“WALA bang ibang katulong sa bahay niyo?” tanong ni Tiffany, bakas ang pagkairita sa mukha habang mabilis ang pagtipa sa keyboard. May tinatapos siyang mahalagang dokumento sa trabaho pero agad niyang sinagot ang tawag ni Reign. “Pasensya na kung judgmental pero hindi ko siya gusto. Itsura pa lang parang ‘di na gagawa ng tama.”
Napailing na lang si Reign dahil kahit siya, ito ang kutob kay Marie.
Hindi lang silang dalawa ang nasa video call, kasali rin sina Bobbie at Quinn. Sila lang ang available nang tumawag si Reign pag-alis ni Marie para mamalengke.
Magkasama muna nilang inihatid ang kambal noong umaga dahil bukod sa hindi pa kumportable si Reign, ayaw ni Sky pumasok kung si Marie lang ang kasama. Hindi naman na ito nakapagtataka dahil kung tutuusin ay ikalawang araw pa lang ni Marie sa bahay nila.
“Pero isang Linggo lang naman. Darating na rin ang nanay niya this Sunday,” balik ni Reign. Tumawag siya sa mga kaibigan dahil napapaisip siya kung tama ba ang desisyon niyang mag-hire ng katulong. Naramdaman niya lalo ang pag-aalinlangang ito nang makita si Marie imbes na si Aling Maria.
Tumingin si Tiffany sa front cam ng kanyang phone. “Kahit one-week lang ‘yan, marami pa ring pwedeng mangyari. Baka imbes na umayos ang pamilya niyo, lalo pang magkagulo.”
“Bakit nga ulit siya ang nagpunta imbes na si Aling Maria?” tanong naman ni Bobbie. Sa lahat, siya ang pinakamakakaunawa kay Reign. Mayroon kasi siyang katulong na kinuha para maalagaan ang kanilang anak habang pareho silang nasa trabaho ni Migz. At parang pamilya na nila ngayon ang kasambahay nila. Alam din niya ang sitwasyon nina Reign at Daxon – lalo na’t alam niya ang trauma ng kapatid.
“May sakit kasi ang nanay niya. Nasasayangan siguro sila sa kita kaya si Marie ang pinapunta imbes na ibang katulong,” tugon ni Reign kahit na maging siya ay nabigla sa ginawa ng mag-ina.
“Wait. So did Aling Maria told you about this?” balik pa ni Bobbie. Naningkit ang kanyang mga mata.
Umiling si Reign. “Si Marie na ang nagsabi pagdating niya.”
“So, paano ka nakakasiguradong junakis niya si Marie?” singit ni Quinn. “Aside sa pangalan nila ah.”
“Well, I confirmed this with my parents. Kinabahan din kasi ako pagdating niya kahapon. Sabi nila anak nga raw si Marie ni Aling Maria,” sagot ni Reign at nasundan agad ito ni Bobbie.
“I get it. Aling Maria is sick. They need money so Marie went instead of her. But I just find it so unprofessional that she didn’t reach out to you herself. I mean, it’s your right to choose whether you want to hire her daughter or not. Mukhang hindi rin niya sinabihan ang parents mo. Something’s fishy.”
Magkasunod na sumang-ayon sina Tiffany at Quinn sa sinabi ni Bobbie. Samantalang napabuntong-hininga naman si Reign.
“Pero tingin niyo ba tama lang ang desisyon kong kumuha ng katulong?” huling tanong ni Reign. Hanggang ngayon ay matindi pa rin ang guilt feeling niya dahil alam niyang ayaw ni Daxon ang ideya na may ibang tao sa kanilang bahay bukod sa kanila – lalo na ang ideya na may ibang mag-aalaga sa mga anak nila. Ngunit gusto sana niyang subukan kung uubra ang ganitong setup sa kanila. Para malaman niya kung pwede na siyang bumalik ulit sa trabaho.
“Para sa ‘kin, oo. Dapat nga umpisa pa lang kumuha na kayo ng kasambahay. Para sana hindi mo kinailangang iwan ang career mo.” Si Tiffany ang nagsalita na ngayon ay nakaharap na sa phone niya at umiinom ng kape. Sinundan naman siya ni Bobbie na tumayo na dahil kailangan nang mag-asikaso papasok sa tinuturuang klase.
“Same! Tingnan mo kami ni Migz. We’re both doing well in our careers. But of course, we still make sure to take care of our baby and our family. Hahanap lang talaga kayo ng perfect balance. Hindi madali pero nasa pag-uusap niyo naman ‘yan ni kuya.”
“Oh well, afford niyo naman mag-hire ng katulong. Kung wala lang akong trabaho, baka nag-apply na ‘ko!” Natawa ang lahat kay Quinn. Patapos na siya sa paglalagay ng makeup. Ginawa niya kasing livestream ang kanilang video call. “Kung kinakabahan ka kay Marie, bakit hindi ka na lang mag-hire ng Mario? Para si Papa Dax naman ang kabahan!”
Tawang-tawa si Reign kaya pinakalma muna niya ang sarili bago nagsalita. “Sige na nga. Thank you sa pagsagot sa tawag ko ah. Alam kong mga busy din kayo. Sige, baka dumating na si Marie. Mag-aayos lang din ako rito. Ingat kayo!”
At dito na nga natapos ang kanilang video call. Huminga ng malalim si Reign. Napaisip siya kung paano sasabihin kay Marie na hihintayin na lang nila ang pagdating ng nanay nito at pwede na itong bumalik sa Batangas.
Naputol ang pag-iisip niya nang marinig ang pagbukas ng pinto. Bumalik na si Marie galing palengke. Sinalubong naman siya ni Reign at tinulungang magbitbit ng mga pinamili papuntang kusina. Bahagyang sinilip ni Reign ang mga pinamili nito para malaman kung nabili ba lahat ng kanyang mga sinabi. At sa unang tingin ay mukhang kumpleto naman.
“Thank you, Marie! ‘Yung resibo pala nito?” tanong ni Reign.
Nanlaki ang mga mata ni Marie. “Ay isinali ko po sa contest! Ang haba kasi nung resibo kaya binigyan ako ng stub kanina sa grocery kapalit ng resibo. Sorry po!”
Bumilog ang bibig ni Reign. Pinaalala niya sa sariling hindi naman siya nagbilin dito na kailangan niya ‘yong resibo. Ginawa niya ito para lang maayos pa rin niyang mapakitunguhan si Marie.
“Ah okay. Next time, if ever may mga kailangang bilhin, make sure mo na lang na ibibigay mo sa ‘kin ang resibo. Mino-monitor ko kasi ang expenses namin sa bahay,” paliwanag ni Reign at humingi pa ulit ng tawad si Marie. Para bang naiiyak sa pagsisisi.
“Sige po. Pero kailangan niyo pa po talagang gawin ‘yon? Marami naman kayong pera. Bakit mino-monitor niyo pa?” medyo may pangingielam na tanong ni Marie.
Hindi nagustuhan ni Reign ang tono nito. Kaya imbes na patulan ang tanong na ito, sinimulan na lang niyang alisin sa plastic lahat ng mga pinamili para mapakita rito kung paano niya inaayos ang ref.
“May binili ka ba para sa sarilli mo? Malapit ka na sa mall at ibang stores ah,” tanong ni Reign para pagaanin ang atmosphere sa pagitan nila.
“Ah wala po—” pagyuko ni Marie para tulungan si Reign sa ref, may nalaglag at gumulong sa sahig. Mabilis naman niya itong napulot pero nakita pa rin ni Reign.
“Binili mo?” tanong tuloy ni Reign. Wala namang kaso kung bumili si Marie ng kahit anong gusto niya. Pero nagsinungaling pa kasi siya noong tinanong. Tapos wala pa siyang mapakitang resibo. Mukhang wala ring natira sa perang binigay sa kanya.
“Ah opo. Para sa ‘yo po sana. Bagay po kasi ‘yung kulay sa labi mo,” sabi ni Marie sabay abot kay Reign ng lipstick na naka-sealed pa. Pulang-pula ang kulay nito kaya nag-alangan si Reign. Naisip din niyang baka idinahilan lang siya nito kahit para rito talaga ito.
“It’s yours. Keep it. Hindi ko naman kailangan mag makeup dahil lagi lang ako nasa bahay,” sabi na lang ni Reign at mukhang natuwa si Marie dahil mamahalin ang kanyang binili. Agad niya itong itinago sa loob ng kanyang bra! Mabuti na lang at wala ang mga anak niya, lalo na si Daxon, nang makita ang ginawa niya.
Tumikhim si Reign. Imbes na ma-highblood kay Marie ay nagsimula na lang muna silang mag-ayos ng ref.
***
Kanina pa tinitingnan ni Daxon ang card ng therapist na nirekomenda ni Bobbie sa kanya years ago. Pumunta rin kasi si Bobbie dito kaya subok niya at alam niyang epektibo.
Napapaisip si Daxon kung dapat na ba siyang pumunta rito ngayon para maayos niya ang sarili at pakikitungo sa pamilya.
Biglang bumukas ang pinto ng kanyang opisina. Pumasok ang sekretarya niya para mag-abot ng mga pipirmahan. Nilapag na lang muna niya ang card na hawak para asikasuhin ito.
“May meeting ba ako ngayong hapon?” tanong ni Daxon. Agad namang tiningnan ng sekretarya niya ang kanyang schedule.
“Ah mayroon po sana, Sir. Pero kakatanggap ko lang ng email na pinapa-move bukas ‘yung meeting this afternoon.”
Tumango naman si Daxon. Nang matapos sa pinapipirmahan ay naiwan siyang mag-isa uli. Binalikan niya ang card sa lamesa. At pagkatapos itong titigan ng ilang minuto, nagdesisyon siyang tawagan ang numerong nakasulat dito para magpa-schedule ng hapon ding ‘yon.
***
“Ibig sabihin ba wala kang ibang kakilala rito sa Maynila bukod sa ‘min?” pagkumpirma ni Reign kay Marie. Nagluluto kasi sila ng hapunan. Samantalang abala naman sa paglalaro ang kambal sa kanilang kwarto. Hinihintay na lang nila ngayon ang pag-uwi ni Daxon.
Umiling si Marie bago nakangiting sumagot. “Buong buhay ko po sa Batangas lang talaga ako. Kaya wala akong kakilala rito.”
Tumango-tango si Reign; naalala niya bigla ang sarili kay Marie. “Buti malakas ang loob mo?”
“Iyon po talaga ang isa sa mga puhunan sa trabaho namin.”
“Gaano katagal ka na nga ulit sa bahay?” tanong pa ni Reign. Kahit papaano ay gusto pa rin niyang makilala si Marie. Umaasa siyang magbabago pa ang tingin niya rito sa sariling paraan.
“Ah buwan pa lang po. Pero mas gusto ko po sana talaga rito.”
“Bakit gusto mo rito? Hind ba okay ang bigay sa bahay?” Humalakhak si Reign sa ideyang kuripot ang mga magulang niya.
“Favorite ko po ang mga bata. Tapos mukhang mababait kayo kapag nasa mansyon."
Pakiramdam ni Reign ay mababaw lang ang mga sagot na binibigay ni Marie sa kanya. Magsasalita pa sana siya nang tumunog ang pinto. Tumayo na siya para masayang salubungin ang asawa.
“Welcome home! Maaga ka yata ngayon?” bungad ni Reign sabay yakap at halik sa labi ni Daxon.
Tipid namang ngumiti si Daxon. Magsasalita na sana siya pagdating nila sa sala nang makita niya sa likuran ni Reign ang pagtaas ng apoy galing sa lutuan! Napatayo at napalapit siya rito para agad na maapula ang apoy bago pa magkasunog sa bahay.
Imbes na apoy, sa iba napunta ang atensyon ni Reign. Napansin niya kasi na imbes na tumabi habang may ginagawa si Daxon sa kusina, talagang harap-harapang nakabuntot si Marie dito. Panay ang hingi ng tawad kahit wala namang maitutulong.
“Mommy?” Napalingon si Reign kay Sky na unang lumabas ng kwarto. Bumaba siya para salubungin at yakapin ito. “Why is daddy with her?” tanong pa nito sabay turo sa kusina.
“Ah, baby. Daddy’s just taking care of the fire. Don’t worry,” sabi ni Reign kahit na may iba siyang kutob kay Marie. She’s been there, and she’s afraid of history repeating itself.