CHAPTER 6

1906 Words
CHAPTER 6 Nag-aabang sa lobby ng condominium building si Gio. Late na nang 5 minutes ang ahente ng unit na tiyahin pala ni Simon. Nakahalukipkip ang kanyang mga braso habang nakatayo siya sa isang tabi. Tumingin na naman siya sa relo niya kahit na katitingin pa lang niya rito kani-kanina lang. Mayamaya ay may nakita si Gio na isang babae na mukhang nasa late 50s ang edad. Humahangos ito papasok ng lobby. Hindi pa nito maisarado ang hawak na nakabukas na payong. Nagtama ang mga mata nila at nagmamadali itong lumapit sa kanya. “Ikaw ba si Gio?” tanong nito sa kanya. Alam nito na kulay green na poloshirt ang suot niya dahil nag-text siya rito kanina. Pinaalam niya rito para madali silang magkita at hindi na maghanapan pa. “Ako nga po.” “Ako ‘yung tita ni Simon.” “Hello po.” Iniabot niya rito ang kamay niya at sa taranta nito ‘yung payong ang naibigay sa kanya. Natawa ito sa sariling pagkakamali. “Naku. Pasenya na hijo,” sabi nito kasunod ng pagpunas ng pawis sa noo. Napakatindi kasi ng sikat ng araw sa labas. Tagaktak nga ang pawis nito sa noo. Kung may dala nga lang siyang panyo ay aalukin niya ito, pero sa pagmamadali niya kanina ay nakalimutan na niyang magdala. “Akin na po, tulungan ko na po kayo.” Kinuha niya ang payong rito, isinarado at saka isinaoli. “Salamat. Tara na?” Naglakad sila papunta sa front desk. “Hi Tita Flor,” bati ng magandang babaeng receptionist. Nakasuot ito ng uniform na kulay itim na may desenyong kulay gold sa may kuwelyo. Ayos na ayos ang nakapusod na buhok nito na may hati sa gilid. Napatitig si Gio sa receptionist dahil sa ganda nito. “Bagong client?” tanong nito sabay tingin sa kanya kaya napangiti siya. “Oo, titingnan niya ‘yung unit ni doktora.” “Ahh... Okay…” Nakangiting sabi ng receptionist pero parang may ibig sabihin ang mabagal na pagsasalita nito at bahagyang pagkunot ng noo. Tingin niya’y alam nito ang nangyari sa doktora na dating may ari ng unit. Iniabot nito sa kanila ang logbook kung saan isinulat nila ang mga pangalan nila. Nag-iwan din sila ng I.D. rito. “Maganda ‘yung unit. Malinis at bago pa. Ginawa lang naman kasi iyong tulugan ni doktora kapag hindi siya nakakauwi sa kanila kapag maraming opera. Surgeon kasi ‘yon. Mas madalas pa nga ata ‘yon mag-stay sa ospital kaysa d’yan sa unit niya. Tinanggal na lahat ng gamit kaya wala nang dapat hakutin. Walang problema sa tubig dito. Ang sinampay pwede mo ilagay sa balcony. Hindi babaho ang damit. Allowed ding mag-alaga ng hayop, kaya kung may alaga ka pwede mo dalhin. Basta marunong ka maglinis. Kapag pinasyal mo sa labas at tumae, ikaw ang magpupulot. Kaya mabuti pa suotan mo na lang ng diaper.” Kwento ng ahente sa kanya habang naglalakad sila papunta sa elevator. “Maganda pa ‘yung pintura ng mga pader. ‘Yung tiles hindi pa gasgas. ‘Yung mga lababo at inidoro walang bara. ‘Yung mga ilaw hindi tinanggal kaya hindi mo na kailangan bumili. Ang liwanag. Ang ganda.” Nakatayo na sila sa tapat ng elevator at tuloy pa rin ito sa pagkwekwento. Parehong pababa na, ang elevator kung saan sila nakatapat at ang elevator na nasa tabi nito. Mas naunang bumukas ang nasa tapat nila kaya doon na sila pumasok. Pasarado na ang pintuan ng elevator na sinasakyan nila nang may humabol na isang lalaki kaya bumukas uli ang pintuan. Nang pasarado na uli ito isang matangkad na lalaki ang nakita ni Gio na naglalakad sa labas ng elevator. May kausap ito sa cellphone. Nanlaki ang mga mata niya nang ma-realize niya kung