CHAPTER 1

1384 Words
CHAPTER 1 Mula ata nang magkaisip ako wala akong maalala na araw na hindi ako nasigawan at nasaktan ni Nanay. Kung hindi sampal, sabunot at kurot ang inaabot ko sa kanya sa tuwing may nagagawa ako na hindi niya gusto. Kahit mga simpleng bagay na hindi naman niya dapat ikagalit, pinaparusahan niya ako. Sa natatandaan ko unang beses niya akong nasaktan noong seven years old pa lang ako. Nasa harapan ako ng salamin no’n at nagpapahid ako ng lipstick sa labi ko na lagpas-lagpas pa sa gilid. Gusto ko kasing gayahin ‘yung mga pictures ni Nanay noong nag-aartista pa siya na todo postura, maganda ang ayos ng buhok at make-up. Akala ko matutuwa siya pero nang makita niya ako, sinabunutan niya ako at kinaladkad palayo sa salamin. Nabitawan ko pa nga ‘yung lipstick niya at natapakan ko na lalo niyang ikinagalit. “Ang liit-liit mo pa ang landi mo na! Ngayon pa lang puputulin ko na ‘yang sungay mo, para hindi kita maging sakit sa ulo!” ‘Yan ang natatandaan kong sinabi niya sa 'kin. Pagkatapos no’n, ibinalibag niya ako sa sofa bago niya ako iwan, pero pagbalik niya may hawak na siyang gunting. “Nanay! Sorry na po! Ginaya lang po kita. Hindi na po ako uulit. Huwag n’yo po akong sasaktan.” Takot na takot akong nagmakaawa sa kanya. Akala ko papatayin na niya ako ng araw na ‘yon, pero ang ginawa niya, hinila niya ‘yung mahaba kong buhok at ginupit niya hanggang sa makalbo ako. “Uulit ka pa?” “Hindi na po. Tama na po Nanay.” “Tatandaan mo, ayoko sa malanding anak!” Hindi maayos ang pagkakagupit niya sa ‘kin kaya mukha akong Barbie na napaglaruan. May parte sa ulo ko na may poknat. Basta hindi pantay-pantay. Nag-aaral na ako noon. Iyak ako nang iyak dahil ayokong pumasok. Naawa naman ata si Nanay sa ‘kin kaya sinuotan niya ako ng bonnet papasok ng school. Kaso ‘yung isang classmate ko na lalaki hinila ‘yung bonnet sa ulo ko kaya nakita nila ‘yung buhok ko. Pinagtawanan ako lahat ng mga kaklase ko. Kahit ‘yung nag-iisa kong kaibigan na si Nina, nilayuan ako. Siguro kasi ayaw niyang mapagtawanan din siya. Mula noon, naging mailap na ako sa tao. Papasok lang ako sa school at pagkatapos uuwi. Kapag recess mag-isa akong kumain. Nagpupunta ako sa likod ng school at doon ako nagtatago. Palagi kasi nilang pinagtatawanan ‘yung ulam ko. Kung hindi kasi, tuyo, itlog o talbos o kangkong. Minsan nga toyo lang at kung sobrang gipit kanin lang. Naranasan ko na rin pumasok sa school na hindi kumakain. Wala kasing permanenteng trabaho ang Nanay. Nagho-home service lang siya ng manicure at pedicure. Kapag wala siyang customer tumatanggap siya ng labada. Noong elementary ako, tahimik naman ang buhay ko sa school. Okay lang sa ‘kin kahit nilalayuan nila ako. Weird kasi ang tingin nila sa ‘kin, lalo na’t ang haba ng bangs ko na tumatakip sa halos kalahati ng mukha ko. Hinahawi ko lang ‘yon kapag nasa loob ng classroom dahil baka pagalitan ako ng teacher, pero paglabas ko ng classroom balik sa dating ayos. “Nadia! Nadia! Puta kang babae ka! Wala pa tayong sinaing, anong oras na?” Kung tahimik ang buhay ko sa school siyang kabaligtaran naman sa bahay. Nagmamadali akong lumabas ng kwarto. Iniwan ko ‘yung assignment ko para harapin ang galit na namang nanay ko na lasing na naman. Grade four ako nang magsimulang maging lasengga ang nanay ko. Pinagpalit kasi siya ni Gardo sa ibang babae. Si Gardo ‘yung kinasama ng nanay ko sa loob ng isang taon. Mabait naman siya kaya lang sugarol. ‘Yung katiting na kita ni Inay, sa kanya pa napupunta, kaya nga natuwa ako nang makita ko siyang paalis at bitbit lahat ng gamit niya. Pero ‘yung nanay ko, hindi ‘yon nagustuhan lalo na nang malaman niya na may bago na ‘tong kinakasama at buntis pa. “N-nanay wala na po tayong bigas,” sagot ko sa kanya. “Bakit hindi ka bumili? May pera d’yan sa cabinet ‘di ba? Leche ka talaga! Boba!” sabi niya habang dinuduro-duro ako sa noo. Nang mga oras na ‘yon, nagdadasal na ako na sana hanggang doon lang ang pananakit na gawin niya sa ‘kin. Hindi ko na kasi alam kung paano itatago ‘yung mga pasa ko sa katawan. Sa tuwing tinatanong ako ng teacher ko kung saan galing ang mga pasa ko, ang sinasabi ko na lang lampa ako kaya palagi akong nadadapa at nabubunggo kung saan-saan. “W-wala na po Nanay. Pinambili na po natin ng sardinas kahapon.” “Bakit ‘di ka muna nangutang sa tindahan?!” “A-ayaw na po magpautang ni Aling Digna. M-may utang pa raw po tayo sa tindahan niya.” Sinabunutan ako ni Nanay. “Eh bakit hindi ka nag-isip ng ibang paraan? Dapat nagmakaawa ka! Dapat sinubukan mong umutang sa ibang tindahan! O kaya sana nagmalimos ka muna para may silbi ka naman! Puro ka aral, wala kang kwenta! Bobo ka naman. Patigilin na kaya kita?! Sayang lang binabaon mo. Nagagastusan pa ako sa mga project mo.” Halos nakatingala na ako sa labis na paghatak ni Nanay sa buhok ko. Masakit na ng anit at leeg ko. “Nanay huwag po. Ayaw ko po tumigil sa school. Ga-graduate na po ako.” “Huwag ka na mag-aral. Wala naman akong balak na pag-aralin ka pa ng high school at college. Gastos ka lang wala ka namang silbi. Salot ka sa buhay ko eh. Alam mo ba ‘yon?” Matagal ko nang alam. Ilang beses na rin kasi niyang nasabi sa ‘kin. Galit sa ‘kin ang nanay ko dahil ako ang dahilan kung bakit nasira ang pangarap niya na maging sikat na artista. Ulila na sa magulang ang nanay ko at lumaki siya sa bahay ampunan. Nang mag-dise-otso siya, tumakas siya sa ampunan para matupad niya ‘yung pangarap niya na pag-aartista. Ang dami raw niyang audition na napuntahan hanggang sa matanggap siya bilang extra sa pelikula at mga drama sa TV. Unti-unti nabibigyan na siya ng mga roles na may mahahabang linya, hanggang sa mabigyan siya ng malaking project. Hindi siya ‘yung bida sa pelikula pero mas napansin ng mga manonood ‘yung pag-arte niya kaya nabigyan siya ng offer na magbida sa susunod na pelikula ng director na nakatrabaho niya. Nang mga panahong ‘yon may nobyo ang nanay ko, si Juan Miguel, ang tatay ko. Nang mga panahong ‘yon sikat na artista na ang tatay ko. Iba ang leading lady niya sa harap ng camera, pero sa likod ng camera ang nanay ko ang karelasyon niya. Nagmahalan sila hanggang sa mabuo ako. ‘Yon nga lang nang malaman ng tatay ko na ipinagbubuntis ako ng nanay ko, nakipaghiwalay siya sa nanay ko at inutos pa na ipalaglag ako. Hindi kaya ng kunsensya ng nanay ko na ipalaglag ako kaya itinuloy niya ang pagbubuntis. Ililihim niya sana hanggang sa makapanganak siya pero hindi nakaligtas sa mga tsismosa ang kalagayan niya. Naging laman ng dyaryo at balita ang pagbubuntis ng nanay ko. Disgrasyadang starlet, ‘yan ang naging bansag sa kanya. Nang manganak siya, wala nang gustong kumuha sa kanya dahil sira na ang pangalan niya at hindi na siya pwedeng maging bida. Sobrang dinamdam ‘yon ng nanay ko kaya iniwan niya ‘yung matagal na niyang pangarap. Hindi na siya uli umarte sa harap ng camera. “Dapat pinalaglag na lang kita noon, tulad ng sabi ng tatay mo. Eh ‘di sana sikat na ‘ko ngayon, mayaman, tinitingala. Humahakot na siguro ako ng mga awards ngayon, kaso dumating ka at mas pinili kita kaysa sa pangarap ko. Tapos ito ang isusukli mo sa ‘kin? ‘Yang katangahan mo? Kung palagi kang ganyan, walang magkakagusto sa ‘yo. Walang nagkakagusto sa mga tulad mo na salot, bobo at walang kwenta.” Tama si Nanay, walang magkakagusto sa ‘kin. Tatay ko nga, gusto akong patayin at ang nanay ko ngayon suklam na suklam sa akin. Tanggap ko na, na habang buhay akong malungkot, mag-isa at walang nagmamahal na pamilya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD