“Matias!” sigaw ko at saka binilisan ko ang pagtakbo ng makita kong naglalakad mag-isa si Matias.
“Magdahan-dahan ka sa pagtakbo, Daria!” sigaw naman ng aking nakakatandang kapatid na babae.
Magkasabay kaming pumasok pero mas gusto kong kasabay na sa paglalakad si Matias dahil baka abangan siya ng mga bully naming mga kaklase.
“Daria, mabuti naman at dito pa lang sa daan ay nagkita na tayo,” aniya sa akin kaya nagpangiti ako. Kasi naman ay ngumiti sa kauna-unahang pagkakataon ang bago kong kaibigan.
Mas gusto ko kasing kasama si Matias kaysa sa mga kaklase naming babae.
Nakikinig lang kasi sa mga kwento ko si Matias. Hindi siya nagbibigay ng opinyon. Basta tumatango at umiilingang siya kapag kailangan.
Kay ate ko naman ay hindi ako makapagkwento ng kalokohan dahil tiyak na mapapagalitan ako at isusumbong ako kina nanay at tatay.
“Wow! Mabuti naman at nakita na kitang ngumiti, Matias. Dapat lagi kang ganyan dahil ang pogi mo naman pala. Maniwala ka sa akin na ikaw ang pinakapogi sa buong school natin,” sabi ko pa kay Matias na bigla tuloy nagyuko na naman ng ulo. Marahil ay nahihiya na naman lalo pa at may mga kasama na kaming naglalakad sa daan.
“Daria, baka naman inaaway mo si Matias?” tanong ng ate ko na pinagbibintangan pa talaga ako.
“Ate, hindi ako inaaway ni Daria,” pagtatanggol sa akin ni Matias.
Mataman pa akong tiningnan ng nakakatanda kong kapatid na para bang wala tiwala sa akin.
“Basta, Matias, kapag inaaway ka ni Daria ay isumbong mo sa akin, ha.” Bilin pa ng ate ko sa bago kong kaibigan.
Nauna ng naglakad si ate at iniwan na kami ni Matias.
“Nagawa mo ba ang takdang-aralin natin?” tanong ko.
Tumango si Matias.
Matalino siya kaya alam kong nagawa niya ang dapat naming gawin sa bahay.
Ang problema lang kay Matias ay walang masyadong tiwala sa sarili at sobrang mahiyain talaga.
Kahit matalino siya ay walang kwenta kung lagi siyang tinatalo ng pagkamahiyain niya sa para ipakilala kung sino talaga siya.
“Para sayo, Daria,” at may inabot sa akin si Matias na nakalagay sa isang malinaw na baunan.
“Ano to?” tanong ko at saka pilit na tinitingnan kung anong nasa loob.
“Tinapay lang yan, Daria. Naisipan kitang pagdalhan kasi malimit kang humiling na sana mag-iba naman ang almusal at baon mo dahil sawa ka na sa mga nilagang saging, kamote, mais.”
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Nakakain naman ako ng tinapay ngunit madalas ay iyong matigas na tinapay na isinasawsaw sa kape.
Pero itong binigay sa akin ni Matias ay sandwhich na may palaman.
Ngunit naisip ko na baka baon ito ng kaibigan ko o kaya ay almusal siya sa hacienda na tinipi ng mga magulang niya na hindi kainin para sa kanya.
“Matias, hindi ko matatanggap. Baka hindi almusal mo ito o kaya ay baon mo para sa recess. Kaya hindi na lang,” sabi ko at isinasauli na ang ibinigay niya.
Ngunit may isa pa siyang lalagyan na kinuha sa loob ng bag niya na kapareho ng binigay niya sa akin.
“Meron din ako, Daria. Para sayo talaga yan,” nakangiti niyang sabi sa akin kaya naman mabilis ko ng ipinasok sa bag ko. Hahatian ko na lang si ate para matikman niya rin.
“Matias, sino pala iyong babaeng nakita kong kasama mo sa tapat ng malaking gate ng hacienda Pacita? Siya ba ang nanay mo? Bakit parang pinapaglitan ka pa niya samantalanv kagagaling mo lang sa paaralan?” usisa ko ng maalala ang eksena na nakita ko noong una ko siyang samahan umuwi sa kanila.
Waring nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Matias.
“Nakita mo pala yon? Narinig mo ba ang mga sinasabi niya sa akin?” waring natatakot na tanong pa ng bago kong kaibigan.
Umiling ako dahil paano ko naman maririnig gayong napakalayo ko na sa kanila.
“Hindi na. Ilang kilometro na kaya ang layo ko.” Sagot ko.
Baka pinagapagalitan nga siya ng nanay niya at ayaw niya na naming pag-usapan pa.
Siguro nahihiya lang sa akin si Matias.
Pero bakit naman siya pagagalitan gayong matalino at mabait naman ang kaibigan ko.
Baka pagod lang ang nanay niya kaya ganun.
Iyong isa kasi naming kapitbahay ay laging galit sa mga anak kapag pagod. At ang lakas ng boses niya na umaabot na sa bahay namin gayong ang layo ng pagitan ng aming mga bahay.
Salamat naman at hindi ganun si nanay sa amin ni ate. Kapag nga nakita niya ng parating na kami ay malayo pa lang ay kumakaway na si nanay na para bang ang sabik na sabik na na siyang makapiling kami ni ate na sa paaralan lang naman kami maghapon.
Hindi ko nga matandaan na sinigawan kami ni nanay kahit ni tatay. Kahit makulit ako ay hindi ako nakaranas na pingutin o kurutin lalo na ang paluin
Kaya mahal na mahal ko talaga ang mga magulang ko dahil sobra nila kaming mahal na mga anak nila.
“Matias, saan ba kayo dati nakatira? Wala na ba talaga kayong ibang pupuntahan na lugar kaya dito kayo napunta?” usisa ko pa.
Wari naman na naging malungkot ang mukha ng kaibigan ko.
Siguro ay miss na miss niya na ang dating lugar kung saan siya nanggaling.
Nakakaasar nga naman na bigla ka na lang mawawalan ng mga dati mong kakilala o mga kaibigan.
“Kung ayaw mong magkwento ay ayos lang. Pero ako, kung sakaling papalarin akong makaalis ng lugar na ito. Sa ibang bansa talaga ang punta ko,” masigla kong panimulang kwento.
Ganito talaga ako. Para bang excited na excited na akong dumatiing ang tamang panahon makakaalis na ako sa lugar na ito at makakatapak na ako sa ibang bansa.
“Talaga? Ano naman ang gagawin mo sa ibang bansa? At saka, paano ang pamilya mo na naririto? Iiwan mo na lang sila? Hindi ka ba malulungkot doon, Daria? Mahirap kayang walang mga magulang. Walang nanay at tatay."
Nagkibit-balikat ako.
“Siyempre, hindi. Ano bang sinasabi mo na mahirap na walang mga magulang? Makapagsalita ka naman ay para bang ulilang-ulila ka na. Magpapayaman ako roon at saka ko sila isasama sa kung nasaan man ako. Magtatrabaho ako ng husto para magkaroon ng maraming pera. At lahat ng mga hindi ko nabili ngayon ay bibilhin ko. Hindi ko na rin papayagan na dumulong pa ng bukid ang tatay ko. Hahanap na lang ako ng tao na patuloy na magyayaman ng aming lupa para hindi magalit ang mga ninuno namin.” sagot ko.
“Ang dami mo pa lang pangarap, Daria. Mabuti ka pa ay malakas ang loob.”
“Hindi lang ang mga yon ang pangarap ko, Matias.” Sansala ko sa paghanga ng kaibigan ko.
“Pangarap ko ang maghanap ng mayamang afam na pakakasalan,” sabi ko pa.
“Anong afam?” tanong ni Matias.
“Ibang lahi. Iyong matangkad, maputi, matangos ang ilong at may mga kulay ang mga mata. At gusto ko ay kulay blue para kapag nagka-anak kami ay kulay blue ang kulay ng mga mata ng anak namin.”
Tumango si Matias. Sigurado naman na naiintindihan nya ang ibig kong sabihin dahil matalino siya. Katunayan ay kapag kasama niya ang iba naming mga kamag-aral na lalaki ay makikita talaga ang malakong kaibahan niya sa mga ito.
Siya ang tipo ng batang lalaki na hindi magulo, hindi maingay. Hindi nga siya tumatayo sa kanyang bangko sa classroom namin. Hanggat hindi pa tapos ang klase ay naroon lang siya at tahimik lang na nagmamasid.
“Baka parent's meeting na natin sa biyernes. Pag-uusapan lang naman doon iyong mga kailangan bilhin o ipaayos sa classroom natin. Ewan ko ba at mula grade one ay may ganyan. Taon-taon na lang ay dapat may ipaayos at dapat bilhin. Nahihiya kasi ako dahil wala man maibigay na pambili ang mga magulang ko sa mga gamit. Tamang nagdadala na lang ako ng fertilizer para sa mga halaman. Sabi kasi ng ate ako ay sinabi na sa kanila. Sinabi ko na rin sayo para alam mo na at sabihin mo na sa nanay mo.” Paalala ko na kay Matias.
“Baka wala namang magpunta sa akin, Daria.” Ang sagot niya sa akin.
Baka mahigpit ang amo nila sa hacienda Pacita kaya bawal lumabas kahit saglit lang ang mga magulang niya.
Pwede rin na sobrang daming trabaho kaya hindi man sila makasaglit at magpunta sa meeting.
Kaya ayaw ni tatay na pumasok si nanay sa kahit na kanino na naghahanap ng kasambahay, labandera o kahit tagalinis pa.
Kasi may mga amo na matapobre at akala mo kung sino silang nakabili na ng alipin na pinagbabawalan ng magkaroon ng sariling buhay.
Kaya hindi talaga ako magtatrabaho sa bansang ito. Kung magtrabaho man ako ay para lang makaipon pang asikaso ng mga dapat kong kunin na mga papel.
“Sigurado naman ako na pupunta sa meeting ang nanay ko kaya sasabihin ko na lang sayo kung anong mga napag-usapan para masabi mo sa nanay mo,” ani ko na lang kay Matias.
“Salamat, Daria. Sana magustuhan mo ang pagkain na binigay ko sayo.”
“Ano ka ba naman? Siyempre magugustuhan ko yon, Matias. Baka nga kulang pa. Akala mo lang na hindi ako malakas kumain pero sabi nga nina nanay at tatay ay babae ako pero ang bituka ko ay panlalaki!” bulalas ko pa sabay akbay kay Matias dahil para sa akin ay kaibigan ko siya.
Isang matalik na kaibigan at handa ko siyang samahan at ipagtanggol sa mga mang-aaway sa kanya.