CHAPTER 4 - Pagkakakulong

1290 Words
Pagkakakulong HANGGANG makarating sa inuuwiang lugar ay normal pa rin ang mga kilos ni Milencio. Hindi mahahalatang may ginawa na namanng paglabag sa batas. Nakikipagbatian pa siya sa mga nadaanang kapitbahay na nakatambay sa gilid ng daan at harapan ng tindahan. Isang grupo ng mga nag-iinuman ang nag-alok ng tagay na agad naman niyang pinagbigyan. Pabalagbag niyang binitawan ang dalang bag sa kanyang paanan. Pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng suot na pantalon at lumapit sa tindahan. "Manang, pabili nga ng isang bilog at saka panghalo," aniya sa tinderang nagbabantay. "Mga tol, pagpasensiyahan niyo na itong nakayanan ko. Ala, eh. Olats pa rin. Walang delihensiya." Aniya habang tinatanggalan ng tansang takip ang bote ng gin gamit ang mga ngipin. Sinindihan muna niya ang bungad ng bote at nang sandaling mag-apoy ay saka iniabot sa isa sa nag-iinuman upang maisalin sa ginagamit na pitsel. "Ayos lang, tol. Alam naman naming bokya ang diskarte ngayon. Nag-abala ka pa nga, e. Kahit naman wala ayos lang." Sagot ng kapitbahay na inayunan naman ng ibang mga kainuman. Isang tagay pa ang tinanggap niya bago nagpaalam na maliligo muna dahil kating-kati na sa dami ng alikabok na dumikit sa balat. "Amoy lansangan pa mga, tol. Baka hindi na tablan ng shampoo ang buhok ko sa kapal ng dumi." Biro nito at saka walang anumang dinampot ang bag mula sa lapag at muling ipinatong sa balikat. Naglakad siya pauwi nang hindi mahahalatang ang bag na binabalewala ay naglalaman ng mga nakulimbat sa malaking bahay na pinanggalingan. Nang makapanhik sa iilang baitang ng hagdan ay normal lamang niyang binuksan ang lock ng pinto, gan'on din nang iyon ay isara. Walang kahina-hinala at kakaibang kilos na mapapansin sa kanya ang kahit na sinong nakatingin, o mapapatingin. Hindi mailap ang kanyang mga mata na para bang walang kinatatakutan, o pinangingilagan. Sino man ang makakita ay walang maiisip na may dala siyang malaking halaga at mga alahas sa loob ng itim na bag. Nang masigurong nakapinid na ang pintuan at ang bintanang hindi naman nagalaw ay saka pa lamang siya sumalampak ng upo at pinawalan ang itinagong kaba. "Akting na akting ka, Milencio. Dapat pag-aartista ang pinasok mo at hindi ang mga bahay na nakasarado ang mga pinto!" kantyaw nito sa sarili. Saglit pa ay tumayo na siya at may kinuha. "Kailangang maging maingat ako. Kaya diyan ka na muna." Mahina niyang pagkausap sa mga alahas at perang isinisilid sa isang lata ng biskwit na dati niyang nahingi sa isang lamayan. "Sa mga oras na ito ay tiyak na nadiskubre na ng ungas na guwardiyang may nakapasok sa bahay ng amo niya. Tiyak na pumuputok ang butse niya sa inis. Pasensya ka na, manong. Siguradong ikaw ang magpapaliwanag sa mga pulis. At ikaw rin ang masasabon nang husto ng mga amo mo. Pwedeng mawalan ka na rin ng trabaho dahil sa ginawa ko. Charge to experience mo na lang ang nangyari. Siguro naman sa susunod ay magiging alerto ka na. Dapat ay ginagawa mo nang maayos ang trabaho mo. Hindi 'yong paupo-upo ka lang at nakikinig ng sounds." Natatawa niyang sabi habang tila nakikita ang itsura ng gwardiyang naisahan. Pagkatapos ilagay ang lata sa lihim na taguan ay nagsalin siya ng alak sa baso. Ilang araw na sa kanya ang alak na tinitipid sa pag-inom. Tinatagayan lang niya ang sarili upang madaling makatulog. At dahil may pambili na, itinagay na niya iyon hanggang sa maubos. May tama na siya. Ramdam na niya ang pangangapal ng mukha at ang pag-init niyon. "Ayoko nang bumalik sa hoyo." Nagngangalit ang mga bagang at kuyom ang mga palad niyang sabi. Nagliliyab ang mga mata sa labis na poot na naglalatang sa loob ng dibdib. Inisang lagok na lamang niya ang laman ng basong nasa kalahati ang dami. At saka nagpawala ng malalim na buntong-hininga. Muling nanariwa ang malalim na sugat ng nakaraan. Naalala ang mga kasamahang nagtraydor sa kanya. Hindi niya malilimutan ang gabing iyon. Ang karanasan kung saan natuklasan niyang walang dapat pagkatiwalaan maliban sa kanyang sarili. Apat silang pumasok noon sa bahay na matagal na nilang sinusubaybayan. Matapos nilang limasin ang lahat ng pwedeng pakinabangan ay maingat na silang naglakad palabas. Nauna na ang tatlo niyang kasama dahil siya ang naging look-out ng mga ito. Palabas na rin siya nang biglang... "Tigil!" Utos ng isang tinig mula sa likuran. Kasunod ng sigaw na 'yon ang isang putok ng baril. Pinakiramdaman niya ang katawan kung may tama siya. Wala! Kung kaya nagkalakas loob siyang tumalilis. ''Isang hakbang mo pa bata ay tutuluyan na kita!" Babala ng boses lalaki. Natakot na siya. Pakiramdam niya ay hindi nagbibiro, o nananakot lamang ang lalaki. Talagang tutuluyan siya nito. Hindi na nga siya kumilos. Ang paghakbang na binalak niya ay hindi na itinuloy. "Taas ang kamay! Dahan-dahan kang humarap dito!" Utos nito sa kanya na agad niyang sinunod. Nakita niyang nakatutok sa katawan niya ang dulo ng baril na hawak ng lalaki. Alam niyang ito ang may-ari ng bahay. Katabi nito ang guwardiya na ang de-sabog ay nakatutok din sa kanya. Nanlamig ang buo niyang katawan. Nangalog ang kanyang mga tuhod sa matinding takot. Nakaumang sa kanya ang karit ni kamatayan na sa isang maling pagkilos ay papagot sa hininga niya. Wala siyang nagawa nang lapitan ng guwardiya at ubod lakas na sikmuraan gamit ang puluhan ng baril nito! Nakangingilong pagdaing ang nanulas sa kanyang bibig. Napaluhod siya sa sakit na naramdaman. Ngunit hindi pa roon nagtapos. Isang palo sa batok niya ang nagpawala ng kanyang ulirat. Nang magkamalay dahil sa malamig na tubig na tumama sa kanyang mukha ay naroon na siya sa isang kwartong ang ilaw ay may talukbong at tanging sa kanya lamang nakatutok. Tanging mga pantalon at mga sapatos na lamang ng mga nakapalibot sa kanya ang nakikita niya. Tiniis niya ang lahat ng ginagawang pagpapahirap ng mga otoridad sa kanya. Suntok sa sikmura, hita at tagiliran, tadyak sa dibdid at likod, malakas na pagbatok at pagsiko sa ulo niya, at kung ano-ano pa. Hindi siya pinatatamaan ng mga ito sa mukha ngunit makirot na makirot na ang kanyang katawan sa mga tama ng kamao. Nang hindi pa makuntento ay malapad na kahoy naman ang pinanghampas ng mga ito sa kanya. Pati ang ari niya ay pinagkatuwaan ng mga nagpapahirap sa kanya mapaamin lamang. Para ituro at ikanta ang mga kasamahan niyang pumasok sa bahay at nagnakaw. Subalit wala siyang inamin. Wala siyang itinuro at pinanatiling nakatikom ang bibig. Walang natagpuang ibidensya ang mga pulis sa kanya dahil dala ng mga kasamahan niya ang bag. Ngunit nakagawa ng paraan ang mga ito, base na rin sa dami ng reklamo at record niya sa presinto kaya nakapaglabas ng mga kunwaring ebidensya. Pati ang ibang kaso ng pagnanakaw at akyat-bahay ay ipinatong lahat sa kanya. Nasintensyahan siya. Hindi nagtagal at ibinyahe na siya sa loob ng bilibid. Patong-patong na kaso ng pagnanakaw at pandarambong ang binuno niya sa loob. Ang pinagdusan niyang mag-isa sa loob! Naikuyom niya ang mga palad matapos ang pag-alala sa nakaraan. "Hindi ko kayo ikinanta sa pag-aakalang hindi niyo ako pababayaan!.Pero ni minsan ay hindi niyo man lang ako nasilip sa loob. Mga animal kayo, lintik lang ang walang ganti!" Poot na poot niyang sabi. Muli niyang inilapit sa bibig ang baso. Nang makitang wala na pala iyong laman ay tumayo. Sandali siyang naligo at nagpalit ng damit. Isang lumang maong na jacket ang ipinang-suson at saka muling lumapit sa lamesita. Kinuha ang baril na nakulimbat din sa malaking bahay na pinasok. Isinuksok iyon sa tagiliran at ibinulsa ang ilang pirasong perang papel na sadyang inihiwalay muna bago isilid sa loob ng lata ang karamihan. "Pasyal-pasyal muna, Milencio. Wala kang makukuhang impormasyon tungkol sa tatlong traydor kapag nagtulog ka." Sabi niya sa sarili at saka dumiretso nang lakad pababa ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD