Chapter 6

1096 Words
CHAPTER 6 Kinabukasan ay napabalitang absent na naman si Alice. Wala namang bago, hindi na nagulat ang mga kaklase at Professor namin. Ang iba ay iiling-iling na lang habang dismayado ang mga mukha. Hindi na rin sana ako magugulat, o magtataka, pero dahil nananatiling walang tawag o kahit text si Haris ay hindi ako mapakali. Hindi ko maiwasan na mag-isip ng kung anu-ano. Medyo late na ako nakapasok kanina sa sobrang hirap makasakay at lahat ay punuan, bus man o jeep. Kaya wala na ring oras kung pupuntahan ko man si Haris sa building niya. At kung gugustuhin naman din niya akong makausap ay kahapon pa sana niya ginawa. Bumuntong hininga ako bago yumuko upang pagtuunan ng pansin ang isinusulat ko. Halos tumagos ang ballpen ko sa desk sa sobrang diin nang pagkakasulat ko. Itinukod ko pa ang isang kamay sa baba. Nawawala man din sa tamang huwisyo ay pinipilit ko pa rin ang sarili na makinig sa Professor na nasa harap. Sa dalawang subject sa umagang iyon ay hindi ko alam kung may natutunan ba ako. Nang mag-lunch break ay nagmamadali kong iniligpit ang mga gamit ko. Hindi ko pa man nasusukbit nang maayos ang bagpack ko ay tumakbo na ako palabas ng room. Mabilis nga lang din napahinto nang makita sa tapat ng pinto si Haris na nakaabang. Nakatayo siya roon habang nakasandal sa pader. Nang makita ako ay saka siya umahon. Siya na rin ang nagkusang lapitan ako. Kaagad niya akong dinungaw nang huminto ito sa harapan ko. Gamay ni Haris ang emosyon ko at alam niyang may kinikimkim akong galit kung kaya ay maagap niyang inilagay ang isang kamay sa ulunan ko. Dahan-dahan pa nang dumukwang siya upang halikan ang noo ko. "Sorry, Larisa..." bulong niya sa mukha ko dahilan para malanghap ko ang mabangong hininga niya. "Sobrang busy ko lang talaga, sa bahay man o rito sa school." Nagtaas ako ng kilay kay Haris. "Sa bago niyong bahay?" "Yup. Inayos ko iyong mga gamit ko sa kwarto," nakangiti niyang turan. "Sana ay tinawagan mo pa rin ako kahit nag-aayos ka. Gano'n naman ang ginagawa mo rati, hindi ba?" "Hindi kasi ako makapag-concentrate lalo na't labas-masok ako sa kwarto. Pasensya na, Larisa. Ang dami ko ng kasalanan sa 'yo... paano ba ako makababawi sa 'yo, hmm?" nanlalambing niyang sambit at saka pa hinawakan ang baba ko, masuyo niya iyong pinisil habang nangingiti. Napasinghap ako. Sa totoo lang ay hindi ko rin naman gusto na nag-aaway kami ni Haris, kahit ang tampuhan ay ayoko nang palakihin. Kaya imbes na magmatigas pa ay bumigay na rin ako. At sino ba naman kasi ang hindi manghihina rito kay Haris? "Kumain na lang tayo at ilibre mo ako." Hinila ko na si Haris at masyado na rin kaming nakaharang sa daan. Natawa siya, mayamaya nang kalasin niya ang kamay ko. Nang tingnan iyon ay naabutan kong pinagsalikop niya ang mga daliri namin. Ngumuso ako upang pigilan ang ngiting nagbabadya sa labi ko. Ilang sandali pa nang makalabas kami ng school. Sa tapat kasi nito ay naroon ang nakahilerang mga fast food chain. Sa Jolibee kami pumunta at paborito ko ang spaghetti at fried chicken nila rito. Si Haris ang pumila sa counter, alam naman na niya ang palagi kong order kaya nauna na akong naghanap ng bakanteng upuan. Sa ikalawang palapag na ako nakakita. Masyadong