Ethan Sebastian's POV
"Hoy, Ethan! Tara na, shot na tayo! Tumayo ka na d'yan, para ka namang sira eh!" Sigaw ni Alvin mula sa labas ng kwarto ko, sabay malakas na pagkatok na parang gusto na niyang gibain ang pinto ko.
Bwisit. Ang sarap pa ng tulog ko, bro. Ang init ng kumot, tapos ang lamig ng aircon. Perfect setup, tapos bigla na lang guguluhin ng isang makulit. At saka, inom na naman? Eh kagabi nga lang halos mapuno namin 'yung bar ni Fred ng mga alak dahil nag-celebrate kami ng bagong project deal. Literal na may hangover pa 'yung utak at katawan ko.
Tinakpan ko ng unan ang mukha ko, nagbabakasakaling tumigil ang ingay. Pero knowing Alvin? Nakaka-asar 'to pag may gusto. Hindi titigil hanggang makuha niya. Tama nga ako, kasi ilang segundo pa lang, binuksan na niya ang pinto ng kwarto ko na parang may-ari rin siya ng condo.
"Pre, gumising ka na nga. Anong oras na. Dapat ganitong mga oras, alak na ang laman ng tiyan natin." Sabi pa nito habang niyuyugyog ang braso ko.
Mas lalo kong binaluktot ang katawan ko, pilit na nilalabanan ang pangungulit niya. Pero dahil sadyang makulit ito, lalo pa niyang niyugyog ang katawan ko. At doon na ako nainis.
"Ano ba, pre? Hindi ka ba makaintindi na may hangover pa ako? Parang hindi naman tayo magkakasama kagabi, eh!" singhal ko habang sinusuklay ang buhok ko gamit ang kamay ko.
Napatigil siya, nakabusangot pa ang mukha, tapos kamot-ulo bago lumabas ng kwarto. Akala ko tapos na, pero huminto siya sa may pinto at ngumiti ng sobrang nakakaloko.
"Kaya lang naman kita ginigising, dahil may chicks na kasama si Fred," sabi niya bago isinara ang pinto.
Parang biglang nawala ang hangover ko. Alam ni Alvin kung ano kahinaan ko. Kung sinabi niya agad na may chicks pala, hindi ko na sana pinatagal ang drama ko sa kama.
Agad akong tumayo at naglakad papuntang bathroom. Toothbrush lang at hilamos—wala nang paligoy-ligoy. Kahit bagong gising, confident ako. Hindi ko na kailangan ng effort, kasi kahit simpleng diskarte lang, gwapo pa rin naman ako.
Simpleng white V-neck shirt at walking shorts lang ang sinuot ko. Chill Sunday look. Wala na 'kong balak um-arte ng porma, kasi nasa bahay lang naman kami. Kahit naka-home outfit lang ako, panalo pa rin.
Paglabas ko ng kwarto, nakita ko na agad sila Alvin, Ejay at Fred. Kompleto ang tropa. Pero this time, may dagdag na dalawang babae. Hindi familiar ang mga mukha nila, kaya agad kong naisip: Saan na naman kaya kinuha ni Fred 'tong mga 'to?
"Akala ko ba may hangover ka pa? Basta talaga, pagdating sa babae mas mabilis ka pa sa alas kwatro, Sebastian," tudyo ni Alvin.
Naupo ako sa tabi niya, sabay batok ko sa kanya. "Siraulo!"
Binigyan ako ni Ejay ng shot glass. "O, sa'yo na 'to."
Ininom ko agad, walang arte. Napa-kunot na lang ang noo ko kasi ang tapang ng tama.
"Pre, si Thea at Monique nga pala. Mga kaibigan ng pinsan ko," pakilala ni Fred.
Nag-abot ako ng kamay at nag-hi. Parehong ngumiti sina Thea at Monique, pero halata ko agad na may something more sa ngiti nila. Lalo na 'yung titig—tipong curious sila sa akin. Sanay na ako sa gano'n. Chick magnet nga daw ako, sabi ng tropa. Hindi ko na pinansin masyado at nakisabay na lang sa kantahan ng tropa.
Pero maya-maya lang, ramdam ko na biglang pinulupot ni Monique ang braso niya sa akin. Napatingin ako, nagulat, pero ngumiti lang siya. Tapos sinundan pa ng paghilig ng ulo sa balikat ko.
Okay, medyo natigilan ako doon. Aminado naman ako—madalas akong lapitan ng babae. Pero hindi pa ako lasing, wala pa sa kalahati ang naiinom ko, at eto si Monique, parang gusto nang i-fast forward 'yung eksena. Lalo pa nang maramdaman ko na gumagala na 'yung kamay niya sa braso ko... pababa... at halos kung saan-saan.
Biglang uminit ang paligid kahit naka-full blast ang AC. Hindi ako komportable. Hindi sa ayaw ko, pero may prinsipyo pa rin ako. Pwede naman akong sumabay, pero iba kasi ang style ko.
Hinawakan ko ang kamay niya para pigilan. "Sandali lang, Monique," sabi ko.
Ito ang pinaka-ayoko. Kahit na sanay akong tawaging chickboy o playboy, hindi ibig sabihin na basta-basta na lang ako papayag. Gusto ko ng respeto. Kung may mangyayari man, gusto ko kasi mutual—hindi dahil lang sa tama ng alak.
Old school na kung old school, pero gano'n ako. Nag-iingat lang din. Malay ko ba, baka may boyfriend pala 'tong si Monique, eh 'di ako pa ang napahamak.
Kaya relax lang muna. Take it easy, take it slow. Kung may dapat mangyari, darating din 'yon sa tamang oras. Hindi kailangan minamadali.
Pagkapasok ko sa CR, napabuntong-hininga ako. Hindi lang dahil sa tawag ng kalikasan kundi dahil na rin sa init na nararamdaman ko sa katawan ko. As in, parang nag-aalab pa rin ang dugo ko mula sa ginawa ni Monique kanina. Kaya habang umiihi ako, sabay na rin akong nag-iisip.
Maganda si Monique, walang duda doon. Maputi, makinis ang kutis, mabango na parang bagong ligo sa mamahaling pabango. Tapos may mukha pa siyang tipong kahit sinong lalaki ay bibigay agad. Pero ang pinaka delikado sa lahat? Kita mo sa mga mata niya at sa galaw niya na may pagka-wild, 'yung tipong hindi mo alam kung saan ka dadalhin kapag sinakyan mo ang trip niya.
At alam kong karamihan ng mga tropa ko, kung sila ang nasa sitwasyon ko, wala na silang arte. Jackpot na 'yon para sa kanila. Pero ako? Hindi pwedeng ganun. Hindi porke't may nakikitang magandang opportunity sa harap ko, eh, lulusong agad ako. Chickboy man ako sa paningin ng iba, pero hindi ako bastos. Hindi ako 'yung tipong kakagat agad sa unang patibong. May prinsipyo pa rin ako pagdating sa babae.
Pinakawalan ko pa ang isang malalim na paghinga bago ako naghilamos, hoping na bumaba na kahit papaano ang init ng ulo at katawan ko. Tumingin ako sa salamin saglit—gwapo pa rin kahit bagong gising at halatang may hangover. Pero ramdam ko sa loob ko, hindi ako komportable sa nangyari.
Paglabas ko ng CR, muntikan nang tumalon palabas ang puso ko nang makita ko si Monique na nakatayo mismo sa may pinto. Para bang hinihintay talaga niya ako.
"Anong ginagawa mo—" hindi ko na natapos ang tanong ko dahil bigla niya na lang akong siniil ng halik.
Parang nag-freeze ang buong mundo. Nanlaki ang mata ko. Hindi ko alam kung anong mas malakas—ang t***k ng puso ko o ang pag-ikot ng hangover sa utak ko. Para akong na-estatwa.
Mainit. Malambot. Mabango. 'Yun agad ang pumasok sa isip ko nung maghinang ang labi namin. At parang wala na siyang boundaries, kasi habang hinahalikan niya ako, gumagala na ang mga kamay niya kung saan-saan.
Saglit akong napasuko. Aminado ako. Kahit sinong lalaki, mahihirapan magpigil sa gano'n. Pero hindi pwedeng mawala ako sa sarili ko. Hindi pwedeng magpadala lang ako. Kaya agad kong hinawakan ang mga kamay niya at pinigilan siya. Lumayo ako, iniwas ang labi ko sa kanya.
Tiningnan ko siya sa mata, seryoso, walang halong biro. "Maganda ka, Monique. Pero hindi ako easy to get na lalaki." Mahina pero buo ang boses ko.
Bago pa siya makasagot, mabilis na akong dumiretso palabas ng condo. Rinig ko pa ang tawag ng mga tropa ko, nagtatawanan pa sila, iniisip siguro na naka-jackpot ako. Pero wala akong pakialam.
Dire-diretso ako pababa, hanggang sa parking lot. Pagkasakay ko ng kotse, doon na kumulo lahat ng nararamdaman ko. Inis, frustration, halo-halong emotions. At dahil sa sobrang bwisit, malakas kong nahampas ang manibela.
Napapikit ako saglit, pinipilit i-compose ang sarili ko. "Bwisit!" bulong ko. Hindi ko alam kung mas galit ako kay Monique, o mas galit ako sa sarili ko dahil muntik na akong bumigay.
Damn!
Hindi ko pa rin maalis sa isip ko kung bakit hinayaan kong mangyari 'yon. Bakit ko pa pinatulan kahit sandali ang halik na 'yon? Hindi ko maintindihan kung bakit ako nag-freeze at hindi man lang agad nakailag. I mean, yeah, let's be real—masarap ang makipag-halikan. Pero hindi lahat ng halik ay tama, at hindi lahat ng halik ay nararapat. And that kiss? Hindi ko deserve 'yon. To be honest, I feel so harassed sa sarili kong bahay.
Gets mo ba 'yung irony? Sa sarili kong teritoryo, doon pa ako nakaramdam na parang na-violate. Ang hirap ipaliwanag, pero ramdam ko talaga.
Don't get me wrong—hindi ako santo. Nakipag-date na ako sa maraming babae. I've been kissed countless times, and usually ako ang nag-iinitiate. Pero ito ang first time na nangyari na parang siya mismo ang gustong may mangyari, as if she's ready to take it further kahit hindi ko gusto. At kahit gaano ka-wild pakinggan, hindi ko kayang hayaang mangyari iyon. Not in my own house. Hindi sa teritoryo ko.
Kaya ayun, dala ng inis, pinaandar ko agad ang kotse ko. Hindi ko alam kung saan ako papunta, basta ang alam ko lang, kailangan kong mailabas ang inis ko. Kasi ganito ako eh—kapag naiinis ako, imbes na makipagtalo pa, mas pinipili kong lumayo. Hindi ako sanay makipag-away, hindi ko kaya 'yung may kaaway. And my friends know that about me.
Nang medyo nakalayo na ako sa condo, napadpad ako sa isang mall. Ayoko pa umuwi, kasi siguradong nandoon pa si Monique at baka lalo lang akong mairita. Kaya pinark ko muna ang sasakyan at nag-decide na mag-ikot-ikot.
Una kong ginawa? Bumili ako ng ice cream. Alam mo 'yung pakiramdam na parang bata ulit, na kahit ang gulo ng isip mo, biglang lumuluwag dahil sa simpleng tamis ng malamig na vanilla cone sa kamay mo. Habang naglalakad ako, sinabayan ko ng window shopping, kunyari nagbubusisi ng kung anu-ano, kahit wala naman akong balak bilhin.
Pero habang naglalakad ako, napansin ko na parang ang daming nakatingin sa akin. May mga babae na pasimpleng tumitingin, may mga lalaki na parang nagtataka. Napaisip tuloy ako: "Ngayon lang ba sila nakakita ng lalaking kumakain ng ice cream? O baka naman... dahil gwapo lang talaga ako?"
Napangiti ako mag-isa. Siguro nga, self-aware na ako sa itsura ko, pero hindi mo rin maiaalis, sanay na akong pinagtitinginan.
Hanggang sa napagod ako sa kakalakad. Kaya naupo ako sa isang bench malapit sa fountain. Doon ko na lang pinagmamasdan ang mga taong dumaraan. Ang daming klase ng tao—may mga pamilyang kumakain ng sabay sabay, may mga magjowa na nagho-holding hands, may mga barkada na tawa nang tawa. Para bang lahat sila ang gaan ng mundo, samantalang ako, puno ng inis at frustration.
"Excuse me!" biglang may boses akong narinig mula sa kanan ko. Napalingon ako at nakita ko ang isang babae, nakataas pa ang kilay habang nakatingin sa akin.
Hindi ko napansin na may katabi pala ako. Agad akong umusog at nag-sorry. "Sorry, miss, hindi ko napansin na nandito ka."
Maganda siya, halata agad. Makinis, maayos ang buhok, classy ang dating. Pero sa aura niya, ramdam ko rin na may pagka-maarte. Parang tipong allergic sa lalaki o kaya naman, laging may boundary na ayaw padapuan ng kahit sino.
Bago ko pa man siya muling tignan, nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa. Sunod-sunod. Binunot ko ito at binasa ang mga chat sa group chat namin ng barkada.
Alvin: Pre, nasaan ka na? Naka-score ka ba kay Monique?
Fred: Ang daya mo naman, pre! Iniwan mo na naman kami sa ere.
