"Are you sure na okay lang sa'yo na pumunta ako sa birthday ni Loisa bukas, Babe?" tanong sa akin ni Darwin habang kumakain na kami ng tanghalian.
Tumigil ako sa pagsubo at tiningnan ko si Darwin. Kita ko sa mga mata niya ang excitement habang hinihintay ang aking kasagutan. Kaya naisip ko kung ano na lang ang magiging reaksiyon niya kapag hindi ko siya pinayagan.
"Okay lang, Babe. 'Di ba sabi nga niya ay darating ang iba niyo pang mga kaklase? Chance mo na para makita at makamusta sila," sagot ko sa kaniya sabay pilit na ngumiti. Lalo namang lumiwanag ang kaniyang mukha.
"Thank you, Babe! Sigurado kasi na kapag nagkatrabaho na ako ay wala ng chance na makita ko sila. Ang bait talaga ng asawa ko!" aniya na kulang na lang ay tumalon sa sobrang saya.
Nginitian ko nang ubod tamis si Darwin kahit na hindi iyon ang laman ng aking isipan. Hindi lang ako nagpapahalata dahil sa kagustuhan ko rin na sumaya siya. Ayoko rin naman na hadlangan ang mga bagay na nagpapa saya sa kaniya kahit na mag-asawa na kami. Tahimik na kaming nagpatuloy sa pagkain ngunit napapasulyap ako sa aking asawa. Magana siyang kumakain na kabaliktaran ko naman. Kahit gutom ako ay halos hindi ko malunok ang pagkain. Bukod sa hindi masarap ang ulam ay sumsagi sa isipan ko ang pagmumukha ni Loisa.
"Ako na ang magliligpit ng kinainan natin, Babe. Magpahinga ka na at alam kong pagod ka na sa kakalinis kanina," sabi sa akin ni Darwin nang matapos na kaming kumain.
"Okay lang ako, Babe. Kaya ko na 'to. Kailangan ko na ring masanay sa mga gawing bahay."
"Hindi, Babe. Ako na 'to," maotoridad niyang sabi.
Hindi na ako nagpumilit pa. Tumayo na lamang ako ngunit muling naupo sa sala habang tinitingnan ang aking asawa na abala sa pagliligpit. Kita ko na masaya siya at pasipol-sipol pa. Naisip ko tuloy kung ano o sino ang kaniyang iniisip ng mga oras na iyon.
"Baka si Loisa," sabi ko sa sarili sabay ismid.
Hindi talaga ako makampante habang pabalik-balik sa aking isipan ang mukha ng kaklase ni Darwin. Ang lagkit kasi ng tingin niya sa asawa ko. Halatang may gusto kay Darwin. At ang gaga hindi man lang nagpakipot kahit alam niya na andiyan ako at nakaharap. Paano na lang kaya kapag wala ako? Baka kung ano na ang gagawin niya sa aking asawa.
"Please lumayo ka sa isipan ko," wala sa sariling usal ko.
"Sinong lalayo, Babe?" narinig kong tanong ni Darwin na nagpahimasmas sa akin.
"Ha? Ah, eh wala naman, Babe. Antok... Oo ang antok ang pinapalayo ko," pagsisinungaling ko sa kaniya.
Tumawa naman si Darwin at sa tingin ko ay napaniwala ko naman siya.
"Halata ngang inaantok ka, Babe. Pumasok ka na kaya sa kuwarto at matulog. Tatapusin ko lang itong hugasin at susunod na rin ako," aniya sabay kindat sa akin.
Wala akong nagawa kundi sundin ang sinabi ni Darwin. Pumasok ako sa kuwarto at nahiga sa papag. Panay ang buntong-hininga ko. Patuloy ko pa ring tinatanong sa aking isipan kung tama ba ang ginawa kong pagpayag sa kaniya.
"Puwede ko pa sigurong bawiin ang sinabi ko sa kaniya. Pero ano naman ang idadahilan ko? Siguradong malulungkot siya. Ay Ewan."
Para akong nasisiraan ng ulo. Panay ang kausap ko sa aking sarili. Nagpasya na lamang ako na matulog ngunit paikot-ikot lang ako sa higaan. Ayaw man lang makisama ng aking katawan. May sampung minuto na ang nakakalipas ay hindi pa rin pumapasok si Darwin kaya bumangon na ako at muling lumabas. Nakita ko siyang nakaupo sa sala at may kausap sa cellphone. Dala ng aking kuryosidad ay nakinig ako.
"Oo nga. Pumayag na nga ang asawa ko. Kaya damihan mo ang alak ha? Matagal-tagal na tayong hindi nagkita kaya mahaba-habang usapan ang mangyayari," aniya sa kausap sabay tawa.
Nagulat ako sa aking narinig. Sa ilang taon naming magkarelasyon ni Darwin ay hindi ko pa siya nakitang uminom ng alak maliban kahapon. Pero heto siya, naririnig kong makikipag-inuman. Oo, ini-expect ko ng may alak dahil nga sa birthday ang kaniyang pupuntahan. Nagulat lang talaga ako sa sinabi niya. Para kasing may balak siyang magpakalango sa alak kahit na mababa ang kaniyang alcohol tolerance.
"Ako ang bahala sa asawa ko. Ako ang lalake kaya ako ang masusunod. Alangan namang magpa-under ako sa kaniya," sabi pa niya saka muling tumawa.
Nasaktan ako sa aking narinig. Wala naman akong balak na i-under si Darwin dahil naiintindihan ko naman ang aking papel bilang asawa. Na kailangan kong magpasakop sa kaniya. Hindi ko mapigilan ang pagpatak ng aking luha. Muli akong pumasok sa loob ng kuwarto dahil baka marinig ni Darwin ang paghikbi ko. Umupo ako sa gilid ng papag at tuluyan ko ng hinayaan ang pagbuhos ng aking mga luha.
"Bakit gano'n ang mga pananalita niya sa ibang tao? Masyado lang ba akong sensitive?" tanong ko sa aking sarili.
Hindi ko kasi inaasahan na marinig iyon sa kaniya. Nang mahimasmasan na ako ay muli akong nahiga ng patagalid. Naramdaman ko ang pagpasok ni Darwin sa kuwarto kaya mabilis kong ipinikit ang aking mga mata.
"Babe, tulog ka na ba?" tawag niya sa akin ngunit hindi ako sumagot. Pinanindiganan ko na ang aking pagpapanggap.
Naramdaman kong lumapit siya. Panay ang hilig ko na hindi niya ako patitihayain dahil sa makikita niyang umiyak ako. Laking pasalamat ko na hindi iyon nangyari at nilagyan niya ako ng kumot saka nahiga siya sa aking tabi. Niyakap niya ako at ilang saglit lang ay narinig ko na siyang humihilik. Dahan-dahan kong inalis ang kamay niyang nakadagan sa akin at pumihit ako paharap sa kaniya.
"Ang guwapo talaga niya kaya siguradong may gusto rin sa kaniya si Loisa," sabi ko sa aking isipan. "Pero sorry siya dahil ako ang asawa. At hindi ako papayag na maagaw siya sa akin. Ipinagpalit ko ang lahat ng meron ako sa pagmamahal ko sa kaniya kaya gagawin ko ang lahat para hindi ko iyon pagsisihan," sabi ko pa sabay haplos sa kaniyang mukha.
"Gising ka na, Babe?" tanong sa akin ni Darwin habang ang kaniyang mga mata ay bahagya lang na nakabukas.
Nagulat naman ako nang marinig ko siyang nagsalita. Huli na para magpanggap na natutulog ako kaya nagkunwari na lang ako na bagong gising.
"Uhmmm..." sagot ko sabay hikab.
Muli niyang ipinatong ang kaniyang kamay sa aking beywang at inilapit ang mukha niya sa akin. Dama ko na ang mainit na hanging lumalabas sa kaniyang ilong.
"Thank you, Babe," aniya.
"Thank you for what?"
"For saying yes na makipagkita ako sa mga kaklase ko."
Muli na naman akong nakaramdam ng pagkainis ngunit hindi ko ipinahalata sa kaniya. Paano ba naman kasi sa tuwing binabanggit niya 'yon ay mukha lang ni Loisa ang nakikita ko.
"Napag-usapan na natin 'yan 'di ba?"
"I know! Nakausap ko kasi si Dale sa phone. Kaklase ko rin siya. Nalaman ko na marami na rin kaming may mga asawa kaya marami rin ang hindi makakapunta. Hindi kasi sila pinayagan ng mga misis nila. Kaya nga naiinggit sila sa akin dahil sa ang swerte ko sa'yo kasi bukod sa super ganda na napakamaunawain pa," aniya at hinalikan ako sa noo.
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ng mga oras na iyon. Matutuwa ba ako sa papuri niya sa akin o maiinis sa aking sarili dahil sa mga naiisip kong negatibo tungkol sa kaniya. Lumalabas tuloy na napaka-judgemental kong tao.
"Do I have a choice?" tanong ko sa kaniya.
Tila nawala ako sa aking sarili at nagulat din ako kung bakit lumabas iyon sa aking bibig. Pero huli na at nasabi ko na sa kaniya. Tuluyan naman ng idinilat ni Darwin ang mga mata nang marinig ang sinabi ko.
"W-what do you mean, Babe? Na napipilitan ka lang? Ganon ba, ha?" tanong niya habang nakakunot ang noo.
Hindi ako kumibo at ipinikit ko na lamang ang aking mga mata. Hindi ko kasi alam kung paano ipaliwanag sa kaniya ang lahat.
"Amber, I'm talking to you. Please explain to me kung ano ang ibig mong sabihin." May himig ng naiinis ang tono ng boses ng aking asawa.
"Matulog pa tayo at inaantok pa ako," pagdadahilan ko sa kaniya para hindi na niya ako kulitin pa.
Hindi na siya nagsalita ngunit hindi ko mabilang kung ilang beses siyang napabuntong-hininga hanggang sa tuluyan na siyang bumangon. Naramdaman kong bumukas ang pinto kaya kahit na 'di ako dumilat ay alam kong lumabas siya. Iniisip ko na baka nagpalamig lamang siya sa sala.
Pinilit kong makatulog ngunit bigo akong dapuan ni kaunting antok kaya nagpasya na lamang akong bumangon. Narinig kong may ingay na nanggagaling sa sala kaya lumabas ako.
"Hi, Ate!" nakangiting bati sa akin ni Denise nang makita ako. Abala ito sa pagkakalkal sa mga maliit na kahon na nakalagay sa istante.
"Hi! Ahmmm, Denise, napansin mo ba ang Kuya mo?" tanong ko sa kaniya nang hindi ko makita roon si Darwin.
"Nakita ko siya sa may tindahan pag-uwi ko kanina. Nag-iinuman sila ng mga kababata niya."
"What? At this hour?" bulalas ko na hindi maitago ang pagkainis sa tono ng aking boses.
"Ano pong mali ang uminom ng ganitong oras, Ate? Sa totoo lang normal na 'yan dito sa amin. Kahit umikot ka sa mga tindahan at kanto. Puro nagtatagayan ang makikita mo," sabi ni Denise na natatawa sa naging reaksiyon ko.
Gusto ko sanang sabihin na wala akong pakialam sa nakasanayan nila sa kanilang lugar. Ang ikinaiinis ko lang ay ang pakikipag-inuman ni Darwin.
"Saan ka pupunta, Ate?" tanong sa akin ni Denise nang papalabas ako ng pintuan.
"Pupuntahan ang Kuya mo."
"Naku, Ate. Iyan ang 'wag na 'wag mong gagawin. Bawal dito sa amin ang iniistorbo sa pag-iinom. Kusa rin 'yan uuwi kapag tapos na sila o 'di kaya eh hindi na niya kaya. Kaya mag-relaks ka lang diyan."
Nag-isip ako kung pakikinggan ko ba si Denise o ang sarili kong kagustuhan.
"Kung gusto mo, Ate ako na ang magtatawag kay Kuya para hindi halata."
"Talaga? Sige please."
"Oo ba. Maupo muna kayo riyan at kapag nakita ko na ang hinahanap ko eh tatawagin ko na si Kuya."
Naniwala ako kay Denise. Umupo ako habang tinitingnan siya ngunit ilang minuto na ang nakakalipas ay hindi pa rin siya umalis. Hindi na ako makatiis at tinanong ko na siya.
"Ano ba ang hinahanap mo riyan?"
Itinigil niya ang ginagawang pagkakalkal. Tumayo siya at humarap sa akin sabay kaskas ng palad sa suot na short.
"Ano kasi, Ate, eh. Naghahanap ako ng pera. Baka kasi may naisuksok dito si Inay. May bibilhin kasi akong project sa school kaso siguradong madaling araw na naman iyon darating," sagot niya habang nakangiti ng alanganin.
"Magkano ba ang kailangan mo?"
Biglang lumiwanag ang kaniyang mukha nang marinig ang tanong ko.
"Five hundred lang, Ate. Kasama na kasi ang baon ko."
Napalunok ako ng aking laway. Kung noong nasa amin pa ako ay barya lang sa akin ang limandaang piso. Pero ngayong nasa powder na ako ni Darwin ay malaking halaga na iyon lalo at pareho pa kaming walang trabaho.
Naalala ko na may ibinigay sa aking pera si Nicole kaya naisip ko na bawasan na lang iyon para maibigay ko kay Denise.
"Ate, may pera ka ba?"
"Ah, sige kukunin ko lang sa loob."
Pumasok ako sa loob ng kuwarto at naiwan ko si Denise na hanggang tenga na ang ngiti. Kinuha ko ang aking wallet na itinago ko sa pagitan ng aking mga nakatuping damit. Binilang ko ang pera at limang libo din iyon. Kinuha ko ang five hudred na ibibigay ko kay Denise saka ko muling ibinalik ang aking wallet.
"Pauwiin mo na ang Kuya mo ha?" bilin ko pa kay Denise nang maibigay ko na sa kaniya ang pera.
"Oho, Ate," tugon niya na hindi na ako matingnan at abala na siya sa pagsusuot ng sapatos.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Umupo ako sa sala at matiyaga kong hinintay ang aking asawa. Ngunit ilang oras na ang nakakalipas ay wala pa rin ni anino ni Darwin ang nakakauwi hanggang sa nakaramdam na ako ng gutom. Hindi ko naiwasan ang mapaluha.
"Ito na ba ang simula?" tanong ko sa aking sarili.