KABANATA 1

1628 Words
Kai's Point of View "Next time pre sama na kayo ni Wil. Sayang 'yong pusta eh, mga bano naman 'yong mga kalaban!" Napabuntong hininga ako sa kaingayan ng kaibigan kong si Dylan. Mula kasi kaninang pagpasok pa lang sa school ay hindi na siya matigil sa paulit-ulit na pagkukwento tungkol sa pustahan daw na nangyari kahapon. Nakakailang ulit na rin siya ng sabi na sobrang dali lang daw ipanalo ang pusta dahil bano naman ang mga kalaban. Hindi ko alam kung mayabang lang ba talaga siya o totoo nga talagang bata kung maglaro iyong mga naghamon sa kabilang eskuwelahan. "Pre, ba't parang amoy babae ka?" Sumisinghot-singot pa si Dylan sa damit ko dahilan para kumunot ang noo ko. "G*go pare, nangchi-chix ka na naman ba?" Imbes na matawa ay nakisinghot din si William sa akin. Sa inis ay tinulak ko sila palayo at sininghot ko rin ang sarili. "Oo nga, amoy babae ako," taka kong sabi. Wala naman akong kinitang chix kanina, ah? Sinundan ko ang amoy at taka pa akong napatingin sa pinanggalingan no'n. Sa bag ko. Hindi naman kakasya ang babae sa bag ko, pero bakit amoy pabango ng babae 'to? "Ikaw ha, pabangong pambabae pala ang gusto mo." Ngumisi si Dylan at inagaw sa 'kin ang bag ko at marahas na binuksan ito. Nanlaki ang mata naming tatlo nang agad na bumungad ang isang pink na card na umaalingasaw sa bango. P*cha, ano 'yan? Pinadala ni Kamatayan? "Woahh! Love letter pala, pre!" Nanlalaki ang mata niya habang binabasa ang nakasulat sa sobre. "To: Crush" Humagalpak sa tawa si William na siya ring ikinatawa ni Dylan. Winawagayway pa nilang dalawa ang letter habang walang humpay pa rin ang paghalakhak. Hinablot ko ito na siyang ikinatahimik nila. Binuksan ko ang sobre at kinuha ang papel sa loob. Mabilis naman silang tumabi sa 'kin at nakiusyoso sa kung ano ang nakasulat dito. "Feel ko galing kay Colline 'yan." Humalakhak ang madaldal na si Dylan. "Sabi na eh! Duda ako sa babaeng 'yon!" Agad naman siyang binatukan ni Wil bago ito tumawa nang malakas at nakisulsol sa akin. "Ako rin, feel ko! Baka 'di na nakatiis sa pagpapakipot sa 'yo?" Tahimik akong napa-ismid dahil sa panunulsol nila. Si Colline ay 'yong babaeng natitipuhan ko ngayon. Maganda siya, sikat, kaya mahirap abutin. Pero kung siya man 'tong nagpadala ng sulat. Aba! I-we-welcome ko siya with open arms pa! "Dear, Crush," tatawa-tawa kong basa habang mabagal na naglalakad kasabay ng dalawang ulupong sa gilid ko. Impit pa silang pakunwaring tumili na para bang kinikilig. "Pagod na akong magsana all, pre. Sagasaan niyo na lang ako!" Si Dylan, nakahawak pa sa dibdib na 'kala mo nama'y pinagkaitan ng babae. "Hello! Alam kong hindi mo 'ko kilala," tuloy ko pa. "Anong hindi? Naku, Colline! Kilalang-kilala ka niyan!" natatawang sabi ni Wil na sumisilip pa sa mga nakasulat sa letter. "Crush kita." Halos magpagulong-gulong sa kalsada ang dalawa nang dahil sa kilig. Kahit ako'y pigil din ang ngiti pero gusto kong ipagmayabang 'to sa mga kaibigan ko kaya't kailangan kong magpanggap na walang pakialam. "Sobrang lakas kasi ng dating mo kaya't mas nababaliw ako." Napahalakhak ako. Matagal ko na 'yang alam, pero sige, mabaliw ka lang. Ha! "Alam kong hindi mo 'ko papansinin dahil sa dami ng mga nagkakagusto sa 'yo." Imbes na kiligin ay napahagalpak pa sa tawa ang dalawang kaibigan kong traydor. Nakahawak pa si Dylan sa kanyang tyan habang tinuturo ako na kala mo nama'y may nakakatawa sa nakasulat dito. Si Wil naman ay hinahampas-hampas pa ang balikat ni Dylan habang pahigop na tumatawa. Mga baliw. "Hindi mo naman yata ako kilala pero ako 'yong babae sa Class E-3," kumunot ang noo ko. Nasa klaseng iyon si Colline, siya ba talaga 'to? "Woah! So si Colline nga?!" Nanlalaki pa ang mata ni Dylan habang tinititigan ang papel na hawak ko. "Di mo sure, pare!" tatawa-tawang sabi ni Wil habang kinukutkot ang isang sticker sa ibabang bahagi ng love letter. Kumunot pa ang noo ko dahil sa pagtataka, pero nang matanggal niya iyon ay mas lumakas pa ang hagalpak nila sa pagtawa. Andi Mariano? Mariano na kasama namin sa bottom rank sa buong school? "P*tngin@ng yan! Napaka-unexpected naman niyan! 'Yong babaeng 'di nagsusuklay, may gusto sa 'yo? Ambelibabol!" putol-putol na sabi ni Dylan na hindi pa rin matigil sa kakatawa. Pati si William ay halos maglupasay na sa kalsada dahil sa sobrang pagtawa. Ang kaninang kilig na nararamdaman ko ay agad napalitan ng pagkainis. Colline na naging bato pa! Hindi ba natatakot sa 'kin 'yong babaeng 'yon? "Ano na, pre? Kidnapin na ba namin?" tatawa-tawang sabi ni William na kala mo nama'y ikinatuwa ko ang pagtanggal niya sa sticker sa letter. Bwiset! "Kalimutan niyo 'tong nangyari ngayon. Magpanggap kayong walang alam. Titignan ko bukas kung anong gagawin niya kapag nakita niya ako," inis kong sabi bago nilayasan ang tatlong hindi pa rin matigil sa pagtawa. Andi's Point of View Hindi ako makagalaw nang maayos. Maya't-maya ang paglingon ko sa kaliwa't kanan at ang pagtago-tago ko sa mga poste na para bang isang pulis na may huhulihin. Paano kasi, sa bawat kanto na dadaanan ko papuntang Maple High School, ay mayroon akong nakikitang mga estudyanteng kapareho ko ng uniform. Kakaibang katangahan na naman 'tong ginagawa mo, Andi! Gusto kong maiyak sa kahihiyan! Kung hindi ko lang sana nilagyan pa ng pangalan iyong letter, e 'di sana ay normal pa rin ang buhay ko ngayon. Nakakaiyak! Muli ko pang naalala ang mga nangyari kahapon. Nawala sa kamay ko ang pinakainiingatan kong love letter na para kay Axel. Para kay Axel 'yon! Kung may makabasa mang iba no'n, katapusan ko na! "5k pusta ro'n pre! Basic lang!" sabi ng isang madaldal na lalaki kasama ang iba pa niyang kaibigan. Marami sila, sa pagkakatanda ko ay sila ang mga estudyante sa Class C-6, kung saan naroon ang mga basagulerong kinatatakutan ng mga estudyante at guro rito sa Maple High. Isinuot ko pa nang maayos ang salamin ko para lang maaninag kung nasaan na 'yong letter ko na inaakala kong nahulog lang. "Paulit-ulit ka. Ingay mo, Dylan." Napatalon ako nang marinig ang malalim na boses ng isang lalaki. Long hair, may hikaw, at bukas ang polo. Sinilip ko pa nang maigi ang buong katauhan niya. Siya 'yong leader sa gang nila! Si Kaiden! Pero. . . PAANONG NAPUNTA SA BAG NIYA 'YONG LOVE LETTER KO?! Nanlamig ang buong palad ko lalo na no'ng makita kong tuluyan nang nalaglag sa loob ng bag niya ang letter. Sinara niya pa iyon saka isinukbit sa balikat niya. Mangiyak-ngiyak akong pinagmasdan siya sa paglalakad palayo. Kung hindi lang biglang lumabas si Axel sa Comfort Room ay sinundan ko na siya. At iyon ang puno't-dulo ng lahat. Iyon ang dahilan kung bakit daig ko pa ang isang kriminal sa pagtatago. Bakit ba kasi may pasok ngayon? Mas nadagdagan pa tuloy ang rason ko para tamarin sa pag-aaral! "Huy! Mariano! Bakit ka nagtatago riyan?" Napasigaw ako sa gulat nang biglang sumulpot sa likod ko si Ruan. Napahawak pa ako sa dibdib dahil akala ko'y si Kaiden iyon. Sumilip-silip din siya sa tinitignan ko kanina at kunot-noong binalik ang tingin sa akin. "Ano 'yon? Sinong sinisilip mo?" Agad akong umiling at nagpagpag ng palda saka patay-malisyang naglakad nang mabilis papalayo sa kanya. Muntik na akong mahuli! "Huy, teka! Hintayin mo 'ko!" rinig kong sigaw ni Ruan kaya medyo binagalan ko ang lakad ko. Yumuko na lang ako para hindi ako makilala ng kahit na sino. Nahihiya ako! Pakiramdam ko'y alam ng lahat ang tungkol sa letter na ibibigay ko sana kay Axel! "Ha! Grabe, ba't ang bilis mong maglakad? Sino bang humahabol sa 'yo?" Lumingon-lingon pa si Ruan sa paligid bago takang tumingin sa akin. Hindi ko naman pwedeng sabihin iyon sa kanya dahil sobrang hiyang-hiya ako! "Wala! Tara na nga sa classroom!" nakayuko kong sabi pero bigla ay hinila niya ako papalayo sa building na kinaroroonan ng classroom namin. Sobrang lakas ng pagkakahila niya sa akin kaya't wala na akong nagawa kung 'di ang sumama na lang sa kanya. "Canteen muna tayo!" Nang makarating sa mataong cafeteria ay agad akong naestatwa nang marinig ko ang ingay ng mga lalaki sa Class C-6. Napapikit ako, nasa pinakadulong lamesa sila. At nararamdaman kong may nakatingin sa akin. "Anong sa 'yo? Treat ko na!" nakangiting sabi ni Ruan matapos akong isingit sa mahabang pila. Narinig ko pa ang pag-alma ng iba pero wala na silang nagawa pa dahil siga itong babaeng kasama ko. "Hamburger na lang." "Oh, ate. Tatlong burger nga po. Salamat!" Binitawan ni Ruan ang kamay ko at kinuha ang wallet niya. Ilang segundo rin bago namin nakuha ang inorder niya. Mabilis pa akong naglakad palabas pero bigla niya na naman akong hinila pabalik. "Sa'n ka pupunta? Dito na tayo kumain!" Mas nanlamig pa ang palad ko nang hilahin ako ni Ruan papunta sa katabing lamesa ng Class C-6. Ni hindi ko nga nilingon ang mga lalaki roon dahil pakiramdam ko'y may alam sila. Kahit nga patuloy pa rin sila sa pagkukwentuhan at parang walang pakialam ay hindi ko pa rin maisip na wala silang nalalaman. Panigurado'y hinuhusgahan na nila ako ngayon! "Ba't 'di mo ginagalaw 'yang burger mo? May problema ka ba?" takang tanong ni Ruan na kakatapos lang makipag-apir sa mga kaibigan niyang nasa katabing table. Oo, may tropa siya sa Class C-6, na siyang mas ikinabahala ko. Paano kung makilala nila ako? Aaahh! Nakakabaliw! "Punta na tayo sa classroom, Ruan. Baka pagalitan tayo ni Sir pag na-late tayo." mahinang sabi ko. "Ano? Ang hina mo naman magsalita! 'Di ko narinig! Ano kamo 'yon?" Si Ruan, daig pa ang megaphone sa lakas ng bunganga. "Tch. Mahina." Automatic na na-stuck sa isang direksyon ang paningin ko nang marinig ang isang pamilyar na boses. SO ALL THIS TIME, NASA TABI KO LANG PALA SIYA?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD