"Autumn, anak." Malakas na tinabig ko ang kamay nya nang hawakan ako nito dahilan para tuluyan itong matumba. Agad na nagsipaglapitan sina Winter sa kanyang tabi para alalayan itong tumayo pero mas pinili nyang lumuhod doon habang lumuluhang nakatingala sa akin. Akala ko sapat na ang eksenang iyon para mahanap ko sa puso ang pagpapatawad dahil kahit papaano alam ko sa sarili ko na sya pa rin ang nanay ko at walang makakapagpabago noon pero ganoon na lang yata talaga kasama ang loob ko para maski katiting na awa ay wala akong maramdaman. Pinagdaop nya ang kanyang mga palad. "Patawarin mo ako. Maniwala ka, hindi ko sinasadya na pabayaan kayo," aniya sa paraan kung saan unti-unting dinudurog ang aking puso. "Sinadya mo! Sinadya mo dahil kung hindi, sana hindi ka nagtago nang matagal!"

