BILLY POV
Nang imulat ko ang aking mga mata, nakita ko ang puting paligid. Noong una, akala ko ay nasa langit na ako pero bigla akong may narinig na isang pamilyar na boses.
"Anak, mabuti na lamang at gising ka na."
Lumingon ako at nakita ko si Mama na nakangiti pero bakas ko sa mga mata nito na siya ay lumuha.
"Na... nasaan po tayo?" tanong ko kahit hirap akong ibuka ang bibig ko dahil sa pamamaga.
"Billy, nasa hospital ka ngayon. Nilayasan natin ang mapang abuso mong ama at nireport ko ang ginawa niyang pambubugbog sayo sa Pulis. Sorry kung ngayon lang ako natauhan, ayaw ko lang na mas lumala ang sitwasyon nating dalawa."
Napangiti ako, masaya ako na natauhan na ang nanay ko bago pa man lumala ang sitwasyon. Pero ako, takot pa rin ako na baka balikan kami ng stepdad ko.
"Anak, ang sabi ng doctor, nagkaroon ka ng brain tumor dahil sa sugat na natamo. Pinapangako ko sayo, mabubulok sa bilangguan ang stepdad mo sa kahayupuang ginawa niya."
Puno ng galit ang mga mata ni Mama pero masaya ako sa nangyari. Nang mayroong kumatok sa pinto, naalala ko ang stepdad ko kaagad. Dahil dito, kaagad na nanginig ang katawan ko sa kaba at pabilis ng pabilis ang t***k ng puso ko.
Pinipilit akong pakalmahin ng aking ina at ilang mga nurse na nasa loob pero hindi nila magawa. Ang huling naalala ko na lang ay mayroon silang itinurok sa akin, dahilan para mahimatay ako. Pag gising ko ulit, halos wala nang tao sa paligid, mala hospital din ang lugar na puro puti ang paligid.
Napansin ko rin na pang hospital ang uniform ko. Pero saglit, nang makakita ako ng salamin, sumakit bigla ang ulo ko to the point na halos matumba na ako sa sahig. Naalala kong bigla ang mga pangyayari na ginawa sa akin ng aking stepdad.
Ngunit bigla na lang nawala ang sakit ng aking ulo, muli akong humarap sa salamin at napangiti, wala akong ibang maalala kung di ang blurred ng mukha ng lalaki na nanakit sa akin. Mayroong lumapit sa aking nakasuot ng puti.
"Kamusta ka na Billy?" ang tanong ng babaeng nakaputi.
"Ha? Anong Billy ang pinagsasabi mo, ako kaya si Paloma! Hahaha!"
Sobrang saya ko ngayon, talon ako ng talon sa tuwa pero ang babaeng kaharap ko, tila ay naguguluhan siya sa mga nangyayari. Hinawakan niyang bigla ang leeg ko kaya napatigil ako sa pagtalon.
"Saglit lang tatawagin ko lang si Doc ha?" sambit niya. "Pwede ka munang bumalik sa higaan mo."
"Ha? At bakit naman? Okay na ako dok, pwede na ako ulit umawra sa labas kasi magaling na ako sa kung ano mang sakit ang mayroon ako."
Sa kabila ng sinabi ko, lumabas pa rin ang nurse at maya maya pa, mayroong isang gwapong doctor na itong kasama. Lumapit siya sa akin at naupo sa tabi ko. Ngumiti siya na para bang kilala niya ako. And since gwapo siya, nginitian ko na rin siya.
"Hello, pwede bang sabihin mo sa akin kung ano pangalan mo?" tanong niya.
I flipped my hair and gave him an enormous grin, "Ha? Ako si Paloma, di ba may record niyo naman ako? Grabe ang gwapo mo naman doc, may jowa ka na ba?"
Nagtinginan muna ang doctor at ang kasama niyang babae bago ito sumagot sa akin.
"Ahh, mayroon ka bang naalala sa nakaraan mo? Kahit anong mga pangyayari?" tanong ulit ng doctor.
Pilit kong inalala ang mga nangyari subalit ang bukod tanging naalala ko lang ay ang blurred na mukha ng isang lalaki. Nakangisi siyang parang demonyo habang pinagsasamantalahan niya ako.
"Ouch!" ang sakit sakit na naman ng ulo ko, para bang nabibiyak ito sa dalawa. I clenched my fist in anger, kung sino man itong misteryosong lalaki sa utak ko, siya ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito.
Kaagad naman akong inalalayan ng doctor at pinahiga niya ako ulit sa aking kama. Nang mahimasmasan ako, pinainom niya ako kaagad ng tubig.
"Paloma ang pangalan mo, tama ba?" tanong ng doctor sa akin.
"Yes doc, ano po ba ang ginagawa ko sa lugar na ito?"
"Nasa hospital ka pa rin pero we noticed the sudden change in your behavior. If this persists, you need psychotherapy."
"Bakit ano po ba talaga ang sakit ko?" tanong kong muli, "at tsaka wala po ba akong kasama? Sure ako na sila mismo ang magsasabi na ang pangalan ko ay Paloma."
Pilit kong pinaninindigan ang sinasabi ko sa doctor pero halata ko sa mga galaw ng mga mata nito na hindi siya kumbinsido sa akin. Pinag pahinga lamang niya ako at sa mga sumunod na araw, hindi ko na nakita ang gwapong doctor.
Iba na ang gumamot sa akin, isa nang psychotherapist na matandang babae. Naiirita ako sa kanya dahil sa araw araw na ginawa ng Diyos, paulit ulit lamang ang mga tanungan nito sa akin. Para akong sirang plaka na paulit ulit na sinasabing ako si Paloma.
Sinasabi ko pa na hangga't maaari, tawagan niya ang kahit na sinong kamag anak ko subalit matagal na raw akong inabanduna ng aking ina. Not existing din daw ang number na ibinigay niya at wala na akong babalikan pa. I wanted to cry, I cannot believe na iniwanan ako ng nanay at iba naming kamag anak dahil sa aking kundisyon. It was really such a nightmare.
Naging ganito ang sitwasyon ko palagi, wala akong ibang nakikitang mukha maliban sa nakakainis na doktora at ang magandang tanawin sa labas ng hospital namin. Feeling ko tuloy ay mag isa na lang talaga ako sa buhay. Naniniwala ako na normal ako at maaaring sinasadya nilang palabasin na may sakit ako.
Hindi ko alam kung sino ay may pakana nito pero iisa lang ang gusto kong mangyari- at ito ay ang tumakas rito at masilayan ang mundo sa labas ng hospital. Kaya nang gabi ring ito, habang payapa ang mundo, dali dali akong lumabas ng aking dorm.
Madali lang akong nakalabas sa building pero may isa pa akong problema- kailangan kong makalabas sa gate na bantay sarado ng dalawang guards.