Ejay: Ang weak mo.
Napabuntong-hininga na lang ako. Eto na naman ang tatlong mokong. Kung alam lang nila ang totoo, siguro tatawa na lang sila at lalaitin ako. Hindi ko na sinayang ang oras ko para mag-reply pa. Instead, ibinalik ko ang phone sa bulsa at pinili na lang ulit pagmasdan ang mga taong nagdaraan.
At habang nakaupo ako doon, hawak ang natunaw nang kalahating ice cream, hindi ko alam kung natawa ako sa sarili ko o na-frustrate pa lalo. Kasi sa totoo lang... kahit anong gawin ko para umiwas, minsan, ang gulo pa rin ng mundo ko.
Pero biglang napatigil ako.
Sa gitna ng lahat ng tao na dumadaan, may isang babae akong napansin sa hindi kalayuan. She was smiling—diretsong nakatingin sa akin, 'yung tipong ngiti na hindi mo alam kung sinadya ba o talagang para sa'yo. And because I'm a gentleman, of course, ngumiti rin ako pabalik. Hindi ako puwedeng magmukhang suplado sa harap ng isang magandang babae, right?
Unti-unti siyang lumapit sa direksyon ko, at sa isip-isip ko, Damn, eto na ba 'to? Yung mga eksenang akala mo sa pelikula lang nangyayari? Pero bago pa ako makapag-ayos ng postura, bago pa ako makapagsalita ng kahit anong "Hi" o "Hello"...
"Hi, sis!" bati niya, sabay yakap at beso sa katabi kong babae—oo, 'yung babae na kanina lang na tinarayan ako.
Napamulagat ako. Wait, what?
Grabe, nakakahiya! Buong akala ko, sa akin nakalaan ang ngiting 'yon. Ang kapal pa ng mukha ko, nagpa-cute pa ako pabalik. Tapos, ayun pala, para sa "sis" niya.
"Pasensya na kung medyo natagalan kami," rinig kong sabi ni Miss Beautiful habang nakatayo ito. Ako? Mukhang tanga sa tabi nila. "Ang tagal kasing mag-park ni Drake."
Ngumiti lang si Miss Taray kay Miss Beautiful. "Okay lang, ano ka ba," sagot pa niya bago siya tuluyang tumayo mula sa bench.
At doon na pumasok ang isang lalaki—matangkad, broad shoulders, halatang gym rat. Lumapit siya sa kanila at walang kaabog-abog na hinawakan si Miss Beautiful sa bewang, tapos hinalikan pa sa labi sa harap ko.
"Tara na, guys," sabi ng lalaki, na parang siya ang bida sa eksenang iyon. At ayun, tatlo silang naglakad palayo, iniwan akong tulala at nakatitig lang hanggang sa tuluyan silang mawala sa paningin ko.
Ramdam ko ang bigat sa dibdib ko. Para bang may nawala. Hindi ko ma-explain pero parang biglang nanghina ako, like all the energy I had was sucked out sa isang iglap.
At doon ko lang napansin ang sarili ko—bakit ang lakas ng kabog ng dibdib ko? Hindi ito 'yung normal na kaba na nararamdaman ko kapag may business deal o kapag may competition. Hindi, this was different. Para bang may derby ng kabayo sa dibdib ko at sabay-sabay silang nag-uunahan.
At sa dami ng babaeng nakilala ko—hindi biro 'yon, ha. From anak ng politiko na laging nasa headline, to doctors who were smart and classy, to cabin crew na sanay sa long flights, to beauty queens na sanay ngumiti sa kahit sino, to heiresses na mayaman na parang sila ang may-ari ng mundo—lahat na yata ng stereotype ng babae ay nakadaupang-palad ko na. Pero never, as in never, kumabog ng ganito ang puso ko.
Not until ngayon.
Not until nakita ko ang ngiti ni Miss Beautiful—'yung ngiting akala ko para sa akin, kahit hindi naman pala.
At dahil doon, nag-flash agad sa utak ko ang isang eksena. Para bang gumawa ng sariling pelikula ang utak ko. Ako at siya, magkasama, nag-uusap, tumatawa. Lahat nang hindi nangyari kanina, in-imagine ng utak ko.
I don't know kung anong tawag dito. Pero isang bagay ang malinaw—she got me. Kahit ilang segundo lang, kahit hindi para sa akin ang ngiti na iyon, she already made an impact.
Kaya ngayon, isa lang ang tanong ko sa sarili ko:
Kailan kaya kami muling magkikita ni Miss Beautiful?