“Okay ka lang ba, hija?” tanong sa kanya ni Mang Damian. Nakatingin ito sa kanya mula sa may rear view mirror ng taxi. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito.
Tila naman siya natauhan nang marinig ang boses ng matanda. Tumunghay siya para makita ang mukha nito. Hindi niya gaanong maaninaw ang mukha nito dahil sa luhang tumakip sa kanyang mga mata. Pinahid niya iyon at tipid na ngumiti.
“O-okay lang po ako. Umuwi na po tayo.”
Pinilit niyang magpakatatag kahit na pakiramdam niya ay bigla siyang nanghina. Tatlong taon na mula nang makatakas siya mula sa poder ni Don Guillermo pero hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa isip niya ang mukha nito at ang mga bagay na ginawa nito sa kanya. Hindi na niya napigilan ang sarili na umiyak at mahabag sa sarili kapag naaalala ang nakaraan.
Akala niya sa paglipas ng panahon ay naging manhid na siya pero kapag sumasagi pa rin sa isip niya ang kanyang madilim na nakaraan, nagiging mahina pa rin siya. Umiiyak pa rin siya at nakakaramdam ng matinding takot. Nangangamba siya na baka magkita ulit sila ni Don Guillermo at sa pagkakataong iyon ay bawian na siya ng buhay nito o dili kaya ay ibalik sa impyernong buhay na tinakasan niya.
Hindi naman muling nagtanong ang matanda at pinaandar na lamang ang taxi at inihatid siya sa apartment niya. Hindi na siya nakapagpaalam sa matanda. Basta na lamang siyang bumaba at tila wala sa sarili na pumasok sa loob ng apartment. Nanghihina siyang umupo sa gilid ng kama.
Malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan.
“Okay ka lang ba?”
Muntik na siyang mapatalon sa gulat nang may magsalita sa kanyang likuran. Nasapo niya ang kanyang dibdib at tumingin sa nagsalita.
“Gavin?” nagtatakang tanong niya. Hindi niya inaasahan na nakabalik na ito galing sa kung saan man ito nagpunta.
“Oh, para kang nakakita ng multo,” sambit pa nito.
“Nakakagulat ka na naman kasi e!” Hinampas niya ang braso ni Gavin. Tumawa naman ito.
“Grabe ka magulat. Para kang aatakihin sa puso,” biro nito.
“Kasalanan mo kapag namatay ako,” inis niyang sabi sabay irap.
“Patay agad? Hindi ba puwedeng hospital muna?” biro ulit nito.
Muli niyang hinampas ito sa braso at sinamaan ng tingin. “Wala kang pampaospital sa akin kapag inatake ako.”
“Who told you?”
“Naks. Spokening dollar ka pa rin kahit wala kang pera,” pang-iinsulto niya rito.
“Akala mo lang,” bulong nito.
“Anong sabi mo?” Nagsalubong ang kilay niya at pinakatitigan nito si Gavin. Nakapamewang pa ito.
“Wala. Sabi ko, pahinga ka na. Mukhang pagod na pagod ka.” Umiwas ito ng tingin sa kanya.
“Hindi naman iyon ang sinabi mo e.” Ngumuso siya. Alam niyang nagpapalusot na naman ito.
“Anong sinabi ko kung hindi iyon?”
“Hindi ko nga narinig e,” reklamo niya.
“Kung hindi mo narinig, ibig sabihin wala akong sinabi,” pilosopong sabi nito.
“Ewan ko sa’yo.” Inirapan niya ulit ito. Dumukot siya ng barya sa kanyang bulsa at inabot iyon kay Gavin. “Heto piso, maghanap ka ng kausap mo.”
Tumayo siya at nagpunta sa kusina. Kumuha ng tubig siya ng baso at nilagyan iyon ng tubig. Kinuha rin niya ang garapon na may lamang orange juice. Inilapag niya iyon sa lamesa at aktong magsasalin sa baso nang magsalita ulit si Gavin.
“Wala namang papayag na kausapin ako sa halagang ito.” Itinaas pa nito ang piso na hawak at inihagis pagkatapos ay sinalo.
“Problema ko ba iyon?” mataray niyang sagot saka itinuloy ang ginagawa.
“Saan ka nga pala nagpunta?” halos panabay na tanong nila sa isa’t isa. Nagkahiyaan tuloy sila.
“Nauna akong magtanong,” sabi na lang ni Zoey. “Kaya ikaw muna ang sumagot.”
“May inasikaso lang,” tipid na sagot ni Gavin.
“Anong inasikaso mo?”
“Hmmm… wala lang,” sabi nito sabay tawa.
“Kainis ka talagang kausap.” Inirapan niya ulit ito.
“Bakit? Sumasagot naman ako a,” pilosopong sagot niya.
“Ewan ko sa’yo!” Humaba ang nguso niya habang hinahalo pa rin ang juice sa kanyang baso.
“Ikaw naman ang sumagot sa tanong. Saan ka nagpunta?”
“Pakialam mo? Ikaw nga hindi mo sinasabi sa akin ang lakad mo e, bakit ko naman sasabihin sa iyo ang nilakad ko,” inis na sabi niya sa uminom ng juice.
“Bakit ang taray mo?” tila nang-aasar pang sabi nito.
“Bakit masama bang magtaray? Pamamahay ko ito at magtataray ako hanggang gusto ko. Kung ayaw mo sa pagtataray ko, makakaalis ka na,” pagtataboy niya rito.
“Aba, akala ko ba okay na tayo? Bakit pinapalayas mo ako?”
“Sinong may sabing okay tayo?” Nakataas ang kilay na sabi niya.
“Ikaw. Pumayag ka na sa proposal ko na magbabagong buhay ka na kasama ko, ‘di ba?”
“Kasama mo? Teka, nagka-amnesia yata ako. Wala akong matandaang ganoong usapan.”
“Lumabas ka lang ng bahay, may amnesia ka na?”
“Nakaka-amnesia kasi ang sikat ng araw. Bihira ko kasi iyon makita dahil sa uri ng trabaho ko,” sarkastikong sabi niya.
“Kung ganoon, magpaaraw ka pa para makalimutan mo lahat at makapag-move on ka na.”
Bigla siyang natahimik sa sinabi nito. Nasaktan siya sa sinabi nito. Sana ganoon lang kalimutan ang lahat.
“Oh, bakit naman natahimik ka?” pansin pa nito sa kanya.
“Sana nga may amnesia na lang ako,” seryosong sabi niya sabay buntong hininga.
Lumapit naman si Gavin sa kanya at iniangat ang ulo niya. “You can tell me anything that bothering you.”
Umiwas siya ng tingin dito saka muling bumuntong hininga. “Minsan mas okay kung sarilinin na lang ang problema kaysa mandamay ka pa.”
“Ako naman ang nag-aalok ng pakikiramay kaya okay lang kahit madamay ako.”
Tiningnan niya ito sa mga mata.
“Bakit nga ba dinadamay mo ang sarili mo sa buhay ko? Ano ba talagang gusto mo?” nagtatakang tanong niya.
“Wala lang,” kibit-balikat nitong tugon.
“Iyan ka na naman sa wala lang e. Alam mo, sa totoo lang namimisteryosohan ako sa’yo.”
“Sabi sa quote ni Stephen Hawking, “Women. They are a complete mystery.” I am not woman. Therefore, I am not mysterious as you think,” nakangising sabi nito.
Napa-roll eyes siya. Hindi niya alam kung may patutunguhan ba ang usapan nila ng binata. Pakiramdam niya wala siyang makukuhang matinong sagot mula dito lalo na kung ang itatanong niya ay tungkol sa buhay nito.
Hinawakan ni Gavin ang kanyang kamay at tinitigan siya sa mga mata. “The real mystery is this feeling I had on you. I really don’t know why I am too much concern about you.”
Hindi siya nakasagot. Nakatitig lang din siya sa mga mata ni Gavin at ninanamnam ang sinabi nito. Tila lumukso rin ang puso niya dahil sa sinabi nito. Tila may kuryente ring dumaloy sa kanyang mga kamay dahil sa paghawak nito.
Unti-unting lumapit ang labi ni Gavin sa kanyang labi at namalayan na lang niya na magkalapat na iyon. Pumikit siya para namnamin ang tamis ng halik na iyon. Bago ang pakiramdam na ito sa kanya. Ngayon lang siya nasiyahan sa labing humahalik sa kanya.
“Hoy, Zoey!” Malakas na hampas ang gumising sa kanyang diwa. Hindi niya namalayang natulala na pala siya at nangangarap ng gising. Hindi rin maalis ang ngiti sa kanyang labi mula nang umalis siya sa bahay kanina.
Kumurap-kurap siya at nakita niya sa harapan niya si Chelsea na ikinakaway pa ang mga palad sa kanyang mukha.
“Ano bang nangyari sa’yo?” nagtatakang tanong nito sa kanya.
Bigla siyang natigilan at nag-isip. Nanumbalik sa kanyang isip ang nangyari kanina. Saka lang niya naalala kung bakit siya umalis ng bahay kanina. Sa sobrang gulat niya sa naging halikan nilang iyon ni Gavin ay basta na lamang niyang iniwan ito. Wala naman siyang maisip na puntahan kundi si Chelsea.
“Hinalikan niya ako,” sambit niya sabay halumbaba sa mesa. Tila problemado siya sa nangyari.
“Ang O.A naman ng reaksiyon mo! Hindi na naman virgin iyang labi mo,” pilosopong sabi ni Chelsea sa kanya.
Sinamaan niya ito ng tingin. “Alam kong hindi na ako virgin pero hay ewan ko!”
Sinabunutan niya ang kanyang sarili. Naguguluhan siya sa kanyang nararamdaman. Halik lang naman talaga iyon pero para siyang sinilaban at hanggang ngayon ay nag-iinit pa rin ang kanyang pisngi. Para bang big deal na big deal iyon para sa kanya samantalang marami nang lalaking nagdaan sa kanya at nakahalik.
“Sino ba kasing humalik sa’yo?”
“Si Gavin.”
“Sinong Gavin?” kunot noong tanong nito.
“Ano ka ba? Si Gavin iyong sinasabi ko sa’yo kagabi na lover boy pero walang pera,” paalala niya rito.
“Ah, si Mr. Jameson! May pera naman iyon a. May pang-bid nga e.” Bigla nitong tinakipan ang bibig pagkabanggit ng mga salita. Nanlaki pa ang mga mata nitong tumingin kay Zoey. Para itong magnanakaw na nahuli sa sarili nitong bibig.
“Anong sabi mo?” nagsalubong ang kilay niya.
Sunod-sunod itong umiling. Hindi pa rin inaalis ang takip sa dibdib.
“Chelsea!” may halong pagbabanta sa boses niya. Pinanlakihan niya rin ito ng mata.
Dahan-dahang ibinaba ni Chelsea ang kamay at nakangiwing tumingin sa kanya. Kumamot pa ito sa ulo.
“Hindi ko puwedeng sabihin na si Gavin ang nag-bid sa’yo kagabi sa halagang 500,000. Patay ako nito, nasabi ko rin.” Kinagat nito ng mariin ang labi at inihilamos ang kamay sa mukha nito.
Saglit na natigilan si Zoey. Tila pino-proseso pa nito sa isip ang narinig mula sa kaibigan.
“Si Gavin ang nag-bid sa akin?” ulit niya. Sinisiguro niya kung tama ang narinig niya. Hindi kasi matanggap iyon ng isip niya.
Tumango si Chelsea. “Oo.”
“Saan naman siya kukuha ng ganoon kalaking halaga?” nagtatakang tanong niya. Kumibit balikat naman ulit ang kanyang kausap.
“Malay ko. Siguro kasi, hindi naman talaga siya mahirap,” konklusiyon nito.
“Imposible,” sambit niya na hindi makapaniwala. Hanggang ngayon ang paniwala niya ay mahirap lang ito at walang pera. Kaya paanong nag-bid ito sa kanya ng ganoon kalaking halaga?
“Bakit kaya hindi siya ang tanungin mo? Kasi sabi sa akin ni Aloha, natubos ka na rin daw ni Mr. Jameson sa halagang ten million,” sabi pa nito pagkatapos muling tinakipan ang bibig.
“Ano?” Lalong hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Halos manlaki ang singgit niyang mga mata. “Ten million?"
Sunod-sunod itong tumango. Siya naman ay sunod-sunod na napailing. Ayaw i-absorb ng kanyang utak ang nalamang katotohanan.
Sa itsura ni Gavin nang magkita sila ay hindi ito halatang ganoon kayaman o mas tamang sabihing isang milyunaryo. Bakit nanaisin nitong tumira sa apartment niya kung puwedeng-puwede naman pala itong tumira sa isang mansion o palasyo? Bakit isang tulad niya ang tutubusin nito kung puwede naman itong magpakasal kahit sa isang milyunaryong babae rin? Hindi talaga siya makapaniwala.
Titig na titig siya sa mukha ni Gavin habang kumakain siya. Kanina pa naglalaro ang mga katanungan sa kanyang isip pero ni hindi niya ito matanong. Hindi niya alam kung nahihiya siya dito o sadyang alam niyang magsisinungaling na naman ito.
“Makinis ang mukha, matangos ang ilong, mahaba ang pilik-mata, may kaputian at mapula ang medyo makapal na labi nito,” naisaloob niya. Natigil ang mga mata niya sa labi nito at napakagat-labi siya nang maalala ang matamis na halik nito. Parang nalalasahan pa niya ang labi nito sa kanyang labi.
“Oh, sobrang guwapo ko ba at sobra ka kung makatitig sa mukha ko?” pabirong sabi ni Gavin sa kanya.
Nag-roll eyes siya saka umiwas ng tingin. “Ang confident mo!”
“Kasi pogi ako,” biro ulit nito.
“Ewan ko sa’yo.” Inirapan niya ulit ito at nagpatuloy sa pagkain.
“Bakit ka nga pala nag-walk out kanina?” tanong nito sa kanya. Ang tinutukoy nito ay ang biglang pag-alis niya matapos siyang halikan nito sa labi.
“None of your business,” mataray niyang sagot.
“Naks. Spokening dollars ka na rin.” Tumawa ito nang bahagya.
“Paki mo! Mag-e-english ako kung kailan ko gusto.”
“Okay, sabi mo e.” Kumibit balikat lang ito at itinuloy na rin ang pagkain.
Pasimple pa rin niya itong sinusulyapan. Tiningnan niya ang mga kamay nito. Makinis rin at tila hindi sanay sa mabigat na trabaho. Nagtatanong pa rin ang kanyang isip kung totoo ba ang sinabi ni Chelsea sa kanya.
Nagdadalawang-isip siya kung dapat ba niyang tanungin pa ito. Bumuntong hininga siya bago muling nagsalita. Naisip niyang buhay niya ang pinapasok ng lalaking ito kaya dapat lang na malaman niya ang totoo sa pagkatao nito.
“May itatanong ako sa'yo.”
“Ano iyon?” Sinulyapan siya nito at hinintay ang sasabihin niya.
“Saan ka kumuha ng sampung milyong pantubos sa akin?” diretsahang tanong niya.
Napatigil ito sa pagsubo. Hindi agad ito nakasagot. Bakas ang pagkagulat sa mga mata nito.
“Kung gusto mong tumira kasama ko at baguhin ang buhay ko, dapat maging tapat ka sa akin. Pinakaayaw ko sa isang lalaki ay sinungaling,” seryosong sabi niya.
Tinitigan siya nito at bumuntong hininga. “I’m sorry.”
“Sabihin mo sa akin ang totoo, saan mo kinuha ang pera? Mayaman ka ba?” tanong pa niya na sinalubong ng mapanuring tingin ang binata. “Baka naman isa kang pusher na nagbebenta ng drugs?”
“Of course not!” mabilis na tanggi nito. “I mean, I am not selling drugs.”
“Kung ganoon, saan mo nga kinuha ang perang pinantubos mo sa akin?”
Muli itong natigilan bago sumagot. “If I say the truth, would you believe?”
Sandali rin siyang nag-isip. Kung nagsinungaling na ito sa kanya noon, dapat pa ba niya itong paniwalaan? Pinili niyang tumango.
“Basta, totoo lang ang sasabihin mo at walang halong kasinungalingan.”
Bumuntong hininga naman ito bago nagsalita.
“I’m a son of a billionaire and a drug lord.”
Napanganga siya. Hindi niya inaasahan ang ganoong sagot mula kay Gavin. “S-seryoso ka?”
“Sabi mo, maging tapat ako sa’yo ‘di ba? So, I’m telling you the truth."
"Hindi ako makapaniwala."
"Dahil mukha akong mahirap?"
Nahihiya siyang tumango. "Sa totoo lang, inisip ko lang naman na mahirap ka dahil doon sa laman ng wallet mo noong nakita kita sa kalsada."
Tumawa ito nang tipid. "Judgemental ka pala."
"Hindi naman, medyo lang." Natawa na rin siya sa sarili. "Siya nga pala, kung bilyunaryo ang tatay mo, bakit ka nagsusumiksik dito sa apartment ko?"
"Mas masayang tumira sa maliit na apartment kaysa sa malaking mansion."
"Dahil ba kasama mo ako?" biro niya rito.
Ngumiti ito. "Siguro. Kaya nga kita tinubos gamit ang pera ng ama ko."
"Paano ka nakakuha ng malaking halaga sa tatay mo kung sabi mo sa akin dati nagrerebelde ka?"
"I swallowed my pride. I just realized that money is so important to survive. Sabi mo nga, wala nang libre ngayon. Kailangan kitang tubusin at kailangan natin ng pera upang makapagsimula."
"Buti mabait ang ama mo at tinanggap ka niya ulit?"
Tumawa ito nang pagak. "Mabait? May mabait bang drug lord? He just accepted me because he knew that he will benefit me."
"Dahil ba drug lord ang ama mo kaya ka naglayas?" usisa pa niya.
"Naglayas ako sa amin dahil alam kong ganoon ang ama ko. Ayokong maging anak ng drug lord. At ayokong makasama ang taong dahilan ng pagkamatay ng mommy ko.”
“Patay na ang mommy mo?” bigla siyang nakaramdam ng simpatya sa binata.
Tumango naman ito.
“She died three years ago. My father said that she took suicide but I don’t believe him. I know there is a foul play and I want to know the mystery behind her death.” Bakas sa mga mata nito ang lungkot at galit. Nakakuyom pa ang mga kamao nito habang hawak-hawak ang kutsara sa kanang kamay.
Natahimik siya. Biglang pumasok sa isip niya ang nasaksihan niyang krimen, tatlong taon na rin ang nakakaraan. Hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na iyon dahil sa traumang naranasan niya bago at matapos ang pangyayaring iyon.