Nanatili akong nakaupo sa waiting area ng hospital malapit mismo sa emergency department. Salisihan kong pinipisil ang magkabila kong kamay para tanggalin ang nerbiyos at takot na nararamdaman ko ng mga oras iyon.
Halos kalahating oras na rin simula ng ipasok ng mga nurse si nanay sa loob ng emergency room pero kahit isang nurse o doctor na lumalabas mula sa silid na iyon. Hindi ako mapakali hangga't hindi ko nalalaman na maayos ang kalagayan niya.
Napabalikwas ako ng tayo ng bigla ay marinig ko ang pagbukas ng pinto ng emergency room at nakita kong lumabas ang isang doctor na kakatanggal pa lang ng facemask na suot nito sa mukha. Agad akong tumayo para lapitan siya.
"Doc...a-ako po yun anak ng pasyente na nasa loob." Inunahan ko na siya sa pagsasalita.
"Okay..." malunay nitong sabi sa akin.
"Kumusta na po ang nanay ko?" Hindi ko mapalagay na tanong sa kanya habang inaayos nito ang salaming nakasuot sa mga mata nito.
"Stable na ang vital signs nya, but we need to conduct some laboratory test para malaman natin kung may nabali bang buto sa katawan niya especially sa ulo nya na nabagok dahil sa aksidente." paliwanag nito sa akin.
Hindi agad ako nakasagot ng sabihin nitong kailan pang ilaboratory at may mga gawing test sa nanay ko pagkatapos nitong maisugod sa hospital. Saan ako kukuha ng pera pambayad sa mga test na gagawin kay nanay kasama pa ang pambayad sa hospital? Nanghihina kong tanong sa sarili.
Yun perang dala namin ni nanay mula Pangasinan na natira sa abuloy ng tatay ay pambayad sana namin sa mahahanap kong bahay para pansamantalang tuluyan namin dito sa Maynila. Nanghihina akong muling tumingin sa doctor.
"D-doc...magkano po ang dapat naming ibayad dito sa hospital kasama ang mga test na gagawin nyo kay nanay?" Naglakas na ako ng loob na tanungin ito.
"It depends on the test na gagawin sa kanya plus the admittion fee nyo na kailangan nyong bayaran dito." Napangiwi na lang ako sa narinig mula rito. Kahit hindi nito eksaktong sinabi kung magkanu ang totoong babayaran naming mag-ina sa hospital na ito ay alam kong malaki iyon, at hindi ko alam ngayon kung saan kong kamay ng Diyos kukuhanin ang pambayad sa hospital bills namin.
"S-sige po doc... basta gumaling lang po si nanay," pinal kong sabi dito. Pera lang iyon at tiyak na magagawan ko ng paraan ang pambayad sa hospital bills ni nanay, ang mahalaga ay gumaling ito.
"Okay, it takes a few hours bago natin malaman ang result. Ililipat na lang namin siya sa isang regular room." balik na sagot naman nito sa akin. Napabuntonghininga na lang ako pagkatapos.
Ni wala man lang kaming kamag-anak na puwedeng hingian ng tulong dito sa Maynila, kahit man lang isang kaibigan ay wala. Bigla tuloy sinundot ng kunsensya ang puso ko dahil kung hindi ako nagpumilit na umalis ng Pangasinan ay hindi sana mapapahamak si. nanay.
Tanda ko pa kung paano tumanggi si nanay sa plano naming pag-alis. Wala naman akong ibang gustong mangyari kung hindi ang makatakas kami sa mag amang Baste at Tonyo na'yun. Ang mamuhay ng tahimik malayo sa mga ito. Pero iba ang nangyari.
Ang dapat kong gawin ngayon ay mag-isip ng bagay para masolusyunan ko ang mga problemang dinulot ng pagtakas namin ni nanay mula Pangasinan. Matatapos din ito, iyon na lang ang palaging kong isinisiksik sa utak ko sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaraanan namin sa buhay.
At doon ko biglang naisip ang lalakeng nakadisgrasya kay nanay. Ano na kaya ang lagay nito ngayon? Dapat ay managot ito sa batas dahil sa kasalanan nito. Hindi ako papayag na hindi ito makulong at pagdusahan ang nangyari kay nanay na kagagawan nito.
Katulad ng sinabi ng doctor na kinausap ko kanina ay inilipat na sa isang regular room si nanay pagkatapos itong iexamin.
Sinabi ng nurse na naglipat kay nanay na normal lang na wala pang malay ito dahil sa gamot na ininject dito. At ng nasa loob na ako ng kuwarto ay saglit kong pinagmasdan ang hapis na mukha ni nanay na dulot ng hirap na pinagdaanan namin sa buhay ng nasa Pangasinan pa kami.
Mahimbing itong natutulog at ramdam ko ang pagkahapo nito. Hinimas ko ang ulo nito na parang sa paraang iyon ay maiibsan ang bigat ng mga kalooban naming mag-ina. Gusto ko man sumuko ay hindi maaari. Para kay nanay ay mananatili akong matatag, iyon ang palagi kong sinasabi sa sarili ko.
Gamit ang papel at ballpen na nasa ibabaw ng isang maliit na side table ay gumawa ako ng isang sulat. Sinabi ko kay nanay na kailangan ko lang umalis saglit at babalik din ako agad sa lalong madaling panahon. Inilagay ko sa tabi nito ang sulat na ginawa ko ng sa ganun ay makita agad pagkagising nito.
Lumabas ako ng silid na iyon na buo ang desisyong hanapin ang lalakeng nakadisgrasya kay nanay. Magbabakasali akong nandito pa sa hospital ang lalakeng iyon, oh kaya ay pupunta ako sa pinakamalapit na istasyong ng pulis sa pinangyarihan ng aksidente kanina para magsampa ng reklamo.
Tinungo ko ang information desk sa first-floor kung saan pupuwedeng magtanong ng mga silid ng mga naka admit sa hospital na'yun.
Mahigpit ang pagkakahawak ko sa sling ng bag habang nagmamartsa ako patungo sa information desk na may dalawang babaeng nurse na nakabantay.
Hinintay kong matapos kausapin ng mga ito ang isang lalakeng nagtanong din ng number ng room kaya hindi ko agad nakausap ang mga ito. Nang marinig kong nagpasalamat na ang lalakeng kausap ng mga ito ay ako naman ang lumapit sa mga ito.
"Miss...itatanong ko lang sana kung anong room naka admit yun lalakeng dinala dito kasama nun babaeng nabangga sa Cubao? D-doon nangyari yun aksidente." May pag-aalinlangan kong tanong sa mga ito. Nagdasal akong sana ay matulungan ako ng mga ito.
"Ano ba ang pangalan ng babae na sinasabi mong kasamang isinugod ng lalakeng hinahanap mo?" Balik na tanong ng isang nurse sa akin.
"L-lourdes...Lourdes Solis ang pangalan ng nanay ko." At ilang sandali nitong pinagbalik-balik ang paningin sa mga papel na hawak nito at saka nagsalita.
"Ah, yun nanay mo ba un nabunggo ni Sir Mattew?" gulat nitong balik na tanong sa akin ng isang nurse na naghanap ng impormasyon sa mula sa hawak nitong mga papel.
Mattew pala ang pangalan ng hudas na nakabunggo kay nanay, at ang pinagtaka ko pa ay kung bakit kilala ng mga nurse na ito ang lalakeng iyon?
"Hindi ko alam kung iyon ang pangalan niya pero kapag nakita ko siya ng harapan ay masisiguro ko kung siya nga ang nakaaksidente sa nanay ko." Sa huli ay sagot ko na lang sa kanya at muli kong binalikan ng tingin ang mga papel na hawak nito.
"Naku, sa dami ba naman kasi ng puwedeng makabunggo sa nanay mo ay si Sir Mattew pa talaga ang nakabiktima sa inyo?" Natatawang sabi ng isa pang nurse na kasama nito. Napailing na lang ito pagkatapos.
"Hindi ko kayo maintindihan miss, kailangan ko lang sanang malaman ang room number niya para makausap siya. Kailangan niyang panagutan ang ginawa niya sa nanay ko." Matapang kong sagot sa mga ito.
Nakita kong nagtinginan ang mga nurse na kausap ko pagkatapos kong sabihin ang mga bagay na iyon para bang may alam sila na hindi ko alam o dapat na malaman.
At dahil sa pangungulit ko ay ibinigay rin nila sa akin ang room number ng hinahanap kong tao. Kailangan ko itong makausap dahil ito na lamang ang pag-asa ko para makatulong sa amin ni nanay sa mga bayarin sa hospital.
Hinanap kong pilit ang room number kung saan eksaktong naka admit ang lalakeng nakabundol kay nanay at sa kabutihang palad ay nakita ko rin ito sa wakas.
Nagpalinga-linga muna ako sa paligid at tiningnan ko kung may taong nasa paligid at ng makita ko ang room number na hinahanap ko ay nagtaka pa ako.
May isang lalakeng nakabantay sa pinto ng kuwarto kung saan ako dapat pumunta at armado pa ito ng baril. Bigla na naman naman akong natakot pagdaka.
Bakit may bantay sa pinto? At saka ko unti-unting naalala kung saan ko nakita ang lalakeng malaki ang katawan na kasalukuyang nakabantay sa pinto ng kuwartong kakatukin ko sana.
Isa ito sa mga bodyguard na nakita kong nakasunod sa lalakeng nagpalaglag ng mga panga ng maraming babae kanina, at aminin ko man o hindi ay isa ako sa mga iyon.
Pero bakit? Bakit ito nasa labas ng pinto ng kuwarto ng taong dapat kong kausapin? Naguguluhan ako, pero kahit na may takot sa dibdib ay nilapitan ko ito.
Timikhim ako para malaman nitong gusto ko itong makausap.
"Ehemmmm." Napalingon ito agad sa gawi ko. "A-ahhhhh, kuya..." Hindi ko agad masabi ang pakay ko at kinakabahan ako.
"Bakit Miss? May problema ba?" tanong agad nitong sa akin na ikinangiwi ko naman.
"Kasi kuya...paano ba, bale kasi---"
"Sabihin muna miss ang sasabihin mo huwag ka ng magpaligoy-ligoy." Bigla na naman akong kinabahan ng marinig ko ang malaki nitong boses, at sunod kong nakita ang baril na nakasuksok sa bewang nito. Napalunok ako bigla sa takot.
"M-may gusto lang sana akong kausapin sa loob ng kuwarto na'yan kuya." Turo ko pa sa pinto ng kuwarto na binabantayan nito.
"Sinong kakausapin mo sa loob? Si Sir Mattew?" takang tanong muli nito sa akin. Napatango na lang ako sa harap nito.
"Pasensiya na Miss pero hindi mo siya puwedeng kausapin, mahigpit na bilin iyon sa amin ng kuya niya na si Sir Theo." Nangunot ang noo ko sa sinabi nito.
"Bawal? Bakit bawal ko siyang kausapin kuya? Importante na makausap ko siya kuya...please lang." Pakiusap ko sa lalakeng bantay.
"Hindi nga puwede Miss, ako ang mananagot kay Sir Theo kapag hinayaan kitang makausap ang kapatid niya."
"Kuya hindi mo kasi ako naiintindihan, yung sinasabi mong Mattew na nasa loob ng silid na yan ay ang taong nakabunggo sa nanay ko na ngayon ay wala pang malay dito rin sa hospital na'to. Kaya nakikiusap ako sayo na kung puwede lang ay hayaan muna akong makausap siya." Halatang nagulat ang bantay na lalake sa sinabi ko pero nanatili pa rin itong matigas ang paninindigan na hindi ako papasukin sa loob.
"Pasensiya ka na talaga miss, pero hindi talaga kita puwedeng payagan na pumasok sa loob. Kung gusto mo ay si Sir Theo na mismo ang kausapin mo para direkta niyang malaman ang sasabihin mo sa kapatid niya." Sa huli ay suhestiyon nito sa akin. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng kaunting pag-asa.
"Paano ko makakausap ang sinasabi mong Sir Theo na’yan, kuya?" At mula sa isinulat nitong address sa isang piraso ng papel ay nagdesisyon akong puntahan ang taong dapat kong makausap para makatulong kay nanay sa mga bayarin sa hospital.