Chapter 21

1113 Words
CHAPTER 21 "Sa tuwing may naririnig ako patungkol sa 'yo, hindi kita maipagtanggol, Larisa. Kasi ikaw mismo, ayaw mo namang sabihin sa kanila ang totoo. Ikaw mismo, ayaw mong lumaban ng patas." Bumuntong hininga si Haris, kapagkuwan ay itinagilid ang ulo upang mas magpantay ang mga mukha naming dalawa. "At higit sa lahat, ayaw mo ring malaman ni Aliyah na ang step-father mo ay ang kaniyang ama. Tama 'di ba?" Suminghot ako. Mariin kung titigan ako ni Haris, bumubulusok sa parehong mata niya ang pinaghalong galit at pagkadismaya. Ngayon ko lang siya nakitang ganito sa akin at grabe lang din talaga iyong expectation ko na akala ko ay maiintindihan niya ako. Pinalis ko ang nagkalat na luha sa aking pisngi. Saglit akong lumanghap ng sariwang hangin para punan ang naghihingalo kong dibdib. Nang magawa ay doon ako mahinang natawa. Nagulat si Haris. "Inaalala mo ba si Alice bilang isang concern Dean's officer ng school na 'to, o sa katotohanang step-brother ka niya? O baka dahil may something ka nang nararamdaman sa kaniya?" sunud-sunod kong palatak na naging dahilan para mangunot ang noo niya. "Anong sinasabi mo—" Hindi ko na siya hinayaan pang matapos nang malakas kong pinalagapak ang palad ko sa kanang pisngi niya. Literal na nalaglag ang panga niya sa gitna ng kalsada. Gulat na gulat siya nang muli niya akong balingan. Bahagya pang nakaawang ang labi niya at kitang-kita ko roon ang mumunting sugat na idinulot nang pagdaplis ng kuko ko. Sa nasaksihan ay dagling nahabag ang puso ko, pero madali ko iyong pinalis at mapang-uyam na tinitigan si Haris. "Kayong apat na magkakaibigan, ikaw, sina Anthony, Ricky at Shaun... hindi ba't pinagpustahan niyo lang naman ako? Simula nang malaman ko iyan ay wala kang narinig kahit isang salita sa akin, Haris!" Hinampas ko nang paulit-ulit ang dibdib niya. Ngunit dala ng pagkakagulat niya ay nabato ito sa kaniyang pagkakatayo, tila pa bukal sa puso niyang tinatanggap ang pananakit ko bilang kapalit sa lahat ng kasinungalingan niya sa akin. "Kaya anong karapatan mong sigawan ako ngayon? Anong karapatan mong madismaya? At alin sa relasyon natin ang magbibigay sa 'yo ng karapatan na husgahan ako, gayong lahat naman ng ipinapakita mo sa akin ay pawang kasinungalingan!" singhal ko rito sa abot na makakaya ko, halos pumipiyok na ako pero gusto kong ibuhos lahat ng gusto kong sabihin sa kaniya. Minsan lang 'to, sulitin ko na. Dahil alam kong pagkatapos nito, tapos na rin kaming dalawa ni Haris. Hindi na ulit mauulit ang pag-uusap naming ganito, o kahit bumalik man kami sa normal. Hindi na mauulit na magkikita pa ulit kami, kung mangyari man ay casual na lang. Kasi ako? Dadalhin ko hanggang kamatayan ang galit ko kay Haris. "Ano, Haris? Buking ka na, lintik ka! Sa higit dalawang taon natin, inakala kong iba ka sa mga lalaking gustong makipila kay Alice! Pero alam mo, Haris? Ako!" Idinuro ko ang dibdib ko bilang pagdidiin sa sarili. "Ako mismo ang saksi kung paano ka magpahalaga kay Alice! Kung paano ka manginig kapag nandiyan siya, o kahit marinig mo lang ang pangalan niya sa ibang tao! Kung paano ka magalit sa tuwing may bago siyang boyfriend! Kitang-kita ko kung paano ka unti-unting nahuhulog sa kaniya! Kitang-kita ko lahat, Haris! Kaya umamin ka sa akin ngayon, gusto mo si Alice, hindi ba?" Umiiyak man sa harapan ni Haris ay buong tapang kong sinalubong ang matalim niyang mga mata. Sa dami ng emosyong lumulukob sa puso ko ay sa pag-iyak ko na lang lahat nailalabas. Hindi ko pa inakalang iiyakan ko ulit si Haris sa pangalawang pagkakataon. "Sige, Haris, sabihin mo sa akin ang lahat! Makikinig ako, para man lang kahit sa huling araw ng relasyon natin ay maipakita mong concern ka rin sa akin, na hindi puro si Aliyah ang inaalala mo." Nagtagis ang bagang ni Haris. Kasunod nang pagyuko niya, tumango-tango rin na para bang tinanggap na rin niyang talo siya. Mayamaya nang halos mapaatras ako nang lumuhod siya sa harapan ko. "I'm sorry..." panimula niya habang nananatiling nakayuko, ang dalawa niyang kamay ay nakatukod sa magkabilaan niyang tuhod. "Totoo na pinagpustahan ka namin nina Anthony. Noong una ay ayoko, alam nilang hindi ko kaya na manakit ng ibang tao kaya nag-back out ako. Pero sa paglipas ng araw at sa araw-araw na nakikita kong binu-bully ka, nagkusa ako na lapitan ka. Nakipagkaibigan ako sa 'yo na walang nagtutulak sa akin. Nagustuhan kita, Larisa, kaya kita niligawan. Pero para kina Anthony ay parte pa rin iyon ng pustahan. Nilinaw ko sa kanilang gusto kita, Larisa. Kaya ayoko na ring maungkat pa iyong usaping iyon dahil wala namang pustahan na naganap noong niligawan kita. Hindi ka rin mahirap na mahalin, kaya nga minahal din kita kalaunan. Walang kasinungalingan sa pagmamahal ko sa 'yo, Larisa. Lahat nang ipinaramdam ko, ipinakita ko sa 'yo... lahat iyon ay totoo." Dahan-dahan nang mag-angat siya ng tingin sa akin. Kaagad kong natakpan ang bibig upang mapigilan sa pag-awang nang makita ang pagkinang ng mga luha niya sa kaniyang pisngi. Nanlaki ang mga mata ko. Napaatras pa ako. Literal ding nanginig ang dalawang binti ko at tuluyang nanghina. Napaluhod ako sa harapan ni Haris. Natatakot pa akong hawakan niya. Bandang huli nang mahawakan ko siya sa braso niya. Sa panginginig ng kamay ko ay nagmistulang hangin lang ang kamay ko sa kaniyang braso. Nagpatuloy si Haris sa tahimik niyang pagluha, ngayon ko nakita sa mukha niya ang labis na pagsisisi— pagsisisi na mismong kagagawan niya at hindi sa akin. Hindi ko alam kung sadya bang maawain lang ako at bigla rin akong nagsisi na humantong pa kaming dalawa sa ganito. Tila pa gusto kong ibalik ang oras kanina, sana ay kaya ko pang bawiin ang lahat ng sinabi ko. "Kaya kong ipagsigawan kung gaano kita kamahal, Larisa," dugtong ni Haris. "Pero totoo ring gusto mo si Alice?" mahinahong kong tanong. Tumitig sa akin si Haris. Kinuha niya ang kamay ko, saka inilapat sa kaniyang pisngi. Animo'y sumesenyas na sampalin ko siya ulit. Lalo lang akong napaiyak sa natanto kong iyon. Wala pang sagot, pero alam ko na. "When you asked me, na 'yung pag-aalala ko ba sa kaniya ay pakiusap lang sa akin— hindi, Larisa. Noong una ay hindi ko rin alam, akala ko ay naaawa lang ako sa kaniya dahil sa mga nakikita kong pinagdadaanan niya, pero kaagad ko ring na-realize." Unti-unti nang tumango si Haris. "Hindi ko alam kung paano nangyari, Larisa... I'm sorry." Umiyak sa harapan ko si Haris. Iyong sagot na hinihingi ko ay hindi niya mawari kung paano ilalagay sa tamang salita, kaya pagtangis na lang ang nagawa nito. Ganoon pa man ay napatunayan ko na. Oo, gusto na nga niya si Alice.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD