"Say cheese!" Malakas ang boses ni Gela habang hawak ang selfie stick. Napapagitnaan siya nina Irene at Amor. "Ngiti naman kayo, beshies! For the memory."
"Yes!" segunda naman ni Tin na naroon sa likuran ng tatlong dalaga. "For the memory itez! Five years na ang friendship natin." Ngiting-ngiti ito habang nakatingin sa camera ng cellphone na naroon sa dulo ng selfie stick.
Kahit malungkot ay ngumiti na rin si Amor. Limang taon na sila bilang magkakaibigan. Nakilala niya ang mga ito nang nagsisimula pa lang siya maghanap ng trabaho. At dahil may pagkakapareho ang kanilang ugali ay tumagal ang kanilang pagkakaibigan.
"One more pic," wika naman ni Irene. "Smile, Amor."
"Sure," tugon ni Amor. Ngumiti siya saka inilagay ang kabilang kamay sa baywang at nag-pose.
"Oh yeah!" Tumili si Tin. "Umawra na ang mala-model nating kaibigan. Love it, gurl!" Tukoy nito kay Amor.
Humagikhik na lang si Amor at naupong muli. Kinuha niya ang bote ng alak saka tumagay. Nahuhulaan na niya na mangungumbinse na naman ang bakla nilang kaibigan na sumali siya sa mga pageant o kaya ay maging ramp model.
"Ano, girl?" muling wika ni Tin kay Amor. "Sali ka na kasi sa beauty pageant. Ako ang bahala sa hair and make-up mo pati na dress. May makukuha akong sponsor. I am sure mananalo ka. You have a body to die for, a face that looks like an angel—"
"Stop it, Tin." Nagsandok ng sisig si Amor matapos uminom ng alak. Habang ngumunguya ay napatingin siya sa stage hindi kalayuan sa puwesto nila. "Over age na ako para sa beauty pageant, 'no. For your info, twenty six na ang edad ko." Alas dos na ng hapon at napansin niya na may nag-se-set up ng mga music instrument sa stage.
"Then, be a ramp model," sabat naman ni Irene na siyang susunod na tatagay. "I am sure na maraming designer ang kukuha sa 'yo. Agree ako kay baks. Ang ganda kaya ng katawan mo, di ba, Gela?"
Sumang-ayon si Gela at kumuha ng chips saka pinagmasdan si Amor. Nakasuot si Amor ng itim na two piece bikini at napapatungan iyon ng see-through na beach cover up kaya kitang-kita pa rin ang kaseksihan nito. "Yup! Kaya huwag na huwag mong sasayangin ang maganda mong katawan sa walang kuwentang lalaki. Ano siya? Sinusuwerte? Ang ganyang katawan ay dapat bilyonaryo ang nakikinabang."
Sumimangot si Amor. Hindi siya sang-ayon sa sinabi ng kaibigan. Hindi naman siya naghahanap ng bilyonaryo.
"Alam ninyo kung ano ang gusto ko sa isang lalaki." Uminom ng tubig si Amor. "Simple lang at mahal ako."
"At bakit nagkagusto ka kay Raf, aber?" sabat ni Tin. "Mayaman ang taong iyon at matapobre ang mga magulang."
"Nahulog ang loob ko sa kaniya," pagdadahilan ni Amor. "Kung alam ko lang na mayaman siya from the very start ay niligwak ko na siya."
"Mautak din ang g*go, e," bulalas naman ni Irene sa naiinis na boses. "Kinuha muna ang loob mo. Pinasagot ka muna at sinigurado na mahal na mahal mo siya bago niya inamin na maykaya ang pamilya niya. Ang galing din, ano? Parang you really have no choice kundi ituloy ang relasyon ninyo dahil ano pa nga ba? Mahal mo na, e."
"Okay naman iyon, besh," saad ni Gela kay Irene. "Pero ang problema talaga, e, hindi makuntento si Raf sa iisang babae. Biro mo, sila pa nitong kaibigan natin pero may kinakalantari ng iba." Umiling-iling ito. "Napaka-red flag niya talaga. It's a big no for me."
"Well, iisa lang naman ang ibig sabihin niyon." Seryoso ang boses ni Tin kaya napatingin dito ang tatlong dalaga. "Tingin ko naman, e, love na love naman ni Raf itong kaibigan natin. Pero alam n'yo kasi sa isang relasyon, e... You know." Humithit ito ng sigarilyo saka nagbuga ng usok. "I think kaya gano'n si Raf kasi hindi niya nakukuha ang gusto niya kay Amor."
"E, nakuha niya na nga ang puso ni Amor," inis na wika ni Irene. "Kaya hanggang ngayon, nagsisintemyento pa itong kaibigan natin."
"Yes, Irene! Nakuha niya ang puso ni Amor. Pero ang tanong nadala niya ba sa kama itong kaibigan natin?"
Napatingin sina Gela at Irene kay Amor. Parehas na nakakunot ang noo ng dalawa. Gusto nilang kumpirmahin kung may katotohanan ang pinagsasabi ni Tin.
"Tama ako, gurl?" patuloy ni Tin habang nakangiti. "Never pa kayong nag-s*x ng g*gong iyon? Hindi mo pa naisusuko ang Bataan?"
"Ang bastos ng bibig mo." Umirap si Amor saka unti-unting namumula ang pisngi.
"Bingo!" Malakas ang boses ni Irene dahilan para mapatingin sa gawi nila ang ilan sa mga tao na naroroon. "So totoo nga?" Namilog ang mga mata nito. "Never talaga? As in never?"
Siniko ni Gela si Irene. "No need to ask, besh. 'Yong pamumula ng mukha ni Amor ay sapat ng kasagutan sa tanong natin." Humagikhik pa ito.
"Buti nga sa g*gong iyon." Tumawa si Irene. "Sa apat na taong relasyon nila ni Amor ay hindi man lang nakatikim ang g*go."
Nakitawa na rin sina Tin at Gela kaya mas lalong pinamulahan ng mukha si Amor. Dali-dali siyang tumayo para pumunta ng ladies room. Naaasiwa siyang pag-usapan ang tungkol sa s*xlife niya.
Dumadami na ang mga tao sa lugar na iyon at kahit nahihilo na siya dahil sa nainom niyang alak ay maayos pa rin naman ang paglalakad niya. Hanggang sa hindi sinasadya ay may nasagi siya. At dahil nahihilo siya ay nawalan siya ng balanse.
"Oh my!" sambit niya dahil naramdaman niya na matutumba siya. Napapikit siya.
"Careful, lady," wika ng isang lalaki sa baritonong boses.
Kasabay ng pagkarinig ni Amor sa boses na iyon ay naramdaman niya sa kaniyang likod ang matigas na bisig dahilan para hindi siya bumagsak sa buhangin. Segundo lang ang dumaan ay naramdaman niya na pumulupot sa katawan niya ang isa pang bisig. Yakap na siya ng mga bisig na iyon subalit hindi naman niya maitulak ang kung sino mang nagmamay-ari niyon. Kasabay ng pagkapit niya sa batok ng taong tumulong sa kaniya ay siya namang pagmulat ng kaniyang mga mata.
Nakayuko ang lalaki at sinisikap na huwag siyang tuluyang bumagsak. Nakasuot ito ng sunglass kaya hindi makita ni Amor ang mga mata nito, subalit napansin niya ang matangos nitong ilong pati na ang mala-Bruce Wayne nitong panga. Nakangiti ito kaya namasdan niya ang maputi at pantay-pantay nitong mga ngipin.
Halos isang dangkal lang ang pagitan ng kanilang mga mukha at tila mas lalong inilalapit pa ng lalaking iyon ang sariling mukha kaya napapikit na lang si Amor. Alam niya na tinatamaan na siya ng nainom na alak pero maayos pa ang takbo ng utak niya. Amoy na amoy niya rin ang mabango at mainit-init na hininga ng lalaking tumulong sa kaniya.