CHAPTER 12: Virgilio At Marina

2222 Words
~ "MAHAHANAP AGAD kita. Nasisiguro ko," sambit ni Prinsepe Virgilio. At buong loob na niyang pinasok ang lagusan patungo sa ibang mundo. Napapikit si Virgilio. May malakas na puwersang humihigop sa kanya at ramdam niya ang malakas na pagtama sa kanya ng ihip ng hangin. Sa kanyang pagdilat ay maulang gabi ang tumambad sa kanya sa mundo ng mga tao. At maririnig din ang malalakas na kulog at gumuhuhit ang liwanag ng kidlat sa kalangitan. Pinagmasdan niya ang kakaibang mundo para sa kanya. Batid niyang hindi ito ang mundong kinalakihan niya ngunit hindi rin masiguro kung tama ba ang mundong kanyang pinatunguhan upang muling masilayan ang dalagang minamahal.   Biglang natigilan si Virgilio. Nakaramdam siya ng biglang panghihina na marahil ay sanhi ng pagpasok niya sa lagusan patungo sa mundong kanya ngayong kinaroroonan. Hanggang sa hindi na niya makontrol ang kanyang sarili, mabilis siyang bumulusok paibaba sa isang kagubatan. Na mabuti na lamang at nagawa niya pang makapagkontrol ng hangin kung kaya't alalay kahit paano ang kanyang paglagapak sa maputik na lupa.   Sa parte ng bansang Pilipinas sa Tanay, Rizal, bumulusok at bumagsak si Prinsepe Virgilio. Nabalot ng putik ang kakaibang asul na kasuotang suot ng binata. Naglakad siya palabas ng gubat hanggang mapadpad sa daang may layo-layong mga kabahayan. May kabang nararamdaman si Virgilio sa hindi pamilyar na lugar na kinaroroonan niya. Napapalingat-lingat siya habang patuloy na hinahakbang ang mga paa. Nakakaramdam na rin siya ng lamig dulot ng pagkabasa ng ulan na unti-unti nang humihina. At nasa katawan na niya rin ang panghihina, at may nararamdaman rin siyang kirot sa katawan dahil sa pagbagsak niya sa basang upa. Sa patuloy na paglalakad ng prinsepe ay narating niya ang ilang mga kabahayan, at nang mga sandaling iyon ay huminto na nang tuluyan ang ulan. Ilang dipa ang layo, may tindahang nakabukas na may malimlim na ilaw at may dalawang lalaking pasuray-suray ang nanggaling mula roon. “Aling Melit, tutuloy na kami! Tumila na ang ulan!” pasigaw na tinig ng lalaking narinig ni Virgilio mula sa kinaroroonan niya. Alam niyang lasing ito dahil sa mundong pinagmulan niya ay may nakalalasing din na inumin. At makailang ulit na rin siyang nalasing tulad ng lalaki mula nang matuto siyang uminom. Huminto siya sa paglalakad. Sa harapan niya ay pasalubong na naglalakad ang magkaakbay na lasing na mga lalaking may edad na at malaki ang mga tiyan. Nakita siya ng mga ito at napuna ang kanyang kakaibang asul na kasuotan. Itinuro si Virgilio ng isang lalaki na natatawa sa hitsura niya. “Tingnan mo, pare. May mga baliw!” anito. At sabay siyang pinagtawanan ng dalawang lasing. “Alam ba ng dalawang ito kung sino ang kinakausap nila? Ibuhol ko ang mga ito, eh.” mahinang sambit niya sa sarili at napabuntong-hininga siya. “Pero ano raw, mga baliw?” Napaisip si Prinsepe Virgilio dahil mag-isa lamang siya. Ngunit ang hindi niya nalalaman ay may isang dalaga sa kanyang likuran na kanina pa siyang sinusundan. Dalagang nasaksihan ang kanyang pagbagsak mula sa kalangitan. “Marinang baliw, magkasama ba kayo?” sigang tanong naman ng isa pa. Ang dalagang nakasunod sa kanya ang tinutukoy nito. Napalingon si Virgilio sa kanyang likuran, tumambad sa kanya ang magandang dalaga. Nakapayong ito ng bulaklaking kulay dilaw na kanyang naaninag dahil sa liwanag na nagmumula sa poste na nasa kabilang kalsada. Ibinaba ng dalaga ang hawak na payong nito at napagmasdan niya ang maganda nitong mukha. Tila dinala na naman siya sa ibang lugar dahil lamang sa pagkakatitig niya sa mga mata ng dalaga, ang dalagang sinadya niya sa mundo ng mga tao. At kasabay rin noon, tumibok nang mabilis ang kanyang puso. Hindi iyon kaba, iyon ay kakaiba na nagpaguhit ng ngiti sa kanyang labi, sa wakas matapos ang ilang taon ay muli niyang nasilayan ang minamahal. Unang beses iyon na maramdaman ni Virgilio matapos madurog ang kanyang puso sa kanilang paghihiwalay. "Nahanap na kita, Marina," naibulong niya sa kanyang sarili. At tuluyan na siyang napatulala sa pagkakatitig sa dalaga na tila huminto pa ang oras. Para sa kanya, naging pag-aari nila ang mundo at sila na lamang dalawa ang naroon sa mga sandaling iyon... Ngunit hindi inasahan ni Virgilio ang biglang ikinilos ng dalaga, sumugod ito sa kanya at itinulak siya nito na binitiwan pa ang hawak nitong payong... Ngunit iyon lamang pala ay kanyang inakala. “Oo, kasama ko siya!” sigaw ng dalaga. Hindi siya ang talagang sinugod nito kundi ang mga lasing na lalaking papalapit sana sa kanya. Tinutukan pa ng dalaga ng patalim ang mga ito, isang balisong. Pinagmasdan niya lamang ang nagaganap, pinagtatanggol siya ng dalagang si Marina na nakaitim na T-shirt at puting palda, kasuotang hindi niya nakasanayang suot nito noon nang sila ay lagi pang magkasama. “Umalis na kayo, Mang Berto, Mang Fredo, kung ayaw n’yong iturok ko sa mga tiyan n’yo ang balisong ko!” sigaw muli ng dalaga, hinaharang nito ang sarili nito kay Virgilio. “Baliw ako, ‘di ba? Ang baliw hindi nag-iisip nang tama! Kaya baka hindi lang sa mga butete n’yong tiyan ko isaksak itong hawak ko! Baka d’yan pa sa mga leeg n’yo, lagyan ko kayo ng gripo! Bagong hasa ko pa naman itong balisong ko! Ano, ha?” “Baliw ka na talaga, Marina! Aswang!” may kabang sigaw ng isang lalaki. Humakbang ang dalaga at dinuro-duro ang hawak na patalim sa mga lasing. “Oo na nga! Baliw na! Baliw na kung baliw! Kaya alis! Kung ayaw ninyong mabiktima kayo ng baliw na aswang!” sigaw nito sa dalawa. Kumarepas naman ang dalawang lasing. Patakbo ang mga itong tumawid ng kalsada habang nagsisisigaw nang panunuya sa dalaga. “Baliw! Baliw! Baliw! Baliw! Aswang! Aswang!” Hanggang makalayo na ang dalawang lasing mahina pa rin nilang naririnig ang mga boses nito at patuloy na nanglalait. Hinarap si Prinsepe Virgilio ng dalagang si Marina, nakangiti ito sa kanya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Para ka kasing engot talaga sa suot mo kaya ka napagtitripan,” natatawang sabi nito. Muli lamang niya itong pinagmasdan na may ngiti sa labi. “Nginingiti-ngiti mo d’yan?” “Wala. Salamat,” sambit niya. Napangiti ang dalaga. At napahanga ito sa buo at lalaking-lalaking tinig niya. “Para naman saan?” tanong nito. “Iniligtas mo ako. Ipinagtanggol mo ako, hindi ba?” tanong niya. Nakangiting tumango si Marina. “Dahil mukha ka rin baliw katulad ko,” tugon nito. Tiningnan niya ang kasuotan ng dalaga at inalala ang mga suot ng dalawang lasing na lalaki kanina, at kinompara ang mga ito sa kasuotan niya. “Dahil iba ang suot ko sa inyo?” tanong niya. “Sa mundo natin, tinitingala ang aking kasuotan, Marina,” nasambit niya sa kanyang sarili. Nagpatuloy ang dalaga. “At katulad ko…” Seryosong pinagmasdan siya nito. “Hinuhusgahan ka rin dahil hindi ka nila kilala,” makahulugang saad ni Marina. Inayos ng dalaga ang balisong na hawak nito, tinago ang talim at isinukso sa baywang. Kinuha nito ang payong sa gilid ng kalsada at pagkatapos ay muli siya nitong hinarap. “Sumama ka sa akin,” wika nito at naglakad ito. Sinundan niya ang dalaga, at wala talaga siyang balak na mawala ito sa kanyang paningin hangga’t narito siya sa ibang mundo. Sa tindahang pinanggalingan ng dalawang lalaki kanina ito pumunta. May binili rito si Marina at agad na rin silang umalis. “Tayo na,” mahinang nasambit na lamang ng dalaga nang makuha ang bagay na binili nito. Patakbong sinundan niya ang dalaga. Nais niyang yakapin ang dalaga, dahil hindi niya nagustuhan ang naging trato ng aleng pinagbilhan nila. “Bakit ganoon?” tanong niya. Huminto ang dalaga. “Alin?” tanong nito.   “Hindi ba natulungan mo ‘yong matandang babae dahil binayaran mo sa kanya ang mga bagay na hawak mo ngayon? Bakit yata tila nagalit pa ang ale sa iyo?” pagtataka niya.   “Gano’n talaga kapag iba ka,” nakangiting sambit ng dalaga. Hindi matanggap ni Virgilio na ganito ang sinasapit ng dalagang kanyang minamahal.   Ngumiti siya at hinaplos ang mahabang buhok ng dalaga. “Hindi ka iba. Maaring iba lamang ang tingin nila sa iyo dahil hindi ka nila maunawaan. Sadyang natatakot tayo at hinuhusgahan ang hindi natin kilala,” saad niya. “Hanggang dito sa mundo ng mga tao, iba ang turing nila sa iyo,” malungkot na saad ni Virgilio sa kanyang sarili.   Pinagmasdan siya ng dalaga. “Ikaw, ano ka?” tanong nito.   “Ako?” tanong niya. Walang maalala ang dalaga sa kanyang nakaraan. At hindi siya matandaan nito. Para sa dalaga, isa siyang binatang may werdong kasuotan. “Sinundan talaga kita. Nakita kita mula sa langit,” sagot ng dalaga.   Ngumiti ang prinsepe. “Kung ganoon ay ako pala ang unang nahanap mo,” nasambit niya sa kanyang isip. Alam niyang nasa ibang lugar siya, mundong iba sa mundong pinanggalingan niya, at ang kakaibang mundo para sa kanya na ang itinuturing na mundo ni Marina. Ngunit hindi iba ang tingin sa kanya ng dalaga. Nauunawaan siya nito, walang takot at panghuhusga. Taglay pa rin ng dalaga ang inosente nitong kalooban at kabaitan, katangiang kanyang minahal.   “Ako si Prinsepe Virgilio,” pakilala niya. “Mula ako sa kaharian ng Arahandra.”   “Marina ang pangalan ko,” nakangiting pakilala naman ng dalaga.   “Alam ko,” sambit ni Virgilio sa kanyang sarili.   “Malapit sa binagsakan mo ang bahay ko.”   “Masaya akong muli kang makita,” sambit niya. “Ha?” pagtataka ng dalaga. Doon, muling nagtagpo ang mga landas ng Prinsepeng si Virgilio at ang dalagang kanyang minahal na piniling lisanin ang kanilang mundo at kalimutan ang nakaraan upang taos puso niyang tanggapin at gampanan ang kanyang pagiging hari ng Kaharian ng Arahandra. ~ HINDI TINUPAD ni Prinsepe Virgilio ang kanyang pangako sa kanyang nakababatang prinsepeng kapatid na si Celesto. Hindi niya nagawang iwanan si Marina. Nagsama silang dalawa. At nalaman niya ang dahilan kung bakit tinatawag na baliw at kakaiba ang tingin sa dalaga ng mga kababaryo nito. Dahil nang mapulot at kupkupin si Marina ng isang matandang babaeng may ari ng bahay na kanilang tinutuluyan, madalas raw magsalita mag-isa ang dalaga. Sinasabi nitong siya raw ay isang Maharlika at may malaking bahay na maituturing na palasyo sa isang bayan. At may kakaiba siyang kapangyarihan. At wala itong alam at naging ignorante sa maraming bagay sa mundo ng mga tao. Hindi tuluyang nawala sa isipan ng dalaga ang kanyang nakaraan ngunit naging malabo iyon na unti-unti ay naging tila isa na lamang gawa-gawa ng malikot na isipan ay imahinasyon. Ang pangalan lamang nito ang naging malinaw at hindi nito tuluyang nakalimutan. Lumipas ang isang linggo, naging dalawa at naging buwan. Hanggang lumipas pa ang isa at dalawa pang buwan. Si Prinsepe Virgilio ay nanatili sa mundo ng mga tao. Nagsama sila ng dalagang si Marina na magkatipan, sa ikalawang pagkakataon ay muling umusbong ang kanilang pagmamahalan. Nawala sa isipan ng prinsepe ang kahariang nakatakda niyang pamunuan. Hanggang isang araw ay nakatanggap sila ng biyaya. “Virgilio, sa palagay ko ay buntis ako?” saad ni Marina. Nanlaki ang mga mat ani Virgilio sa tuwa. At iyon ay tuluyang nagpatibay ng kanyang desisyon na manatili na lamang sa mundo ng mga tao. Mahigpit niyang niyakap si Marina at pinadama rito ang labis niyang kasiyahan. Ngunit isang araw, habang nasa palengke si Marina ay may hindi inaasahang bisita si Prinsepe Virgilio na dumating sa kanilang tahanan, si Celesto. May dismaya sa mga mata ng kanyang nakababatang kapatid nang makita ang kanyang ayos at ang munting bahay na tinitirhan. Malayong-malayo sa buhay nito bilang isang prinsepe. “Si ama, nasa binggit na siya ng kamatayan. Mayroon siyang walang lunas na karamdaman na siyang dahilan kaya maaga niyang ipinaalam sa buong kaharian ang iyong panunungkulan bilang sunod na magiging hari. Kailangan ka ni ama, at ng kaharian,” balita ni Celesto. Napatulala si Virgilio. Napailing. Nakaramdam ng pagkahabag at pag-aalala sa kalagayan ng kanyang ama at magiging kinabukasan ng kaharian. Ngunit sa kabila noon ay nanatili ang kagustuhang manatili sa mundong hindi siya kabilang upang makasama ang kanyang magiging mag-ina. “Ito na ang mundo ko…” sambit niya sa kanyang kapatid. Kumunot ang noo ng nakababatang prinsepe. “Hindi ako narito para marinig ang iyong dahilan, kundi upang pabalikin ka sa ating kaharian,” madiing sambit ni Celesto. Sa likuran nito ay umihip ang hangin kasabay ng paglitaw ng asul na liwanag na kumalat sa paligid na pumaikot kay Virgilio. At mula sa liwanag ay nagpakita ang mga sundalo ng palasyo ng Arahandra. Walang nagawa pa si Virgilio. Kung lalaban siya ay magiging sanhi lamang iyon ng kaguluhan at maaring mawasak ang kanilang tahanan. At alam niyang hindi rin siya titigilan ng palasyo kahit pa magpakalayo-layo sila, dahil mahahanap at mahahanap pa rin sila at maaring mapahamak pa si Marina at kanilang magiging anak. Nakayukong sumama si Virgilio pabalik sa mundong kanyang pinagmulan at sinubukan ng talikuran. Pagkauwi ni Marina nang araw na iyon ay wala itong ideya na siya na lamang at ang bagong buhay sa kanyang sinapupunan ang naiwan sa kanilang tahanan – si Virgilio at tila bula na nalusaw sa hangin. Lumipas ang mga oras hanggang mag-umaga, naghintay lamang si Marina. Hanggang nagdaan ang mga araw, buwan, hanggang sa pagsapit ng kanyang pagsilang. At ang paghihintay ay naging sakit sa puso at galit…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD