Episode 3

1656 Words
Madilim. Napakatahimik. Kinabahan ako bigla. Nasa sementeryo lang naman ako. Parang gusto kong murahin si Abellius. Sa rami ng lugar na puwedeng puntahan, sa sementeryo pa talaga ang meeting place namin. Ako naman, 'di ko alam kung bakit pumayag ako sa suhestiyon niyang dito kami mag-meet up ulit. Pinaghintay pa 'ko ng kumag, ladies first daw. "Buw*sit ka, Abellius! Nasa'n ka na?" Masyado talaga akong matatakutin. Kahit naman palagala ako sa gabi, sa maraming tao pa rin ako tumatambay lagi. Biglang tumunog ang cellphone ko. On the way na raw ang loko. Nasa bungad lang ako ng gate ng sementeryo dahil ayokong pumasok. Inutusan ako ng hinay*pak na pumasok daw ako sa loob para safe raw. Gusto ko na talagang sakalin ang Abellius na 'to. Mas pinili kong sa labas na lang maghintay. Hindi ako mapakali. Tumaas ang balahibo ko. Bakit kaya? Ang layo pa ng street light kaya madilim sa bandang area ko. "Nelrose..." Isang malamig na boses ang lalong nagpatayo sa balahibo ko. Sumabay sa ihip ng hangin ang pagtawag ng pangalan ko. Palinga-linga ako. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang 'yon pero lalo akong kinilabutan. Parang may umihip pa sa batok ko. Mabilis akong lumingon. Wala akong makita na tao. Isang malakas na tawa ang pumalit. Biglang sumulpot sa harap ko si Abellius. Ang lawak ng ngiti ni Mr. Guwapo. Sa harap lang naman ako ng gate, bakit 'di ko nakitang dumaan ito? "Sa'n ka dumaan, Abellius?" naiinis kong tanong sa kanya. Dagli ring nawala ang inis ko nang lumapit siya at nasilayan ko ang kaguwapuhan n'ya. Isang mabilis na halik sa labi ang sinagot ni Abellius. Hinila n'ya 'ko bigla, papasok ng sementeryo. Gusto ko sanang mag-back out pero hawak na n'ya ako. Napasunod na lang ako. Dinala niya ako sa pinakagitna ng sementeryo. May isang musuleo rito na open lamang. Dito nagmimisa minsan kapag araw ng mga patay. Kaiba ang trip ng lalaking 'to. "Ano'ng ginagawa natin dito, Abellius," 'di ko mapigilang magtanong. Nakatingala siya sa kalangitan. Pareho na kaming nakaupo sa sementadong bench ng musuleo. "Kabilugan ng buwan ngayon, Nelrose," seryoso ang mukha ni Prince Charming. "Bakit dito pa?" Gusto kong mainis pero ayokong umalis. Si Abellius ang super guwapo at pinaka-macho sa lahat na naging boyfriend ko. Sayang naman! "Gusto lang kitang makasama. 'Yong tahimik, tayo lang dalawa. 'Yong solo natin ang mundo." Malamlam ang mata ni Mr. Guwapo, nangungusap. "Nelrose..." "Ano?" pakiyemi kong sagot. Nakatitig na siya sa 'kin kaya tumambol na naman ang puso ko. Nama-magnet ako sa titig ni Prince Charming ko. "Puwede bang maghintay tayo rito?" seryosong pakiusap ni Abellius. "Hanggang hatinggabi..." "Bakit?" pilit ang ngiti ko. Parang may something ang lalaking 'to pero hindi ko na lang isinatinig. Alas-nuwebe na ng gabi. Nag-part time work pa kami ni Cyrish kanina. Isang kakilala ang nag-offer na linisan ang bahay nila kaya nag-go kami. Tatlong bahay ang nalinisan namin ni Cyrish. Datung din 'yon. Malapad naman ang ngiti ni Tiyang kanina nang iabot namin ang pera. Naalala ko pa talaga kung paano umaliwalas ang mukha niya. "Naku, naman! Ang babait talaga ng mga batang 'to." Abot hanggang tainga ang ngiti nito. Bigla pang naningkit ang bilugang mata ni Tiyang. Ngumiti pati ang mata nito. "Alam niyo namang maraming bayarin sa bahay. Kuryente, tubig, upa at--" "Oh, siya, siya," umirap si Cyrish sa ina. Walang bago sa reaksiyon ng ina kapag pera na ang pinag-uusapan. Ganito talaga ito kapag nag-aabot sila ng pera. "Nagpa-part time naman kami ni Ate Nelrose kaya relax ka lang." Umismid pa si Cyrish. Seryoso ko lamang na tiningnan ang kapatid ko na parang pinsan ko na rin. Hindi kami magkadugo. Alam kong may pagkatamad ito pagdating sa trabaho. Lagi na lang nitong bukambibig na maghahanap ito ng mayaman para hindi na maghirap sa buhay. "Oh, siya! Kumain na kayo, pinagluto ko kayo ni Ate mo," may pag-aalalang utos ni Tiyang. Pareho kaming napatingin sa isat-isa ni Cyrish. Pinatirik ni Cyrish ang mata. "Tigilan n'yo kong dalawa. Alam n'yo namang matanda na 'ko. Dapat tulungan tayo sa buhay." "We know, Tiyang," hinila ko si Cyrish papuntang kusina. Napangiti na lang ako. Naka-prepare na ang pagkain sa mesa. "Kapag aalis kayo, huwag n'yong kalimutan ang mga susi n'yo," singit ni Tiyang. "Nelrose, ikaw ang laging inuumaga. Mag-ingat ka lagi.." "Naku, si Nanay!" Pagpapahinto ni Cyrish sa ina. "Parang awa mo na, tama na!" Pinandilatan ng matanda ang dalawa. Tumalikod na ito. "Ate, mukha talagang pera si Nanay, ano?" umirap pa si Cyrish. Napangiti ako. Kung gaano kabungangera si Tiyang kapag pasaway kami, mabait naman ito kapag may silbi kami. Gusto ko rin namang tumulong. Ang mga ito lamang ang pamilya kong nakagisnan. Hindi ko talaga alam kung sino ang tunay kong magulang. Masaya naman ako kaya wala akong pakialam. Bungangera lang talaga ito kapag pasaway kami ng kapatid ko. "Nelrose," anas ni Abellius. Napabalik ako sa real world. Kasama ko pala si Abellius. Ang lapit ng mukha ni Mr. Guwapo. "Bakit?" pumiyok ang boses ko. May naghahabulang daga sa dibdib ko. Ang lakas talaga ng karisma ng boyfriend ko. Walang sagot kay Abellius. Isang mabining halik ang binigay nito. Biglang umalulong ang aso. Ngayon ko lang napansin, nakayakap na pala ako sa kanya. Bigla rin akong napabitaw kay Abellius. Isang itim na aso ang nakatitig sa 'ming dalawa. Galit ito at anumang oras ay parang aatake ito sa amin. Bigla akong natakot. Ayokong magka-rabies! Naririnig ko pa ang nangangalit nitong ungol. Tinitigan ito ni Abellius. Napaigtad ako nang bigla na lang tumakbo palayo ang aso na may kasama pang tahol na parang naipit ang boses. Napatingin ako bigla kay Abellius. Nakatingin na naman sa kalangitan si Mr. Guwapo. Parang gusto ko siyang kalabitin para ituloy namin ang halikan. Istorbo talaga ng asong 'yon! "Malapit na!" muling anas ni Abellius. "Ano ang malapit na, Abellius?" naiinis na ako. "Ang paglitaw ng buwan, Rose." Mas importante pa talaga ang paglitaw ng buwan? Kabilugan ng buwan ngayon pero natatakpan ito ng ulap. Masyado pa talagang pormal ang tawag nito sa 'kin. Kinalabit ko siya. Nakangiti namang binalingan ako ni Abellius. "Puwede bang huwag naman masyadong pormal, 'yong tawag mo?" naiinis ako. "Sure, my baby." "Baby?" ulit ko. Kinilig ako. "Yes!" umusog pa si Abellius. "Sit on me." Natigilan ako. Ano raw? "Kumandong ka sa 'kin, baby." Ulit nito at malumanay na hinila ni Abellius ang dalaga. Nakayakap na sa 'kin si Abellius. Kandong lang pala. Parang may dumi kanina sa utak ko. Pinilig ko nang paulit-ulit ang ulo ko. May pinakaiingatan ako sa buhay na tanging kami lang ni Cyrish ang nakakaalam. Nakayakap sa akin si Abellius. Nilagay pa nito ang baba sa balikat ko. "Napakatagal na panahon kong hinintay ang pagkakataong 'to, baby." Napatakip ako sa bibig ko dahil pinipigilan kong mapatawa. Masyadong corny ang lalaking 'to pero lalo lang itong naging cute sa paningin ko. "Ang pagmasdan ang paglitaw ng buwan kasama ka," dugtong ni Abellius. "Napakatagal ng pahihintay namin." May paghihirap na saad ng lalaki. Naramdaman ko ang pagkagat-kagat ni Abellius sa leeg ko. Nakiliti ako pero dagli ring nawala ito nang maramdaman ko ang sakit. Napamura ako bigla nang maramdaman ko ang mariing pagkagat nito sa leeg ko. "Abellius!!" napasigaw ako. "Sorry, baby," natigilan ang lalaki. "Masakit?" masuyong tanong nito. Kinintalan nito ng halik ang parteng kinagat nito kanina. "Mawawala rin ang paghihirap mo mamaya." "Ano? Obvious ba?" asar kong balik-tanong sa kanya patungkol sa pagkagat nito. Ang weird ni Abellius. Baka mag-mark ang nakagat nito. Maysa-Dracula lang ang lalaking 'to. Kainis! Nakatingala na naman si Abellius. Napasunod ako ng tingin. Unti-unti nang humawi ang ulap sa pagkakatakip sa buwan. Humigpit ang yakap ni Abellius, isang yakap na animo'y ayaw na 'kong bitawan. "Sa akin ka lang," anas ng lalaki. Sumilay ang ngiti sa labi nito. Tumayo ito at napasunod naman ako. Mahigpit ang pagkakahawak ni Abellius sa kamay ko. "Ok ka lang ba?" may pagtataka kong tanong. Nakatitig lamang sa 'kin ang boyfriend ko. Hindi mawala ang ngiti nito. Pasalamat ito at sobrang guwapo nito dahil baka mapagkamalan kong may saltik ito. Napatingala ako sa kalangitan nang biglang lumiwanag. Napakalaki at bilog na bilog ang buwan. Wala na ang mga ulap na nakatakip dito. Lumiwanag ang paligid dahil sa sinag ng buwan. Kasabay ng pagliwanag, lumabas naman ang maiitim na usok. Nagulat ako. Nakatitig lamang sa 'kin si Abellius. Bumuka ang bibig ko para tawagin siya pero unti-unti akong hinihila pabulusok. Hindi ko maintindihan pero nilamon na ng dilim ang buong paligid hanggang sa manghina ako. "Rose..." May kung anong mabigat sa pakiramdam ko. Ramdam ko pa rin ang panghihina ko. Unti-unti kong minulat ang mata ko. Para akong naka-droga. Naliliyo ako. Hindi ko ma-explain kung bakit ganito ang pakiramdam ko. "Welcome back, baby." Tuluyan kong minulat ang mata ko. Nakangiting mukha ni Abellius ang nabungaran ko. Pero teka, bakit nakagapos ako? "A-Abellius?" may pagtatakang tinitigan ko siya. Nakaramdam ako ng takot. Ano'ng trip ng lalaking 'to? Hindi ko napigilang igala ang paningin ko. Nasa loob kami ng bilog na guhit, kulay puti ito at umuusok. Nasa gubat kami pero bakit ganito? Ang mga puno na nakikita ko ay kakaiba, mga korteng nilalang ito na nakakatakot pagmasdan. Kinilabutan ako. Ito pa naman ang ayaw ko, ang makakita ng nakakatakot. "Nasa'n ako?" hiyaw ko. Nag-umpisa nang manginig ang katawan ko. "Nasa gubat tayo. Sa lugar na ito magbubukas ang dimensiyon ng Mondabor." Seryoso ang mukha ni Abellius. "Pakawalan mo 'ko, Abellius. B-bakit ako n-nakagapos?" para akong hiningal bigla. Sa sobrang kaba ko, hinahabol ko na ang hininga ko. Naririnig ko ang pintig ng puso ko. "Relax, baby. Matatapos din ang paghihirap mo mamaya." Nakangising nakatingin sa akin si Abellius. Sana hindi ako nagtiwala sa lalaking 'to. "Sa pamamagitan mo, magbubukas ang lagusan ng mundo ko sa mundo mo," ngising demonyo ang mukha ng lalaki. Ang kulay ng mata ni Abellius, naging pula. Tumili ako nang pagkalakas-lakas. Nagsisisi ako. Pinagsisihan ko sobra na nakilala ko pa ang lalaking 'to kahapon. Isa itong demonyo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD