CHAPTER 1: Ako Si Peter

2797 Words
(OCTOBER 2021) ~ NABUBUHAY AKO sa mundo na parang ewan? Laging may hinahanap. Laging may kulang. Hindi dahil sa lumaki akong walang ama, kundi talagang isang malaking tila malawak na kadiliman ang aking buhay. May hinahanap ngunit hindi ko alam kung ano ang gusto kong makita. At may mga katanungan na hindi ko alam kung ano ang posibleng kasagutan. Ako si Peter Agila. Ang mga bagay na iyon ang laging mga katanungan ko… Dumilat ako, ika-labindalawa ng buwan ng Oktobre ngayon. “Twenty-one na ako, birthday ko ngayon,” halos pabulong na sambit ko at mapait na napangiti ako. Nakahiga ako sa banig na may saping kumot na nakalatag sa sahig, ang gabi-gabi kong tulugan sa sulok ng maliit na kuwarto ng aming bahay na kalahating semento at kalahating plywood. Lumingon ako sa kaliwa ko, nasa tabi ko ang bunso kong kapatid na lalaki at katabi naman niya ang isa ko pang nakababatang kapatid na babae. Sa pagbangon ko ay napansi kong wala na sa higaan si mama, at si… ang asawa niya, step-father ko. Nasa isang kuwarto lamang kami natutulog, nag-iisang kuwarto lang naman kasi ito na plywood lang ang humihiwalay sa sala namin at kusina. Jeepney driver ang step-father ko at sumasama si mama rito. Hindi pa sila kasal, pero mukhang hindi na nila plano pa ‘yon kahit sa huwes man lang. Ang dalawa kong nakababatang kapatid ay kapatid ko lamang kay mama. Mula nang isilang ako, hindi ko na nakilala pa ang totoo kong ama, ni pangalan at picture ay wala. Nang mag-labing-isang taong gulang ako, muling nag-asawa si mama, si Tiyo Nestor. Agad silang nagkaanak, naging panganay nila si Marie at sumunod si Nico, mga nakababata kong kapatid na siyam at pitong taong gulang. Tahimik akong lumabas ng kuwarto at agad tinungo ang kusina habang nagpupunas ng muta. Nagtimpla ako ng kape para mag-almusal, may pandesal at palamang peanut butter sa mesa, ito rin ang almusal nina mama at Tiyo Nestor bago mamasada. Pasikat pa lang ang araw, 5:30 pa lamang nang umaga, sa bahay lang naman ako ngunit kailangan laging magising nang maaga araw-araw. Sa araw na ito, may schedule na ang mga gagawin ko sa buong maghapon na siyang routine ko na sa bawat araw kahit pa kaarawan ko ngayon. Ito na talaga ang gawain ko sa bahay, parang katungkulan ko na bilang panganay. Noong nakaraang taon, walang selebrasyon para sa birthday ko, bumili lang ng lutong bihon si mama na pinagsaluhan namin. Malamang kahit pa debut ko ngayon ay gano’n pa rin. Habang tulog pa ang mga kapatid ko ay maliligo muna ako, pagkatapos ay lalabhan ang mga labada, tapos no’n pakakainin ng almusal ang mga kapatid ko kapag nagising na sila, tapos tuturuan ko sila sa mga modules nila, tapos naman maghahanda ako ng tanghalian, pagkakain muling magtuturo ng modules para sa pag-aaral nina Marie at Nico, at bago sumapit ang gabi ay maghahanda naman ako ng hapunan at sabay-sabay kaming kakain pagdating nina mama at Tiyo Nestor. ~ KINUHA KO ang dalawang piraso ng Lucky Me instant noodles sa ibabaw ng maliit naming ref na hindi naka-plug at kumuha na rin ako ng isang itlog sa loob nito. Gising na ang mga kapatid ko kaya ipagluluto ko na sila ng almusal, nakapagtimpla na rin ako ng gatas nila, iniinom nila ‘yon habang naghihintay na makapagluto ako. Nakapagsampay na rin ako kanina ng mga nilabhan ko. Nang mailuto ko ang noodles na may itlog, agad ko na itong hinain sa mga kapatid ko. “Pagtapos n’yo d’yan mag-toothbrush kayo at maligo na agad,” sabi ko sa kanila. “Kuya, kain ka na rin,” sabi sa ‘kin ng kapatid kong babae na si Marie, habang ang bunso naming kapatid ay iniihipan ang pagkain niya. “Kapag may natira kayo, kakainin ko. Nakapag-almusal naman na ako kanina,” tugon ko na lang. Malakas na kumain si Nico, makakaya nila maubos ang niluto ko. “Bilisan n’yo kumain sasagutan pa natin ang mga module n’yo,” sambit ko at nagpaalam na muna ako sa kanila. Pagkatapos nila kumain huhugasan ko pa ang mga pinagkainan nila. Nagpipresenta naman si Marie na tulungan ako sa mga simpleng gawain tulad ng paghugas ng plato’t baso, kaso ilang ulit na siyang nakabasag ng baso kaya sabi ni mama huwag ko na hayaang gumawa siya. At dagdag pa ni Tiyo Nestor do’n, ito lang naman daw ang ginagawa ko maghapon kaya ako na lang. Pumunta ako sa sala na tatlong hakbang lang mula sa kusina namin, may upuang sira-sira na ang kutson kaya binalutan na lamang namin ng kumot. Nagbukas ako ng f******k account ko sa luma kong cellphone, gusto kong makita kung may mga bumati man lang ba sa akin ngayong birthday ko. Kung wala naman, wala namang kaso sa akin ‘yon. Sanay na ako. Napangiti ako, dahil kahit paano ay may tatlong friend ako sa f******k ang bumati sa akin. Na kahit paano, inasahan ko nang kunti. “Salamat, bro.” “Thank you, bro.” “Uy, salamat.” Reply ko sa kanila. Mga kaklase ko sila sa Tanay, Rizal noong high school ako. Nakapagtapos silang tatlo ng college hindi tulad ko. Ang tatlong iyon ang naging malapit na kaibigan ko doon sa lugar namin, sina Jose, Albert at Ramon. Noong bata pa ako, madalas akong ma-bully. Tawag sa ‘kin ng mga kapwa bata ko noon ay anak ng baliw. Maging sa mga matatanda sa baryo namin ay naririnig ko na tinatawag na baliw si mama. At lumaki akong ilag sila sa mga tao dahil do’n. Na minsan pakiramdam ko mag-inang baliw talaga kami ni mama. Tinatawag pa nila ako minsan na anak ng maligno, dahil wala akong nakilalang ama at hindi alam ng mga tao sa baryo na may naging karelasyon ang mama ko. Buong buhay ko, tinatanong ko kay mama kung sino ang papa ko. Tanong na madalas niyang tanggihan kapag babanggitin ko sa kanya, hindi ni mama masagot ang tungkol kay papa, maging pangalan at kung may picture ba si papa na natatago niya. ‘Wala’, iyon ang consistent na sagot ni mama. Mag-i-scroll pa sana ako sa f******k, pero in-off ko ang cellphone ko, mas pinili kong ‘wag nang tingnan ang mga post ng mga sss friends ko. Dahil ayaw kong makita ang mga post ng mga dati kong kaeskwela na mga nakapagtapos ng pag-aaral at may magagandang trabaho na. Naiinggit ako. Inggit na inggit. Dahil ako, ganito lang ang buhay ngayon. Hindi nakapagtapos at nagbabantay ng mga kapatid. Nagtrabaho ako noon sa construction site ngunit nahinto nang magkapandemya. Kaya ngayon buong araw lang akong nakakulong sa bahay. Medyo tinatalikuran ko na rin ngayon ang mga pangarap na dati kong hinabi sa utak ko. Hindi naman sa pagmamayabang pero matalino ako, sa katunayan, valedictorian ako noong high school. May nakuha sana akong scholarship para sa college ngunit wala naman kaming panggastos para sa iba pang pangmartikula. Lalo na noong panahong iyon ay may mga kapatid na ako at walang namang matinong trabaho si Tiyo Nestor, at si mama naman ay nasa bahay lang nagbabantay ng mga bago niyang anak at nagtatanim sa bakuran namin ng mga gulay. Na kahit paano ay naititinda pero madalas ay iyon na ang pagkain namin sa mesa. Ilang buwan lang matapos ang graduation ko ng high school, nagpasyang lumipat sa Maynila sina mama at Tiyo Nestor nang alukin si Tiyo Nestor ng kapatid niya na magmaneho na lamang ng jeepney upang may arawang kita. Pa-sideline-sideline lang kasi si Tiyo sa kahit anong maaring mapasukan noon. Pagdating dito sa Maynila, nagtrabaho na ako bilang construction boy, tinulungan ako ni Tiyo Nestor, pinakilala niya ako sa kakilala niya. Nagbibigay ako kay mama ng pera habang nagtatrabaho sa construction. Ngunit may naipon pa rin ako sa loob ng dalawang taong pamamasukan, na kahit pa gutumin ko ang sarili ko may maitabi lang sa sinahod ko. Dahil balak kong ituloy ang pag-aaral ko. Ngunit nang magkapandemya noong nakaraang taon ay huminto ako sa trabaho, naputol ang pag-iipon ko at ang mga naipon ko ay nagastos namin nang mahinto rin sa pamamasada ng jeep si Tiyo Nestor. Kaya ngayon, wala na akong natatagong pera, lumabo na ang pag-asang makapag-aral pa ako. At nang muling makapagbyahe si Tiyo Nestor ay sumama na si mama sa pagpapasada at ako na ang tumukang magbantay sa mga kapatid ko dahil hindi na ako nakabalik sa trabaho ko. Nakatakas kami ni mama sa mga mata ng mga kababaryo naming tinatawag kaming baliw na wala namang basehan ngunit hindi sa kahirapan. At dahil do’n, lagi kong naiisip na kung hindi sana kami iniwan ng ama kong hindi ko nakilala ay maaring iba ngayon ang buhay namin mag-ina. Naiisip kong baka sakaling nakapag-aral ako at may maganda na akong trabaho ngayon, at baka may girlfriend na rin ako. Kung buo lang sana ang pamilya namin baka naging napakasaya ko. Makasariling pag-iisip dahil kung iyon ang nangyari ay wala akong mga kapatid ngayon. Ngunit hindi ko maiwasang pangarapin ‘yon. ~ ALAS-SINGKO NANG hapon nakatanggap ako ng text mula kay mama na huwag na akong maghanda ng hapunan. Pagdating ni mama at Tiyo Nestor kinagabihan, may dala silang maliit na bilao ng pansit canton na halagang 200 pesos at mga hiwa-hiwang prito ng manok na binili sa gilid ng kalsada, at isang maliit na cake na halagang dalawang daan din. Awtomatiko akong napangiti, kahit paano may handa ako sa birthday ko ngayong ika-21 years old ko. “Happy birthday, ‘nak!” bati sa ‘kin ni mama pagkalapag niya sa mesa ng hawak niyang pagkain tapos niyakap niya ako at hinalikan sa pisngi. Ngumiti ako kay mama. “Thank you, ‘ma,” pagpapasalamat ko sa kanya. “Birthday mo pala, kuya?” tanong ng kapatid kong si Marie. “Wow! May chicken at cake!” galak na sabi naman ng bunso naming kapatid na si Nico. “Pambihira kayong dalawa, hindi ninyo pa pala binati ang kuya n’yo,” pabirong sita ni Tiyo Nestor sa mga anak niya. Tinapik niya ako. “Happy birthday, Peter,” bati niya sa ‘kin. Matipid akong ngumiti. “Salamat po,” ani ko. “Kain na tayo!” masayang anyaya ko sa kanila. Oo, totoong masaya ako dahil hindi ko ito inasahan. Pero natunugan ko na kanina nang matanggap ko ang text ni mama. Masaya ako na kahit pa’no may handa ako ngayong araw at nagsi-celebrate kami. Pero sa kabila ng saya ko ngayon, sa loob ko, may lungkot at sama ng loob na hindi nawawala. Aksidenteng narinig ko noon na nag-uusap sina mama at Tiyo Nestor habang pinagpaplanuhan pa lamang ang paglipat sa Maynila. Sinabi ni Tiyo Nestor kay mama na huwag na akong isama pa-Maynila at iwanan na lamang doon sa Tanay, Rizal. Dati ko nang hindi makasundo si Tiyo Nestor no’n nang bago pa lang silang nagsama ni mama tapos narinig ko pa ang bagay na ‘yon. At hanggang ngayon, nakatatak iyon sa isipan ko, rason kaya hindi ko lubusang mapakita ang pagmamahal ko sa dalawa kong kapatid. At kay mama, nagkaroon na rin ako nang sama ng loob kahit pa nilaban niya na isama ako kaya narito ako. Ang pakiramdam ko noon hanggang ngayon, ay mag-isa na lamang ako. Laging sumasagi pa rin sa utak ko na hindi nila dapat ako kasama rito sa Maynila at mag-isa akong naninirahan ngayon sa Tanay, Rizal. Nais ko man bumukod, ngunit saan naman ako pupunta? Lalo na sa panahon ngayon na mahirap pa rin maghanap ng trabaho. Alangan namang magpalaboy ako sa kalsada. Pinilit kong iwaksi ang mga negatibong naiisip ko, upang maging masaya na lang sa araw na ito nang ika-dalawamput-isang kaarawan ko. Sinindihan ni Tiyo Nestor ang kandila sa cake. Kinantahan nila ako ng ‘happy birthday’ tapos inihipan ko ang kandila. “Ano’ng wish mo, ‘nak?” tanong ni mama. “Po?” “Kuya, wish mo. Dapat may wish,” nakangiting sabi ni Marie. “Akin na lang ‘yon,” nakangiting sabi ko. May hiling naman talaga ako, na tila imposible pero hiniling ko pa rin. Na sana kahit isang araw lang ay makita ko ang tunay kong ama. Nais kong maramdaman ang pakiramdam na ‘yon, pakiramdam na hindi mabigay sa ‘kin ni Tiyo Nestor at hindi ko rin maparamdam sa kanya. Pinagsaluhan namin ang handa sa birthday ko. Si mama pa ang naglagay ng pagkain sa plato ko. Siguro musmos pa ako nang huling gawin niya sa akin ‘to. “Coding bukas, walang byahe. Mahal, shot kami ni Peter?” sabi ni Tiyo Nestor. Napatingin ako sa kanya at kay mama. Kahit kailan hindi ko pa nakasamang uminom si Tiyo. At matagal na rin akong hindi nakakainom ng alak, mula nang mawala ako sa construction site. Kahit dumaan ang pasko at bagong taon no’ng nakaraan, hindi ako tumagay kahit kunti. Sa totoo lang, kung may paboringan ng buhay, puwede akong sumali. “Oo naman! Debut ng anak ko, kahit hindi ka magyaya, ako ang mag-aaya,” masayang sabi ni mama. Napangiti ako. Dahil gusto ko kahit paano sulitin talaga ang gabing ito ng kaarawan ko. Pinukol ko ng tingin ang mga kapatid ko, sarap na sarap sila sa pagkain ng handa sa birthday ko. ~ “ANAK, AKO na dito,” sabi ni mama. Tapos na kami uminom at natutulog na si Tiyo Nestor sa kuwarto. Naghuhugas ako ng mga nagamit naming mga plato at baso. “Ako na po, ‘ma, ‘di naman ako nalasing,” tugon ko. Walang salitang bigla akong niyakap ni mama. “Sorry, ‘nak, ‘yong handa mo lang ang puwede naming ibigay na regalo sa ‘yo,” sambit niya. “Ayos lang po ‘yon, ‘ma. Masaya po ako. At nagpapasalamat,” tugon ko. Tinapik-tapik ni mama ang likod ko. “Hindi ko namalayan kung kailan ka naging matured nang ganito, anak? Sana… hindi ka galit kay, mama, ha?” Natigilan ako, hindi ko inasahan ang mga salitang iyon mula kay mama. Alam niya kaya ang sama ng loob ko sa kanya? Sa kanila? Sa buhay na ‘to na meron kami ngayon? Pinagmasdan ako ni mama at hinaplos niya ang buhok ko. “Binatang-binata na ang Petpet ko,” aniya. No’ng bata ako, Petpet ang tawag niya sa akin. Ngayon na lang ulit ko narinig ‘yon mula sa kanya. Nais kong sumagot na hindi ako galit, ngunit hindi ko maibuka ang bibig ko. Dahil sa loob ko, may sama ng loob ako kay mama na hindi mawala mula nang mabuo sa isip ko na hindi niya ako gusto na lumalim nang may ibang taong dumating sa buhay niya. Noong bata pa ako, madalas akong paluin ni mama, sinisigawan at sinisisi. Na hindi ko alam kung bakit. Galit sa akin si mama, hindi niya ako gusto, iyon ang naaalala ko noon na nararamdaman niya sa akin sa tuwing dumadantay sa balat ko ang kanyang pamalo. Sa tuwing hinahanap ko at tinatanong sa kanya ang tungkol sa papa ko ay nagagalit siya at pinapalo ako. Ang sama ng loob ni mama sa pag-iwan sa amin ng aking ama na hindi ko nakilala ay sa akin niya binabaling. ~ TINUTURUAN KO ang mga kapatid kong sagutan ang mga modules nila. Habang abala si mama sa paghanda ng tanghalian namin at nagpapahinga naman si Tiyo Nestor sa kuwarto, may hangover pa siguro. Napatingin ako sa pinto naming plywood nang biglang may malakas na kumatok. Balak pa yatang sirain ang pinto namin. Napatingin din si mama sa pinto. Bakas ang pagtataka kay mama, wala naman kasi kaming inaasahang bisita. “Ako na, ‘nak,” wika ni mama nang tatayo na sana ako para pagbuksan ang kumakatok sa labas ng pinto. Tumango na lang ako. Nakatingin lang ako sa pinto upang makita ang taong kumakatok kapag binuksan ito ni mama. At pagkabukas ni mama, isang balbas saradong lalaki ang naroon na kumatok sa pinto at may kakaiba itong asul na kasuotan. Hindi ito madungis. At kakaiba man ang suot, mukha itong maayos. Nahiwagaan ako sa lalaking ang werdo ng datingan. Basta kakaiba talaga siya. Napaatras si mama sa pagkakita niya sa lalaki, bakas sa mukha ni mama ang pagkabigla. Nagtaka ako sa ikinilos ni mama, pero kahit ako rin ganoon din ang naging reaksiyon. Napatayo pa ako dahil sobrang kakaiba talaga na may biglang ganyang tao ang ayos na kakatok sa pinto n’yo. Nagulat talaga ako sa hitsura ng ekstrangherong lalaki na may edad na, sa palagay ko kaedaran na ito nina mama at Tiyo Nestor. Hindi ko maiwasang pagmasdan ang lalaki at napatingin din ito sa akin bago muli nitong nakangiting tiningnan si mama. “V-Virgilio?” gulat na reaksiyon ni mama. “Kumusta ka, Marina?” nakangiting bati naman ng lalaki kay mama. “Sino siya?” nasambit kong katanungan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD