DIAMANTINA’S POV
OH MY GEE! Grabe naman. Gutom na talaga ako. Sa halos limang oras na paglalakad naming ni Aston ay wala kaming makitang ibang tao na buhay o kahit mga bangkay man lang. Marahil ay naging abo na lang sila nang bumagsak ang napakalaking asteroid na iyon! This is just sooo… ano. Hay, pati ang English powers ko parang nawawala na nang unti-unti dahil sa hungerness na nararamdaman ko.
“Hoy, Aston, gutom na ako…” ungot ko sa kanya. “Wala ka bang alam na pwede nating kainan?”
“Ikaw lang ba?” asik niya sa akin. “Saka sa nangyari dito sa Earth, sa tingin mo ba ay makakahanap pa tayo ng pagkain? Malamang, mamamatay na tayo nito sa gutom!”
“Wow naman! Nakaka-positive naman iyang sinabi mo, Aston. Nakaka-encourage mabuhay!” sarkastikong sagot ko sabay simangot.
“Sinasabi ko lang ang totoo!”
My God! Ang init naman ng ulo nitong kasama ko. Gutom na nga rin siya. Obvious naman. Kaya iintindihin ko na lang kung bakit lalo siyang naging masungit. Pero saan naman kami kukuha ng makakain kung lahat ay winasak ng asteroid na iyon. Paano kami nito kakain at kanino kami hihingi ng tulong?
Leche naman kasing asteroid iyon. Sa dami ng planeta ay sa Earth pa talaga piniling bumagsak! Namatayan pa tuloy ako ng Tita Purisima. Siya na nga lang ang kamag-anak na meron ako, nawala pa. Masakit para sa akin at para kay Aston ang nangyayaring ito dahil parehas kaming namatayan ng mahal sa buhay ngunit we have to move on. Kailangan naming mag-survive at walang mangyayari kung magluluksa at iiyak nang iiyak lang kami.
Maya maya ay natigilan ako.
“Oh, my God!” eksaherado kong reaksyon na may kasama pang pagtakip ng palad sa aking bibig.
“Bakit na naman?” nakasimangot na tanong ni Aston sa akin.
“Aston, may naisip lang ako. Paano kung tayo na lang ang natitirang tao or buhay dito sa Earth? P-paano na tayo? I mean, we are the only that survive to the asteroid that falling down here!”
Mabilis na napailing si Aston na may kasama pang pandidiri. “Hindi pwede! Katapusan na iyon ng mundo kapag nangyari! Siguro naman ay may iba pang survivors bukod sa atin,” at mas binilisan pa niya ang paglalakad.
Siyempre, binilisan ko rin ang paglalakad para makasabay sa kanya. “Pero, nag-end na nga ang mundo, `di ba? At tayong dalawa na lang ang nakaligtas!”
“At talagang in-assume mo na agad na tayong dalawa na lang ang nabubuhay sa mundo, ha! Siguro, ang iniisip mo kapag ikaw na lang ang nag-iisang babae sa mundo ay papatulan na kita…” ngumisi si Aston. “Hindi iyon mangyayari. Mas gugustuhin ko pang pakasalan ang sarili ko kesa sa isang panget na babae!”
Wow naman! Diretsahan pala itong magsalita si Aston. Tagos sa puso ko. Oo na, panget na ako. Alam ko naman iyon. At sayang naman ang pagkagwapo niya dahil napaka mapanglait niya! Turn off na agad ako sa kanya. Hmp!
Sa sobrang inis ko ay dinuro-duro ko siya sa kanyang likod. “Ang kapal mo naman na sabihin na parang type kita, Aston. Oo na, gwapo ka na pero hindi sapat na dahilan iyon para magustuhan kita agad-agad! Kakakilala pa nga lang natin, eh. At saka, sino ba ang pumasok na lang bigla sa basement para makita ako? `Di ba, ikaw? Ibig sabihin, ikaw ang may pagnanasa sa akin at dine-deny mo lang iyon—“
“Pwede ba, Diamantina! Naipaliwanag ko na iyan sa iyo kanina. Ayoko ng paulit-ulit. Ang sakit na kasi sa ulo! Saka, tumahimik ka na para hindi ka agad nagugutom! At naniniwala ako na hindi lang tayo ang nakaligtas, meron pang iba. Ang kailangan lang nating gawin ay hanapin sila at nabubwisit na ako sa pagmumukha mo!”
Ako naman ang sumimangot. Gutom na nga ako tapos ganito pa ang kasama kong tao! Mas okay na sana kung mag-isa na lang ako. Kaya ko naman.
Naglakad pa kami nang naglakad hanggang sa may madaanan kaming isang sira-sirang mall. Haaay… Nakakaiyak naman talaga ang ginawa ng asteroid na iyon sa mundo. Well, basta ako, malakas ang paniniwala ko na kami na lang ni Aston ang natitirang tao dito sa Earth dahil nasisiguro ko na kami lang ang may matibay na aparador at basement sa buong mundo. Wala nang mas titibay doon.
Nagkasundo naman kami ni Aston na pasukin ang mall na iyon para humanap ng makakain. Nagbabaka-sakali lang naman kami. At nakakatuwa lang na napakaraming canned goods na nagkalat! Swerte pa rin naman kahit papaano.
“Ang daming de-lata, Aston! Makakakain na tayo! Yes! Mabubuhay pa tayo!” sabay yakap ko sa kanya.
“Pwede ba, Diamantina!” at marahas niyang inalis ang pagkakapulupot ng bisig ko sa leeg niya. “`Wag kang makayakap-yakap sa akin! Ikaw itong manyak at hindi ako!”
“Sorry, na-carried away lang ako… Grabe naman iyang reaksyon mo! Tara kain na tayo. Gutom na talaga ako, eh!”
Parang ngayon lang ako makakakain ng de-lata sa buong buhay ko nang isa-isa kong hawakan ang mga iyon. Wala akong pakialam kung nasa sahig sila at yupi-yupi na ang lata. Basta ang alam ko, isang masarap na pagkain ang nasa loob nila.
Lumapit sa akin si Aston na hawak ang isang lata ng sardinas. Ghaad! Parang ibibigay niya sa akin iyon, ha. Sweet din naman pala ang mokong…
“Diamantina…” tawag niya sa akin.
“Ane yen, Esten?” pabebe na tanong ko.
“Ngumanga ka nga. Gagamitin ko lang na pambukas ng de-lata `yang malalaki mong ngipin para may silbi naman!”
Napasimangot ako ng sobra sa sinabi niya. “Eh, kung ngipin mo kaya ang ipambukas ko diyan! Grabe ka talaga sa akin. Hindi ko na tuloy alam kong bakla ka o ikaw ang male version ni Vice Ganda! Kung laitin mo ako… severe! Nakakasakit ka na ng damdamin, alam mo ba iyon? Sana naman igalang mo ako dahil babae ako. Babae ako!”
“Eh, sa wala akong malait na iba kundi ikaw, eh.”
“Bakla ka nga siguro! Bakla! Bakla! Bakla!”
“Alam ko na iyan, Diamantina.”
“Anong alam mo na?”
“Iyang kaya tinatawag mo akong bakla. Tapos hahamunin mo ako na halikan ka para mapatunayan ko sa`yo na hindi ako bakla. Galawan mo rin, `no. Hahalik na lang ako sa tae kesa sa labi mo na daig pa ang nabagsakan ng asteroid.”
Teka, paano niya nalaman na hahamunin ko siya na i-kiss ako? Sayang naman! Naudlot pa. Kainesh!
“Ang kapal talaga ng mukha mo! Hambog ka! Yabang! Hambog-”
“Sino kayo?!”
Halos sabay kaming napalingon ni Aston sa pinanggalingan ng boses na iyon. Medyo napapitlag pa ako sa sobrang gulat dahil ang inaasahan ko ay walang tao sa lugar na ito.
Paglingon namin ay nakita namin ang dalawang lalaki na papalapit sa amin at halos literal na maglaway ako nang makita ko na tila naglalabanan sa pagwapuhan ang dalawang iyon.
Iyong isa ay medyo moreno at matangkad. Tapos kahit hindi siya ngumingiti ay nakalabas pa rin ang kanyang dimples. Kapansin-pansin din ang magandang hugis ng ilong nito. Habang iyong isa naman na mukhang mas bata ay maputi at matangkad din. At take note, chinito siya! Parehas silang nakasuot ng t-shirt at maong pants at rubber shoes.
“Sino sabi kayo, eh?!” ang chinito na lalaki pala ang nagsalita kanina.
“Ah, eh…” dahil sa hindi ko na alam ay sasabihin ko ay nagkadautal-utal na ako.
Mabuti na lang at sinalo agad ni Aston ang mga dapat kong sabihin. “Survivors din kami mula sa bumagsak na asteroid. Mabuti na lang at hindi lang pala kaming dalawa ng kasama ko ang buhay sa mundong ito,” ani Aston.
Imbyerna talaga itong si Aston. Pukpukin ko kaya ito ng de-lata sa ulo nang makaganti man lang ako sa panlalait niya sa akin. Hindi kasi ako makaganti sa kanya sa panlalait dahil wala akong malait pagdating sa pisikal na anyo niya. Aminado naman ako na gwapo talaga ang hitad na ito!
Well, tama naman talaga siya. Mabuti na lang talaga ay may iba pa palang survivors. At hindi lang basta-bastang surivors kundi mga gwapong survivors!
“Iyon din ang akala namin, eh. Ang akala namin ay kami na lang dalawa ang nabuhay from that asteroid,” sabi naman no`ng medyo moreno. “By the way, ako nga pala si Kiko at ito naman si Theo. Actually, hindi kami magkakilala talaga ni Theo. Nagkita lang din kami dito sa sirang mall. Parehas kaming naka-survive dahil nasa basement kami ng mall nang mangyari ang pagbagsak ng asteroid… We’re lucky na hindi kami namatay tulad ng ibang nasa basement nitong mall.”
“Ako naman si Aston. Nakaligtas naman kami ng kasama ko dahil nakapagtago kami sa aparador.”
“Aparador? Seriously?”
Tumango-tango si Aston. “Mahirap paniwalaan pero iyon ang totoo.”
“Ako naman si Diamantina… Nice to meet you Kiko at Theo…” sabi ko.
Siyempre, hindi naman ako papahuli sa pagpapa-charming sa dalawang pogi na nasa harapan ko. Pa-demure akong ngumiti sa kanila habang 100 miles per hour ang bilis ng pagkurap ng aking mata.
“Ah… may sakit ka ba, Diamantina?” tanong sa akin ni Theo.
“Ha? Wala naman. Bakit?”
“`Yong mata mo kasi. Parang ewan…”
“Pagpasensiyahan niyo na `yan…” sabat ni Aston. “Gutom na kasi iyan, eh. Saka ganyan talaga `yan kapag nakakakita ng lalaki—lumalabas ang pagiging malandi!”
Tiningnan ko nang masama si Aston sa sinabi niya. Aaminin ko na medyo nasaktan ako sa sinabi niya. Hindi pa nga kami close ay kung anu-ano na agad ang sinasabi niya sa akin. At saka, na-excite lang naman ako kanina sa kanya kaya panay ang panglalandi ko sa kanya ng slight. Ikaw ba naman, buong buhay mo ay nilalayuan ka ng mga lalaki, tapos sa isang iglap ay isang gwapong lalaki ang kumakausap sa`yo dahil wala naman siyang choice!
“Grabe ka naman sa akin, Aston! Ganyan ka naman, eh. Kapag may ibang tao pinapahiya mo ako!” naghihimutok na sabi ko sa kanya.
“Ano bang pinagsasabi mo diyan, Diamantina?”
Lumakad ako palayo. At nang makita kong lalapit siya sa akin ay sinigawan ko siya.
“`Wag kang lalapit!” May pait sa aking mukha.
“Bakit?”
“Uutot ako!”
Sabay-sabay na nagtakip ng mga ilong ang tatlong gwapong lalaki. Nang mailabas ko na ang masamang hangin ay binalikan ko na sila. Medyo nakasimangot pa si Aston. Kahit daw lumayo ako ay may pumitik pa rin sa ilong nito. Parang piningot-pingot daw ng hard ang ilong nila sa baho ng utot ko. Tindi daw ng pasabog ko. Daig pa ang asteroid! Aba, reklamo pa siya, eh, siya na nga lang itong nakikiamoy. Saka, walang laman ang tiyan ko kaya siguro ganoon kabaho ang hangin sa loob.
Ilang sandali pa nga ay nagsimula na kaming kumain. Mabuti na lang at always ready si chinito boy Theo at may dala siyang swiss knife. May naipang-bukas tuloy kami sa de-lata.
“Sa tingin niyo ba, may iba pang tao na nakaligtas bukod sa atin?” maya maya ay tanong ni Aston kina Theo at Kiko na busy sa kinakain na corned beef.
“Actually, kanina pa namin pinag-uusapan iyan ni Theo,” ani Kiko. “Malaki ang chance na tayo na nga lang talaga pero malaki rin ang chance na meron pang iba bukod sa atin. Masyadong malaki ang mundo para mag-conclude agad tayo na tayo na lang ang buhay. Pero kung tayo na nga lang talaga, we have to save the humanity!”
“Humanity? Tao ba siya na kailangang iligtas?” Hindi ko kasi alam ang word na iyon kaya tinanong ko. Medyo may pagka-English spokening kasi itong si Kiko. Kanina ko pa napapansin, eh.
Tumango si Theo. “Hindi iyon tao, Diamantina. Humanity… Kailangan nating magparami kung tayo na nga lang ang tao dito sa mundo.”
Ano daw? Hindi ko talaga sila maintindihan! Grabe na `to!