2010
"Buntis ako." Sabi ni Rose sa kaharap.
Kasalukuyan silang naka tambay sa waiting shed. Madalas kasi pag ganitong mag alas nuwebe na ng gabi ay wala ng masyadong bumabyahe kung kaya't tahimik doon. Naging tambayan na din nila ito pati ng ilan nilang kaibigan.
Hindi naman kumibo ang kanyang kausap. Dahilan upang mairita na siya. Ganito ba dapat mag react ang lalaki pag nalaman na naka- buntis sila? Yung tipong chill lang at parang wala lang narinig?
"Huy! Anong gagawin ko?" Tanong pa niya ulit. Iritable na ang boses niya.
"Hindi ko alam. Ikaw? Baka alam mo?" Sabi pa ng kaharap na binata. Hawak- hawak nito ang isang stick ng sigarilyo at sinindihan iyon.
Si Paul, dise- otso taong gulang. Matanda lang siya dito ng tatlong buwan. Nakilala niya ito noong lumipat sila sa baranggay kung saan ito nakatira. Pinakilala ng mga ka- klase niya, naging kaibigan at di kalaunan ay naging manliligaw niya. Una palang ay naging crush na niya ang binata at dahil sa baguhan lang siya sa lugar na iyon at di hamak na may itsura talaga siya at maputi pa kaya naging popular siya sa kanilang baranggay kung kaya't maging ang binata ay agad na nagkagusto sa kanya.
Nasa third year high school siya noon nang makilala ang binata, naging kaibigan niya iyon at pati ang mga kaibigan ng binata ay nakilala niya. Madalas din siyang nanonood sa mga laro nito ng basketball. Isa kasi ito sa pambato ng kanilang baranggay dahil sa galing nito sa pag ba- basketball at pagoging MVP. Nasa fourth year na sila ng sinagot niya ito ang binata.
Naroon ang minsang pagdalaw niya sa school nito at gayun din siya. Lahat ng iyon ay lingid sa kaalaman ng kanyang lola na nagpa- laki sa kanya. Masyado kasi itong strict at alam niyang papaluin na naman siya pag nalaman na nakikipag boyfriend na siya kahit kinse anyos palang siya.
Hindi naman talaga siya yung tipo ng dalagita na mahilig mag ka- crush sa mga kabataan. Ito lang talaga ang unang pagkakataon na nagka- gusto siya at hindi naman niya akalain na gusto din siya nito.
Sinagot niya ito sa isang disco sa baranggay nila sa San Jose. Tuwing piyesta kasi ay mayroong sayawan sa bawat baranggay. Madalas siyang nanghihingi ng saklolo sa mga kaibigan upang ipagpa- alam siya sa kanyang lola. At pumapayag naman ito sa kondisyong uuwe ng maaga at ihahatid ng mga kaibigan.
Puppy love kung tawagin pero sobra ang saya na nararamdaman ni Rose sa tuwing kasama si Paul. Pakiramdam niya kasi ay napupunan nito ang pagmamahal na hindi niya naranasan sa magulang at maging sa kanyang lola.
Maliban sa lasinggera ang kanyang lola ay napaka tapang nito. Konting kibot, konting kasalanan ay asahan mo na ang katakot- takot na palo na lalatay sa katawan mo. Ngunit gayunman ay pinag- papasalamat parin niya na hindi siya nito pinababayaan. Kahit kailan ay hindi siya pumasok ng school na madumi ang damit, o kaya ay mukang gusgusin. Palaging maayos ang mga gamit niya. Yun nga lang ay pagdating sa pera ay wala talaga siyang aasahan dito. Madalas itong walang pera dahil sa pag iinom. Kung kaya't sa murang edad ay natuto na siyang dumiskarte sa buhay.
Napasok na yata niya ang iba't ibang klase ng gawain. Tumulong na siya sa pagtitinda sa canteen na ang kapalit ay bente pesos na tinatabi niya para sa mga kailangan sa school. Nagawa na din niya ang mag lako ng kangkong habang nakapatong ang malaking palanggana na kinalalagyan nito sa kanyang ulo. Minsan naman ay naglilinis siya sa mga malalaking bahay sa dati nilang baranggay. May nagpapaigib din ng tubig lalo na yung walang mga sariling metro ng tubig dahil nga kakaunti palang ang may sariling tubig noon sa probinsya. Nagawa na din niyang mag tinda ng balot sa gabi at mag bantay ng kart ng fishball at kikiam. Lahat ng iyon ay pinagdaanan niya para lang maitawid ang high school. Madalas kasing bukambibig ng lola niya na dapat ay huminto na siya sa pag aaral dahil mag aasawa lang din naman daw siya. Napapaisip nga siya hanggang ngayon, kung bakit ganoon ang mindset ng matatanda noon?
At nang makapag tapos ng high school ay agad siyang namasukan bilang yaya sa kalapit na baranggay. Kambal ang inaalagaan ngunit dalawa naman sila na naging bantay ng isa pang yaya. Gayunman ay umalis ang isang yaya kung kaya't mag isa na siyang naiwan. Dahil kinaya naman niyang alagaan ang dalawang bata ay hindi na kumuha pa ng dagdag na yaya ang amo niya marahil ay para makatipid na rin sa pinapasahod sa dalawa.
Naging close naman niya ang mama ng mga bata at tila isang kapatid ang naging turing nito sa kanya. Madalas nga itong nagagalit sa kanya dahil hinahayaan niya na kunin ng lola niya ang pera na dapat ay sasahurin niya. Kaya sa halip na makakabili siya ng sariling gamit ay ang among babae nalang ang bumibili para sa kanya dahil naubos na sa kaka advance ng kanyang lola.
Nasa trabaho man ay nagkikita parin sila noon ng binata dahil dinadaanan siya nito tuwing uuwe galing school, nasa Fourth year high school na ito ng mga oras na iyon habang siya ay naka graduate na. Ngunit kinailangan din nilang magkalayo ng mahigit isang taon dahil may nag offer sa dalaga na lumuwas ng Maynila. Mas mataas ang offer na sahod na two thousand five hundred pesos kumpara sa sinasahod niya bilang yaya na one thousand five hundred pesos. At gusto niya rin talagang mag punta ng Maynila para makita ang papa niya at ang nag iisang kapatid. At iyon na nga pag balik niya galing Maynila ay may nangyari sa kanila ni Paul. Ngayon ay nag bunga na ang kanilang ginawa.
"Hindi pwedeng hindi mo alam Paul! Papatayin ako ni nanay pag nalaman niya 'to!" Naiiyak ng sambit ni Rose.
"Eh, inuman mo kaya ng gamot!?" Suhestiyon pa ng binata sa kanya.
At dahil wala namang ideya ang dalaga sa mga ganitong bagay ay naitanong niya kung para saan ang gamot.
"Sabi ng kaibigan ko nakakalaglag daw ng baby yon." Sabi pa nito sabay hit- hit buga sa hawak na sigarilyo.
"Paul! Kilabutan ka nga sa sinasabi mo! Hindi ako papayag! Alam mo bang pag hindi gumana yung gamot e pwedeng maging mongoloid ang magiging baby natin?" Bulalas ni Rose.
Hindi niya inaasahan na lalabas sa bibig nito ang mga salitang iyon! Sa kanya pa talaga sa lahat ng tao. Hinding hindi siya papayag sa suhestiyon ng kasintahan. Isa pa ay dapat lang na panagutan siya nito dahil pareho naman nilang ginusto ang nangyari. Medyo nainis siya sa binata. Ganoon ba ito ka walang amor sa magiging baby nila? Alam naman niyang maaaring hindi niya pa ito tanggap dahil nga bata pa ito. Pero paano naman siya? Pareho lang naman silang nasa disi- siyete anyos at mga under age palang. Wala pa din sila parehong mapapasukang matinong trabaho dahil tiyak na walang tatanggap sa kanila.
"Eh wala naman akong alam na pwedeng gawin. Alangan namang mag sama na tayo e wala pa nga akongb trabaho. Ano ipapakain ko sayo, buhangin?" Sabi pa ng binata.
"Eh di mag trabaho ka! Marami naman pwedeng pasukan ah? Pwede ka mag padyak o kaya mag construction." Sagot ni Rose sa binata.
"Kung makapag salita ka e akala mo naman ang dali dali ng pinapagawa mo." May halong inis na sa tono ng binata.
Naiiyak naman si Rose sa mga sinasabi nito. Halatang wala itong balak na panagutan siya hindi lang marahil masabi ng direkta sa kanya. Nagkamali ba siya ng pagkaka- kilala sa binata?
Mabait kasi ito at laging tahimik. Marami rin itong mga kaibigan, kung tutuusin ay mas marami itong kakilala kaysa sa kanya. Sapagkat siya naman ay talagang loner lang noong nag aaral pa. Maging sa dati niyang baranggay ay kakaunti lang ang naging kaibigan dahil sa pagiging istrikta ng kanyang lola. Lumaki siyang palagi lang nasa loob ng bahay at bawal maglaro sa labas kung kaya't hindi siya marunong makipag kaibigan, unless siya ang lalapitan.
"Paul! Tara na, punta tayo kina Sam." Maya maya ay tinawag ito ng isa sa mga barkada niya, si Ron.
"Sige pre, iuuwe ko muna to si Rose!" Sagot naman ng binata.
"Isama mo na si Rose, kilala naman ni Sam yan tyaka kasama ni Alvin yung girlfriend niya si Bea." Sabi pa ni Ron.
"Ano, sasama ka ba?" Tanong ni Paul kay Rose.
Tumango naman ang dalaga. Gaya nga ng sabi ni Ron ay kilala naman siya ni Sam at ganun din siya. Sadya nga lang hindi siya nito type dahil nga may gusto ito sa boyfriend niya. Bakla kasi ito na nasa edad trenta mahigit na. Marami itong kaibigang mga kabataang lalaki dahil nga siya lagi ang gumagastos sa mga alak, sigarilyo at pagkain ng mga ito. Pero sadyang wala siyang tiwala sa bakla dahil nga matanda na ito at ilang taong gulang pa lang naman si Paul. Paano kung malasing ito at makatulog? Ito pa naman ang tipo na hindi tumitigil sa pag inom hanggat hindi tuluyang gumagapang. Kumbaga ay sugapa sa alak kagaya ng mama niya na isang lasinggera din. Kung lasinggera ang kanyang lola ay wala itong binatbat sa mag ina.
Tulad parin ng dati, hindi siya umiinom at nandoon lamang sa tabi ng binata. Minsan ay nakikisali siya sa usapan pero madalas ay tahimik lang. Nagtataka nga siya dahil napakasaya ng binata. Ganito ito lagi kapag kasama ang barkada. Nag kakantahan at sumasabay sa tugtog ng maliit na radyo. At kapag nalasing ay nag sasayawan na.
Akala no walang problema? Ibang klase... Naibulong niya sa sarili habang nag kakasayahan ang magkakaibigan. Halos malanghap na din niya ang usok ng mga sigarilyo ng mga kaharap niya. Lahat kasi sila ay naninigarilyo. Dati naman noong hindi pa siya nagpupunta ng Maynila ay hindi ganito ang binata. Marahil ay na- impluwensyahan ng mga barkada kung kaya't naging ganito ang binata. Napaka laki ng pinagbago nito. Dati rati ay kuntento na itong kasama at kausap lang siya. Maging ang paninigarilyo ay napipigilan nito sa tuwing nagagalit siya ngunit nitong huli ay hindi na siya pinakinggan ng kasintahan.
Ibang klase talaga ang epekto ng mga bad influence. Kumbaga sa isang basket ng prutas pag may isang bulok, asahan mong mauubos ang laman non.