maraming tao dahil ganap na alas dose na ng tanghali. Naghintay lang ako roon hanggang sa makaupo rin si Haris sa tapat ko. Inilapag niya ang mga pagkain sa lamesa. Gaano man din kaingay sa paligid ay nananatili kaming tahimik ni Haris. Kapag ganitong kumakain kami sa labas ay date na rin kung ituring ko ito. Hindi ako materialistic na babae, kaya naman sa tuwing may ibinibigay si Haris ay talagang iniingatan at tinatago ko. "Siya nga pala, Haris..." panimula ko nang matapos akong kumain. Halos magkasabay lang din kami ni Haris. Inisang lagukan nito ang kinuhang tubig, kapagkuwan ay nagpunas ng kaniyang labi. "Hmm?" aniya, saglit pa niyang inayos ang pinagkainan naming dalawa. Pinanood ko naman siya habang pinipilit pa ang sarili na sabihin sa kaniya ang totoo. "Lilipat na nga pala kami ng bahay." Sa sinabi ko ay dagli siyang natigil sa ginagawa. Mabilis din niyang naibaling sa akin ang atensyon at maang akong tinitigan. Tipid akong ngumiti. Bumuntong hininga rin. "Saan? Kailan?" "Hindi ko pa alam kay Mama. Siguro ay ngayong buwan din," sagot ko na hindi rin masabi-sabi ang patungkol kay Daddy Sebastian. Ngayon ko pa ba sasabihin kung kailan ay nasa iisang bahay na lang sila ni Alice? Kahit pa sabihing hindi sila close, o ipangako man ni Haris sa akin na hindi niya sasabihin kay Alice, may pangamba pa rin ako at si Mama ang nakasalalay dito. Bukod doon ay tuluyan ko na ngang tinanggap si Sebastian bilang bago kong ama. Selfish ako, alam ko iyon. Pero alang-ala na lang sa kaligayahan ni Mama, mas pipiliin kong maging selfish habambuhay. Kaya ngayon pa lang ay grabe na rin iyong paghingi ko ng tawad sa tuwing nagdadasal ako. Sorry kay Alice, sorry sa kaniyang Mommy, sorry sa lahat nang nasasaktan at masasaktan namin. Mayamaya nang tumango si Haris. "Okay. Sabihan mo ako kung kailan iyon para matulungan ko kayo sa paglipat ninyo, para rin alam ko na ang daan kapag ihahatid o susunduin kita." Ngumiti si Haris bilang pagsuporta sa akin. Ano man din yatang gawin ko ay nariyan lang siya at nakasuporta. Nakokonsensya tuloy ako at hindi ko masabing nag-offer na rin si Daddy Sebastian na ihatid-sundo ako. At syempre, hindi ko rin pwedeng sabihin sa kaniya kung saan man ang bahay na paglilipatan namin. Ayokong magkaroon siya ng idea, o pumasok man lang sa isipan niya ang pangalan ng ama ni Alice. Napainom ako sa tubig nang maramdamang bumigat ang damdamin ko. Sa pagdaan ng araw ay lalo lang akong nababaon sa kasinungalingan. Ako itong nagtatampo kapag hindi nagsasabi sa akin si Haris, pero ako pala itong maraming itinatago. Sorry din kay Haris. I'm sorry... Hindi ko makayanan ang pagtitig sa akin ni Haris. Yumuko ako, kalaunan nang halungkatin ko ang bag ko. Kinuha ko roon ang notebook ko kung saan naroon ang ilang notes ko sa nagdaang mga araw. "Ito pala," sambit ko at inilatag iyon sa harapan ni Haris. "Pasuyo kay Alice, ibigay mo iyan. Ipapahiram ko sa kaniya para kahit papaano ay makahabol siya sa lesson namin. Malapit na rin kasi ang exam." Iyan na lang yata ang alam kong paraan para mabawasan ang bigat ng pangongonsensya sa akin. "Pilitin mo siyang mag-aral, Haris. Sayang naman at isang taon na lang..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD