CHAPTER 3: Ang Bagong Buhay At Ang Bagong Mundo

1946 Words
~ “SORRY, ‘MA,” sambit ko. Kaharap ko si mama, nakaupo kami sa mesa sa kusina habang ilang hakbang lamang mula sa aming kinaroroonan, nakaupo ang aking ama sa luma naming sofa. Umiling-iling si mama na ‘di ako matingnan. Hindi niya matanggap ang desisyon ko. Na sumama sa kakakilala ko pa lamang na nagpakilalang papa ko. Hinarap ako ni mama, sa mga mata niya ay makikita ang sama ng loob at nangingilid na mga luha. Dismayado siya. Na makikita ko sa bawat pagkurap ng kanyang mga mata. “Ma?” nasaad ko habang nakatingin sa kanyang napakalungkot na mukha. Walang salita, ngunit may panunumbat ang kanyang kanyang titig sa akin. Natigilan ako. Saglit namayani ang katahimikan sa aming maliit na tahanan. “Peter, ganito ba kasama ang loob mo sa akin?” unang salitang nasambit ni mama mula nang sabihin kong sasama ako sa aking ama sa ibang mundo na pinanggalingan nito. Hinawakan ko ang kamay ni mama na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Nahaplos ang puso ko ng pagkakataong iyon, dumaloy ang luha sa mga mata ko. Malamig ang kamay ni mama na binalot ko ng aking mga palad. Alam kong mahal ako ni mama, hindi sa hindi niya napapakita, ngunit ramdam ko na mas binubuhos niya ‘yon sa bago niyang mga anak at asawa. “Gano’n mo na ba gustong makalayo sa amin?” nakakadurog ng pusong tanong ni mama. Umiling ako. “Hindi gano’n, ‘ma,” saad ko. Binawi ni mama ang kamay niya at inalis sa pagkakapatong sa mesa. “Eh, bakit? Bakit, Peter? Ha? Bakit?” Inilalim ko ang aking mga kamay sa mesa nang magkahawak. Humuhugot ako ng lakas ng loob at salitang isasagot – bagay na nasa loob ko na naging dahilan ng aking pagpayag na umalis at sumama sa aking ama. “Dahil gusto kong mahanap ang sarili ko, ‘ma. Gusto kong makilala ang sarili ko… S-Sa totoo lang ‘ma, hindi ko alam ang eksaktong isasagot ko sa ‘yo. Pero, ‘ma, iyon ang…ang sinasigaw ng utak ko, ang sinasabi ng puso ko. Gusto kong maging buo. Hindi sa gusto ko kayong iwan. Gagawin ko ‘to ‘ma para sa sarili ko.” Pumatak ang luha sa mga mata ko. “Pakiramdam ko ‘ma, hindi na magiging normal ang buhay ko kapag pinalagpas ko ‘to. ‘Ma, noon pa ramdam ko na sa sarili ko na may kulang sa ’kin. Laging may tanong na hindi ko alam kung bakit ko natatanong? Na kung bakit narito ako ngayon sa kinalalagyan ko? Pakiramdam ko may lugar na dapat nando’n ako? At ito na ‘yon, ‘ma. Mararating ko na ang lugar na ‘yon. Masasagot na ang mga tanong ko. Kapag nando’n ako, malalaman ko na kung ano man ang dapat kong malaman sa sarili ko…” Pumikit si mama kasabay nang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata. Tumayo ako at nilapitan siya at niyakap. Tumayo si mama at tahimik na naglakad siya papasok ng kuwarto. Paglabas niya, may hawak na siyang patalim – ang balisong na lagi niyang dala kapag lumalabas siya ng bahay. Napaatras ako. “Ma, bakit hawak mo ‘yan?” tanong ko kay mama. Napatayo naman si papa. “Marina, ano ang binabalak mong gawin?” Simangot na tiningnan kami ni mama. “Sa tingin ninyo, sasaksakin ko kayong mag-ama?” saad niya sa amin. Tinago niya ang talim ng balisong sa hawakan nito. Humakbang si mama palapit sa akin. At inabot niya sa akin ang balisong. “Proteksiyon mo sa ibang mundo,” aniya. “Bagong hasa ‘yan at maaasahan laban sa masasamang loob.” Tahimik kong kinuha sa kamay ni mama ang balisong. “Pumapayag na po kayo, ‘ma?” ani ko nang harapin ko siya. Nilingon ni mama si papa. “Kapag may nangyaring masama sa anak ko, papatayin kita Virgilio. Siguraduhin mong hindi mapapahamak ang anak ko sa poder mo!” may bantang pagbibilin ni mama sa aking ama. Pumapayag na nga si mama. Tumango ang aking ama. “Itataya ko ang aking buhay upang mapangalagaan ang ating anak,” tugon niya kay mama. ~ LUMABAS KAMI ng pinto ng aking ama. Isinara ko ang pinto – pagsasara sa dati kong buhay. Ngayon kasama ng aking ama, haharap ako sa bagong buhay ko bilang aran na siyang lahi ni papa. May dala akong bag na may ilang damit at nasa bulsa ng suot kong maong na pantalon ang balisong na bigay ni mama. Kanina habang nag-iimpake ako ng mga gamit sa backpack ko ay tahimik lamang si mama. Nang magpaalam ako sa kanya, isang mahigpit na yakap ang ibinigay niya sa akin at walang salitang binigkas. Alam kong nasasaktan si mama ngunit ibinigay niya ang pahintulot na umalis ako dahil alam niyang iyon ang labis kong gusto. “Handa ka na ba, Peter?” tanong ni papa. Sinuri niya ang paligid na kinaroroonan namin upang masigurong walang makakakita sa paglipad namin. Batid niya na hindi pangkaraniwan ang paglipad sa mundo ng mga tao. Bigla kong niyakap si papa, ngayon ko lamang siya mayayakap nang mahigpit. “Salamat po sa pagdating n’yo, ‘pa,” sambit ko. Naramdaman ko ang pagtugon ng aking ama sa aking yakap. “Patawad anak, kung natagalan ako. Kailangan kong respetuhin ang sinaad noon ng iyong ina. Iniwan ko siya sa gitna nang kanyang pagbubuntis sa iyo upang pagharian ang aking kaharian.” Naghiwalay kami ni papa. “At ngayon, iiwan ko siya upang maging hari,” sambit ko. “Isasalaysay ko sa iyo ang lahat. At malalaman mo rin ang dahilan kung bakit kailangan kitang kunin, Peter.” Hinawakan ni papa ang kamay ko at may hanging bumalot sa akin. “Sa ngayon, kailangan na nating umalis,” aniya at bigla na kaming umangat sa hangin. Mabilis ang aming naging paglipad, agad kaming nasa ibabaw na ng mga ulap. Huminto kami. Manghang-mangha ako at hindi makapaniwala! Parang panaginip lang, ngunit totoong-totoo! Para akong si Superman! Pinagmasdan ko ang mga ulap. Mabilis ang kabog sa dibdib ko – ngunit hindi ito kaba kundi pagkasabik. Awtomatikong gumuhit ang ngiti sa labi ko. At punong-puno ako ng excitement! “Matutunan mo rin lumipad, Peter,” saad ni papa. “Talaga po?” sabik na nasambit ko. Tumango si papa. “Oo, Peter. Dahil anak kita. Isa kang dugong bughaw. Nananalaytay sa mga ugat mo ang kakayahang taglay ng isang may dugong bughaw,” hayag ng aking ama na mas nagpa-excite pa lalo sa akin. “Hindi na ako makapaghintay,” galak na nasabi ko. “Kaya tayo na sa Lanarra.” “La-Lanar-ra?” “Ang mundong pinagmulan ko. Ang mundo kung nasaan ang ating kaharian, ang Arahandra,” sagot ng aking ama. “Arahandra?” nakangiting nasambit ko. Nagpatuloy kami sa paglipad, pataas pa nang pataas. Nasa outer space na yata kami? May biglang malakas na hanging tumama sa amin at napapikit ako. Dinig ang ihip ng hangin na sinalubong namin. At sa pagdilat ko, paibaba na ang paglipad namin. At nasa ibang mundo na kami. Alam kong wala na ako sa mundo ng mga tao. Kakaiba na ang lugar sa ibaba. At may mga kakaibang ibon pang nakasabay kami sa paglipad, mga kulay asul na ibon na ang mga mahahabang buntot ay may iba’t ibang kulay. Ang kabog sa dibdib ko ay hindi na lamang pananabik habang pababa kami nang pababa kundi may kaba na. Dahil hindi ko alam ang mundong naghihintay sa akin. Bumagal ang aming paglipad habang at napagmasdan ko ang paligid. “Peter?” Nilingon ko si papa nang marinig ko ang pagsambit niya sa pangalan ko. “Ito ang ating kaharian, ang Arahandra!” nakangiting pakilala niya sa napakagandang lugar na nakikita ko. Huminto kami at binitiwan ako ng aking ama. Hindi ako nahulog dahil may hanging nakapalibot pa rin sa katawan ko na siyang nagpapalutang sa akin. Hinarap ako ni papa at hinawakan ako sa magkabilang balikat. “Miyembro ka ng Agila, ang bughaw na pamilya. Anak kita, na isang hari, ang hari ng kahariang ito ng Arahandra. Mula ngayon, ikaw ay kikilalaning si Prinsepe Peret Agila. Ang sunod na magiging hari ng Arahandra!” saad niya. Muling bumilis ang pintig ng puso ko at napakuyom ang aking mga palad. Halo-halo na ang nararamdaman ko. At may katanungang isinisigaw ang utak ko, ‘Makakaya ko ba?’