Chapter 3: Pregnant
WALA akong intensyon na gamitin ang baby ko para lang makuha ulit ang daddy niya. Ngunit wala rin naman akong ibang paraan na mabawi si Leandro kung hindi ko sasabihin sa kan’ya ang totoong kalagayan ko. Unexpected naman itong pagbubuntis ko, but still. Mahal ko ang baby ko. My child is a blessing.
Masuwerte ako ngayon, dahil nang bumalik ako sa kompanya niya ay naabutan ko na siya sa loob ng kaniyang opisina.
“What are you doing here, Leighton?” malamig na tanong niya. Walang mababakasan nang kahit na ano’ng emosyon. Halatang hindi niya rin nagustuhan ang pagpunta ko rito.
I didn’t say anything, sa halip ay inilabas ko ang isang bagay na patunay na buntis ako.
Kinakabahan ako sa totoo lang, kanina pa nga nanlalamig ang mga palad ko at ang lakas nang tambol sa aking dibdib.
Inilapag ko sa office table niya ang pregnancy test. Kunot-noong tiningnan niya iyon at kinuha. Akala ko ay magugulat siya. Ngunit iba ang naging reaksyon niya. Umigting lang ang panga niya at mariin na napapikit. Halos masira niya iyon nang humigpit ang hawak niya roon.
“What now, Leandro? Wala ka bang sasabihin sa akin?” malamig na tanong ko rin sa kan’ya. Umaalon ang lalamunan niya, parang pinipigilan niya ang emosyon niya—iyong galit na naiipon sa dibdib niya.
“And do you think paniniwalaan ko ito, Leighton? Sasabihin mong ako ang ama ng batang pinagbubuntis mo?” Sa narinig kong sinabi niya ay sinasalakay ng sakit ang puso ko. Ramdam na ramdam ko ang tila pagbaon ng matulis na bagay rito.
Nag-iinit ang sulok ng mga mata ko, pero katulad niya ay pinigilan ko pa rin na huwag sumabog ang aking emosyon.
“Kung hindi ikaw ang ama ng batang ito ay hindi kita pupuntahan dito, Leandro,” mariin na saad ko. Humakbang siya palapit sa akin at hinaklit ang braso ko.
“Paano kita paniniwalaan kung niloko mo ako? Hindi ko naibigay ang gusto mo kaya sumama ka sa ibang lalaki para lang sa ano? Imposible na wala kayong ginawa roon, kayong dalawa lang, Leighton.” Napatitig ako sa mukha niya.
Naroon pa rin ang sakit na dinulot ko sa kaniya, naroon din ang galit sa mga mata niya. Ngunit hindi ko na makita ang kislap no’n sa tuwing tinititigan niya ako. Tila nawala na lang bigla ang pagmamahal niya sa akin.
“I told you na walang nangyari sa amin nang gabing iyon, Leandro.” Nasa boses ko na ang pagsusumamo, para lang maniwala siya sa akin.
Pero alam ko naman na mangyayari ito, once na nagawa mong saktan ang isang tao ay magsisimula ring mawala ang tiwala nila sa inyo at hinding-hindi ka na paniniwalaan kung ano pa ang paliwanag pa ang gawin mo.
“You cheated on me. Ikaw rin ang unang nakipaghiwalay sa akin at alam mong hindi na tayo babalik pa sa dati. Sinira mo ang tiwala ko, Leighton.”
“Sige lang. Pagtabuyan mo ako, pero huwag na huwag mong tatalikuran ang anak mo!” asik ko sa kaniya at nagpumiglas din ako para mabitawan niya ang aking braso.
Nagtaas-baba ang dibdib ko, parang iyong hangin na naiipon ay lumabas na rin. Masakit na nga ang nararamdaman ko ngayon na malamig na ang pakikitungo niya sa akin ay pati ba naman ang baby namin, kaya niya ring talikuran?
“Just leave me alone, Leighton. Lahat nang sasabihin mo ay wala na akong paniniwalaan pa.” Bumalik siya sa pagkakaupo niya sa swivel chair at hindi na nga niya ako pinansin pa. Nagsimula na ulit siyang magtrabaho, sa puntong iyon ay hindi ko na napigilan pa ang mapaluha.
Sa isang idlap lang ay nagbago ang lalaking mahal ko. Parang ibang tao na siya.
“Kilala mo ako, Leandro. Alam mong hindi ako nagsisinungaling. Hindi ko gagamitin ang baby ko para lang bumalik ka sa akin. Ikaw, ikaw lang naman ang gusto kong maging ama ng anak ko. Sa ’yo ko lang ibinigay ang sarili ko, ng buo. Hindi ko ipapaako sa iyo ang responsibilidad kung hindi ikaw ang ama ng pinagbubuntis ko,” mahabang sambit ko. Wala siyang kibo, nanatiling nakaupo at nakayuko. Ngunit isang pamilyar na boses ang narinig namin, na pareho naming ikinagulat.
“What did you say, Leighton? Buntis ka?” Boses iyon ng daddy niya at kasama pa nito ang mommy niya.
Doon na napatayo si Leandro, ibang-iba ang ugali ng kaniyang ama. Kung ang ina niya ay masasabi mong matapobre at istrikta katulad ng mama ko ay ibang-iba si Mr. Dela Paz.
Respetado siyang tao, tahimik pero mabait siya. Sa mga magulang ng lalaking mahal ko ay mas malapit ang loob ko sa daddy niya.
Kung hindi boto sa akin ang mommy niya ay madalas naman akong pinapaboran ng daddy niya.
“D-Dad. . .”
“Tama ba ang narinig ko, Leandro? Buntis si Leighton pero ayaw mo siyang panagutan?” seryosong tanong nito, kasing lamig ng yelo ang kaniyang boses. Napayuko siya at ayaw nang tumingin nang diretso sa mga mata ng daddy niya. Takot siya rito, pero malaki rin naman ang respeto niya sa kaniyang ama. “Hindi kita pinalaki ng ganyan, Leandro. Ang paglaruan lang ang isang babae, tapos tatalikuran mo na siya kapag nabuntis mo na?”
Parang ang bilis nang pangyayari, nakikita ko na lang na pinipigilan na ni Tita Laura ang asawa niya, kinukuwelyuhan na nito si Leandro. Nakita ko rin ang dugo sa gilid ng labi niya.
Dahil kay Tito Hellion ay walang nagawa si Leandro kundi panagutan ako. Ayaw nito na masira ang reputasyon niya, sa kaalaman na may nabuntis ito at hindi niya kayang panagutan. Na tinalikuran na lang niya.
His father asked me kung ano ang plano ko, gusto niyang ako ang magdedesisyon and I told him na gusto kong manatili kasama ang anak niya. Siyempre, sa mga mata pa lang niya at sa kaniyang ina ay hindi sila sang-ayon. Pero ang padre de pamilya na mismo ang nag-agree sa kagustuhan ko.
Ang problema ko na lamang ay si mama. Umuwi rin ako pagkatapos nang usapan na iyon. Nag-impake na ako ng mga gamit na dadalhin ko sa condo.
Pagkababa ko nga ay nakita ako ni mama. Salubong ang manipis niyang kilay. Malalaki ang bawat hakbang niya para lang makalapit sa akin.
“Bakit bitbit mo ang maleta mo, Leighton? Saan ka naman pupunta?” istriktang tanong niya. Huminga na muna ako nang malalim at hinanda ang sarili sa magiging reaksyon ng aking ina.
“Titira na po ako kasama si Leandro, ’ma,” magalang na sagot ko at malakas siyang natawa.
“Tànga ka ba, Leighton? Hindi ba wala na kayo ng lalaking iyon? Paanong titira ka kasama siya gayong tapos na kayo?” Alam din ni mama ang dahilan kung ano ang pinag-awayan namin ni Leandro, kaya nauwi kami sa hiwalayan. Marami siyang sources, na talagang binabantayan niya ang bawat kilos ko. “Pinagsisiksikan mo pa rin ang sarili mo sa kaniya? Leighton, hindi mo naman siguro nakalimutan ang ginawa mo sa tao, ’di ba?”
“Alam ninyo rin kung bakit ko ginawa iyon, mama,” mariin na saad ko. Tumigas ang ekspresyon ng mukha niya. “Sige na po. Tama na kayo, ’ma. Pinagsisiksikan ko po ang sarili ko sa kaniya, dahil mahal ko siya!” Matapang na sinalubong ko ang malamig niyang mga mata, kasunod no’n ay malakas na dumapo ang kamay niya sa kaliwang pisngi ko.
Napapikit ako nang dumilim ang paningin ko. May katabaan ang mama ko, kaya mabigat ang kamay niya. Pakiramdam ko nga ay isang bakal ang dumapo sa aking pisngi.
“Show some respect, Leighton! Huwag na huwag mo akong pagtataasan ng boses!” asik niya sa akin. Halos mahilo ako sa lakas nang pagkakasampal niya.
“Buntis ako, ’ma,” pag-amin ko. Sa pangalawang beses na pagsampal niya sa akin ay roon na ako nawalan nang malay.
Bumungad sa aking paningin ang mukha ng kuya ko nang magising ako. As usual ay seryoso na naman ang ekspresyon ng mukha niya.
“Gusto mo ba ng tubig?” Marahan na tumango lang ako. Pinagsalin niya ako ng tubig sa baso at ibinigay iyon sa ’kin. Agad ko namang ininom ’yon, ramdam ko na parang natuyuan ang lalamunan ko. “Kumusta ang pakiramdam mo?”
“Ayos lang ako, kuya,” sabi ko na kahit ang bigat-bigat nang pakiramdam ko.
“Sabi ni mama buntis ka?” Muli akong tumango at bumuntong-hininga naman siya. “Galit na galit sa iyo si mama, umabot sa puntong gusto ka na niyang itakwil bilang anak niya. Tapos wala man lang ginagawa si papa.”
“Kuya, naniniwala ka ba sa akin kapag sinabi kung si Leandro ang ama ng batang dinadala ko?” mahinang tanong ko sa kaniya. Bahagya pang tumaas ang isa niyang kilay.
“May dahilan ba ako para hindi maniwala sa ’yo, Leighton? Kilala na kita hindi lang dahil kapatid kita. Halos sabay tayong lumaki, maski ikaw ay kilala mo rin ako at kung ano ang mga bagay na pinakaayaw ko. At ang pagsisinungaling ang huli mong gagawin.”
Parang nag-init ulit ang sulok ng mga mata ko. Si Kuya Rexus lang talaga ang kakampi ko sa bahay.
“P-Pero kuya, hindi naniwala sa akin si Leandro. Baka raw hindi siya ang ama.”
“I can’t blame him, Leighton.” Napayuko na lang ako, hanggang sa maramdaman ko ang paghawak niya sa ibabaw ng ulo ko. “Bukod sa akin ay siya lang din ang nakaaalam na hindi mo kayang magsinungaling. Huwag lang sana umabot sa puntong pagsisisihan niya na minsan niyang tinalikuran ang anak niya.”
“Ang gulo na, kuya. Ang komplikado na ng sitwasyon,” aniko at doon na ako tuluyang naiyak. Walang nagawa ang nakatatandang kapatid ko kundi ang yakapin na lang ako at hayaan na umiyak.