Tahimik si Amira habang nakasakay sa kotse na minamaneho ni Manong George. Ito rin ang kasama ni Caridad nang pumunta sa Lizardo Farm para sa party. Mukhang mas tensiyonado pa ito sa kanya subalit di kumikibo. Di nagtagal ay nasa Lizardo Farm na sila. Sa gitna ng farm ay isang malaking Filipino style villa na masasabi niyang mas conservative at mas makaluma kaysa sa Victorian House ng Banal Mansion. Gawa iyon sa matitibay na kahoy at sa pagkakaalam niya ay itinayo noong 1960s. Nakaabang na si Jennascia sa kanya sa front porch ng bahay. Sinalubong agad siya nito pagbaba niya ng sasakyan. “Thanks for coming. Dito tayo.” At iginiya siya nito papasok ng kabahayan. Pagpasok sa sala na natatanglawan ng eleganteng chandelier ay narinig niya ang bossa nova music na pumapailanlang sa kabahayan.

