EPISODE 13: Mga Koleksyon ni Jazerou
NAGULAT si Jazerou sa malakas na pagkakatili ko, nagtitilian kaming dalawa, hindi parin niya kasi tinataas ang suot niyang boxer, nakababa pa rin ito hanggang tuhod niya. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin ko, kung saan ako susuot o magtatago ba ako? Bakit kasi gumagawa ito ng milagro dito sa sala? Para lang sa kaalaman niya, no? Mayroon na kaya siyang babae na kasama sa mansyon.
"Napakamanyak mo! Ethan! Mga sir! Tulong!" Nagtangka pa siyang lumapit sa akin at hawakan ako kaya mas lalo akong naging histerikal. Tinaas na niya ang suot niyang boxer.
"Pwede ba kumalma ka? Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking nakahubad?" saad nito, humakbang ito palapit sa akin.
Mas lalo kong nilakasan ang pagtili ko, "Huwag kang lalapit na manyak ka! Gusto mong makatikim ng flying kick na may kasamang suntok ni Manny Pacquio?" Hinawi-hawi ko ang aking kamay at paa sa hangin na parang may kalaban akong inaaway.
Taas noo itong nagpamewang sa harap ko, "Hindi pa umamin... nagustuhan naman kung ano nakita niya. Sabihin mo na kasing gusto mo, patili-tili ka pa, bakit virgin ka pa?" umusok ang ilong ko dahil sa mga narinig ko.
Ganito ba talaga ang tingin niya sa lahat ng mga babae? Wala ba sa bokabularyo niya ang maging maginoo at matutong rumespeto ng mga babae? Napakawalanghiya, bagkus na mag-sorry na lang ay nagyabang pa.
"Manyak! Manyak! Manya....k! Wala akong pakelam sa katawan mo, no? Atsaka, hindi ako papatol sa manyak na katulad mo!" Hinubad ko ang kaliwang tsinelas ko at inakma itong ibabato sa kanya kapag nagtangka itong lumapit sa akin.
"Alas onse na ng gabi, ano ba nangyayari dito sa baba?" Napalingon ako sa likod, pababa si Ethan sa hagdan habang pahikab-hikab, mukhang naalimpungatan yata siya dahil sa malakas kong tili kanina. Nakasuot pa ito ng asul niyang pajama.
"Don't tell me...." Napangiwi si Ash, "May kasama na tayong babae sa loob ng mansyon. You should have done that in your room, Jaz," napailing-iling ito na napahawak pa sa kanyang ulo.
"Bakit kasi gising ka pa ng ganitong oras, panget? Binigyan ka na namin ng kwarto para roon ka na matulog, ano pang ginagawa mo dito sa baba?" nakapamulsang saad ni Darrex.
Kasalanan na pala ang magmuni-muni kapag malungkot ka? Sanggano talaga, mas napansin pa niya ko kaysa sa kaibigan niyang manyak, palibhasa pare-parehas silang mga manyak na mga kaibigan niya.
"Ayeng, go to your room na, kami ng bahala dito," sinunod ko naman si Ethan, nilingon ko si Jazerou at sumenyas sa kanya ng mata sa mata. Ngumisi lang ito na parang nakakaloko.
"Kung nagagawa mo 'yan dati, hindi mo na 'yan pwedeng gawin ngayon. Kontrolin mo naman 'yang l***g mo, Jaz. Makakaya mo bang gawin 'yon?" Narinig kong panenermon ni Ash.
Lumingon muna ako sa sala bago umakyat at nakita kong dinidibdiban na ni Darrex ang manyak niyang kaibigan. Nagkakagulo na sila sa baba, bugnutin pa naman 'yung sanggano na 'yon. Mainam na matulog na nga lang ako sa bago kong kwarto.
"Bukas na lang natin pag-usapan 'to at matulog na tayo, mga brad, okay?" awat ni Ethan habang ang iba naman ay niyayakap na si Darrex palayo sa manyak na 'yon.
"Inaantok na ko, stop it na mga bro," pilit na nilalayo ni Arthur si Darrex sa manyak niyang kaibigan, "Kumalma ka naman, pre. Pwede naman natin 'tong pag-usapan bukas, kagaya nga ng sabi ni Ethan," dinig kong pakiusap nito.
Mga lalaki talaga, palaging angas ang inuuna, lalo na 'yung sanggano na 'yon. Buti na lang 'yung mga kasama niya sa mansyon, maintindihin, kasi kung hindi palaging magulo ang loob ng mansyon na 'to. Tama na nga ang panood ko sa kanila, aakyat na talaga ko.
Nang tuluyan na akong nakaakyat sa taas ay laking gulat ko ng may makitang nakaitim sa hallway, pagapang itong naglalakad papunta sa hagdan, napakapit ako sa aking dibdib. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit natatakot si Darrex kay Juno, bigla-bigla na lang kasi talaga itong nasulpot kung saan.
"Pasensiya na sa sigaw ko... kanina, nagising ba kita?" dinaanan lang niya ko na parang wala itong narinig. Nanlaki na lang ang butas ng ilong ko, parang gusto ko tuloy siyang ihulog sa hagdan, char!
Napahawi ako sa magkabilaang braso ko, kinilabutan kasi talaga ako kanina ng makita si Juno, nakabaluktot pa ito ng makita ko tapos palaging itim din ang mga suot na pinipiling mga damit. Kakaiba talaga ang presensiya ng lalaking ito at para siyang pinalilibutan ng kadiliman.
Pumasok na ako ng kwarto ko at humiga sa malaki at malapad kong kama, inunat ko ang mga kamay at paa ko at winagayway ito. Ganito pala ang pakiramdam na matulog sa malambot at magandang kama, napakakomportable. Ang totoo niyan, wala akong sariling kwarto noon, maliit lang kasi ang bahay namin, kaya ito ang unang beses na mararanasan kong magkaroon ng sariling kwarto,
Pagsapit ng umaga ay bumungad sa akin ang nakabusangot na mukha ni Darrex, tanghali kasi ako nagising, minadali ko na nga lang ang pagluto at 'di ko na nagawang maghilamos dahil hindi ko talaga akalain na tatanghaliin ako ng gising. May alarm clock naman sa kwarto ko, katabi ng lampshade kaso nakalimutan kong iset kagabi dahil sa mga nangyari.
"Tulog mantika ka talagang panget ka!" dinig kong sabi ni Darrex na kasalukuyan ng kumakain ng mga inihanda ko, bahagyang napataas na lang ang isang kilay ko, ayoko siyang patulan. Baka mamaya masira pa ang buong araw ko kapag nagtalo pa kaming dalawa atsaka kasalanan ko naman din talaga.
"Napasarap ba tulog mo, payatot? Kasama ba ko sa panaginip mo?" Nailuwa ko ang kinakain ko dahil sa sinabi ng manyak na si Jazerou, pilit ko na ngang kinakalimutan ang nakita ko kagabi pinaalala parin niya sa akin. Ambastos talaga ng lalaking 'to.
Uminom ako ng tubig, "Pwede ba.. 'wag mong ipagmalaki 'yang kamanyakan mo?" masungit kong pagkakasabi.
Ngumisi lang ito at parang natuwa pa sa mga sinabi ko, pakiramdam ko tuloy lahat na lang ng sasabihin ko ay may kahulugan sa kanya.
"Ayeng, malapit na palang tumawag si Mr. Philip, sabihin mo lang ako.. kung may mga gusto kang ipa-request para masama ko sa listahan," saad ni Ethan habang hinihiwa ang french bread.
"Tatawag? Si... Mr. Philip?" Tumango-tango ito bilang tugon.
"Kada linggo talaga natawag si Mr. Philip, kaya kailangan nakalista na lahat ng mga kailangan namin para maisama sa listahan na ibibigay ni Ethan," paliwanang ni Ash. "Kaya kung may mga gusto kang ipabili sa labas, ipaalam mo lang kay Ethan at siya na ang bahala roon," ngumiti ito.
Napatango-tango na lang ako, ganoon pala ang sistema nila dito sa loob ng mansyon pero wala pa naman akong nakikitang telepono. Sabagay, hindi ko pa pala halos nalilibot ang kabuuan ng mansyon, tanging kusina, silid aklatan, mga kwarto sa taas, sa dining area at labas ng masyon palang ang mga napapasok ko.
"Sige, itetsek ko 'yung mga pagkain sa kusina kung may mga sariwa pa tayong gulay at prutas. Pwede ba magrequest ng mga damit?" bumilog ang mga mata ko, naisip ko na luma na pala ang mga damit ko at pwede raw ako magrequest ng kahit ano. Ito na ang tyansa ko, tutal libre lang naman basta ihihiling mo lang, 'di ba?
"I also have a request, bro," untag nito habang pinupunasan na ang kanyang mga labi, nakatingin ito kay Ethan. "Malungkot na kasi sila Layla, Lolita at Freya sa kwarto ko kaya kailangan na nila ng bagong kaibigan... I want a new doll," Napapikit si Ash sa kanyang narinig na bahagyang napailing-iling pa.
Nagtataka naman ako kung bakit parang nabigla silang lahat sa hinihiling nito, 'di ko nga inaasahan na mahilig pala siya sa manyika. Ito pala feminine side ni Jaz, hindi na masama sa tulad niyang manyak. Anong klaseng mga doll naman kaya ang mga hilig niya?
"Mahilig ka pala sa mga manyika, Jaz?" Nakuha ko ang atensyon ng lahat dahil sa naging tanong ko, "Gusto ko makita ang koleksyon ng mga manyika mo." Nakita ko na lang si Tyron na halos 'di na makahinga dahil biglang nasamid ito. "Bata palang ako mahilig na ako sa manyika. Kaso, 'di namin afford.. kaya umaasa na lang ako sa mga pinaglumaan ng mga kaibigan ko," bahagyang kuwento ko pa tungkol sa kabataan ko.
"Okay ka lang, Ty?" nag-aalalang sabi ni Ethan sa kanyang kaibigan habang hinahagod naman ni Arthur ang likod nito.
"Ang totoo niyan ay mayroon na akong sampung doll, lahat sila nasa kwarto ko, palagi ko nga silang katabi matulog," nakangiting sabi ni Jazerou na lalong nagpasamid sa kaibigan niyang si Tyron. Malakas nang tinatapik ni Arthur ang likod nito para mailuwa ang nakabarang pagkain sa lalamunan nito.
"Sige, isasama ko si Ethan.. ayokong maiwan na tayong dalawa lang sa loobg ng kwarto mo, 'di ko parin nakakalimutan 'yung atraso mo sa 'kin, no?" si Ethan naman ngayon ang bahagyang nasamid sa sarili niyang laway.
"Okay.. sigurado akong magugustuhan mo silang lahat, payatot." sabik nitong pagkakasabi.
Pagkatapos kong kumain at maglinis ng mga pinagkainan ay dumiretso na ako sa sala para tumambay doon, kinuha ko ang remote ng T.V. at binuksan iyon. Naalala ko bigla na wala palang antenna ang telebisyon na ito at tanging mga cd's at 'yung mga nakasave lang sa hard drive ang pwede kong mapanood.
"Ayeng," narinig kong mahinang usal ni Ash sa akin malapit sa kaliwa kong tainga.
Nilingon ko siya, lumapit ito sa akin at tila may kailangan.
"May dare sa akin si Tyron," tinuro niya 'yung bansot na nasa likod, nakangisi. "Dinare niya akong basahin si Sofia," ikinaskas nito ang dalawa niyang palad bilang pagmamakaawa. "Pwede bang tulungan mo kong hanapin siya sa library ni Ethan? Please...." namimilog ang mga mata nitong pakiusap.
Hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko dahil alam ko kung gaano kaimportante si Sofia kay Ethan, nobya niya kaya 'yon. Bakit hindi na lang siya magpaalam sa kaibigan niya? Okay, gets ko na, wala pang nakakabasa kay Sofia kahit isa sa kanila kaya iyon ang ginawang dare ni bansot. Sutil pa naman 'yung mokong na 'to.
"Ayoko," saad ko na biglang ikinabagsak ng balikat ni Ash.
Ayaw ko nga madamay sa mga kalokohan ng bansot na 'yan, 'di na ako uulit sa mga patibong niya, huling beses na 'yung volleyball game. Ako na nga ang ninakawan ng b*a at panty tapos ako pa ang may parusa kapag natalo. Hindi na ako kakagat, sa mga pamunti niyang palaro na siya lang naman ang makikinabang.
"Ayeng, please... makulit ito si Ash, baka mamaya galawin niya 'yung mga music instrument doon sa Music Room, ayokong may masira siyang mga gamit doon. Pumayag ka na, please.." naparolyo na lang ako ng aking mga mata.
Totoo naman na makulit talaga ang lalaking ito, pero hindi naman na siya bata, no? Disi sais anyos na kaya 'yan, dalawang taon lang naman ang agwat namin ng mga kuya niya sa loob. Feeling baby 'yung Tyron na 'to, demonyito naman.
"Basahin lang ah, okay na kahit isang word, basta mabuklat lang 'yung mga pages. Ako ang hahawak kay Sofia at baka kunin pa ng demonyong lalaki na 'yan," Natuwa si Ash sa mga narinig niya mula sa akin. Napayakap pa ito.
Bahagyang nagulat pa ako sa ginawa niya, napaka-sweet naman ng person, mabuti na lang mabango siya. Sabagay, lahat naman sila mabango maliban kay sanggano na laging amoy yosi. Cute din talaga itong ngumiti si Ash, siya 'yung may pinakanatural na ngiti sa kanilang lahat.
Kabado na akong naglakad papasok ng library, nasa likod si Ash at Tyron, hindi ko alam kung tama ba itong desisyon na ginawa ko. Parang gusto ko na tuloy bawiin 'yung mga sinabi ko, pero nandito na kami sa loob at naglalakad na sa mala-maze na library.
Napakamot pa ako ng ulo at nilingon si Ash, nakalimutan ko kung saan banda itinago ni Ethan si Sofia, hindi ko na talaga maalala. Huminto ako sa paglalakad kaya agad naman nagtaka ang dalawa kung bakit, napakamot ako sa kaliwa kong pisngi gamit ng hintuturo ko.
"Sorry, Ash.. nakalimutan ko kung saan itinago ni Ethan si Sofia, eh."
To be continued...
Author's Note: Nagkasingaw ang lolo niyo, tatlong raw tuloy akong 'di nakapagupdate, dami kong singaw sa buong bibig, meron sa taas at baba ng bagang, makirot pa. Sana gumaling agad ako para makapagsulat ng tuloy-tuloy.
Please connect with me on my social media accounts:
IG: IamAftoktonia
FB: Aftoktonia Writes
#PowerofSeven
Gamitin lamang ang hashtag na ito para sa nagamit ng Twitter or X.
Keep reading at voting po kayo, samahan niyo na rin ng comments para happy si Author, di ba? hahaha.