Naabutan niya si Nanay Sela na inaayos ang kama sa kuwarto ni Arkin. "Hija, ang sabi ni Arkin ay masama ang pakiramdam mo at kailangan ng pahinga. Gusto mo ba ng gamot, anak?" Napakurap siya. Gamot? May gamot ba sa wasak na puso? Hays! Sana mayroon at ng hindi siya parang kinukutkut ng sakit at inis ngayon. Ngumiti siya sa matanda. Tila pakiramdam niya ay at home siya rito lalo na sa pagtrato nito sa kanya. "Okay lang ako, Nay. Napagod lang po siguro sa byahe. Tulog lang ho katapat nito," lumapit siya at umupo sa gilid ng kama. "Salamat po, Nay Sela." Umunat ng tayo si Nay Sela at hinaplos ang buhok niya. "O siya, iiwan na kita para makapagpahinga ka ng maaga. Kung may kailangan ka ay huwag ka mahiyang magsabi ha." Tumango siya at hinawakan ang braso nito. "Opo. Salamat po ulit, Nay."

