GLASE POINT OF VIEW
March 01, 2004 na at bukas birthday ko na. Hindi na ako maghahangad ng regalo sa kahit kaninong tao.
“Bella! Pahiram naman ng pocketbook mo. Gusto ko mga istorya ni MonteKM ah?” nakangiti kong sabi sa kaklase kong si Bella.
“Sa’yo na lang 'to. Regalo ko na lang. May iba pa 'yan. Galing kasi si tatay sa Maharlika at dalawang kopya ang binili. Sinabi ko kasi sa kaniya na birthday mo bukas at alam mo naman si tatay, bibili talaga iyon,” nakangiting tugon ni Bella. Nagningning naman ang mga mata ko.
“Wow! Pakisabi kay tiyo Adolph na salamat! Grabe! Hindi ako makapaniwala! Salamat talaga Bella!” tuwang-tuwang saad ko.
“Walang anuman, Glase,” nakangiti niyang sabi.
Bumalik na kami sa aming upuan pagkatapos niyon. Dumating na rin ang english teacher namin.
“Good afternoon!” agad niyang pagbati. Bumati rin kami pabalik. Sampo lang kaming nag-aaral bilang grade 9.
“Didiretsohin ko na kayo, section A. Gagawa kayo ng tula tungkol sa Romeo and Juliet. English dapat at may rhyme. Maximum of 6 stanza and 4 lines. Do you understand, section A?” kaagad na bungad ni ma'am Abellano.
“Yes ma'am Abellano!” kaagad na sagot namin.
“Good! Kopyahin niyo ito. Summary ito ng kuwento ng Romeo and Juliet. I will check your notebook,” aniya pa. Naupo na siya sa lumang upuan at table pagkatapos idikit ang manila paper na may sulat ng summary.
Siguro, sa Maharlika hindi ganito ang istilo. Masyadong tago ang lugar namin dito sa Delos Santos. Bukod doon, kulang na kulang din sa kagamitan. Sira-sira ang mga chalkboard, upuan, lamesa bintana, bubong at iba pa.
Puro na lang pangako ang may mga kapangyarihan, hindi naman nila inaayos. Ang gagaling kapag aarangkada sa kandidato. Napakaraming pangakong napapako!
Pagkatapos naming magsulat ay pinirmahan ni ma'am ang notebook namin. Ang huling subject namin ay math.
Hikab na kami nang hikab sa sobrang bagal magturo ni sir Tala. Bukod sa bagal ay nakakaantok talaga ang boses niya. Pinipilit ko na lang makinig dahil kailangan.
Pagkatapos niyon ay nakahinga kaming maluwag.
“Mabuti naman at tapos na. Grabe! Nakakaantok talaga si Sir Tala magturo!” reklamo ng lalaki kong kaklase.
“Bella! Sabay na tayo umuwi,” nakangiti kong pagyaya.
“Sige, wala rin akong kasabay umuwi ngayon. Si kuya kasi nilalagnat kaya hindi pumasok,” tugon naman niya.
Napangiti naman ako nang pumasok sa isipan ko ang gwapong mukha ng kuya niya. Matagal ko na iyong crush kaso may girlfriend na. Kaya wala na talaga akong pag-asa sa kaniya.
“Tara na,” huling sabi ko at lumabas na kami sa classroom. Sumalubong ulit sa amin ang ibang sira-sirang classroom. Maging ang maraming puno na nakatanim sa gilid at mga bulaklak.
Lumabas na kami sa sira-sira at kinakalawang na gate. Dumaan din kami sa maputik na kalsada.
“Glase, sa susunod na pasukan sa Maharlika na kami pag-aaralin ni kuya. Ikaw? Dito ka pa rin ba?” Pambabasag ni Bella sa katahimikan. Nakaramdam lalo ako ng lungkot sa puso ko.
“Ah, d-dito pa rin. Sana nga makapagtapos pa kahit high school. Alam mo naman ang sitwasyon ng buhay ko,” malungkot kong sagot.
“Nasaan ba kasi ang tatay mo? Alam mo Glase, sa tingin ko mayaman ang tatay mo. Saka halatang banyaga kasi tingnan mo, ang puti ng kutis mo. Parang kulay asul ang mata mo, sobrang tangos ng ilong mo. Saka may natural kang mapupulang labi. Ang buhok mo naman ay kulay blonde,” mahabang aniya. Tama siya, banyaga nga ang ama ko. Pero hindi ko alam kung nasaan siya. Lumaki akong kailanman hindi siya nakilala.
“Huwag na natin pag-usapan iyan, Bella. Siya nga pala, salamat ulit sa pocketbook na binigay mo. Hindi ko akalaing bibigyan mo ako nito,” sabi ko. Pinilit kong huwag ipakita ang lungkot na namumutawi sa akin.
“Walang anuman ulit, Glase. Bukas ibibigay ko na rin sa’yo ang iba pa. Puwede naman ako makabili ulit ng kopya ng kuwento ni MonteKM eh. Pambawi ko iyon lalo na't aalis na ako sa bakasyon. Iyon din ang dahilan bakit umuwi nang nakaraan si tatay. Aasikasuhin na nila ni nanay ang mga kailangan. Sige, nandito na ako sa bahay. Mag-iingat ka Glase,” aniya.
“Ikaw rin, mag-iingat ka. Bye,” pilit na ngiti akong tumugon sa kaniya. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Pagkatapos ng isang liko ay nasa tapat na ako ng bahay.
“Magsisimula na naman ang impyerno kong buhay,” naiiling-iling kong bulong sa sarili.
Huminga muna ako nang malalim bago pumasok sa loob. Nakikita ko na ang mga nagkalat na bote. Tulog si nanay sa mahabang upuang kahoy. Laging ganito na lang.
Dahan-dahan akong naglakad patungong kuwarto at mabilis na nagbihis. Bumalik ako sa sala at maingat na niligpit ang bote ng alak. Makikita rin sa sahig ang natapong alak. Maging ang nakakadiring suka ni nanay.
Napabuntong hininga na lang ako dahil dito. Araw-araw na lang ganito. Matapos iligpit ang bote ay sinimulan ko nang punasan ang nagkalat na alak. Inalis ko rin ang suka ni nanay at pagkatapos pinunasan ulit ang sahig.
“G-Glase...” Napalingon naman ako kay nanay.
“Bakit po nay?” tanong ko kaagad. Bumangon siya sa pagkakahiga at pumupungay ang mata na tumingin sa akin.
“M-may r-raket kang gagawin m-mamaya. Ikaw na muna pumalit sa akin,” aniya. Mariing ipinikit ko ang aking mata.
“Nanay naman eh! Ayoko sa mga raket na pinapagawa niyo! Kailan po ba kayo magbabago?” naiinis kong saad.
Tumayo siya at susuray-suray pa. Bigla ako nitong sinampal.
“Aba! Aba! B-bastos kang b-bata ka ah? Wala kang r-respeto sa n-nanay mo! K-kung ayaw mo na m-mag-aral, sabihin mo lang. Palalayasin k-kita r-rito. Ano? Mamili ka, l-lalayas ka at h-hindi na mag-aaral o g-gagawin mo ang g-gusto ko?” lasing niyang sabi. Nakahawak ako sa kanang pisngi ko. Sobrang sakit ng sampal niya.
Sa huli’y wala rin akong nagawa. Umiiyak akong bumalik sa kuwarto para maghanda. Maghanda sa raket na sigurado akong kalaswaan na naman. Kailan nga ba nabago ang buhay ko? Kahit kailan puro sakit ang dinudulot sa akin ni nanay.
Wala akong magawa dahil natatakot ako. Takot akong hindi makapagtapos ng pag-aaral.