NANG MGA SUMUNOD na araw ay inabala nang husto ni Wilder ang sarili para hindi na niya gaanong isipin ang magiging kasal ni Cai sa darating na weekend. Hindi siya gaanong nagtatagumpay pero nagpupumilit pa rin siya. Sinusubukan niyang tanggapin na wala na siyang magagawa. Si Cai na mismo ang nagsabi na masaya na ito. Dapat ay hayaan na lang niyang maging masaya ang dating nobya. Hindi na nito kailangan ng kahit na ano mula sa kanya pagkatapos ng mga nagawa niya. Hangarin na lang niya ang kaligayahan na hindi mapapantayan. Kaligayahan na hindi niya naibigay. Nahihirapan pa rin siyang isipin na magpapakasal na si Cai sa ibang lalaki. Patuloy pa rin ang paulit-ulit na tanong sa kanyang isipan. Bakit ang bilis? Bakit agad-agad? Wala na siyang pakialam kahit na wala siyang karapatang magtanong

