ROSALINDA
Binalewala ko muna ang matandang babae at nagpalinga-linga sa aking paligid.
Alam ko na ito pa rin ang lugar kung nasaan ako, pero bakit ibang-iba na ang nasa paligid? Hindi na construction worker site ang nasa harapan ko kundi isang bahay-kubo. Hindi ko na napansin kung kailan nakaalis ang matandang babae at nawala dahil mas pinagtuunan ko ng pansin ang paglalakad ko pabalik sa mga lugar na pinuntahan ko kanina.
Habang naglalakad ako ay parang nanghihina ang mga tuhod ko sa aking nakikita. Wala na ang parke na nakita ko kanina at puro matataas na damo na lang. Hindi na rin mga van, kotse, jeep o tricycle ang nakikita ko sa daan kundi mga kalesa na.
Pakiramdam ko ay bumalik ako sa dati kung saan buhay pa si Dr Jose Rizal, pero paano nangyari 'yon? Ayon sa matanda ay 3100 years na at kung totoo naman 'yon ay hindi ba dapat high technology na ang panahon ngayon?
Umupo ako sa isang malaking bato at umiling-iling dahil sa naisip. Bago ako maniwala sa sinasabi ng matanda, hindi ba dapat akong maghinala muna kung totoo ba itong nasaksaksihan ko? Baka naman may pakulo lang ang gobyerno? Hindi eh. Iba na ang lahat ng lugar at bukod sa pagbabago ng mga sasakyan ay iba na rin ang mga kasuotan ng mga tao.
Pakiramdam ko talaga ay bumalik ako sa nakaraan na baro't-saya pa ang uso.
Sa pagkakataon na ito ay pansamantala kong nakalimutan ang sakit na nararamdaman ko kani-kanina lang. Nasapawan kasi ito ng malakas na pagkabog ng aking dibdib dahil pakiramdam ko ay wala akong makakasama rito. Pakiramdam ko ay nag-iisa lang ako.
Nang may dumaang babae na may dalang bayong sa aking harapan ay agad ko itong hinarang. Nakapuyod ang buhok ng babae at nakaputing saya siya. Sa tingin ko ay hindi pa naman siya gano'n katanda. Siguro ay mga nasa fourty pa lang siya.
Napakunot ang kanyang noo nang harangin ko siya at tinitigan niya pa ko mula ulo hanggang paa. Nakaramdam ako ng pagkailang kaya napakamot ako sa aking batok.
"Ano 'yon, binibini?" walang emosyon na tanong niya sa akin.
Bakit gano'n? Parang iisa lang ang expression ng mga taong nakakasalubong ko.
Ngumiti ako sa kanya bago ko siya sinagot. "P'wede ko bang malaman kung nasaan tayo ngayon? Isa lang kasi akong dayuhan sa lugar na ito."
Pinili kong magsinungaling sa kanya dahil parang gano'n na rin naman ang lagay ko sa ngayon. Isa pa, naiiba ang kasuotan ko sa kanya ngayon. Naka-short lang kasi ako at naka T-shirt. Isa pa, hindi ko talaga alam kung anong mayroon sa lugar na ito.
Mas lalong nagsalubong ang kilay ng babae dahil sa sinabi ko.
"Mukha kang Pilipino, pero iba ang kasuotan mo. Nandito ka ngayon malapit sa palengke ng Carmona, Cavite."
Pagkatapos niyang sagutin ang tanong ko ay muli siyang naglakad pagkatapos akong talikuran subalit nakakailang hakbang pa lamang siya ay hinawakan ko na ang kanyang braso at pinaharap muli sa akin.
Nakataas na ngayon ang isang kilay niya at bigla akong kinabahan kaya mabilis kong binitiwan ang kamay niya at muling ngumiti.
"Maaari ko rin bang malaman kung anong taon na ang mayroon tayo ngayon?" Napaatras ako nang makitang mas lalong tumaas ang kilay niya dahil sa tanong ko.
Nakakatakot naman siya!
"Tsk. Baliw ka yata, binibini. Tanungin mo na lamang 'yan sa iba." Padabog na naglakad palayo sa akin 'yong babae at tuluyan na kong iniwan nang hindi sinasagot ang aking katanungan.
Nanghihina akong napaupo ulit sa malaking bato na inuupuan ko kanina. Kung kanina ay parang wala na kong kakayahang umiyak, ngayon ay tila nararamdaman ko na naiiyak na ko dahil sa mga hindi ko maipaliwanag na pangyayari.
Huminga ako ng malalim at saka muling tumayo. Naalala ko 'yong sinabi ng matandang babae kanina pati na rin 'yong nakausap ko ngayon.
Sa pagkakaalala ko ay nasa Carmona, Cavite raw ako.
Umiling ako at nagsimulang maglakad sa madamong daan. Kumpara kanina ay mababa lamang ito at natatakpan ko lamang ang mga bato.
Paano ako napunta sa Carmona, Cavite? E nasa Makati, Manila ako kanina.
Naghilamos ako ng aking mukha gamit ang aking dalawang kamay.
Siguro ay may kailangan muna akong gawin para masagot ang mga katanungan ko.
Nang maging simento na ang inaapakan ko ay agad akong nakakita ng mga taong nagtitinda sa tabi ng daanan at ang iba ay may dala-dalang bayong habang tumitingin sa mga tindahan. May mga nagtitinda ng mga gulay, isda at iba pang karaniwang nakikita sa palengke.
Mayroon ding nagtitinda ng mga ukay-ukay, pero puro baro't saya ang istilo ng mga nakikita ko. Pagkatapos ay may ilan akong nakitang mga military na may dala-dalang malalaking baril.
Hindi ko alam kung anong tawag sa baril na dala-dala nila. Napansin ko sa aking pagmamasid na sa tuwing may nakakasalubong ang mga military ay agad na yumuyuko ang mga taong nasasalubong nito bago sila lagpasan.
Nagtago ako sa likod ng mga ukay-ukay na damit nang mapadaan sa direksiyon ko ang mga military. Iba kasi ang kasuotan ko sa kanila at baka bigla akong hulihin ng military dahil doon.
"Binibini, bibili ka ba?"
Napatalon ako sa gulat nang biglangmagsalita mula sa aking likuran ang may-ari ng ukay-ukay na pinagtataguan ko.
Katulad ng mga nauna kong nakausap ay tila wala ring buhay ang kanyang mukha. Ngumiti ako sa kanya habang kinakapa ang aking pera sa suot kong short.
"Magkano po ang saya n'yo?" tanong ko matapos makuha ang aking pitaka sa aking bulsa.
"Singkuwenta pesos lamang. Bibili ka ba? Alin ba d'yan?"
Halos manlaki ng sobra ang mata ko nang marinig ang sagot ng tindera. Grabe! Ang mura ng mga tinda niya. Siguro naman ay may pera ako sa wallet.
Nakangiti kong binuksan ang dala kong wallet at kinuha ang mga perang papel na nandoon. Iaabot ko na sana 'yon sa tindera, pero bigla akong natigilan.
Ganito kaya ang perang ginagamit nila?
Tumingin ako sa tindera na nakataas na ang isang kilay. Malawak na ngiti na lang ang tinugon ko sa kanya bago inabot ang isang daang piso. Agad naman iyong kinuha ng babae at tiningnan.
Kinuyom ko ang aking kamay para humanda sa pagtakbo kung sakaling peke ang ituturing nila sa pera na mayroon ako ngayon subalit napataas ako ng tingin ng makitang nanlaki ang mata ng babae pagkakita sa pera ko.
"Paumanhin, binibini kung hindi naging tama ang asal ko sa iyo. Maupo ka muna kung 'yong nais. Maghintay ka lamang dahil titingnan ko pa kung kasiya ang maipangsusukli ko sa 'yo." Kumuha ng upuan na kahoy ang babaeng tindera sa may bandang gilid ng kanyang paninda.
"Hindi na- Ang ibig kong sabihin ay huwag mo na lamang akong suklian, sa 'yo na ang sukli, gano'n." Ngumiti ako sa kanya pagkatapos magsalita.
Samantala, halos malaglag na ang kanyang panga dahil sa bigla nang marinig ang sinabi ko.
Bakit? Singkuwenta lang naman ang sobra sa pera ko e.
Gano'n pa man, hindi na ko namili pa ng saya na bibilhin ko. Nakakabigla nga dahil sobrang dami ng damit na binigay niya sa akin. Halos hindi ko na mabuhat.
Ngumiti siya sa akin sa kauna-unahang pagkakataon at nagpasalamat pa. Ngiti lang din ang tinugon ko sa kanya at bago ako tuluyang umalis lugar na 'yon ay naglakas-loob na kong nagtanong sa kanya.
"Maaari ko bang malaman kung anong taon na ang mayroon tayo ngayon at saka saan ako maaaring makituloy o mangupahan?"
Katulad ng mga tinanungan ko kanina ay napataas din ang kilay niya, pero agad din iyong nawala at pilit na ngumiti sa akin.
"Binibini, agad kang makakakita ng matutuluyan kapag dineretso mo ang kalsada na ito. Makikita mo ang karatula sa harap ng bahay na may nakasulat na, MfJ."
Tinitigan ko siya ng nakangiti habang hinihintay ang isa pa niyang sagot sa katanungan ko.
"Ah, kung iyong nalilimutan ay nasa tatlong libong taon at isang daan na tayo."
Pagkatapos marinig ang sinabi niya ay nagpasalamat na ko at tumalikod na sa kanya.
"Tsk. Baliw na maharlika," rinig kong usal niya pa pagkatalikod na pagkatalikod ko, pero hindi ko na 'yon pinagtuunan ng pansin sapagkat ako ay natigilan nang makumpira ko ang nasa isip ko kanina pa.
Totoo nga at hindi lang isang panaginip. Ako ay napunta sa 3100 years. Kung saan ilang dekada ang pagitan sa pinagmulan kong taong 2020. Sa hinaharap na taon kung saan may pangkasaysayang sibilisasyon.