sino ito. Bigla siyang napatalikod nang mapatingin ito sa direksyon niya. “Bakit hijo?” tanong ng ahenteng kasama. “W-wala po.” Paakyat na sila at hindi mawala sa isip niya ang lalaki. Hindi naman siguro siya rito nakatira. Baka may binisita lang. Eh ano naman ngayon kung magkita kami? Sabi nga ni Inay, mag-sorry na lang ako uli. Ang lalaking nakita niya ay ang lalaking nabuhusan niya ng tubig noong araw na may medical exam siya. ‘Tsaka sa dami ng floors nitong condominium na ‘to, hindi naman siguro kami magkikita. Sa office building nga namin hindi ko na siya nakita uli, eh isang linggo na akong pumapasok. Paglabas nila ng elevator, lumiko sila sa kaliwa. Ilang units ang nadaanan nila bago sila nakarating sa unit na pakay nila na nasa kanan. “72593 ang password nitong pinto, pero pwede mong palitan kung gusto mo,” sabi ng ahente habang pumipindot ito sa keypad na nasa pinto ng unit. Pagpasok nila sa unit, maaliwalas ito, lalo pa’t walang nakatabing na kurtina o blinds sa sliding na pintuan ng balcony kung saan pumapasok ang liwanag galing sa labas. At tulad ng kwento ng ahente, maganda, malinis at mukhang bago pa nga ang unit. “Nagustuhan ko po,” sabi niya sa ahente. “Yung mga tenants po ba na katabi nito, okay naman? Mababait naman? Kilala n’yo po ba?” “D’yan sa tapat mo may nakatirang lalaki na nagso-solo. Sa kanan dalawang babae ang nakatira. Kaedaran mo siguro. Sa kaliwa, mag-asawa na bagong kasal, at meron din atang mag-asawa na may dalawang anak, at sanggol pa ‘yung bunso. Sila pa lang ang nakita ko rito sa floor na ‘to. Okay naman sila. Mababait.” “Okay, sige. Kukunin ko na po ito.” “Naku, salamat hijo. Hindi ka magsisisi sa pag-upa rito.” “Nak, dali kausapin mo ang kuya mo,” masayang bungad sa kanya ng ina nang makauwi na siya. Nakaupo ito sa kusina at hawak ang cellphone habang katabi ang nasa wheelchair na asawa. Kausap nito ang naka-videocall na kuya niya. Nagmamadali siyang pumunta sa likuran ng mga magulang. “Kuya!” masayang bati niya sa kapatid. “Kumusta ang trabaho bunso?” “Ayos! Masaya. Dami agad trabaho. Ang laki ng tiwala nila sa ‘kin.” Binigay sa kanya ng ina ang hawak na cellphone. “Kayo na muna ang mag-usap. Kanina pa namin kausap ang kuya mo dahil walang pasok.” Itinulak na nito ang wheelchair ng asawa papasok sa kwarto nito. “Mabuti ‘yon, para ma-promote ka agad. Nasabi pala sa ‘kin ng Inay na laging gabi na raw kung umuwi ka at napapagod ka sa byahe.” “Nakahanap na ‘ko ng matitirhan do’n kuya. Mura lang pero maganda. Isang sakay lang mula sa office.” “Nakapag-downpayment ka na ba? Padadalhan kita.” “Hindi na Kuya. Kinuha ko na lang sa ipon ko, pero may hihingin akong pabor kaya saktong-sakto ‘tong tawag mo.” “Ano ‘yon?” “Gagamitin ko sana ‘yung credit card mo. May supplementary card naman ako ‘di ba? Mamimili kasi ako ng gamit nang hindi ako aalog-alog doon sa titirhan ko. Icre-credit card ko para pwede kong bayaran nang hulugan.” “Yon lang pala. Sige gamitin mo. Tutulungan pa kitang magbayad.” “Thanks Kuya! Labyu!” Natawa ang kapatid sa kanya. Sa iisang appliance at furniture store na lang bumili si Gio para sabay-sabay nang mai-deliver sa condo unit lahat ng mga gamit niya. Bumili siya ng kama, dalawang stool na ilalagay niya sa may kitchen countertop para doon na lang siya kakain, isang 3 seater na couch na may kasama nang coffee table, para may upuan kung may bisita, induction stove, refrigirator, laundry rack para may sabitan siya ng damit at saka plantsa. Hindi na siya bumili ng washing machine dahil magpapa-laundry na lang siya. Hindi na rin siya bumili ng TV dahil pwede naman siyang manood sa laptop ng pelikula kung naiinip siya. ‘Yung ibang mga gamit tulad ng mga gamit sa pagkain at pagluluto’y kinuha na lang niya bahay nila. ‘Yung ilan pang mga gamit na kakailanganin niya’y paunti-unti na lang niyang bibilhin hanggang sa makumpleto niya. Habang nasa hallway siya, at isa-isang ipinapasok sa unit niya ang mga gamit na binili, nakita niyang bumukas ang pintuan ng unit na nasa kanan ng unit niya. Dalawang babae nga ang nakatira rito. “Bye love,” sabi ng babaeng nasa labas na ng pintuan bago halikan sa labi ang kasamang babae na nasa loob at kalahati lang ng katawan ang nakalabas sa pintuan. Pigil ang ngiti ni Gio. Mayamaya ay dumating naman ang mag-asawang bagong kasal. Ang sweet ng mga ito sa isa’t isa. Nakaakbay ang lalaki sa babae habang nakayakap naman ang babae sa bewang ng asawa. Parang ayaw magkahiwalay ng mga ito kahit saglit man lang. Huli niyang nakita ang mag-asawang may dalawang anak. May bitbit na dalawang supot ng grocery ang mister habang buhat ng misis ang bunsong anak at ang panganay ay tumatakbo na may buhat na manika sa kaliwang kamay at lobo naman sa kabila. Ang tanging hindi niya lang nakita ay ang lalaking solo na nakatira sa tapat ng unit niya. May biglang pumasok sa isip niya. Napailing siya. Hindi. Hindi naman siguro. Pagkaalis ng mga nag-deliver ng gamit, sinimulan nang ayusin ni Gio ang kanyang unit. Nakabili na rin siya ng bagong mga unan at kobre kama. Ito ang una niyang inayos para may tutulugan na siya lalo pa’t ilang oras na lang ay gagabi na. Sunod niyang ikinabit ang blinds sa balcony at shower curtain sa banyo. Nang matapos mag-ayos, kinuha niya ang cellphone niya para tawagan si Vicky. “V!” “Ano na naman?” “Ayos na ang unit ko. Pwede ka nang pumunta rito. Malambot kama ko.” “Paalis ako ngayon.” “Ngayon ka na pupunta rito?” “Gago, hindi. Papunta ‘kong Cebu. Flight ko na mamaya.” “Saang airport? Puntahan kita.” “Huwag na. Nandito na ‘ko sa Clark. Dito flight ko.” “Para sa work? Bakit biglaan? Hindi mo ‘ko sinabihan.” “Oo. Isang linggo lang naman, kaya ‘di ko na sinabi.” “Gusto mo ng nude? Padalhan kita, para may baon ka.” Napahalakhak ito sa kabilang linya. “Gago ka talaga. Huwag ngayon Gio, nasa labas ako.” “Punta kang banyo.” “Siraulo.” Tumawa siya. “Joke lang. Pasalubong ko ha? Uwian mo ‘ko ng danggit ‘tsaka dried mangoes.” “Akala mo may pabaon.” “Bibigyan nga kita, ayaw mo naman.” “Gago ka talaga. Bwisit!” Matapos nilang mag-usap ni Vicky, naisipan niyang pumunta sa grocery para magkalaman naman ang kusina at ref. niya. Namili siya ng mga de lata, instant noodles, instant coffee, juice, condiments, tocino, hotdog, itlog, karne ng baboy at manok, ilang gulay at prutas. Dahil may kabigatan ang mga dala niya, hindi na niya nahabol ang pasarado nang elevator sa condominium building. Mabuti na lang at pababa na rin ang katabi nito kaya nakasakay agad siya at nakapanik sa 25th floor kung nasaan ang unit niya. “Ang bigat ng mga de lata,” bulong niya sa sarili habang naglalakad sa hallway. Pagtingala niya nakita niyang nakabukas ang pintuan ng unit sa tapat ng unit niya. Mukhang nagbakasyon ang may-ari nito dahil nakalabas pa sa bahagyang nakabukas na pintuan ang dulo ng bagahe nito. Nagmamadali siyang naglakad para makita ang papasok na may-ari, ngunit nakasaradong pintuan na ang naabutan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD