HINIHINGAL at tagaktak ang pawis ni Moira nang tumigil siya sa pagtakbo. Magkakalahating oras na siyang nagda-jogging paikot sa tinitirhang subdivision, at dama na niya ang pagod kaya naupo siya sa gilid ng kalsada habang humuhugot ng malalalim na hininga. Isang linggo na buhat nang matapos ang unang semestre. Hindi natuloy ang balak nilang bakasyon nina Perrie kaya sa buong linggo na iyon ay nasa bahay lang siya. Hindi nakatulong ang bakasyon na ito sa kanya. Kung noong busy siya sa eskuwela ay nahihirapan na siyang alisin sa isip si Slater; mas lalo na ngayon. Kaya para maiwasang isipin ang binata ay buong araw niyang ginagawang abala ang sarili. Nang mabawasan na ang kanyang hingal ay tumayo siya at nagtungo sa convenient store sa labas ng subdivision. Bumili siya roon ng ilang chips

