CATHERINE’S POV
“TAY, okay na po ako dito sa Davao. Alam n’yo naman po na hindi kayang iwanan si Lola, eh,” paglalambing ko sa aking ama nang tawagan niya ako para pilitin na naman na bumalik na lang kami ni Lola sa Manila.
Bata pa lang ako noon nang malaman namin na ibang tao pala ang nakalakhang ama ko. I mean, bago pa man ako ipanganak, may amnesia na pala si Tatay Tristan. Natagpuan lang daw siya ni Lola. At dahil hindi na maalala ni Tatay kung sino ba talaga siya at ang pinanggalingan niya, kaya kinupkop na lang siya ni Lola at binigyan ng bagong katauhan. Kahit si Nanay, alam daw ang tungkol sa bagay na iyon. Dala-dala niya hanggang kamatayan ang takot na baka bigla na lang bumalik ang alaala ni Tatay Tristan at iwanan kami.
Mayaman pala ang pamilyang pinanggalingan ni Tatay Tristan sa Manila. At may girlfriend siya bago nawala ang memorya niya. At iyon si Tita Meryl na asawa niya ngayon. Mayaman din at mabait. Gustong gusto nga rin niya na doon na uli ako titira sa kanila. Nami-miss na rin daw kasi ako ng mga kapatid ko na anak nila ni Tatay Tristan. At wala naman sana iyong problema sa akin dahil kahit si Momma na mommy ni Tita Meryl ay napakabait din sa’kin, Nando’n din sa Manila ang kaibigan kong si Samantha.
Pero itong si Lola, hindi siya sanay mamuhay sa Maynila. Nagtiis lang siya ng ilang taon noon nang manirahan kami roon dahil gusto niyang makilala at makasama ko rin ang totoong pamiya ni Tatay Tristan.
Ngunit sa loob ng mga panahong iyon ay naging sakitin si Lola. Hindi raw talaga siya sanay sa magulo at ma-polusyong paligid. Sanay siya sa tahimik na buhay dito sa probinsiya. Gusto niyang umuwi rito kahit mag-isa lang siya. Dahil ayaw niyang mahiwalay ako kay Tatay Tristan. Pero hindi ko kayang pabayaan na mag-isa lang si Lola dahil wala naman na siyang ibang kasama rito sa bahay noon kundi kami ni Tatay. May mga kamag-anak siya pero ayaw nanang tumira dito sa bahay niya. At mas lalong ayaw ni Lola na makitira sa ibang bahay.
Kaya kahit malungkot man sa akin na maihiwalay ako kay Tatay Tristan, mas pinili ko bumalik na lamang dito sa Davao at samahan si Lola. Sanay na rin naman na ako na magkalayo kami palagi ni Tatay dahil sa klase ng trabaho niya. Dati siyang pulis hanggang sa nag-training at sinuwerteng makapasok sa INTERPOL. Simula raw nang mamatay ang aking ina, si Lola na ang nag-alaga sa akin kapag may trabaho ang aking ama.
“Ano kaya kung kumbinsehin mo na lang ang Lola mo na bumalik na kayo rito sa Manila, anak? Nag-aalala ako diyan sa sitwasyon n’yo, eh. Lalo na sa gabi. Ayaw mo namang pumayag na bigyan kita ng bodyguards o kaya ay security guard diyan sa bahay. Nineteen years old ka na, dalaga na. Siguradong marami na ang nagkaka-interes sa’yo na mga lalaki. Baka pag-isipan ka nang masama,” pangungumbinse pa ni Tatay mula sa kabilang linya. “Alam mo ang mangyayari kapag may nanakit kahit dulo man ng daliri mo, anak. Siguradong makakapatay si Tatay.”
“Ang OA mo, ‘Tay! Dulo lang naman pala ng daliri ko ang gagalawin, eh. Tapos papatayin n’yo agad?” natatawang sagot ko.
“Huwag mo gawing biro ang sinasabi ko, Catherine,” binanggit ni Tatay ang buong pangalan ko kaya alam kong seryoso siya. Kung hindi ‘anak’, ‘Cathy’ lang ang tawag niya sa akin. “Alam mo naman na sa panahon ngayon, ang hirap nang magtiwala. Kahit pa sa kakilala mo.”
“I know, Tay. Kaya n’yo nga ako tinuruan ng iba’t ibang klase ng martial arts, ‘di ba? Para saan pala ang mga awards ko bilang champion sa mga iyon kung hindi ko naman magagamit para protektahan ang sarili ko at si Lola? Kahit nga iyong baril na ibinigay n’yo sa’kin, alam na alam ko kung paano gamitin kahit tulog o nakapikit, eh,” pabulong na pagyayabang ko sa aking ama.
Hindi puwedeng malaman ni Lola na may baril sa bahay na ito at ako ang may-ari. Siguradong magagalit siya at nenerbiyusin na naman. Dati nga na si Tatay ang nandito, palaging kabado si Lola. Hindi naman daw talaga niya gusto ang pagpupulis noon ni Tatay pero sinuportahan na lang niya dahil iyon daw talaga ang gustong gusto ni Tatay Tristan.
Noon pa man ay kilala na si Tatay Tristan dito sa lugar namin, hindi lang sa pagiging magiting at matapat na alagad ng batass, kundi sa katapangan at pagiging sharp shooter niya. Kaya nga siguro hindi na siya nahirapang makapasok sa INTERPOL.
At dahil sa trabaho niya kaya bata pa lang ako, tinuruan na niya ako ng self-defense. Gusto ko naman iyon dahil bata pa lang din ako, gusto ko na sanang maging katulad ng aking ama. Pero masiyado kong mahal si Lola na ayokong palagi siyang ninenerbiyos kapag napapasabak sa labanan si Tatay tapos dadagdagan ko pa kaya napilitan akong kumuha ng kursong Information Technology dahil iyon ang gusto niya para sa akin. Ang dahilan ko, balang araw, puwede naman akong mag-training din sa INTERPOL dahil marunong naman na akong makipaglaban at humawak ng baril.
“At saka alam n’yo naman ho na hindi ko na talaga mapipilit pa si Lola na umalis dito. Lalo na ngayon na may bagong tanim siya na mga bulaklak. Umaga’t gabi nga niya dinidiligan dahil ayaw niyang malanta, eh. Ang iwanan pa kaya?” napapangiting sabi ko sa aking ama habang nakatingin ako kay lola na hawak na naman na hose at nagdidilig ng mga halaman.
Kahit dalawa na ang katulong namin dahil ipinagawa ni Tatay Tristan ang dati naming kubo at may sariling driver na rin ako, mas gusto pa rin ni Lola na siya ang nag-aasikaso sa bahay at sa akin.
“Okay, anak. Hindi talaga natin mapipilit iyang Lola mo na umalis diyan. At hindi rin kita mapipilit na iwanan siya kasi I know kung gaano mo siya kamahal.” Mayamaya ay pumayag na rin si Tatay.
“Galit po ba kayo sa’kin, Tatay?” malambing na tanong ko kapagkuwan. “Alam n’yo naman po na mahal na mahal ko rin kayo, ‘di ba? At gusto ko rin naman kayong makasama. Kayo nina Tita Meryl at mga kapatid ko. Pero naiintindihan n’yo naman po kung bakit hindi ko maiwan si Lola, ‘di ba?”
“Dahil hindi ka rin niya iniwan at pinabayaan noong namatay ang nanay mo at ako naman, busy sa trabaho para sa pagpapalaki sa’yo.” Hindi ko man nakikita pero alam kong napangiti si Tatay Tristan. “Kaya naiintindihan ko naman talaga kung bakit hindi mo maiwanan diyan ang lola mo, anak. Miss na miss lang talaga kita. Gusto sana kitang puntahan diyan pero maselan ang pagbubuntis ngayon ng Tita Meryl mo, eh.”
“It’s okay, Tatay. Kami na lang po ni Lola ang dadalaw diyan sa sembreak ko,” sabi ko. “Kumusta po pala si Tita Meryl? Okay lang po ba siya?”
“Okay lang naman siya. Iyon nga lang, medyo maselan nga ang pagbubuntis niya ngayon kaya nag-leave muna ako sa trabaho. Puro bed rest ang in-advise sa kaniya ng doctor niya.”
“Huwag na po kayong mag-alala, Tatay. Malakas at matapang naman si Tita Meryl, eh. Kayang-kaya niya po ‘yan.”
“Oo nga, anak. Parang ikaw. Malakas at matapang. At pareho rin kayong maganda.”
Napangiti ako. “Sus, si Tatay. Nambola pa. Paki-kumusta na lang po ako kay Tita, ha? At sa mga kapatid ko po. Mag-ingat po kayo palagi diyan.”
“Thank you, sweetie. Kayo din ng lola mo diyan. Mag-ingat kayo palagi. I love you, anak.”
“I love you din po, Tatay. Miss na miss ko na po kayo.”
“Miss na miss ko na rin kayo ng lola mo. Paki-kumusta mo na lang ako sa kaniya, ha?”
Mayamaya pa ay nagpaalam na ako kay Tatay dahil kailangan ko nang pumasok sa eskuwela.
“Lola, alis na po ako.” Nilapitan ko siya habang nagdidilig at saka humalik sa kaniyang pisngi. “Huwag ho kayong masiyadong magpakapagod, ha? Huwag n’yong agawan ng mga gawain ang mga katulong kung ayaw n’yo po na mawalan sila ng trabaho,” biro ko sa aking lola.
“Ikaw talagang bata ka.” Ngumiti siya sa akin at hinagkan din ako sa noo. “O, hala, sige na. Umalis na kayo at baka ma-late ka pa sa klase mo.” Kinawayan niya ang aming personal driver na ilabas na ang sasakyan.
Hinahatid lang namin ako sa pagpasok dahil sobrang hirap sumakay sa umaga. Sobra-sobra kasi ang pasahero. Pero kapag hapon naman, nagko-commute na lang ako. Sanay naman akong sumakay ng jeep kaya keri lang. Minsan naman, nagta-taxi na ako.
CATHERINE’S POV
SA sobrang pagmamadali ko kaya hindi na ako nakapag-CR bago ako umalis ng bahay. Dumiretso na lang agad ako sa ladies’ room nang makapasok ako sa campus. ‘Buti na lang at may twenty minutes pa bago mag-start ang first class ko.
Bago pa naman daw ang professor namin dahil naka-maternity leave ang totoong teacher ko sa subject na Multimedia Systems. Hindi ko pa naman gaanong bet ang subject na iyon dahil wala akong tiyaga sa pag-e-edit ng mga graphics, audio, video, at images. Pinipilit ko lang talaga na galingan para hindi ako bumagsak at mabigo sa akin sina Lola at Tatay.
Ihing-ihi na ako kaya halos takbuhin ko na ang papasok sa ladies’ room. Dahil sa pagmamadali ko kaya hindi ko na napansin ang lalaki na nagmamadali namang lumabas ng men’s room kaya naman nagkabungguan kaming dalawa. Muntik pa akong mawalan ng balanse. Akala ko babagsak ako kaya napapikit ako. ‘Buti na lang, maagap ang lalaki sa paghawak sa braso ko at hinila pabalik bago pa man ako bumagsak.
“I’m sorry,” halos sabay pa na sabi namin sa isa’t isa.
Napamulat naman ako dahil sa baritonong boses na iyon. Tamang-tama naman na tumuon agad ang mga mata ko sa lalaking nakabungguan ko. Umawang nang bahagya ang aking mga labi nang mapatitig ako sa kaniyang mukha.
Feeling ko, biglang tumigil ang lahat ng nakapaligid sa akin sa mga sandaling ito habang tinititigan ko ang lalaki na titig na titig din sa akin. Itim na itim ang buhok niya, makakapal pero perpektong hugis ng mga kilay, kulay-tsokolate ang mga mata, matangos na ilong… At higit sa lahat na nagpaakit sa akin ay ang mga labi niya na tila malalambot at masarap halikan. Sa tingin ko pa lang kasi, mukhang kissable na siya dahil natural ang pagkapula ng mga labi niya.
Ngunit ang hindi ko maintindihan, parang bigla akong natuyuan ng laway sa lalamunan ko habang pinagmamasdan ko ang lalaki na matiim din ang titig sa akin
Kumunot ang noo ko dahil parang ngayon ko lang nakita rito ang lalaking ito. O baka sobrang dami lang talaga ng mga estudyante rito kaya hindi siya familiar sa akin. Hindi kami naka-uniform today at naka-free style lang kaya hindi ko masabi kung anong course niya. Wala rin siyang suot na ID na magpapatunay kung ano ba talaga siya rito.
O baka naman professor siya rito? O kaya ay empleyado sa ibang departamento?
Hindi ko mahulaan kung ano ba talaga siya rito. Pero ang masasabi ko lang, kakaiba ang kaguwapuhang taglay niya. Ang dami ko nang nakilala at nakakasalamuhang guwapo, lalo na dito sa campus. Ngunit iba ang dating sa akin ng lalaking ito.
Kahit may edad na siya at sa tantiya ko ay nasa forty’s na siya. Siguro mas bata lang ng ilang taon kay Tatay Tristan. Gayon man ay hindi ko maikali ang malakas na karisma niya.
“Miss, are you okay? May masakit ba sa’yo? Kailangan ba kitang dalhin sa clinic?” sunod-sunod na tanong sa akin ng lalaki habang ang mga mukha ay hindi pa gaanong nalalayo sa isa’t isa.
At bago pa man ako makapagsalit, may dumating na isang grupo ng mga lalaking Freshmen at naghabulan sa likuran ng lalaki. Hindi sinasadya na naitulak siya ng isa. At eksakto na lumapat ang kaniyang mga labi sa labi ko.