. “Agila ang apelyido ng ating pamilya?” tanong ko. “Oo, anak. Iyon nga ang ating pamilya,” tugon ng aking ama. “Peter Agila,” nakangiting sambit ko sa bago kong pangalan. Hinarap namin ni papa ang paligid at napagmasdan ko ang lugar. Mga sementado ang gusali at ibang-iba sa mga gusali sa mundo ng mga tao. Halos lahat kulay abo at puti ang gusali na may matataas din na mga building. At ang mga bubong ay iba’t ibang shade ng kulay asul. Masasabi kong parang city ang lugar na may maraming mga puno’t halaman sa paligid. Marami ang naglalakad na aran, kakaiba ang mga suot at lahat may kasamang kulay asul sa kasuotan na ang ilan ay may mga sombrerong asul at may mga naka-hood din. Naghahanap ako ng kakaibang nilalang ngunit wala akong makita. “Lumilipad na sasakyan?” ‘di makapaniwalang komento ko nang may makita akong mga sasakyang nakalutang na mabilis ang pag-andar sa hangin, para itong motorsiklo. “Hi-tech!” “Pinapatakbo ang mga sasakyang iyan ng langis mula sa asul na kristal,” wika ni papa. “Asul na kristal?” Nakangiting nilingon ako ni papa. “Malalaman mo rin ang lahat na nais mong malaman sa mundong ito at ating kaharian, Peter,” saad niya. Muli akong hinawakan ni papa sa braso. “Hinihintay na tayo sa palasyo ng ating mga kapamilya.” “Sige po,” tugon ko sa aking ama. Muli na naman akong nagkaroon ng kaba – naroon ang takot na baka hindi ako magustuhan ng mga bago kong makikilala lalo ng ng miyembro ng pamilya Agila. Lumipad kami sa ibabaw ng mga gusali. Mabilis ang aming paglipad kaya hindi ko gaanong napagmasdan ang ibaba. “Wow!” nakangangang reaksiyon ko. Sa unahan namin may nakalutang na palasyo na abot na sa mga ulap. Nakatayo ang palasyo sa bato at sa ilalim ay may malaking asul na kristal na patulis paibaba ang dulo. Sa paligid ng palasyo ay may kakahuyan. Isang islang batong nakalutang ang kinaroroonan ng palasyo. Nadaanan namin ang mga nakaasul na aran, ang ilan sa tingin ko ay mga kawal o sundalo. Mga uniform ang suot nila at may mga espada. Ang ilan naman ay mga mahabang sandata ang hawak na patalim ang dulo. “Dumating na ang mahal na hari!” narinig kong sigaw mula sa lalaki na buong-buo ang boses pagkalapag namin ng aking ama sa tapat ng malaking dalawang pinto ng palasyo. Sa isip ko, natatanong ko kung nangyayari pa talaga ito? Pinaghalong amazed at kaba na ang nararamdaman ko. Sa paligid namin bigla na lang naka-formation ang mga sundalo at ang ibang aran na iba ang asul na kasuotan – nakaharap silang lahat sa amin. Sumaludo ang lahat sa amin – pero sa tingin ko sa ama kong hari lang sila nakasaludo bilang paggalang. “Maligayang pagbabalik, mahal na Hari!” sigaw ng lahat. May ngiting tumango sa kanila si papa bilang pagtanggap sa pagsalubong sa kanya ng kanyang mga nasasakupan. “Peter, maligayang pagdating sa ating palasyo,” saad sa akin ng aking ama. “Ipapakilala kita sa lahat sa araw ng pagtitipon.” “Pagtitipon?” Nilingon ako ni papa. “Isang pagdiriwang para sa prinsepe ng Arahandra,” aniya at ngumiti siya. Ako ang tinutukoy ng aking amang hari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD