"Mabuti naman anak at pinayagan ka ni Don Franco na umuwi ngayon," wika ni mama habang isa-isa kong inilalagay sa mesa ang mga supot na naglalaman ng mga groceries na nabili ko sa bayan.
Halos isang buwan ko rin silang hindi nakita ni papa.
"May day off naman po ako isang beses sa isang buwan," sagot ko.
Nagpalinga-linga ako sa paligid; hindi ko kasi makita si papa.
"Asa'n nga po pala si papa?" Linggo naman ngayon at tuwing linggo ay hindi sila nagtatrabaho sa taniman ng kape.
"Hindi ko alam. Minsan gusto kong maniwala diyan sa ama mo na talagang nagbago na siya pero tuwing sumasapit ang araw ng linggo at hindi ko na naman siya mahagilap dito sa bahay ay nagbabago ang isip ko," usal ni mama na halatang disappointed parin kay papa.
"Sa tingin mo po nagsusugal parin si papa?" kabadong tanong ko.
"Ano pa nga ba ang dahilan ng pagkawala niya dito sa bahay bukod sa pagsusugal? Hay naku ewan ko talaga diyan sa ama mo at parang gusto kong hambalusin ng walis sa ulo at nang magtanda."
Natawa ako sa sinabi ni mama. Kahit pasaway si papa ay hindi parin ito matiis ni mama. Minsan nga nong nag-away sila ni papa kinaumagahan ay ipinagtimpla parin niya ito ng kape. Hindi perpekto si papa pero alam kong mahal niya si mama at ganun rin si mama sa kanya. Kahit mahirap at magulo ang buhay namin minsan ay ramdam ko parin ang pagmamahalan nila.
"Hayaan mo ma, pag nagkita kami ni papa ay pagsasabihan ko." Dinukot ko ang tig-lilibong pera sa pitaka ko at inabot ito kay mama.
"Para saan 'to anak?"
"Para sa pagpapagamot po 'yan ni ate. Kung may iba pa po kayong kailangan huwag po kayong magdadalawang isip na itext ako," bilin ko sa kanya.
"Pero anak, ipunin mo nalang ang pera para muli kang makapag-aral sa susunod na pasukan."
"Ma, napag-usapan na po natin 'yan. Hindi ba't ang dahilan kung bakit ako namasukan sa mansyon ay para matulungan kayo ni papa?" pagpapaalala ko sa kanya sa naging usapan namin bago ako magtungo sa mansyon.
"Kung hindi lang talaga nalulong sa sugal ang ama mo ay hindi mo na sana kakailanganin pang tumigil sa pag-aaral."
Hinawakan ko ang kamay ni mama, "Ma, makinig po kayo sa'kin. Bilang anak ay obligasyon kong tulungan kayo ni papa kaya hayaan mo na po akong gawin ang parte ko sa pamilyang ito."
Kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata ni mama. Alam kong labag sa loob niyang patigilin ako sa pag-aaral ng kolehiyo at pagtrabahuin sa mansyon, pero iyon ang gusto ko at 'yon ang kailangan kong gawin sa ngayon.
"Patawarin mo kami anak." Unti-unting pumatak ang mga luha ni mama.
"Hindi mo naman po kailangang humingi ng tawad sa'kin dahil wala kayong kasalanan at hindi rin po kasalanan ni papa. Hindi ko kayo sinisisi at mas lalong hindi kayo nagkulang sa'kin bilang mga magulang," pagpapakalma ko sa kanya.
Ayaw ko talagang nakikitang umiiyak si mama kaya gagawin ko ang lahat para sa kanila nina papa at ate.
"Isabel!"
Pareho kaming napalingon ni mama sa pintuan nang marinig namin ang pasigaw na pagtawag ni papa sa pangalan ni mama.
Hinihingal ito at halatang galing pa sa pagtakbo nang pagkalayo-layo. Tagaktak rin ang pawis nito at tila takot na takot.
"Diyos ko! Ano na naman bang ginawa mo Mando?" Napahilamos nalang si mama sa sariling mukha dahil sa sobrang pagka-stress kay papa.
Nagsalin ako ng tubig sa baso at ipinainom ko 'yon kay papa. Inisang lagok niya lang ito.
"Pa ano po bang nangyari?" Iginiya ko siya paupo sa mahabang upuan namin na gawa sa kawayan.
Inilapag niya ang baso sa center table habang si mama naman ay nakapamewang sa harapan namin; hinihintay ang sagot ni papa.
"Hinahabol ako ng mga tauhan ni Joaquin. Sinisingil na nila ako sa utang ko. Mabuti na lamang at nakapagtago ako doon sa tambak ng dayami, kung hindi ay tiyak na nasundan na nila ako rito. Armado sila anak." Ramdam ko ang panginginig ni papa sa takot.
"Sino na naman ba itong Joaquin?" inis na tanong ni mama.
"May bago ka na naman bang inutangan?" Kung nakamamatay lang ang tingin ay baka kanina pa bumulagta si papa sa klase ng tingin na ipinupukol sa kanya ni mama.
"Marami akong inutangan Isabel at lahat sila ay gusto akong patayin." Sa pagkakataong ito ay ako naman ang nanginig sa sinabi ni papa.
Natatakot ako para sa kanya at para na rin kay mama.
"Diyos ko." Hindi na napigilan ni mama ang maiyak.
Sunod-sunod sa pagpatak ang mga luha niya at ganun rin si papa. Hindi ko tuloy alam kung sino sa kanilang dalawa ang una kong aaloin.
"Alam ba nila na pumasok ka dito sa Hacienda?" Sinusubukan kong patatagin ang aking loob upang hindi nila mahalata na maging ako ay natatakot na rin.
"Hindi. Ang alam lang nila ay taga rito ako sa San Fernandez pero hindi nila alam na dito ako nakatira sa hacienda."
Kahit papaano ay nabawasan ang kaba ko sa sagot ni papa. Mabuti nalang at hindi nila alam kung saan talaga siya nakatira. Nakakahiya kay Don Franco kapag nagkagulo dito dahil sa mga inutangan ni papa. May mga bantay naman sa mismong gate ng Hacienda kung sakaling malaman nila kung saan nakatira si papa, pero hindi parin sapat 'yon para makampante ako. Kailangan kong makagawa ng paraan para makabayad si papa sa mga inutangan niya.
"Ilan po ba lahat ang utang mo pa?"
Napatingin si mama sa'kin habang walang tigil parin siya sa pag-iyak. Si papa naman ay napayuko nalang at hindi sumagot.
"Pa! Sumagot po kayo!" pagpilit ko sa kanya. Kailangan kong malaman para magawan ko nang paraan.
"200 thousand lahat anak." Pakiramdam ko naubos lahat nang lakas ko sa sagot niya.
Si mama naman ay napahagulgol nalang habang pinaghahampas ng kanyang mga kamay si papa.
"Diyos ko Mando! Napakalaking halaga niyan! Saan tayo kukuha ng pambayad?" umiiyak na tanong ni mama kay papa habang hinahampas niya parin ito.
"Patawarin niyo 'ko."
Nakayuko parin si papa pero alam kong umiiyak na rin siya kagaya namin ni mama dahil sa pagtataas-baba ng balikat nito.
"Huwag kayong mag-alala gagawan ko po ng paraan," pangako ko sa kanila. Sabay pa silang napatingin sa'kin ni mama.
"Paano anak?" tanong ni papa.
"Napakalaking halaga non Mia! Saan ka naman hahanap non?"
"Ma, pa, ako na po ang bahala don. Matulog kayo nang mahimbing at kumalma po kayo. Magagawan ko po ito nang paraan."
Hindi puwedeng hindi ako gumawa ng paraan at iisang tao lang ang alam kong puwede kong malapitan.
******
Bumalik ako sa mansyon na tulala. Medyo madilim na sa labas at napakatahimik ng mansyon. Dapat ay bukas pa ako babalik rito pero hindi ako makakatulog hanggat hindi ko nagagawan ng paraan ang suliranin ni papa. Kailangan ko siyang matulungan para hindi na siya gulohin ng mga taong 'yon at para hindi na rin mag-alala si mama.
"Oh Mia? Bakit bumalik ka? Ang buong akala ko'y bukas ka pa babalik?" tanong ni Manang Beth na nakasalubong ko habang paakyat ako ng hagdan.
"Wala lang po, mas gusto ko lang pong bumalik ngayon," pagsisinungaling ko.
"Andito po ba si Señorito Axel?"
"Ah, oo hija. Nasa kuwarto niya siguro, hindi ko naman nakitang bumaba 'yon simula kaninang umaga. Mukhang wala yata sa mood kaya dinalhan ko nalang ng pagkain sa kuwarto niya," sagot ni Manang.
"Salamat po."
Nagpatuloy na ako sa paglalakad. Atat na akong makausap si Axel at mahingi ang tulong niya. Kahit anong kapalit ang hingin niya gagawin ko. Kahit gawin niya pa akong alipin habang buhay mailigtas ko lang ang mga magulang ko mula sa tiyak na kapahamakan.
Kumatok ako sa kanyang silid.
"Come in," ma-awtoridad na wika nito. Binuksan ko ang pinto at muli ko naman itong isinara pagkapasok ko.
Gulat na gulat ito nang makita ako.
"I thought you're staying there for the night?" Ngumisi ito at lumapit sa'kin para humalik sa aking pisngi.
"Did you miss me?" mapang-akit na tanong nito.
"Axel, I need your help." Inipon ko pa ang buong lakas ko masambit ko lang sa kanya ang mga katagang iyon.
"My help? About what?" Tiningnan ako nito na nagtataka.
Bumuntong-hininga muna ako bago magsalita, "I need money. Kailangan ko ng 200 thousand."
"Okay, I'll give it to you." Nagulat ako sa sagot nito.
"Hindi mo manlang ba ako tatanungin kung anong gagawin ko sa pera? Or hindi mo manlang ba sasabihin sa'kin ang kundisyon mo?" Hindi parin kasi talaga ako makapaniwala na pumayag siya nang ganun kabilis at wala nang maraming tanong.
Naramdaman ko ang pagyakap niya sa'kin at ang init ng kanyang katawan na nagpapakalma sa bigat na nararamdaman ko ngayon.
"Baby, you never asked me for money. You satisfy me in bed but you never asked for anything in return. And besides ngayon ko lang nakita na malungkot ka at tila may pinoproblema. So whatever your problem is, I'm here to help." Hinalikan niya ako sa noo.
"Thank you Axel. Pangako babayaran kita."
Naiyak na ako, hindi ko talaga inakalang may ganitong side pala siya. Akala ko sisigawan niya ako, but he's so understanding at mahinahon niya akong kinausap kahit hindi niya alam ang dahilan ko.
"Shhhh, stop crying and don't even think about paying me back. I will give you the money tomorrow and you can do anything with it." Mas lalong humigpit ang yakap niya sa'kin. Masaya ako, pero hindi ko alam kung hanggang kailan kami ganito at kung ano nga ba ako sa buhay niya.
Hanggang ngayon ay natatakot parin ako na dumating ang araw na andito na ang babaeng nakatakda niyang pakasalan at bigla nalang akong mawalan ng lugar sa buhay niya; o kung may lugar nga ba talaga ako sa kanya?