” pag-iiba niya nang usapan. Tila napipi naman ang dalawa at hindi umimik. Pinaningkitan niya ang mga ito ng kanyang mga mata. “Hmmm, baka naman maunahan niyo pa ako ha? Kayong dalawa dahil ako ang mas matanda sa inyo, dapat walang mag-aasawa sa inyo, hangga’t hindi ako nag-aasawa.” “Hala, teh, may balak ka ba naman mag-asawa? Para kang si kuya eh addict sa work!” reklamo ni Chammy sa kanya. “Hoy, Chammy ha! Ang bata-bata mo pa para sa boyfriend-boyfriend na iyan! Aahitin ng kuya mo yang kilay mo ‘pag nalaman niyang nag—jo-jowa ka na.” Itinuro pa niya dito ang hawak na tinidor. “Naku po! Ate Maggy naman eh, ‘wag mong sasabihin kay kuya baka biglang umuwi iyon para lang ahitin ang kilay ko. Kaka-shokot!” Muling nagtawanan ang mga kasama nila. “Ah ha! At may jowa ka na nga?” nanlalaki ang matang tanong niya dito. “M.U lang naman eh. Hindi ko pa sinasagot, saka alam naman nila daddy iyon,” nakangusong sagot niya dito. “Ah basta, walang jowa-jowa hangga’t hindi nakakatapos ng pag-aaral! Nagkakaintindihan ba tayo?” kunway mataray na sabi niya sa mga ito. Sabay namang sumagot ng opo ang dalawa. Nakangisi syang ipinagpatuloy ang pagkain. “Ayan makikinig kayo sa ate niyo ha?” dugtong naman ng ninang niya sa mga sinabi niya. Nagprisinta siyang maghugas ng kanilang pinagkainan ngunit hindi pumayag ang mga ito. Hayaan na lamang daw niya sina Camille at Chammy na magligpit ng mga iyon. Kaya naman naghugas na siya ng kanyang mga kamay at nagtungo na sa sala. “Ninang, Ninong, uuwi na po ako. Salamat po sa masarap na hapunan,” nakangiting sabi niya sa mga ito. “Oh, sige anak, mag-iingat ka sa pagmamaneho ha? May byahe ka ba bukas?” tumayo pa ang ninang niya upang ihatid siya nito sa kanyang sasakyan. “Sa susunod na araw pa po ninang. Dadalawin ko din si lola bukas kila tito Ben.” sagot niya dito. “Oh, siya sige anak, ikumusta mo ako sa lola mo ha. Mag-iingat ka sa pagmamaneho mo.” Humalik na ito sa kanya. Kinabukasan, nagtungo siya sa bahay ng tiyuhin niya ‘di kalayuan sa kanilang bahay. May dala siyang mga pasalubong para sa mga ito. Mabait naman ang pamilya ng kanyang Tito Ben. Sa katunayan nga ang pamilya nito ang gumabay sa kanya, noong panahong nalulungkot pa siya sa pagkamatay ng mga magulang. Matiyaga siyang inalagaan ng mga ito at pinapasaya. Halos doon na nga tumira ang mga ito para lang mabantayan siya ng mga ito. Kaya Malaki ang kanyang utang na loob sa mga ito, kung hindi dahil sa kanila baka tuluyan na siyang bumigay. “Lola!” masiglang bati niya sa matanda nang salubungin siya nito sa pintuan ng bahay ng kanyang tiyuhin. “Maggy apo, kumusta ka na? Bihira ka nang umuwi bata ka ha.” Sabik na sabik siya sa kanyang lola. “Sorry po ‘la kasi palaging sa Maynila kami nag-i-stay pagkinabukasan may byahe.” Bumitiw na siya sa pagkakayakap dito at iginiya sa loob ng tahanan upang makaupo. “Ben, Maita, nandito ang apo ko! Hali kayo dito dali!” tawag ng lola niya sa mag-asawa. Agad namang iniluwa ng pinto ng kusina ang mga ito. “Maggy, anak! Kumusta ka na? Ang tagal mo kaming hindi dinalaw. Nagtatampo na nga kami, at baka kako nakalimutan mo na kami.” Niyakap niya ang mga ito nang makalapit ang mga ito sa kanya. “Naku tita, ‘wag na kayong magtampo. Busy lang po kaya bihira makauwi. Siya nga po pala may mga dala akong pasalubong para sa inyo.” Saka inabot sa mga ito ang dalang bag ng duty free. “Nag-abala ka pang bata ka. Okay naman na sa amin ang makita kang malusog at ligtas,” sabi naman ng tito Ben niya. “Gusto ko pa din po kayong bigyan ng mga iyan. Wala pa nga po iyan sa mga nagawa ninyo para sa akin eh,” nakangiting turan niya sa mga ito. “Naku anak wala iyon. Hanggang ngayon ba’y iyon pa din ang iniisip mo? Syempre parang anak ka na din namin ng tita Maita mo. Natural na magmalasakit kami sa iyo.” Inakbayan pa siya ng tiyuhin, at masuyong hinalikan ang kanyang ulo. Napakaswerte pa rin niya may mabubuti siyang pamilyang kagaya ng mga ito. ‘Thank you ma, pa, iniwan niyo man ako hindi naman ako pinabayaan ng mga kamag-anak natin. Lalong-lalo na po nila lola, at tito, at tita,’ naibulong niya sa sarili habang nakangiti. Gaya ng inaasahan naging abala na naman sila sa kanilang trabaho. Halos hindi na siya makauwi dahil sunod-sunod ang biyahe nila. Biglang parang nanawa siya sa routine niya sa pagiging FA. Parang gusto na muna niyang magpahinga ng matagal-tagal. Kaya naman agad siyang nag-file ng leave pagkabalik niya sa Pinas. Hindi naman siya nahirapan sa pagpapa-approve ng kanyang leave. Kaya nang maaprubahan ang hinihingi niyang leave ay agad siyang umuwi sa kanilang probinsya. “Welcome home apo!” Salubong ng kanyang lola. Humalik siya sa pisngi nito at niyakap ito nang mahigpit. “Finally, lola, makakapagpahinga na ako nang matagal-tagal, at makakasama na kita ng mahaba-haba!” tuwang-tuwang saad niya dito. “Mabuti naman at pinayagan ka nilang magbakasyon ng matagal,” anang lola niya. Nasa sala na sila ng mga sandaling iyon at nakaupo sa sofa. “Opo ‘la. Siguro effective ang pagpapaawa ko sa kanila,” biro niya sa matanda. “Ikaw talagang bata ka kahit kailan pilya ka pa din!” Saka siya pabirong kinurot nito sa tagiliran. Tawa naman siya nang tawa sa ginawa ng kanyang lola. “Lola, tama na! Na-miss din po talaga kita as in!” Niyakap pa niya ang kanyang lola. “Ikaw na bata ini-echos mo pa ako diyan!” Bigla niyang tinignan ang lola niya, at bahagyang nanlaki ang mata sa gulat. “Wow lola millennial ka na ha. Alam mo na ang ini-echos. Sinong nagturo sa inyo niyan?” tanong pa niya dito. Tumawa naman ang lola niya, “Ang mga pinsan mo kasi narinig ko sila minsan, kaya nagagaya ko ang mga linguwahe ng mga batang iyon.” “Aba at natututo na kayo ha. Lola Cool ka pala eh!” nakangising sabi pa niya dito. “Ay siya ika’y magpahinga muna at tatawagin na lang kita paghanda na ang tanghalian.” Itinaboy na siya nito papunta sa kanyang silid. Nagpatianod naman siya sa kanyang lola. Ilang araw nang namamalagi si Maggy sa kanilang bahay, ngunit hindi pa niya muling nabibisita ang tree house na gawa ng kanyang ama, na madalas niyang akyatin noon. Kaya naman agad siyang nagtungo sa likod bahay nila, at napangiti ng maayos pa ring nakatayo sa mga sanga ng puno ang kanyang kaharian. Dali-dali siyang umakyat doon. Nang marating ang maliit na bahay, ay napangiti siya at agad na sumalampak sa sahig nito. Pakiramdam niya’y bumalik siya sa kanyang pagkabata. Noong bata pa siya madalas siyang pagalitan ng kanyang lola, sapagkat ayon dito para siyang lalake kung umakyat, at bumaba ng punong iyon. Napangiti siya sa alalahaning iyon, dahil madalas din siyang ipagtanggol ng kanyang ama. Nami-miss na niya ang mga magulang niya. ‘Ma, pa, sana nandito po kayo ngayon. Natupad ko na po ang pangarap ko na makarating sa iba’t ibang panig ng mundo. Isa na lang ang hindi ko pa natutupad, at hindi na matutupad kasi wala na kayo.’ Pinahid niya ang luhang kumawala sa kanyang mga pisngi. Pabaluktot siyang humiga sa sahig ng tree house at pumikit. Naalimpungatan si Maggy at biglang napabalikwas ng bangon ng maalala kung nasaan siya. May kadiliman na sa labas ng tree house nang sumilip siya sa labas. ‘Nakatulog pala ako.’ Agad na siyang bumaba ng puno, at kagaya ng nakagawian, nagpadulas siya sa bakal na katabi ng puno. “Sus maryosep kang bata ka!” bulalas ng kanyang lola nang makita sya nito, “Hindi ka pa din talaga nagbabago! Inakyat mo na naman iyang punong yan!” Nilapitan siya ng lola niya at pinalo sa pwet. Natawa naman siya sa ginawa nito sa kanya. “Lola naman eh!” tanging reklamo niya dito. Inakbayan niya ang matanda at magkapanabay nang naglakad papasok sa kanilang bahay. “Kanina pa tumutunog iyang telepono mo. Kaya din kita pinuntahan sa likod bahay, at alam kong doon ka lang naman maglalagi,” sabi ng lola niya nang makapasok sila sa kusina. Naghugas muna siya ng kanyang kamay saka kinuha ang teleponong naiwan pala niya sa sala. “Mga kasamahan ko lang po lola. Nagtatanong kung kailan ako babalik.” Inilapag niyang muli ang telepono sa mesa saka tinulungan na ang matanda sa paghahain. “Oh, eh kailan ka nga ba babalik apo? Ilang lingo ka na ding nandito. Hindi ka ba naiinip?” nag-aalalang tanong ng kanyang lola sa kanya. Umiling lang siya at ipinagpatuloy ang paghahain. Parang ayaw na niyang bumalik sa kanyang trabaho. Kung tutuusin ideal ang trabaho niyang iyon. Bukod sa natutupad niya ang pangarap niya eh, malaki din ang kita. Ang problema lang, pagod siya palagi at pakiramdam niya’y, hindi siya makakilos nang ayon sa gusto niya. Oo nalilibot niya ang mundo, ngunit parang hindi na siya masaya sa ginagawa niya. Kaya naman naisip niyang itutuloy na lang sa pagreresign ang kanyang leave. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD