"Okay ka lang Allyna?" ani Jessa na kanina pa nakamasid sa matalik niyang kaibigan.
Kanina pa na malayo ang tingin ng babae. Kapansin-pansin na rin ang pamamayat ng kaniyang kaibigan gayung isang linggo pa lang ang nakakalipas simula nang umuwi ito dito sa probinsya.
"O..oo naman!"ani Allyna na umiiwas ng tingin kay Jessa.
Mabigat pa rin ang loob niya sa totoo lang...hindi niya magawang maging masaya sa piling ng kaniyang pamilya... Ang tagal na rin ng huling uwi niya dito... at heto siya ngayon kung kailan may problema saka naka-alala na umuwi.
Mabuti na lang at mababait ang kaniyang mga magulang...wala siyang narinig na anuman na panunumbat mula sa kanila!
"Kanina ka pa kasi tahimik..kanina pa ako nagsasalita dito pero parang ang layo ng iniisip mo?" ani Jessa.
Nandito siya ngayon sa probinsiya sa Batangas para mas makapag isip-isip.
Habang namamahinga at nagpapahangin ay nasa munting balkonahe sila ng payak na bahay nina Allyna.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Allyna.
Simula ngayon ay kailangan na niyang tumayo sa sarili niyang mga paa.
Maraming bagay ang iniwan niya para sa pag-ibig.
Anim na taon silang nagsama bilang mag-asawa...anim na taon din siyang hindi naghanapbuhay dahil yun ang gusto ni Ram.
Wala siyang ginawa sa loob ng mga panahon na iyan kung hindi patuloy na pagsilbihan ang kaniyang asawa.
Kahit na may mga katulong pa sila sa bahay ay siya pa rin ang nag-aasikaso sa lahat ng kailangan nito.
"Allyna...hoy...ang sabi ko kung okay ka lang ba?" ulit pa ni Jessa.
"Naku...akala ko ba tama lang na maghiwalay na kayo? Bakit parang ang lungkot-lungkot ng mga mata mo."
"H'wag mo akong pansinin...normal lang naman siguro na manibago ako hindi ba? Lilipas din ito Jessa", ani Allyna na bakas ang kalungkutan sa mga mata na hindi kayang itago kahit yata maging abot tenga pa ang kaniyang mga ngiti.
Noon mula sa likuran ay nagsalita si Aling Rebeca, ang ina ni Allyna.
"Nang magpasya kayong magpakasal ni Ram ay wala kang narinig na anoman mula sa amin ng Itay mo. Kahit hindi ka pa ganap na nakaka graduate ng kolehiyo ay pikit mata namin na tinanggap ang pasya ninyong dalawa dahil ayaw namin na hadlangan ang kaligayahan mo Allyna, pero isang araw umuwi ka na lang dito at sinasabi mo na hiwalay na kayo....kaya ito ang masasabi ko... sana alam mo ang ginagawa mo at totoong kaya mo na ....na ipagpatuloy ang buhay na wala na ang lalaking iyan! Baka kaya ka lang ganiyan ang sinasabi mo ay hinihintay mo pa rin na suyuin ka niya! Matagal ka na..naririito anak, at hindi ka pa rin sinusuyo ni Ram...baka mas tama na sumuko ka na lang! Ayaw ko na makita ka pa na ..nasasaktan dahil kung sinasawaan ka na niya bilang asawa ay tatanggapin ka pa rin namin ng Itay mo dahil anak ka namin Allyna!"matatag na ani Aling Rebeca.
Ilang ulit na ..napalunok si Allyna.
Tila may mga mumunting karayom na paulit-ulit na sumasak sa kaniyang puso sa sinabi ng kaniyang ina.
Naguilty siyang bigla dahil alam niyang totoo ang sinasabi nito.
Sa halip na isipin ang pamilya na maitawid sa kahirapan ay nagawa niyang unahin ang sariling kaligayahan.
Ang laki ng pagkukulang niya sa kaniyang mga magulang at kapatid.
Anak ng isang tanyang na bilyonaryo at negosyante si Ram kaya pakiramdam niya ay okay lang na lumagay siya sa tahimik dahil nangako ito na tutulungan siya sa pag-papaaral kay Angelo ang bunso niyang kapatid.
Pero hindi ito nangyari, dahil mahigpit na tinutulan ng kaniyang itay ang anoman na tulong na gustong ipagkaloob ni Ram.
Sangayon sa kaniyang Itay, ayaw niya na sa pagdating ng panahon ay may maisumbat ang pamilya ni Ram sa kanila.
All this time ay totoo ang lahat ng sinasabi ng kaniyang mga magulang. Sa uri ng sitwasyon nila ngayon ay nasisiguro niya na maisusumbat ito ni Ram at kahit na ng mga magulang nito.
Mabuti na rin at hindi si Ram ang dahilan kung bakit nakatapos ng pag-aaral ang kaniyang kapatid.
Taas noo pa rin siyang makahaharap dito at hindi niya kailangan na mahiya.
Ano ba ang nagawa niya?
Anong klase ba siyang anak?
Naging mapusok pala sila ni Ram.
Hindi niya nagawang paglabanan ang sariling damdamin kaya nang minsang may nangyari sa kanila noon ni Ram at alukin naman siya nito ng kasal ay hindi na niya ito tinanggihan pa!
Napaka seloso ni Ram ng mga panahon na sila ay magkasintahan pa lamang.
Wala nang ibang lalaki ang nakalapit pa sa kaniya dahil lahat ng nagtatangka na ligawan siya noon ay kinokompronta ng kaniyang dating asawa.
Sa madaling salita...binakuran siya nito nang mabuti.... at dahil sa pagmamahal rin niya ay palagi niya itong inuunawa at sinusuyo sa tuwing magseselos ito.
Iniisip na lang ni Allyna na...ganun lang talaga si Ram dahil mahal na mahal siya nito.
Sa totoo lang...naging masaya naman talaga sila...
Napaka lambing ni Ram, maalalahanin rin ito! Nagbago lang naman ang lahat nang ma pressure si Ram sa negosyo nila at pumasok sa eksena si Shane...
Simula nang dumating ang babaeng ito...hindi na sila nagkasundo pa ni Ram.
Nakalimutan na ni Ram ang mga mahahalagang okasyon gaya ng anniversary nila at maging ang kaniyang kaarawan ay hindi na rin nito naaalala pa.
Sa madaling salita....nagbago ang kaniyang asawa!
Naging estranghero na sila sa isa't-isa... hanggang ang mga simpleng tampuhan ay nauwi na sa matitinding pagtatalo.
"Mag-isip kang mabuti Allyna. Ito ba ang buhay na gusto mo para sa sarili mo? Magdesisyon ka...mananatili ka ba sa relasyon ninyo bilang mag-asawa? O... aalis ka?! Kung pipiliin mo na talagang makipaghiwalay diyan sa asawa mo ay siguraduhin mo itong mabuti anak, dahil baka nasasabi mo lang iyan ngayon dahil masama ang loob mo at galit ka? At sa oras na iwanan mo yang lalaking yan... ipangako mo sa sarili mo na hinding-hindi ka na babalik pa... dahil kapag bumalik ka pa sa kaniya... mas malaki yang problema Allyna!" ani Aling Rebeca.
Umiiling-iling itong tumalikod at pumasok na muli sa loob ng bahay. Naiwan na nakatulala ang dalawa.
Ang luhang kanina pa pinipigilan ni Allyna nay tuluyan nang kumawala sa kaniyang mga mata.
Masama pa rin ang loob niya kay Ram dahil ang totoo ayaw man niyang aminin ay umaasa pa rin siya na susuyuin siya ng kaniyang asawa at aaluiin siya nito na h'wag nang ituloy ang pakikipaghiwalay niya.
Umaasa pa rin siya na nabigla lang si Ram sa hamon nitong hiwalayan.
Iniisip pa rin niya na baka nagpapalamig lang din ito ng ulo na gaya niya at bukas makalawa ay hihingi na ito ng sorry sa kaniya at magiging maayos na ang lahat.... gaya ng dati!
Pero bigo siya.
Ni tawag o simpleng text messages ay wala siyang natatanggap mula sa lalaki.
Pakiramdam niya bawat araw na dumadaan ay nagpapatunay na matatapos na talaga ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
Sa nakikita ni Allyna... sumuko na talaga si Ram... wala na...hindi na talaga siya mahal ng lalaking kay tagal niyang inibig!