INABUTAN ni Janna ng water bottle si Arion. Walang firetruck sa isla. Balde-brigade lang ang ginamit na panlaban sa apoy na nadatnang tumutupok sa bahagi ng center kung saan nandoon iyong kitchen. Pagkakita sa sunog ay nagkukumahog na nagbihis si Janna saka tumakbo na palabas ng kuwarto ni Arion. Ang makatulong sa pag-apula ng apoy ang tanging mahalaga sa kanya nang mga sandaling iyon. Hindi na niya namalayan na sumunod sa kanya ang lalaki.
Kasama nila itong lumaban para mapatay ang sunog. Mabuti na lang at napansin agad iyong nagsisimulang apoy kaya hindi pa iyon masyadong kumalat. Ganoon pa man, medyo nahirapan sila dahil sa kakulangan ng kagamitan.
Nang masigurong tupok na ang apoy ay sinimulan naman ang paglilinis sa parteng nasunog. Tulong-tulong ang mga kalalakihan sa paghahakot samantalang iyong mga babae naman ay sa pagliligpit. Nag-break sila nang maayos-ayos na ang paligid.
Nakaupo si Arion sa bangko. Halatang napagod ito. May dumi ito sa mukha, gulo-gulo ang buhok at pawisan pa. Kaya hindi maintindihan ni Janna kung bakit hindi pa rin niya mapigilan na masdan ito.
She saw him fight the flames along with her and the other members of the group. Kasing determinado nila ito sa paglaban sa apoy. May punto pa nga na ito na ang nagmando, sinasabi nito kung saan dapat ituon ang mas malakas na buga ng garden hose nila at kung saan naman puwedeng iyong mga baldeng tubig ang gamitin.
Hindi naman it obligadong makitulong sa paglilinis pagkatapos pero hindi sila iniwan nito. A complex man. That’s what she figured out. Isang lalaking parang gusto niyang alamin ang intricacies ng pagkatao. Sa madaling salita, isang lalaking gusto niyang mas makasama pa ng matagal para mas makilala niya.
Inabot ni Arion ang water bottle pero isinama nito ang kamay niya. Hinila siya nito palapit hanggang sa maiupo siya sa tabi nito. Noon lang ito uminom galing sa boteng iniabot niya rito.
“The damage is minimal,” anito habang tumitingin sa paligid. “Sa itsura pa lang ng kisame, I would think na electrical wiring ang dahilan ng sunog so dapat ding matignan iyong wiring nitong lugar.”
“Salamat sa pagtulong,” sabi niya.
“Wala iyon.” Lumagok ulit ito ng tubig saka inabot ang kamay niya. Wala naman itong ginawa kung hindi hawakan lang iyon sandali saka ito tumayo na para bumalik sa ginagawa.
Watching him walk away, Janna realized she is in grave danger...of losing her heart.
No, no, no. Hindi niya dapat hayaang mangyari iyon. Masakit ang masaktan. Masakit ang iwanan. Na naman. At kay Arion pa talaga siya mai-in-love? Sa lalaking ito na sa simula pa lang ay ang linaw-linaw na ng lahat sa kanila. s*x lang ang habol nito. He does not fall in love. Kaya kahit gusto niyang isipin na may kakaibang sinasabi ang ikinikilos nito kapag magkasama sila ay wala siyang puwedeng panghawakang matibay na basehan. Mas posible na guni-guni lang niya iyon.
Arion is simply in-lust with her. Hindi nakakapagtaka dahil ginawa niya ang lahat para maging pleasurable ang bawat encounter nila para sa misyon niya. Her game plan seems to be succeeding all so well. And if she’s lucky, everything would also turn out well. Huwag lang na madamay ang puso niya. Because if what he told her is true, he is the worst person she could pick to fall in love with. s*x nga lang daw kasi ang mahalaga rito.