Prologue

1123 Words
PROLOGUE "Belle," pagtawag sa akin ni Mama, saktong palabas na ako ng bahay. Nilingon ko ito sa pagitan ng leeg at balikat ko. "Yes, Ma?" "Baka mamaya na ang dating ng Tito Sebastian mo. Sana talaga ay matanggap mo siya. Alam ko na mahirap para sa atin ito dahil sa pagkamatay ng Papa mo, pero pinipilit kong buuin ulit ang pamilya natin." Ngumiti ako. "Naiintindihan ko, Ma." May agam-agam man sa itsura ni Mama ay kaagad siyang napangiti. Bumuntong hininga rin kalaunan nang matantong tanggap ko naman kahit anong gawin niya, kahit makarami pa siya ng lalaki ay okay lang sa akin. Wala naman na si Papa. Ilang taon na rin simula nang mawala siya sa amin. Higit sampung taon na siguro ang nakalipas at ngayon na nakita ko ulit ang ngiti ni Mama ay hindi ko iyon pipigilan. Alam ko na masaya siya sa lalaking nakilala niya. Kitang-kita ko iyon dahil simula nang mamatay si Papa ay para na rin siyang namatay. Magkasama kami sa iisang bahay, pero hindi ko siya maramdaman. Ngayon lang, ngayon na lang ulit nagawang ngumiti ni Mama ng ganiyan. Kaya sino ba ako para tutulan iyon? Bumuntong hininga ako. Hindi naglaon ay tuluyan akong lumabas sa mumunti naming bahay. Hindi kami mayaman bagkus ay mahirap lang kami. Sa socio-economic hierarchy, kami iyong nasa working class family. Meaning, low class. Limited lang ang kinakain sa araw-araw at itong pag-aaral ko sa kolehiyo ay pilit lang na iginagapang ni Mama. Malaking tulong din ang ibinigay na scholarship sa akin. Hindi na rin ako nagtataka kung bakit sa school na pinapasukan ko ay tampulan ako ng tukso. Dati sa palabas ko lang ito nakikita, ngayon ay nararanasan ko na. Totoo pala talaga na kapag hindi mo sila ka-level, hindi special ang turing sa 'yo. Totoo ring hindi pantay-pantay ang mga tao. Kumakapit na lang din ako sa reyalisasyong gusto kong maka-graduate, para rin makatulong kay Mama at masuklian lahat ng hirap niya sa akin. Kung hindi lang naman din dahil doon, bakit pa ako magtitiyagang pagtiisan ang mga bully kong kaklase? "Hoy, hampaslupa," pagtawag sa akin ng isang babae dahilan para magtawanan ang mga kaibigan niya. "Dalhin mo itong bag namin. Mauna ka na rin sa room." Maang na tinitigan ko si Aliyah Denice Ventura, o mas kilala sa palayaw niyang Alice the Great. Kung gaano kaganda ang pangalan at itsura niya ay ganoon naman kagaspang ang ugali niya. Bukod sa reputasyong mayroon siya rito sa school; basag-ulo, rebelde, yosi at alak, mahilig mag-cut class at papalit-palit ng boyfriend, marami pa rin ang tinitingala siya at nagkakagusto sa kaniya. Tunay namang maganda siya. Matangkad, makinis at maputi. Mahaba ang buhok, maganda ang hubog ng katawan at perpekto ang hugis ng mukha. Higit sa lahat, kabilang sa upper class family. Sino bang hindi magkakagusto sa babaeng katulad niya? Kaya pakialam ng lahat kung pangit man ang ugali niya? "Bakit ka nakatitig ng ganiyan? Gusto mo akong saktan?" Mapakla siyang tumawa, ang boses niya ay nakakarindi. Ngumiti ako, kapagkuwan ay kinuha ang magara niyang hand bag. Gusto niyang iniingatan ko ang lahat ng gamit niya. Kung hindi kasi branded ay limited edition lang din iyon. Mahirap na rin na masira ko iyon at wala naman akong pambayad. Mapang-asar na ngumisi si Alice. "Sige na, umalis ka na. Nakakaasiwa 'yang mukha mo." Saglit ko pa silang tiningnan, pilit naman akong pinagtabuyan ng mga kaibigan niya. Bandang huli ay tumalima rin ako. Dumeretso ako sa class room namin. Wala pa ang Professor kaya tahimik akong nagmukmok sa gilid. Hindi rin nagtagal nang isa-isang pumasok ang mga kaklase ko, kasunod ng Prof namin. Umayos ako ng upo at inilabas ang binder ko. Kumulumbaba ako habang pinapanood ang paglalakad ni Alice. Maganda ako, iyan ang sinasabi ng iba na nakaka-appreciate sa akin. Kung mayaman lang din ako katulad niya, baka nasa iisang spot lang din kami. Ang kaibahan lang namin, matalino ako. Siya, hindi. Mataas ang academic grade ko simula noong nursery ako. Valedictorian naman ako noong elementary at high school. At ngayon na kahit first year college pa lang ako ay pangalan ko na ang nangunguna sa rank ng school. Kumpara sa aming dalawa, masasabi kong mas lamang ako kaysa sa kaniya. Ang pera ay kayang kitain, pwedeng pag-ipunan, pero ang ugali at katalinuhan? Kung wala ka talaga, mamamatay kang bobo. Nasipatan ako ng tingin ni Alice. Ilang bangko lang ang layo namin sa isa't-isa. Mabilis siyang nag-angat ng kilay. Samantala ay inilipat ko ang atensyon sa white board at sa History Professor naming nagsasalita. "Where was the first British colony in the Americas?" tanong nito, wala ni isa ang nagtaas ng kamay para sumagot. "Jamestown, Virginia." Sa boses kong pumaibabaw sa apat na sulok ng classroom ay sabay-sabay na nagtinginan ang lahat sa akin. Pumalakpak naman ang Prof. Hindi na ito bago sa kaniya ngunit manghang-mangha pa rin siya. "All right. Another question, when did the Berlin Wall fall? Anyone?" "Year 1989," sagot ko. Halos masamang titig na ang natatanggap ko. At iyan ang reputasyong mayroon ako rito sa school. Hindi nakakatuwa, pero proud ako. "Si Larisa lang yata ang nakikinig sa subject ko. I am so disappointed," anang Professor. "Tch, bida-bida." Rinig kong bulungan sa paligid at iyon na ang naging mitsa para mapag-isahan ako sa araw na iyon. "Masyado kang mapagmataas, hampaslupa ka naman!" Si Alice na nangunguna sa pambu-bully, nagawa pa niya akong itulak dahilan para mapaupo ako sa sahig. Halos mapapikit naman ako nang ibuhos sa ulo ko ang laman ng trash can. Nagkalat ang basura sa gilid ko. May ibang pagkain na dumikit sa balat at uniporme ko. Nang magmulat ay nabungaran ko si Alice. Nakaupo na siya sa harapan ko. Kitang-kita ko ang ngisi sa kaniyang mukha. Nang hindi pa matuwa sa dinanas ko ay hinila niya ang buhok ko patalikod, rason para mapatingala ako sa kaniya. "What if ipatanggal ko ang scholarship mo, Larisa? Matutuwa kaya ang nanay mo?" Humalakhak siya at saka ako pinanlakihan ng mga mata. "Patay na ang tatay mo, hindi ba? Broken family ka rin, pero bakit ang yabang-yabang mo? Wala kang silbi. Ni tulong sa mga kaklase mong umangat ay hindi mo magawa." Muli niyang hinila ang buhok ko. Mariin ang naging pagngiwi ko nang manuot ang sakit sa anit ko. Isang beses kong tiningnan ang mga kaklase kong nakadungaw lang sa amin. Wala ni isa sa kanila ang tumulong sa akin. Wala ni isa ang gustong tumulong kahit noong una pa lamang, kaya bakit ko sila tutulungan 'di ba? "Broken family?" pag-uulit ko at ibinalik ang atensyon kay Alice. "Mas valid pa ang pagiging broken family ko dahil patay na ang tatay ko. Eh, ikaw? Paano ang Daddy mo? Hindi ba't hiniwalayan niya ang Mommy mo at sumama sa ibang babae?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD