Chapter 2

1729 Words
Chapter 2 Nilapitan ni Leester ang lalaking binaril niya sa 'di kalayuan. Duguan iyon. May tama ng bala sa kanang kamay at kaliwang bahagi ng dibdib. Napangiti siya sa sarili. Wala pa ring kupas ang kakayahan niya. Asintado pa rin siya! Sinipat niyang maigi ang kabuuan ng lalaki at agad niyang napansin ang tattoo nito sa palapulsuhan ng kaliwang kamay. Pangatlong beses na niyang nakita ang gano'ng klase ng tattoo. Una, noong napaaway siya sa isang motocross competition sa Cagayan de Oro bago siya umalis ng bansa. Limang taon na rin ang nakalipas nang mangyari 'yon. Pangalawa, kahapon, nang madatnan niya ang kaguluhan sa bahay nila. May ganoong tattoo ang isa sa dalawang lalaking napatay niya. At pangatlo, ngayon. Ang lalaking muntik nang pumatay sa kaniya. Nang masigurong wala ng buhay ang lalaking nakahandusay, kinuha niya ang cellphone sa bulsa at tinawagan ang ilang tauhan ng kaniyang ama para linisin ang "kalat" na naiwan. Ibinaba niya ang cellphone matapos makausap ang mga ito at naglakad papunta sa nakaparada niyang kotse. Nadatnan niya ang nakayukong si Tooffer. Nakaupo ito habang nakahawak sa ulo ang dalawang kamay. Nakakubli rin ang katawan sa may gulong ng kotse. Hindi niya mapigilang humagalpak sa tawa nang makita sa ganoong posisyon ang kaibigan. Umupo siya sa hood ng kotse at dinungaw ito.  "Hoy, dude, ilang langgam na ang nabilang mo?" biro niya. Lalong lumuwang ang pagkakangiti niya na tila nang-iinsulto. "Tayo na diyan! Tapos na. 'Di mo man lang ako tinulungan. Prenteng- prente ka sa pagkakaupo diyan." Dagdag pa niya sa tila napahiyang si Tooffer. "Pasensiya ka na, dude, wala akong dala, e." "'Yan ang sinasabi ko sa 'yo. Kailangan lagi kang handa. 'Di natin alam kung kailan susulpot ang mga asungot na 'yon," wika niya at inilagay sa likod ang hawak na b***l. "Yes, boss. Simula ngayon lagi na akong magdadala." "Huwag kasi puro chics ang nasa kukote. O, pa'no, alis na ako. Sasabay ka ba?" At dumiretso na siya sa driver's seat. Sumakay na rin si Tooffer sa kotse. Nadaan nila ang tatlong tauhan ng kaniyang ama habang papalabas sila ng parking area. Sumaludo ang mga ito sa kaniya nang mapansing siya ang nagmamaneho. Tango lang ang iginanti niya sa mga ito. Nakalabas na sila ng parking area at namataan ni Lester ang convenience store sa kabilang kalsada. Itinigil niya ang koste sa tabi ng establishment na iyon at sumunod kay Tooffer sa loob. Nagtataka man ay pinabayaan na lang siya nito. Bumili siya ng kape at naupo sa bakanteng upuan na naroon habang abala ang kaibigan sa paggo-grocery. Matapos mabayaran sa counter ang mga pinamili, nilapitan siya nito. Hinila nito ang bakanteng upuan sa tapat niya ngunit 'di niya ito pinansin. Abala ang utak niya sa pag-iisip tungkol sa tattoo na nakita niya. "Hoy, Leester, mukhang ang lalim ng iniisip natin, ah." At winagayway nito ang kanang kamay sa ere. "May problema ba?" "Malaki, dude. Hindi ko alam kung bakit nangyari 'yon kay Papa. At 'yong kanina sa parking area..." wika niya at humigop ng kape. Nawalan siya ng ganang inumin ito dahil malamig na, kaya tumayo siya at itinapon ang hawak na cup sa basurahan. Lumabas siya ng store na iyon at sinenyasan si Tooffer na sumakay ng kotse. "May alam ka bang real estate broker?" tanong niya nang makaupo si Tooffer sa front seat. "Kailangan ko ng matitirhan. Ayokong tumira sa mansiyon." "Bakit ka pa maghahanap ng matitirhan? May bakanteng unit pa sa RMB. Isa pa, kayo ang may-ari no'n." Ang tinutukoy nito ay ang Reyes-Monteiro Building na pag-aari ng pamilya ni Lester. Isa ito sa mga sikat na condo sa bayan nila. Karamihan sa mga nagmamay-ari ng unit dito ay mga foreigner na may asawang Pilipina. 'Yong iba naman ay mga fresh college graduate na mismong mga magulang ang bumili ng unit bilang graduation gift sa kanilang anak. Bukod kasi sa mura ang selling price, ay malapit pa ito sa kabisera ng lalawigan. "Di pwede. Nakita mo naman ang nangyari kanina. Ayokong malagay sa alanganin ang buhay ng mga nakatira do'n. Kahit saan, basta  huwag lang dito." "May alam akong bagong subdivision sa kabilang bayan. Kabubukas pa lang no'n. Kakilala ko ang broker. Saglit lang, tawagan ko muna." Kinuha nito ang cellphone at tinawagan ang ahente. Ilang minuto din itong nakipag-usap habang nakatanaw si Leester sa labas ng bintana. "Okay na, dude. Tatlong subdivision pala ang hawak n'onn. Iti-text na lang daw niya ang address. Pili ka na lang kung saang bayan mo gusto," wika nito matapos ibaba ang cellphone. "Sa kabilang bayan na lang. Malapit 'yon dito. Fifteen minutes lang andun na tayo. Samahan mo muna ako." Nag-seatbelt muna siya bago ini-start ang sasakyan. Seryosong nagmamaneho si Leester habang papalabas sila ng poblacion at binabaybay ang highway papunta sa kabilang bayan. Habang nagmamaneho, napansin niya ang palayan sa magkabilang parte ng highway. Napakaganda ng bukirin kung saan nakatanim ang mga luntiang palay na malapit nang mamunga. Ini-off niya ang aircon at binuksan ang bintana sa gawi niya para makalanghap ng sariwang hangin. Naalala na naman niya ang nakaraan. Ang totoo hindi niya pinangarap ang buhay na mayroon siya ngayon. Isang simpleng pamumuhay ang gusto niya. 'Yong tahimik at walang aalalahanin. Ayaw na ayaw niya ng buhay na tila nakikipagpatintero kay kamatayan. Napabuntong-hininga siya. Kung maibabalik niya lang sana ang panahon. Hindi na sana siya umalis ng bansa. 'Di sana nawala sa kaniya si Aurora. Hindi sana... "Hoy, Tooffer, ano ba!" sigaw niya sa katabi nang mapansing nakatulog ito. "Mamaya ka na matulog, malapit na tayo sa bayan." "Pasensiya na, boss. Napagod ako kagabi, e," nakangising wika nito. "Puro kasi babae ang alam mo. Paalala lang, bawas-bawasan mo ang pagkahilig sa mga 'yan. Next week, simula na ng "trabaho". Ayokong mabulilyaso ang mga plano ko." "Areglado, boss," sagot nito at pabulong na nagsalita. "Palibhasa mapait ang dinanas sa unang girlfriend." "Shut up, Tooffer! Narinig ko ang huling sinabi mo," sabay lingon sa katabi. Nairita siya sa huling sinabi nito. 'Di naman siya pinansin nang nakangiting si Tooffer, bagkus ay ibinaling nito ang paningin sa daan. "Boss, may mga chics, o. Mukhang nasiraan. Kailangan 'ata nila ng tulong, " wika nito nang mapansin ang kotse sa tabi ng highway. May early warning device na nakalagay sa tabi ng kotse. Malayo pa ay kita na nila ang dalawang babae na nakatayo sa tabi ng lalaki na tila chine-check ang gulong. "Huwag mong pansinin ang mga 'yan, nangti trip lang 'yan," pormal na sagot niya. "Di naman siguro, dude. Tulungan natin. Ang ganda no'ng isang babae, o," sabay turo nito sa maputi ngunit di naman katangkaran na babae. "Talaga naman! Pagdating sa babae, wala ka talagang pinipili. Tsk, tsk, tsk," Iiling-iling niyang wika. "Gano'n talaga 'pag guwapo," pagmamayabang nito. Nang medyo malapit na sila sa sasakyan ng mga ito, pinara siya ng dalawang babae. Hindi na siya nakatanggi, kaya itinabi niya ang sasakyan at pinatay ang makina. Bumaba siya para alamin kung ano ang maitutulong ngunit laking gulat niya nang mapansin niyang nasa tabi na ng mga ito ang kaibigan at nakikipagkilala na. "Ang bilis talaga ng loko," wika niya sa sarili. "Salamat po at hinintuan ninyo kami. Kanina pa po kami dito pero wala pong gustong tumulong sa 'min," Narinig niyang wika no'ng isang babae kay Tooffer habang papalapit siya sa mga ito. Tinawag siya nito para ipakilala. "Dude, I would like you to meet my new friends," mayabang na sabi nito. "Liza and Isabella," sabay kindat nito sa dalawang babae. May diin pa ang pagkakasabi nito sa pangalan ni Isabella at na gets naman niya ang ibig ipahiwatig ng kaibigan. "Girls, this is my friend---" "Raine. Raine ang pangalan ko," putol niya sa iba pang sasabihin nito. "Hi, Raine," wika ni Liza at inilahad nito ang kamay. Nakipag-kamay siya dito, gano'n din kay Isabella. May kung anong bagay siyang naramdaman sa kaniyang katawan nang magkadaiti ang kanilang mga palad ng huli. Hindi naman mainit ang panahon pero para siyang pinagpawisan na hindi niya maintindihan. Banyaga sa kaniya ang pakiramdam na iyon. Mula sa magkahawak nilang mga kamay, iniangat niya ang kaniyang paningin at nahagip ng kaniyang mga mata ang maamo nitong mukha, ang medyo singkit nitong mga mata, at ang mapupulang labi na tila kaysarap halikan. Para siyang nahihipnotismo habang tinitittigan ang mukha ni Isabella. Hawak pa rin niya ang kamay ng dalaga nang may marinig siyang tumili sa bandang likuran niya. "Ay!  Ang wawafu nila, mga bes," wika nito. Halatang-halata sa kilos nito ang kilig na nararamdaman. Tila nahimasmasan naman si Lester, kaya marahan niyang binitawan ang kamay ni Isabella at nilingon ito. "Ah, Stephen, meet Tooffer and Raine," wika ni Liza. "Guys, this is our friend, Stephen." Kumaway lang si Stephen sa dalawa. Tango lang ang iginanti Leester. Ngumiti naman si Tooffer. "Ano nga pala ang nangyari  sa sasakyan ninyo?" tanong niya. Tingin niya ay mga estudyante ito, base na rin sa suot na uniporme. Mukhang alam niya kung saan nag-aaral ang mga ito. "Kanina kasi habang nagmamaneho si Stephen, bigla na lang umusok, kaya hayun itinigil muna niya ang sasakyan," paliwanag ni Isabella. Napadako ang tingin niya sa dalaga at di nakaligtas sa kaniyang paningin ang tila pamumula ng pisngi nito. Hindi rin ito makatingin sa kaniya nang diretso habang nagsasalita. May kung ano na naman siyang naramdaman sa dibdib nang muli niyang mapagmasdan ang magandang mukha nito. "Ah... Okay," sagot niya sa tila nahihiyang dalaga. "Saglit lang, titingnan ko ang makina," dagdag pa niya at tinungo ang harapan ng sasakyan. "Kailangan 'tong madala sa paggawaan. Nag-overheat ang sasakyan at nasira ang wiring." Ibinaba niya ang hood ng kotse. "Hala. Pa'no na tayo nito. Baka ma-late tayo sa school," nag-aalalang wika ni Liza. "Kung gusto ninyo, hatid namin kayo sa school, 'di ba, dude?" tila nanunudyong wika ni Tooffer sa kaibigan. "Yeah. Of course. Kung papayag sila. Tawagan mo muna, dude 'yung paggawaan ng sasakyan." "Yes. Payag na payag kami. 'Di ba, girls?" masayang sagot ni Stephen at hinarap sina Liza at Isabella. Umikot ang mga mata nito habang nakapamaywang. "Pumayag na kayo, mga sis. Huwag choosy ha, ang wawafu nila. Chance na natin itey," bulong nito sa dalawa. "Baklang 'to, mamanyakin mo lang ang mga 'yan. Basta libre mo kami ni Issa ng merienda mamaya." "Oo, ba." "So, ihahatid na namin kayo?" tanong ni Lester matapos ang pag-uusap ng tatlo. "Okay. Let's go, mga bes," sagot ni Stephen at nagpatiuna na ito sa sasakyan ni Leester.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD