Mag-aalas-diyes ng gabi nang matapos maiayos ni Madielyn ang mga dalang gamit sa bagong kuwarto na nilipatan niya. Isang bungalow house iyon na nasa loob ng isang village malapit sa pinapasukan niya.
Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan niyon. Napangiti siya sa kanyang nakikita.
Nakaramdam siya ng pangangati ng katawan kaya ipinasya niyang maligo muna. Pagkatapos maligo ni Madeilyn ay nagbihis siya ng damit pantulog.
Hindi pa siya makakatulog dahil basa pa ang kanyang buhok kaya kinuha niya ang cell phone at nag-log in sa kanyang f*******: account. Gusto niyang mag-post roon ngunit hindi niya alam kung ano ang ipo-post niya. Nag-iisip siya ng bigla siyang napatingin sa salamin. Full-length mirror iyon na nasa isang sulok ng dingding malapit sa may bintana. Sinipat niya ang salamin dahil nawe-weirduhan siya sa pagkakadikit nito sa pader kung saan nakadikit muna ito sa parang poste na gawa sa semento. Ngunit hinayaan na lang niya dahil baka iyon ang gustong style ng may-ari. At isa pa, ito lang ang tanging gamit na nadatnan niya kanina nang lumipat siya roon. Kaya laking pasalamat niya at may magagamit siya.
Bitbit ang cellphone, dali-daling tinungo ni Madeilyn ang salamin. Humanap siya ng perpektong anggulo at nag-selfie roon.
“Perfect!” bulalas niya nang makita ang kinalabasan ng kanyang selfie. Napangiti siya habang nagta-type ng caption nito.
Mirror, mirror, on the wall. #newapartment #newlife #beforeIgo2sleep #stillalone.
Ilang minuto pa lang mula nang mai-upload niya ang photo ay sunod-sunod na ang notification ng mga nagla-like at comment ng post niya. Agad siyang nag-check ng mga comments.
Kakainggit ka, sis. Ganda mo pa rin kahit gabi na, si Racquel iyon, isa sa mga kaibigan niya.
Thanks, sis, reply niya sa comment nito.
Jules commented on your status. Sana naging salamin na lang ako para makita ko palagi ang ganda mo.
Ni-like ni Madeilyn ang comment ni Jules ngunit hindi na niya iyon sinagot. Ayaw niyang patulan ang hirit nito.
Racquel mentioned Jules in her comment. Jules, hanggang ngayon umaasa ka pa rin ba? #hopia #bastedkana
Napangiti si Madielyn sa comment ni Racquel. Nag-send siya ng message rito. Thanks, sis. ☺
Hinantay niya kung ano ang magiging comment ni Jules ngunit hindi na ito sumagot. Magla-log out na sana siya ng may dumating na panibagong notification.
Wanda commented on your status. Ang ganda mo talaga, Mads, nakakainggit ka. Pero teka, hindi ka naman nag-iisa. May kasama ka naman, ah. Sino ‘yan?
Nagtaka siya sa comment nito. Nag-send siya ng message sa Messenger nito. Kasama? Wala naman akong kasama sa picture, ah.
Nag-reply kaagad ito. Ha? Eh, sino `yang babae sa tabi mo?
Babae sa tabi ko? Wala naman akong kasamang babae rito sa kwarto.
Meron kaya. Nakaputing damit. Ang weird nga niya, eh. Ikaw, kuntodo ngiti, tapos siya umiiyak.
Bumundol ang kakaibang kaba sa kanyang dibdib. Tiningnan niya ulit ang larawan. Wala naman siyang nakikitang kakaiba roon. Wala naman siyang katabing babae roon.
Magta-type pa sana siya ng reply nang matigilan siya. Si Wanda ay isa sa mga katrabaho niya. Naalala niya ng minsan ay nagkwento ito sa kanya na nakakita na raw ito ng mga multo. Mas lalong dumoble ang naramdaman kaba niya sa isiping iyon. Hindi na siya nag-reply sa comment nito.
Tiningnan niya sa messenger kung sino ang naka-online sa list niya. Nang makita niyang naka-online pa rin si Racquel ay nag-send siya ng message rito. Sis, may nakikita ka bang kakaiba sa post ko?
Wala naman, sis, ang ganda mo nga roon. Reply kaagad ni Racquel.
Ah, sabi kasi ni Wanda may katabi raw ako na babae sa picture.
Ha? Wala naman akong nakikita. Hay naku, baka tinatakot ka lang n’on dahil bagong lipat ka. Alam mo naman `yon, may pagka-weird.
Oo nga, eh, baka tnatkot lang ako no’n. Cge, sis, gudnyt. ☺ Nag-log out na siya.
Pinalis niya ang kaba sa dibdib. Baka tama nga si Racquel. Malamang tinatakot lang ako ni Wanda. Lagot `to sa akin bukas, aniya sa isip.
Muling humarap si Madielyn sa salamin ng matigilan siya sapagkat hindi na niya makita ang sariling reflection roon. Luminga-linga siya sa paligid, nakiramdam. Maliwanag naman ang buong kwarto niya pero bakit hindi niya makita ang sarili sa salamin? Lumipat siya ng puwesto baka sakaling nasa maling anggulo lang siya. Pero nakailang pihit na siya ay hindi talaga niya makita ang sarili roon.
Humakbang siya palapit sa salamin. Iniangat niya ang kaliwang kamay, sinalat ng kanyang palad kung maalikabok ba iyon sapagkat hindi niya iyon napunasan kanina ng naglinis siya. Wala siyang nasalat na alikabok sa salamin. Nakapag-selfie naman ako kanina. Pero bakit hindi ngayon ay hindi ko na makita ang sariling reflection roon?
Bigla niyang naalala ang naging usapan nila ni Aling Trining kanina.
“Ho? bakit po? Ibig sabihin ako pa lang ang unang nangupahan dito.”
“Oo. Kasi hindi naman talaga ito pinapaupahan ng may-ari. Eh, ang kaso ay hindi na siya nagpapadala ng pera para pamayad sa kuryente at iba pa niyang bayarin kaya naisipan kung paupahan na lang ang kwarto na ito tutal wala naman gamit rito maliban sa salamin na iyan. Hindi ko naman maitago at masyadong nakadikit na ewan ko ba at ganyan ang pagkakalagay niyan. Kaya ‘wag mo na lang pakialaman baka mabasag.”
“Ah, gano’n po ba? Ibig sabihin ako lang ang tao rito sa bahay?
“Oo, hija, kaya masuwerte ka kasi maganda rito, tahimik, at maayos pa ang kwarto mo pati na rin itong buong bahay. Minsan sa umaga ay pumupunta ako rito para maglinis. Diyan lang naman sa tabi yung bahay ko. Kaya kapag may kailangan ka tawagin mo lang ako.
“Ah, gano’n po ba? Sanay naman po akong mag-isa,” biro niya sa matanda. “`Nga po pala, saan pala ang may-ari nitong bahay?”
“Ah, nasa ibang bansa na, mag-iisang taon na rin siguro sila roon.”
“Gano’n po ba? Matanong ko lang po, ba’t nga pala sila umalis dito?” pang-uusisa niya.
Seryosong tumingin sa kanya ang matanda. “Hindi ko nga maintidihan kung bakit bigla na lang umalis ang mga iyon.
Bigla niyang ipinilig ang kanyang ulo upang maalis sa isipan niya ang hindi magandang naiisip niya.
Inulit niya ang pagpunas ng salamin gamit ang palad niya dahilan upang mapaatras siya sa pagkabigla ng hindi akilabok ang nasalat niya kundi… dugo!
Takot siyang makakita ng dugo kaya bigla ang panginginig ng buong kalamnan niya. Bumalik ang takot na naramdaman niya kanina.
Isa-isa rin nagsipagtayuan ang mga balahibo sa mga braso niya, maging sa kanyang batok. Gusto niyang kumaripas ng takbo ngunit tila naestatwa siya sa kanyang kinatatayuan. Nais niyang ipikit ang kanyang mga mata upang hindi niya makita ang dugo na dumarami, ngunit tila may kung anong kapangyarihan ang salamin at parang hinihigop ang diwa niyang titigan iyon ng mabuti.
Mabilis ang pagtulo ng dugo sa salamin. Parang may sariling buhay iyon dahil unti-unting pumuporma ng mga letra. Pagkalaon ay nabuo ang dalawang salitang tila may nais ipahiwatig sa kanya.
HELP ME!
Gusto niyang sumigaw ngunit tila tinakasan siya ng kanyang boses. Pakiramdam ni Madeilyn ay mababaliw na siya dahil sa sobrang takot na nadarama niya. Pero mas gugustuhin pa niya ang himatayin na lang sa mga oras na iyon upang hindi na niya masaksikan pa ang susunod na mangyayari.
Ngunit gising na gising ang ulirat niya.
Nakapako ang pangingin niya sa salamin ng walang ano-ano ay biglang lumitaw roon ang imahe ng isang babae. Napasigaw siya sa sobrang pagkagulat. Nakaputing bestida ang babae. Kasindak-sindak ang hitsura nito. Umiiyak ito pero hindi luha ang tumutulo sa mga mata nito kundi dugo.
Ito ba ang tinutukoy ni Wanda na babaeng katabi ko sa larawan? Kung gano’n totoo nga’ng may katabi ako roon. Ibig saihin may multo sa bahay na `to?
“Tulong! Tulungan niyo ako! May multo rito!” sigaw ni Madeilyn ng sa wakas ay natauhan siya. Dali-dali siyang tumakbo patungo sa may pinto ngunit biglang may pumulupot na mga kamay sa leeg niya. “Argh,” Impit niya dahil halos hindi niya maibuka ang kanyang bibig sa sobrang higpit ng pagkakasakal sa kanya.
“Saan ka pupunta? Hindi ka pwedeng umalis rito ng hindi mo ako natutulungan!” bulyaw nito sa kanya na halos dumagundong sa uong kwarto niya ang boses nito.
Pilit ang pagpupumiglas niya rito ngunit hindi siya makapalag dahil masyadong malakas ito. Pinagsusuntok niya ito sa mukha ngunit hindi sapat ang lakas niya para matinag ito. Mas lalo pa nitong idiniin ang pagkakasakal sa kanya.
Nanghihina na ang pakiramdam niya dahil kinakapos na siya sa paghinga ngunit kailangan niyang lumaban. Hanggang sa maisipan niyang sipain ito nang ubod lakas sa harapan nito.
Nabitawan siya nito kaya nabuwal siya sa sahig na habol pa rin ang paghinga.
Gusto niyang tumako palabas ngunit hindi niya kayang tumayo sapagkat wala na siyang lakas. Itinukod niya ang kanyang siko sa sahig, saka dahan-dahang gumapang patungo sa pinto. Hindi pa siya tuluyan nakalabas ng pinto ay naramdaman niyang may mga kamay na humihila sa kanyang mga paa. “Tulong! Tulungan niyo ako!” sigaw niya habang pilit na pinipiglas ang mga paa sa pagkakahawak ng multo sa kanya.
“Hindi ka makakalabas rito ng buhay!” sigaw nito sa kanya. Nakatayo na ito at agad na dinaganan siya. Naramdaman niya ulit ang mga kamay nito sa kanyang leeg. Pahigpit ng pahigpit ang mga iyon.
Hindi na kaya ni Madielyn ang lumaban pa dahil sa pagkakataong iyon ay wala na siyang lakas para lumaban.
“T-tulong… T-tulong...” pinilit pa rin sumigaw ni Madielyn kahit na pakiramdam niya ay wala na siyang lakas. Nakarinig siya ng mga yabag na papalapit. Gusto niya pang tingnan kung sino ang dumating ngunit unti-unti ng naglaho ang pangingin niya.
Nagising si Madeilyn kinabukasan na nasa hospital bed. Si Aling Trining ang namataan niyang naroon.
“Aling Trining, bakit po ako nandito?” nagtatakang tanong niya sa matanda.
Isinalaysay sa kanya ni Aling Trining ang nangyari kagabi. “Narinig kong may sumisigaw. At nang mapagtanto kong galing sa bahay ni Mr. Alfonso ay bigla kitang naalala, kaya tumawag agad ako ng gwardiya at nagpasama upang tingnan baka kako, eh, may nangyaring masama sa `yo. At ‘yun na nga pagdating namin ay nakita ka namin sa kwarto na nakahandusay at walang malay. Tumawag agad kami ng ambulansiya at pulis, para maisugod ka namin dito sa ospital habang nag-iimbestiga ang mga pulis sa bahay ni Mr. Alfonso tungkol sa nangyari kagabi.”
Doon bumalik sa isip ni Madeilyn ang nangyari kagabi.
“Ano bang nangyari sa ‘yo, Madeilyn?”
Isang malalim na hininga muna ang pinakawalan niya bago sinagot ang tanong ng matanda. “May multo po sa bahay ni Mr. Alfonso, Aling Trining.”
Napamulagat ang mga mata nito sa narinig. “Ano? Multo kamo.”
“Oho, Aling Trining. May nagpakita sa aking multo kagabi. Nanghihingi siya ng tulong sa akin.” May takot pa rin sa tinig na sabi niya.
“Hindi ko akalain na may multo pala sa bahay na iyon. Kunsabagay, minsan lang naman akong pumapasok doon at sa umaga pa. Hindi ako napunta roon kapag gabi at kung walang kasama,” kwento ni Aling Trining. “Pero sino naman ang nagmumulto roon?”
“Hindi ko po alam, Aling Trining.”
“Mabuti na lang at napaaga ang pagdating namin, kung hindi ay baka napaano ka.”
“Maraming salamat po sa inyo, Aling Trining”
Naputol ang kanilang pag-uusap nang may kumatok sa pinto at iniluwa niyon ang isang pulis na nagpakilalang si Inspector Marasigan.
“Magandang araw po, Sir,” bati ni Aling Trining.
“Magandang araw din sa inyo. Kamusta na ang pakiramdam mo, Madeilyn?” tanong ng pulis nang lumapit sa kanya. “Pwede ba kitang matanong tungkol sa nangyari sa ‘yo kagabi?”
Isang tango ang isinagot niya rito, saka idinetalye sa pulis ang nangyari kagabi.
“Sinuri namin ang buong bahay pati na rin ang kwarto kung saan natagpuan kang walang malay, at nakuha namin mula sa pader na pinagdikitan ng salamin ang malamig at naagnas ng bangkay ng isang babae na nakabalot sa isang plastic.” Salaysay ng pulis sa kanila.
Natutop niya ang kanyang bibig dahil sa narinig.
“Susmaryosep!” si Aling Trining na napa-sign of the cross. “Paano nagkaroon ng bangkay doon sa kwarto?”
“Kapag tinitigan mo sa una ang salamin ay hindi mo talaga mapapansin na may patay palang nakatago roon. Ngunit sinuri namin mabuti ang salamin dahil sa mga dugong naroon, doon ay giniba namin ang poste na pinagdikitan nito, saka namin natagpuan ang bangkay na siyang nagpakitang multo sa `yo kagabi.
“Kaya pala gano’n ang ayos ng salamin. At sino naman po iyong patay doon, Sir?” nagugulumihanang tanong niya sa pulis.
“Ayon sa imbestigasyon namin kung sino ang babaeng iyon, siya ay si Anya Regalado, ang girlfriend ni Mr. Alfonso. At ayon rin sa autopsy report ng bangkay ni Anya ay pagkakasakal ang dahilan ng pagkamatay nito. At nang pinasuri namin ang fingerprints na nasa kanyang leeg, ito ay nagma-match sa fingerprints ni Mr. Alfonso. At ang sabi ni Aling Trining nang makausap nmamin siya kanina ay ilang araw bago umalis patungong ibang bansa si Mr. Alfonso at si Anya ay narinig niyang nag-aaway ang dalawa.
“Tama ho ‘yan, Sir.” Sabad ng matanda. “Nagsisigaw `yung babae, at nang tumahimik na ay biglang lumabas si Mr. Alfonso na nagmamadali, at ng bumalik ay tila hindi mapakali. Nagtaka nga ako at ang daming dalang semento. Nang tinanong ko, eh, ang sabi may aayusin lang daw siya sa kanyang banyo.
“Tapos, mga ilang araw ay napansin kong hindi na lumalabas si Anya, nang tinanong ko si Mr. Alfonso, eh, ang sabi ay nasa loob raw nagpapahinga. Mga ilang araw no’n, bigla akong tinawag ni Mr. Alfonso at nagpaalam na pupunta raw sila ng kaniyang girlfriend sa America, doon muna sila manirahan kaya ibinilin niya sa akin ‘iyong bahay. Eh, nakita ko naman si Anya sa kotse kasama si Mr. Alfonso na umalis kaya nakapagtataka kung paano napunta si Anya sa likod ng salamin na iyon, at patay pa.”
“Kumuha na rin kami ng CCTV footage ng airport noong araw na umalis si Mr. Alfonso kasama iyong sinasabing girlfriend niya.” Dagdag pa ng pulis. “Ngunit na-trace namin sa CCTV na walang kasama si Mr. Alfonso sa paglabas ng bansa. Kaya nag-issue na kami ng warrant of arrest para kay Mr. Alfonso at nakipag-coordinate na rin kami sa NYPD para mahuli siya at madala rito pabalik ng bansa para mabigyang ng parusa sa ginawa niyang pagpaslang kay Anya.”
“Sana mahuli si Mr. Alfonso at ng mapanagutan niya ang ginawa niya kay Anya.” Si Madeilyn na tila hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.
“Oo nga, Sir, dapat makulong ‘yan si Mr. Alfonso,” dgdag ni Aling Trining.
“’Wag ho kayong mag-alala. Gagawin namin ang lahat para mahuli at maparusahan siya.” sabi ni Inspector Marasigan sa kanila.
Matapos ang ilan pang katanungan ay nagpaalam na si Inspector sa kanila. Ipapatawag na lang sila kung kakailangin.
Nang bumuti na ang pakiramdam ni Madeilyn ay nagpasama siya kay Aling Trinig at sa anak nito para kunin ang mga gamit niya sa bahay ni Mr. Alfonso. Kahit alam niyang wala ng multo sa lugar na iyon dahil nahuli na si Mr. Alfonso at nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ni Anya, ay mas pinili pa rin niya ang lumipat ng tirahan dahil ayaw niyang maalala pa ang nangyari sa kanya roon.
-End-